Saknong 16
Mabagal akong umikot paharap kina Marisol at Elena. Napakabagal hanggang sa makita kong kinakagat ni Marisol ang kaniyang mga kuko buhat ng pagkabalisa at pagkabahala.
Napalunok ako at muling hinimas ang likod ng batang humihikbi. Hindi pa rin ako makapaniwala. Sa Hunyo pa dapat siya babalik sa Pilipinas.
"S-si Don Felipe."
Sa pangalan pa lamang na iyon ay agad napaluhod si Elena sa sahig at napailing-iling. Mas ikinababahala ko sina Jacinto at Clemente. Hindi dahil sa anak sila ni Don Felipe kundi dahil si Jacinto ang pansamantalang taga-pangasiwa at si Clemente ang naka-isip ng ideya na ibalik ang musika pansamantala.
Nababagabag na kinuha ni Marisol sa akin ang bata at binuhat. "Ang lalaking ito na walang kamuwang-muwang ay ang anak ni Aling Conchita." sambit niya habang pinupunasan ang mga luha ng bata.
"Tahan na Tonyo. Ano ang iyong sakit noong nakaraan na mga linggo?" Pag-iiba ng usapin ni Marisol. Hindi umimik ang anak ni Aling Conchita at napahalukipkip sa balikat ni Marisol. Malungkot niya akong tinignan at niyakap ng mahigpit si Tonyo.
Nang makarinig ulit ng putok ng baril, biglang tumayo si Elena at hinila kami pababa. Halos lahat ng mga tao sa pansiteria ay nakadapa na rin upang makaiwas sa mga lihis na bala.
"Dakpin lahat ng mga tao rito sa sentro ng bayan!" Sigaw ni Don Felipe.
Tila natahimik ang buong bayan at pawang ang sigaw lamang ng Gobernadorcillo ang naririnig, pati na rin ang mga hakbang nga mga guardia civil.
Humarap ako panandalian kina Marisol at Elena saka sumilip sa maliit na butas ng bintana. Hindi ko na mahagilap ang Don ngunit nanlaki ang aking mga mata nang matanaw ang paparating na mga kawal dito sa pansiteria.
"Shet pumunta tayo sa likuran, magtago tayo. Nandyan na sila." Mabilis na bulong ko sa kanilang tatlo. Tumango sila at nagsimulang gumapang habang iniilagan ang mga lamesa't upuan na nakabalakid.
Malapit na kaming makarating sa palikuran nang niluwal ng pinto ng pansiteria ang anim na mga guardia. Napuno ang paligid ng mga sigawan ng mga tao sa marahas na paggapos at pagkaladkad sa kanila.
Binuksan na ni Elena ang banyo kaya mabilis ko silang tinulak doon para hindi kami mahuli. Maliit lamang ang espasyo sa banyo ngunit nagkasya kaming apat. Tinakpan naman ni Marisol ang bibig ng bata upang hindi makalikha ng anomang ingay.
Mahigpit kong hinawakan ang aking mga kamay sa harap ng aking tiyan at patuloy na hinihimas ang aking mga daliri, paloob at palabas ng aking kamao.
Tinignan ko si Elena na ngayo'y medyo kalmado lang. Ay oo nga pala, malabo na makulong siya dahil mayaman ang kanilang pamilya. Kung makulong man siya, mabilis lamang itong mapapalaya.
"Heneral, nagapos na namin ang mga tao rito."
"Suriin niyong mabuti ang bawat sulok pati sa palikuran. May mga nagtatago lamang riyan."
Nagkatinginan kaming tatlo at alam naming wala kaming takas sa mga guardia civil. Kumapit si Elena sa aming braso at hinila papalapit sa kaniya.
"Lalabas ako, tumakas kayo riyan sa bintana. Huwag kayong mag-alala, hindi nila ako maaaresto."
Napatango kami kay Elena. Hindi na namin siya tinanong pa dahil gahol na kami sa oras. Kinuha ko ang bata at naunang sumipat sa inidoro si Marisol saka lumabas ng bintana.
Inabot ko naman si Tonyo sa bintana at naramdaman kong kinuha siya ni Marisol. Sasapat na sana ako sa inidoro nang bahagyan bumukas ang pinto subalit hinarangan agad iyon ni Elena at tinulak ang pinto pasara.
"Sandali lang ho, ako'y mag-aayos muna ng sarili." Mahinhin na usal ni Elena at sinenyasan ako na umalis na.
Sasapat na sana ako sa bintana ngunit wala na sina Marisol doon at may mga gurdia civil na naglilibot sa bakuran ng pansiteria.
"Halughugin niyo pa ang pansiteria, naririto lamang ang babaeng may dala ng bata." usal ng Heneral na nakasakay ng kabayo.
Binaba ko na ang aking paa pabalik sa banyo at nilagay ang aking kamay sa harapan ng aking leeg upang iparating kay Elena na madadawit ako sa bakuran.
Hinawakan niya ang kaniyang saya ngunit natilapon siya nang malakas na nabuksan ang pinto. Agad akong nagtungo sa pinakasulok ng banyo sa likod ng pinto at tinakpan ang aking bibig. Paika-ika namang lumabas ng banyo si Elena at sinarado ang pinto.
"Pasensya na ho, kinakailangan kong gumamit ng banyo." Wika ni Elena. Ilang sandali, nakarinig ako ng mga yabag papalapit ngunit natigil muli nang magsalita siya. "Ako lamang ho ang tao riyan kung maari ay sabay-sabay na tayong magtungo palabas nang makausap ko ang aking ama."
Ilang minuto na ang nakalipas wala na akong naririnig na mga ingay rito sa pansiteria kundi ang mga daing ng mga taong nasa labas. Ang pagkaluskos ng mga likod ng mga kalalakihan sa mabatong lupa habang hinihila ng kabayong matulin kung tumakbo. Ang malakas na paghampas ng latigo sa likod ng mga lalaki, babae, bata at matanda na walang humpay sa pagnangis.
Wala akong magawa kundi ang umupo sa sahig at pakinggan ang mga tawag ng mga inaapi. Kamusta kaya sina Marisol at Tonyo? Si Elena, nawa'y nasa mabuti siyang kalagayan. Sina Jacinto at Clemente kaya?
Sumilip ulit ako sa bintana ngunit may mga guardia civil pa rin doon at hinahanap sina Marisol. Nag-umpisang mamasmado ang aking mga kamay sa dahan-dahan kong pagpihit sa hawakan ng pinto.
Tumambad sa akin ang mga sirang upuan at lamesa. Pati ang makakalat na mga kahoy sa paligid. Nagtungo ako sa kusina at binuksan ang bandeha upang makahanp ng mga maaaring sandata.
Sa lalagyan ng kubyertos, kumuha ako ng dalawang matalim ng kutsilyo. Nagpunit ako ng kaunting tela saka tinali ang kutsilo palibot sa aking hita. Ganito mga nakikita kong mga nasa movies. 'Yung kutsilyo nasa hita.
Bumalik ulit ako sa banyo at ang magagawa ko lamang ay maghintay.
----
Kalulubog pa lamang ng araw, sumilip ulit ako sa bintana. Dalawang guardi na lamang ang rumoronda malapit sa pansiteria. Matapos parusahan ang mga mamamayan, pinauwi ang iba. Ang iba naman ay dinakip. At ang ilan ay nabawian ng buhay dahil sa malupit na parusa at pagkalabit ng gatilyo ng baril.
Hindi ko alam kung saan na ako pupunta ngunit hindi pwedeng manatili ako rito. Ayoko rin bumalik ng mansion at ang kubo ng musika lamang ang naiisip kong puntahan.
Sumampat muli ako sa inidoro kumapit sa gilid ng bintana. Sa pagtupi ng aking binti, nararamdaman ko ang malamig na bakal ng patalim. Dahan-dahan kong inapak ang aking mga paa sa bakuran upang hindi makalikha ng ingay.
Tahimik na ang buong sambayanan dahil na rin sa takot na maparusahan ulit. Dineretso ko lang ang aking paglakad sa gilid ng kalsada papunta sa kubo. Karamihan pa ng mga nadadatnan kong bahay ay walang gasera.
Sa paghantong ko sa kagubatan, naging alerto ako sa aking kapaligiran. Minsan natatapilok ako kasi wala akong gaserang dala.
Nakarinig ako ng kaluskos sa aking gilid kaya agad akong lumingon sa pinanggalingan niyon. Lumabas mula sa mahamog na gubat ang lalaking naka salakot at naka suot ng pawang itim.
Mabilis kong tinaas ang aking saya at kinuha ang isang kutsilyo sa aking binti saka tinago ang aking kamay sa likod upang hindi niya makita.
"Naliligaw ka ba, binibini? Samahan na kita."
"Ah hindi na. Malapit na ako."
Humakbang pa papalapit ang estranghero na siya namang kinaatras ko. Masama ang pakiramdam ko sa lalaking ito.
"Sige na, samahan na kita."
May pinulot siyang bato at hinagis sa ere saka sinasalo. Paulit-ulit niya iyon ginawa hanggang sa sumilay ngisi sa kaniyang labi. Shet baka siya 'yung nagbato sa bintana ko. Lumapit pa siya sa akin hanggang isang metro ang aming pagitan.
"Samahan na kita sa impyerno." Nakakakilabot na sambit ng estranghero at hinugot ang palaso sa kaniyang likuran upang itutok sa akin ngunit agad akong yumuko at sinaksak ang kutsilyo sa kaniyang binti.
Iniwan kong dumadaing sa sakit ang estranghero at mabilis na tumakbo. Bawat hakbang na tinatahak ko ay may kaakibat na tunog mula sa aking bakya na siyag naglilikha ng ingay sa kagubatan. Kailangan ko na talagang makuha gitara ko kundi mamamatay na ako rito.
'Di kalaunan, nakarating na ako sa gilid ng batis at sinundan iyon hanggang sa makita ko ang tulay. Sa aking paghakbang, biglang may nagtakip ng tela sa aking bibig at pinatungan ako ng itim na talukbong.
Siniko at sinipa ko ang sinumang gumawa sa akin niyon subalit hindi gaano kalakas ang pwersa upang kumawala sa hawak niya. Hinigpitan niya ang paghawak sa akin at pinulupot ang kaniyang braso dahilan ng paghina ko.
Itataas ko na sana ang aking saya upang kunin ang kutsilyo nang bumulong siya.
"Si Jacinto ito. Sumama ka sa akin. Kanina ka pa sinusundan ng mga kalalakihang naka-salakot." Ani niya at tinaas ng kaunti ang talukbong upang makita ko siya at ang mga dinadaan.
Hinawakan niya ang pala-pulsuhan ko at hinila palabas ng kagubatan kung saan may isang kabayo. Hindi raw kami maaaring dumaan sa tulay 'pagkat susundan pa kami at mabubunyag ang tagpuan ng samahan.
Walang hirap niya akong binuhat pasakay na kabayo at sumunod naman siya. Ramdam ko sa aking likuran ang init ng kaniyang katawan laban sa lamig ng hamog. Dagdag pa ang mga braso niya sa aking gilid na nakahawak sa tali ng kabayo.
Hindi ko na alam kung paano ako mabubuhay sa panahon na ito kung hindi ko pa makukuha ang gitara ko. Una, may nambato sa bintana ko. Pangalawa, alam ni Ate Elmira. Pangatlo, may mga sumusunod sa akin. Kailangan ko na rin hanapin si Manong na pinagbilhan ko ng gitara. Imposibleng wala siya rito.
"Salamat nga pala, ano ginagawa mo roon sa gubat?" tanong ko sa kaniya habang deretsong nakatingin sa daan.
"Napadaan lamang. Hindi ko ibig bumalik sa mansion."
Masyadong malapit ang kaniyang bibig sa aking tainga kaya hindi ko maiwasang manginig. "Paano na? Nandito na si Don Felipe."
Hindi niya ako sinagot bagkus ay binilisan pa niyang magpatakbo ng kabayo at dumaan sa kabilang ruta upang makarating sa kubo.
Sa isang canto, bumaba na siya at inalalayan ako pababa. Tinali niya ang kabayo sa isang puno at tumingin sa akin saka naglakad paderetso. Masyadong malalaki ang kaniyang mga hakbang kaya binilisan ko pa maglakad hanggang sa makarating kami sa tapat ng kubo.
Tahimik. Ang dating bahay na napupuno ng musika ay nawala. Pumasok kami sa loob at tanging dalawang gasera lamang ang nakasindi. Sa pinakagitna ng bilugang mesa, nakaupo si Marisol, Clemente at tatlo pang samahan. Si Tonyo naman ay nakahiga sa kahoy na kama sa sulok.
Tumayo si Clemente mula sa pagkakaupo. Maging si Marisol ay agad na niyakap ako.
"Kanina pa kami nag-aalala sayo, lalo na si Señor Jacinto. Hinahanap ka niya kung saan-saan."
"Ay whe?" Tumingin ako kay Jacinto na ngayo'y nakikipag-usap kay Clemente. Napalingon din siya sa akin ngunit umiwas ng tingin. "Paano ka pala nakapunta rito? 'Diba hinahanap ka ng mga guardia?"
"Umakyat kami ng puno ng mangga ni Tonyo at nanatili roon hanggang mawala sila." ani ni Marisol. Grabe survival skills ng babaeng 'to. "Siya nga pala, kamusta si Elena?"
"Noong binuksan ng mga guardia ang banyo, sumama na si Elena. Mukha namang maayos lagay niya kasi mayaman naman siya." sagot ko at napatango naman siya.
"Tayo'y magpalipas ng gabi rito at bukas ng umaga ay bumalik sa mansion. Haharapin namin ni Jacinto ang kung anumang ipaparusa sa amin ni ama. Batid ko namang hindi naman ikamamatay iyon dahil anak niya kami. Hindi namin sasabihin ang iyong mga pangalan. Ipalusot niyo na lamang na nakitulog kayo kina Aling Conchita." suhestiyon ni Clemente.
Nauna nang pumaroon sa isang silid ang tatlong kasamahan na babae. Inalalayan na rin ako ni Marisol papunta sa silid habang akay-akay si Tonyo.
"Paano kayo? Saan kayo matutulog?" tanong ko bago pumasok.
"Dito na sa sahig. Ikaw ba'y nag-aalala sa akin binibini?" Panunukso muli ni Clemente. Bumabalik na naman siya sa pagkapilyo niya, bagay na ikinatutuwa ko dahil nitong mga nakaraan ay naging seryoso siya. "Biro lamang binibini. Matulog kayo ng mahimbing. Nawa'y paginipan mo ako Ayang."
"Nais mo bang mabangungot ako?" tanong ko pabalik kay Clemente. Tutuksuhin pa niya sana ako nang sumingit si Jacinto sa usapan.
"Ika'y matulog na."
----
Napapadalas na ang hindi ko pagtulog sa gabi. Maingat akong bumangon upang hindi gisingin ang mga katabi ko. Sa sahig kami natulog kasama ang ilang mga kababaihan. Para kaming sardinas na pinagdikit-dikit.
Pagbukas ko ng pinto ng aming silid, tumambad sa salas sina Clemente at Jacinto na mahimbing na natutulog sa lapag. Maingit ko rin binuksan ang pinto palabas at nagpahangin sa sofa na gawa sa kahoy.
Sadyang napakaganda ng kalangitan tuwing gabi tila isang awit para sa mga mata. Sa mga oras na ito, nararamdaman kong binibigyan ako ng himig ng mga tala. Pinikit ko ang aking mga mata at inawit ang kanta na kanina pa naglalaro sa aking isipan.
Ewan mo at ewan natin
Sinong may pakana
At bakit ba tumilapon ang spoliarium
Diyan sa paligid mo
Tila natamaan ako sa mga sumunod na liriko kaugnay ng aking nararanasan ngayon. Ang mga tanong na paulit-ulit sa aking isipin kada paggising sa umaga at pagtulog sa gabi.
At ngayon 'di pa rin alam
Kung ba't tayo nandito
Pwede bang itigil muna
Ang pag-ikot ng mundo
"Bakit mo nais itigil ang pag-ikot ng mundo?" Umupo si Jacinto sa aking tabi at tumingin sa langit.
"Gusto ko lang magpahinga sa lahat ng mga nangyayari."
"Hindi ka makakatakas sa realidad ng bukas kung patuloy mong iiwasan ang mga iyon ngayon." Nabaling ang tingin ko sa kaniya dahil sa mga kaniyang mga sinambit. Seryoso niya rin akong tinitigan.
Ang pagtitig ay ang tanging naging anyo ng komunikasyon namin sa katahimikan ng gabi hanggang sa kumawala ako ng buntong hininga at sumandal sa pader ng kubo habang itinaas ang aking mga binti palapit sa aking dibdib.
Ilang minutong walang nagsalita sa amin, naramdaman ko ang pagbigat ng talukip ng aking mga mata. Nawalan na rin ako ng lakas upang tumayo sa sobrang antok kaya niyakap ko pa ang aking mga binti saka sinandal ang aking ulo roon. At doon nagsimula ang pagtakas ko sa realidad.
----
"Gisingin ba natin sila?"
"Marahil isa lamang iyan sa mga babaeng nilalandi ni Ginoong Clemente."
"Baka naman si Ginoong Jacinto iyan."
Naalimpungatan ako sa mga usapan ng mga babaeng nakapalibot sa akin. Lumingon ako sa aking gilid at nakita ko si Jacinto na natutulog sa mga binti niyang nakatiklop malapit sa kaniyang dibdib. Nalilito pa rin ang mga dalaga kung si Clemente o Jacinto iyon.
Nahihiya akong pumagitna sa mga dalaga at pumasok sa loob ng kubo upang mag-almusal. Pasikat pa lamang ang araw.
"Magandang umaga, binibini. Heto, kapeng mainit." Alok ni Clemente.
"Wala 'tong lason?" Biro ko sa kaniya.
"Wala ka na bang tiwala sa akin binibini?" Busangot niya at napahawal pa sa kaniyang dibdib.
"Alam mo, para kang bata." Natawa kaming pareho. "Bakit ang saya mo ngayon? Ano meron?"
"Sinusulit ko lamang. Alam kong hindi na ako makakatawa mamaya." Ngiti niya at nagtimpla pa ng isang kape saka lumabas upang ibigay kay Jacinto. "Siya nga pala, babalik tayo ng mansion maya't maya. Maghanda ka na binibini."
----
"Putangina niyo! Putangina mo! Putang ina niyong lahat!" Sigaw ni Don Felipe at nilabas ang mahabang espada habang nanlilisik ang kaniyang mgamata. Nakapila kami nina Jacinto, Clemente, Marisol, Sergio, Aling Conchita at Tonyo dito sa salas.
"Ang gagaling niyong lahat. Mula sa mansion na ito hanggang sa plaza, lahat kayo nagkakasiya. Hindi niyo ba alam ang batas? Baka nakaligtaan niyong lahat. Mahigpit na pinagbabawal ang musika mga hayop!" Duro niya sa aming lahat.
Tinuro niya ang kaniyang espada kay Jacinto. "Ikaw. Bakit pinapahiya mo ako? Pinahiya mo ako kina Don Miguel tapos ngayon sa buong bayan? Punyeta!"
Nakayuko lamang kaming lahat maging si Jacinto habang bumubusalos sa galit si Don Felipe hanggang sa humakbang paharap si Clemente.
"Ama, ako ho nagtulak kay Jacinto ukol sa batas pasens--"
"Huwag mo akong matawag-tawag na 'ama.' Napakawalang kwenta mo. Puro ka bulakbol at pag kapilyo."
Sa pagkakataong ito, binaling niya ang espada kay Clemente na ngayo'y nakakuyom ang kaniyang mga kamao at halos mamuti na.
"Kailan mo ba ako tinuring na anak? Lagi na lang Jacinto ang bukambibig mo. Bakit lagi mo akong hinahalintulad sa kaniya?" sumbat ni Clemente. Halos lahat kami ay napalinghap nang sumabat siya, parang hindi siya nasisindak sa sarili niyang ama.
"Tangina tinatakwil na kita mula nang mamatay ang putanginang nanay mo dahil diyan sa katangahan mo! Ikaw Jacinto, isa pang mali mo hindi ako magdadalawang isip na tratuhin ka tulad nitong hayop na 'to."
Nanlaki ang aking mga mata nang bigla niyang tinuro ang espada mula kay Clemente papunta sa akin. Hinawakan naman ni Marisol ang nanlalamig kong kamay. Maluha-luha kong inangat ang aking tingin kay Don kaya mas lalo niyang nilapit sa akin ang dulo ng espada sa aking leeg.
"Ikaw Ayang, pinapahiya mo ako. Isa ka ring malaking putangina. Bakit usap-usapan ngayong umaga na magkatabi kayong natulog ni Jacinto ha? Ano na lang sasabihin ni Don Miguel at Elena? Isa ka talagang hamak na babaeng bayara--"
Naputol ang sermon ni Don Felipe nang itulak ako ni Clemente palikod at siya ang pumalit sa aking pwesto.
"Ako ho iyon. M-magkasintahan kami."
https://youtu.be/-rh_C4dRPLc
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro