Saknong 17
Dumapo ang isang malakas na sampal sa mukha ni Clemente. Namumulang hinawakan niya iyon kaakibat ng sugat sa kaniyang pisngi dahil sa daplis ng singsing ni Don.
Sinilid ni Don Felipe ang kaniyang espada at tumalikod sa amin saka umakyat sa kaniyang kwarto. Kasabay ng pagpasok ni Don ay ang malakas na pagkalabog ng pangunahing pinto.
"Jacinto!" Sigaw ko at akmang hahabulin siya sa labas ngunit pinigilan ako ni Clemente.
"Pabayaan mo siya. Magpanggap muna tayong magkasintahan sa harap ni ama." Natigil siya sa kaniyang sinambit at binitawan ako. "Ni Felipe. Pasensya na, iyon lamang ang naisip kong palusot upang hindi mapagalitan si Jacinto. Siya lamang ang pag-asa ng samahan 'pagkat pinagkakatiwalaan siya ni Felipe."
Ngumiti siya saka umalis na rin ng mansion. Tahimik na nagsibalikan sina Aling Conchita, Marisol at Sergio sa mga gawain. At doon nagbago ang pakikitungo ng bawat tao sa sambayanan lalo na rito sa mansion.
"Ayang, samahan mo akong bumili ng pan de sal." Ani ni Marisol. Tumango na lamang ako at sumama sa kaniya.
Tulala kaming naglalakad sa bangketa buhat na rin siguro ng nangyari kanina. Dumoble ang mga guardia at tahimik ang buong bayan. Maging ang palengke ay tahimik, tanging ang pag-abot ng pera at kaunting pagsasalita lamang ang naririnig.
"Mga binibini, hindi niyo ba kasama si Señorita Elena?" Hingal na usal ng binata.
"Diego, bagama't maganda ang iyong awitin, may kasintahan na siya. Lubayan mo na." Tama nga naman si Marisol. Kapag may kasintahan, lubayan na.
"Wala akong nakikitang problema na hangaan siya. Sinong hindi mahuhumaling sa ganda ni Señorita Elena?"
"Hindi ka ba masasaktan sa araw ng kasal niya?" Tanong ni Marisol. Oo nga naman, masakit makitang ikakasal na ang taong gusto mo.
Nawala ang ngiti ni Diego kaya nagsalita muli si Marisol. "Kung iyong mamarapatin mauna na kami ginoo, nagagalak kaming makilala ka."
Hinila na ako ni Marisol at nagpatuloy sa paglakad sa bangketa. "Uy, bakit mo 'yun sinabi kay Diego. Humahanga lang naman siya, sakit naman 'nun."
"Dapat siyang matauhan, mas masasaktan siya sa huli kapag hindi niya pinigilan ang nararamdaman niya." Tugon ni Marisol. Pati ako, hindi makapagsalita sa sinabi niya sa hindi malamang dahilan. Bakit parang natamaan ako sa sinabi niya? Wala pa naman akong crush ngayon.
'Di nagtagal, nalalanghap na namin ang mabangong amoy ng iba't ibang uri ng mga tinapay na siyang sandaliang nakakapagpapawi ng aming mga problema. Ang karatula sa panaderia ay nakaukit sa magandang disenyo ng puti at asul: Raul's Special Pan de Sal.
"Magandang umaga Mang Raul, yaong dati na po naming binibili."
Ngumiti si Mang Raul saka nagumpisang maglagay ng pan de sal sa bayong. Nakakapanibago ang pagiging tahimik niya. Dati ingles siya ng ingles subalit hindi na ngayon. Siguro ay natakot na rin sa mga guardia at kay Don Felipe.
Nang matapos niyang balutin ang Pan de Sal, binuksan niya ang pinto ng kaniyang tindahan at sumenyas na pumasok kami.
"Aking napansin na nagdurusa ang bayan, kailangan na nating kumilos. Kailangan ko na ring magseryoso."
Napayuko si Marisol at hinawakan akong mabuti. "Mang Raul, naroon po ba kayo noong nagpulong ang samahan."
"Oo kaya aking nararamdaman na malapit nang magdigmaan. Kayo ba'y naroon din?" Tumango si Marisol ngunit hindi ako umimik. Napansin nila iyon kaya nagsalita agad si Marisol upang hindi ako paghinalaan. "Hindi ho siya kasama sa samahan."
"Hija, harap-harapan na tayong minamalupit. Huwag ka nang magbulag-bulagan pa." huling sambit ni Mang Raul nang abutin niya sa amin ang bayong ng pandesal.
----
"Tonyo, uwi!" Sigaw ni Aling Conchita sa bata na ngayo'y nakahiga sa damuhan ng bakuran. "Pakisampay ito Ayang at sabihin kay Tonyo na umuwi."
Inabot sa akin ni Aling Conchita ang batyang may mga kumot at punda. Kinuha ko ang batya at naglakad palabas. Hindi pa rin ako makapaniwala sa nangyari kanina. Parang hindi natatakot si Don na madaplisan ang kaniyang mga anak ng espada.
Bumuntong hininga ako at nagpatuloy maglakad papunta sa sampayan kung saan naroon si Tonyo na nabibilad sa araw.
"Umuwi ka na baby, 'di na ako sanay ng wala ka. Mahirap ang--" Natigil ako ngunit natawa lang rin. Char lang 'yun, bawal palang kumanta. "Uy, Tonyo, uwi ka na raw."
Lumambot ang aking puso sa hagikhik ni Tonyo. Tumayo siya sa pagkakahiga at nagsimulang mag-abot sa akin ng mga punda. Ngayon ko lamang siya nakitang ngumiti buhat ng pag-iyak niya kahapon.
"Ilang taon ka na?" Tanong ko habang sinasampay ang kumot.
"Lima po Ate Ayang." Tugon niya at pinakita sa akin ang kaniyang limang daliri. 'Ate Ayang' ang sarap pakinggan at nakakatunaw ng puso. Sa labing walong taon kong pamamalagi sa mundo, dito ko lamang naramdamang maging isang ate.
Lumuhod ako sa kaniyang harapan at hinawi kaniyang buhok. "Ang cute mong bata ka, nakakagigil. Taba-taba ng pisngi mo tapos ang tangos ng ilong mo. May lahi ka ba?"
Nanatiling nakatayo si Tonyo, mga mata'y pinagmamasdan ang mga saranggola sa taas.
"Ano 'yan? Is it a bird? A plane? Char gusto mo gawa tayo ng saranggola?" Lumingon siya sa akin at mas lumawak ang kaniyang ngiti.
Bago pa man siya tumugon, nakarinig kami ng daing mula sa aking likuran. Pagkadungaw na pagkadungaw ko naroroon ang isang matandang babaeng marahang bumagsak sa sahig.
"A-aling Conchita" Tumakbo ako paparoon sa kaniya.
Gumapang ako papalapit at nanginginig na hinarap siya ngunit 'di lumagpas sa aking paningin ang papel kalakip ng palasong tumagos sa kaniyang likod. Kinuha ko ang papel na may bahid ng dugo at binasa.
Ako na lang ang iyong kantahan binibini.
Unti-unting lumiliyab ang puso ko ng galit, lungkot at takot. Halo-halong emosyon na hindi ko maunawaan. Kinusot ko ang papel at maluha-luhang tumingin sa paligid.
"Duwag! Lumabas ka riyan!"
Marahan kong tinagilid si Aling Conchita upang kunin ang kamay niya at suriin ang pulso ngunit wala akong maramdaman kahit katiting na pintig.
"Ayang." Napalingon ako kay Marisol na nabitawan ang baldeng dala niya at kay Sergio na nagulat sa mga nangyayari.
Napasalampak ako sa lupa nang marahas akong tinulak ni Marisol.
"Aling Conchita!" Walang tigil siyang humikbi sa dibdib ng matandang wala ng pintig habang dinuduyan sa kaniyang bisig.
Wala akong magawa kundi hinayaan ang pagtulo ng aking mga luha sa eksena nila na siyang nagpaguho ng aking puso. Sa limang taong paninilbihan ni Marisol tila naging malapit sila na parang mag-ina. Ganiyan na ganiyan ako noong namatay ang aking mga magulang. Naaalala ko lahat sa paghihinagpis ni Marisol.
----
Limang taong gulang pa lamang siya at hindi naapektuhan ng kamatayan. Isang maliit na inosenteng batang puno ng kagalakan ngunit lahat ng iyon ay magbabago sa kapighatiang ito.
"Bakit niyo po nililibing si inay? Hindi siya makakapagsilbi sa mansion kapag nandiyan siya sa baba! Itigil niyo po 'yan!" sigaw ni Tonyo.
Ang mga taong noon na nagkakasiya sa kubo ng samahan ay ngayo'y nasa kagubatan, saksi sa paglilibing ni Aling Conchita sa ilalim ng bilog na buwan. Ang kanilang mga mata'y may halong kalungkutan at kamuhian habang hawak ang kanilang mga kandila.
"Huwag!" Sigaw pa ni Tonyo habang mga luha'y tumutulo sa kaniyang mukha at hinihila ang mga damit ng apat na taong naglilibing sa kaniyang ina.
Sa hindi inaasahan, yumuko si Elena at niyakap ang bata. "Tonyo, matutulog siya. Huwag kang masyadong maingay, baka magambala ang tulog niya."
Niyakap niya pabalik si Elena at humikbi. Hinaplos niya ang buhok at likod ni Tonyo. Sa puntong iyon, hindi ko na mapigilang lumuha. Naalala ko 'yung mga kapalpakan ko sa mansion, siya ang nanenermon sa akin bilang pag-aalala at pagmamahal. Naalala ko rin ang unang araw ko sa aking trabaho. 'Di nagtagal, ang lahat na nagmamahal kay Aling Conchita ay umiyak na rin.
Tumakbo ako pabalik sa kubo habang pinupunas ang aking mga luha at kinuha ang gitara sa isang silid saka bumalik muli sa gubat kung saan nagaganap ang libing.
Naglakad ako papunta sa harap, malapit kina Tonyo. Masyadong mabigat sa dibdib makita si Tonyo na ganito. Iniwan na rin daw siya ng ama niya mula pagkasilang. Hindi rin daw nila alam kung sino pa ang ibang mga kamag-anak. Mahirap lamang sila at marahil ay nilupig na ang mga kaanak nito.
"Nais kong handugan ng awit si Aling Conchita at si Tonyo. Masyadong mabigat ang pasanin ng bata, Hindi man matagal ang pinagsamahan namin ni Aling Conchita, siya ang tumayong ina ko sa kahit maliit na panahon."
Sana'y di nagmaliw ang dati kong araw
Ng munti pang bata sa piling ni nanay
Nais kong maulit ang awit ni inang mahal
Awit ng pag-ibig habang ako'y nasa duyan
Sa malumanay kong boses na sinabayan ng malungkot na melodiya, humina ang paghikbi ni Tonyo. Dahan-dahan siyang humarap sakin. Mugto at namumulang mga mata na hindi ko nais makita.
Sa aking pagtulog na labis ang himbing
Ang bantay ko'y tala, ang tanod ko'y bituin
Sa piling ni nanay, langit ay buhay
Puso kong may dusa sabik sa ugoy ng duyan
Tila nawalan ng kibo ang kagubatan mula sa pagwawangis, pawang mga tahimik na luha na siyang umaagos sa mukha ng bawat tao ang naririnig. Mas lalong sumiklab ang puso nilang naghihiganti ng hustisya, isa na ang nawala sa kanilang kasamahan nawa'y hindi na madagdagan.
Nais kong matulog sa dating duyan ko, inay
Oh, inay
Lumapit si Tonyo sa akin at niyakap ang aking bewang nang matapos ko ang kanta. "Huwag ka pong umiyak Ate Ayang, natutulog lang po si inay." Luha niya habanag pilit na pinapasaya ako sa inosente niyang mga ngiti. Binigyan ko siya ng lungkot na ngiti at tumango bago makisali sa mga nakikiramay.
Hindi masyadong magara ang kabaong tulad ng karaniwan nating nakikita. Nakahiga lamang si Aling Conchita sa isang malapad na kahoy at tinakpan ng tela.
Unti-unting natatabunan ng lupa ang bangkay hanggang sa maging patag ito. Ang bawat isa ay nag-alay ng kandila sa ibabaw ng kinaroroonan ng kabaong.
Paalam Aling Conchita, hindi ka namin makakalimutan.
----
Malalim na ang gabi nang makabalik ako sa mansion. Nadatnan ko si Marisol na umiiyak sa bakuran.
"Kamusta? Hindi pa rin lumalabas si Don sa mansion. Pasensya na kung natulak kita kanina, dahil sa bugso ng damdamin." Maging siya ay namamga ang mata. Siya na ang nagsabingang maiiwan siya sa mansion dahil hindi niya ibig makakita ng paglilibing.
"Inaalagaan ng samahan si Tonyo." Tumango siya at nagsisimulang bumuhos ang kaniyang mga luha.
"Isa siya sa tinuring kong ina. Pangalawang ina. Siya ang naggabay sa akin mula sa unang araw ko sa mansion hanggang ngayon. Kahit lagi akong pumupunta sa kubo, pinagtatakpan niya ako mula kay Don Felipe. Siya ang nagdala sa akin sa samahan. Ngunit mas naaawa ako kay Tonyo. Balang araw, ipaghihiganti niya ang kaniyang ina at aking siyang susuportahan."|
Niyakap niya ako kaya tinapik ko ang kaniyang likod at hinayaan siyang maglabas ng saloobin. "Napakalupit pa ng huling araw niya rito sa mundo. Pati siya nadamay sa sermon ni Don dahil sa atin. Ayang, tayo'y maging matatag. Nawa'y mag-udyok ito sayo na sumapi sa aming samahan."
"M-marisol."
"Kung hindi ka pa handa, ayos lang. Pag-isipan mo itong mabuti, matagal na tayong nawawalan ng katarungan sa lahat ng aspeto ng buhay." Kumawala siya sa yakap at hinawakan ang aking balikat.
"Ika'y magbantay muna rito sa mansion. Uuwi ako sa amin upang ibalita iyon." Pagod na sambit niya. Hinayaan ko na siyang maglakad paalis ng mansion. Masyadong nakakapagod ang pangyayari upang magsalita. Dagdag pa ang kaniyang inalok.
Kamatayan. Hindi ko alam kung matatakot ako roon. Dumarami na ang nagbabanta ng aking buhay at hindi ko rin alam kung hanggang kailan ako magtatagal dito.
Sasapi man ako sa rebelde o hindi, mamatay pa rin ako ngunit kung ano ang pinakamadaling paraan upang makuha ang aking gitara, siyang tatahakin ko.
----
Bahagya akong nagising sa boses mula sa likuran. Nakatulog na pala ako rito sa duyan sa ilalim ng puno ng mangga.
"Ayang, sumama ka sa akin." Pumunta si Jacinto sa aking harapan at nilahad ang kaniyang kamay.
"Saan?"
"Sa simbahan"
"Omg, 'di ako ready magpakasal! Hoy, 'di ka pa nga nagpropropose sa akin. Ni hindi mo pa nga inamin may feelings ka pala sa akin. Taska wala pa akong gown. Ikaw ha, hindi ako marupok. Si Elena na lang isama mo sa simbahan."
Napahawak siya sa kaniyang sentido at kinuha ang aking pala-pulsuhan saka maingat na hinila ako papunta sa kabayo ng pamilya Montemayor.
"Hoy 'wag mo akong ginaganyan ha. Si Elena na lang, mahal mo siya 'diba? Siya na lang pakasalan mo."
Sumampat ulit kami roon parang noong isang gabing nakasakay kaming dalawa sa kabayo ngunit mas malapit kami sa isa't isa ngayon. Sobrang lapit sa puntong ramdam ko ang kaniyang dibdib sa aking likod dahilan upang matahimik ako.
Ang pagsakay sa kabayo ng gabing ito ay dalisay na hatid ng hatinggabi. Maraming bituin sa ilalim ng nagliliwanag na buwan.
Napapikit na lamang ako at dinama muli ang hangin na humahampas sa aking mukha. Pagod na ang aking mga mata kakaiyak kanina, oras na upang pagpahingain ito.
Ilang minuto na ang nakalipas, bumaba si Jacinto sa kabayo. Hinawakan niya ang aking bewang at binuhat pababa.
"Legit ba? Ayoko pang makasal. Masama itong ginagawa natin na lihim na ikakasal. Magagalit si Elena, ang mga Don at lahat ng mga tao." bulong ko.
Binuksan niya ang malaking pinto at patuloy na hinila ako.
"Gusto kita bilang kaibigan pero 'di pa ako handa sa ganito." Natigil siya sa paghila at nagtataka niya akong tinignan.
"Kaibigan?" Tanong niya kaya binitawan niya ako at umakyat sa hagdan patungo sa ikalawang palapag ng simbahan.
"Ay, biro lamang. Hindi pala tayo magkaibigan. Akala ko maglalakad ako sa pasilyo, bakit umaakyat tayo?"
"Biro?"
"Wala pabayaan mo na. Nabalitaan mo na ba ang nangyari kay Aling Conchita." Natigil siya sa paglalakad at napaharap sa akin
"Oo, kaya kita sinama rito."
Ay char lang pala 'yun, akala ko ikakasal na kami. Naglakad kami papunta sa pinakadulo ng masikip na pasilyo at binuksan ang isang silid.
Sinindihan niya ang gasera sa gilid saka inangat ito. Maraming mga banggerang naglalaman ng mga magagarang damit rito at ilang mga larawang sa aking palagay na ginagamit sa dulaan.
Ginalugod ko ang maliit na silid at tumingin-tingin ng mga kagamitan dito. Sa kabilang banda, may hinahalungkat si Jacinto sa isa sa mga banggera.
Naagaw ng aking pansin ang lalagyan ng isang instrumento sa ibabaw ng kaha. Hindi ganito ang lalagyan ng isang gitara. Dahil sa labis kong pag-uusisa, naglakad ako patungo roon at hinawakan ang lalagyan.
Lumingon muna ako kay Jacinto ngunit sa kasamaang-palad, matalim na itong nakatingin sa akin tila sinasabing huwag kong hawakan iyon. Dahan-dahan akong umatras saka ngumiti.
"Halika rito." Senyas niya.
Nilapag niya sa mesa ang dalawang tapyas na bato na minsan ko nang nakita sa isang silid ng kanilang mansion.
"May mga lumalaganap na haka-haka ukol sa nakasulat dito at kanilang pinaniniwalaan iyon ngunit kaunti lamang kami na nakakaalam. Mayroon na rin akong hula kung sino ang tinutukoy. Dalawang wika ang nakasulat sa bawat batong ito. Ang isa'y kastila at ang isa'y baybayin. Aking nauunawaan ang nakasulat sa kastila ngunit nais kong malaman ang nakasulat sa isang bato."
Kinuha ko sa kaniya ang isang bato at dahan-dahang binasa ang mga nakaukit doon.
Ang batis ay dumadaloy tulad ng oras at panahon,
palaging pasulong, palaging patungo sa kapalaran nito
Aatras lamang ang pagdaloy sa oras na
tinugtog ang melodiya ng mahiwagang gitara
https://youtu.be/YBvDpg_BUS4
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro