Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Saknong 13


"Nalinisan na namin ang mga galos at sugat niya sa likod ngunit kinatatakot kong may malaki siyang natamong pasa malapit sa kaniyang batok. Maaari nitong maapektuhan ang kaniyang utak. Ang magagawa lamang natin sa ngayon ay hintayin ang kaniyang paggising at paghilom."
 

Ang doktor dito sa paggamutan ay may pusturang pang sundalo. Lahat ng kaniyang ginagawa ay tumpak at may layunin. Napangiti siya matapos niyang sambitin iyon sa malamig at malapropesyonal na pamamaraan bago umalis sa munting silid.

Nagkatinginan kami ni Clemente at alam naming isa itong malaking problema lalo na't maaari niya itong ikamatay. Dismayado at puno ng pagsisi kaming tumingin kay Jacinto na ngayo'y mahimbing na natutulog.

Para siyang bata kung tutuusin. Ang tanging kilos na nililikha niya ay ang pagtaas at pagbaba ng kaniyang dibdib. Mahirap isipin ngayon na ito ang lalaking suplado at masungit dahil sa kaniyang pagtulog na mala-anghel kaakibat ng banayd niyang paghinga.

Napalingon ako muli  kay Clemente nang magsalita siya. Nakatayo kaming dalawa sa gilid ng pinaghihigaan ni Jacinto. Ni hindi pa namin pinag-usapan ang nangyari kanina.

"Bumalik ka na sa mansion. Kung hanapin man kami ni ama, pakisabi na pumunta kami sa palimbagan. Mag-iingat ka binibini."

Hindi ko alam ang dapat ko pang sabihin buhat ng nangyari kanina kaya tumango na lamang ako at umalis. Naguguilty rin ako sa part ko kasi pinatulan ko 'yung Amerikano at masyadong nagpadala sa aking mga emosyon.

Sa aking paglalakad pauwi ng mansion, napadaan ako sa palengke. Mag aalas nueve pa lang ng umaga kaya napupuno ito ng mga tao. Sa isang banda may nawawalang bata na hindi tumitigil sa pag-iyak at may lalaking naghahanap-hanap ng kaniyang nawawalang aso. Sa ibang banda naman, maraming tindero't tindera na sinisigaw ang presyo ng kanilang mga produkto upang makaakit ng mga mamimili at may mga mamimili rin na nakikitawad sa mga nagtitinda.

Ang sumisikat na araw ay walang awang pinapatama ang init nito sa palengke kaya kumikislap sa pawis ang mga noo ng karamihan at namumula ang mukha. Ang maalat na amoy ng pawis ay sinamahan ng samyo ng mga tinda at matatamis na halimuyak ng mga bulaklak mula sa tindahan ng mga bulaklak. Lahat ng mga amoy na ito ay naghalo-halo na siyang nagbibigay sa kakaibang amoy ng palengke.

Sobrang ingay ng paligid nang may kumalabit sa akin. Humarap ako sa dalaga na ngayo'y nababagabag at mamultla.

"Ayang, hindi sumipot si Jacinto sa aming tipanan. Kung saan-saan ko na siya hinalungkat dito sa bayan ngunit hindi ko siya masumpong. Buong araw dapat kaming magkasama sa tabing ilog upang masaksihan ang paglubog ng araw ngunit wala rin siya sa mansion. Nakita mo ba siya?"

Shocks ngayon pala siya magcoconfess kay Jacinto. Tiyak na mas lalo siyang maiinis kapag sinabi kong sinundan niya kami ni Clemente imbes na makipagkita sa kaniya. Higit pa roon, baka makarating ito kay Don Felipe at maaaring mapalayas ako. 

"U-uhm hindi eh. Kanina pa ako umalis para mamalengke." 

"Nawa'y mahanap ko na siya. Matagal ko nang pinaghandaan ang araw na ito. Nasaan nga pala ang mga binili mo?"

"A-ah bibili pa lang ako. Dumaan pa ako ng simbahan eh. S-sige mauna na ako." Hindi ko na siya nilingon pa at mabilis na nakisiksik sa mga tao rito.

Bakit naman hindi sisiputin ni Jacinto si Elena eh magkasintahan sila? Grabe umasa tuloy ang dalaga. Bukod sa pagiging masungit, isa siyang malaking ghoster ngunit kung hindi siya dumating baka ako ang natamaan ng plorera.

Pumasok ako sa bilihan ng mga bulaklak at napagpasyahang bumili ng puting daisy kasi 'yun ang kadalasang binibigay sa mga may sakit. Utang na loob ko na rin ito sa kaniyang pagliligtas sa akin. 

----

Hapon na nang makabalik ako at nakapagtatakang tahimik ang mansion. Baka umuwi na naman si Aling Conchita. Dahan-dahan akong naglakad papunta sa aking kwarto at nilagay ang bulaklak sa boteng puno ng tubig.

Maingat din akong kumatok sa pinto ni Marisol at nagbabakasakaling nandyan siya. Binuksan naman niya ito ng may mukhang nag-aalala.

"Bakit tahimik? Nasaan ang Don?" Pabulong na tanong ko. Hinila niya ako sa loob at marahan na sinara ang pinto. Umupo ako sa kaniyang kama at nakinig sa kaniyang mga sasabihin.

"Kanina pa nagwawala si Don Felipe sapagka't umiiyak si Elena na pumunta rito. Wala pa ang kambal. Maging si Sergio dahil pinapahanap siya ni Don kaya ako'y nangangamba. Mabuti na lamang nandito ka na. Sa ngayon, natutulog si Don sa kaniyang silid marahil ay napagod sa kakasigaw." Bulong pabalik ni Marisol.

"Huwag mo itong sasabihin kahit kanino ngunit nasa ospital sila ngayon."

"Jusmeyo, bakit sila naroon? May napahamak ba? Kamusta si Sergio?"

Kwinento ko sa kaniya ang buong pangyayari at maging siya ay namomoblema na rin lalo na't labag sa kalooban ng magkasintahan ang hindi pagsipot. Kung malalaman ito ni Don Felipe ay talagang madadawit ako. Hindi namin sila maaaring puntahan ngayon dahil baka hanapin kami ni Don.

Nagkatinginan kami ni Marisol nang umalingawngaw sa buong mansion ang sigaw ni Don Felipe.

"Vaso de agua! (baso ng tubig).

Laging iyan ang sinasambit niya kapag gusto niya ng tubig. Nagmadali akong naghanda ng baso ng tubig at kabadong tinakbo ang ikalawang palapag. Kumatok ako sa pinto ng tatlong beses saka ito binuksan.

Naroon ang Don na nakaupo habang nagbabasa ng dyaryo malapit sa kaniyang bintana. Nilapag ko ang baso sa kaniyang mesa at yumuko bago naglakad pabalik.

"Nababatid mo ba kung nasaan ang aking mga anak?" 

"Nasa p-palimbagan ho." Nauutal kong sagot. 

"Paano mo nalalaman?" Binaba niya ang kaniyang dyaryo at mausisa akong tinignan.

"N-nakita ko ho lamang sila papunta roon noong namalengke ho ako." Hindi ko na mabilang kung ilang kasinungalingan na ang sinabi ko ngayong araw para lamang maligtas ang imahe ko at ng kambal.

"Batid mo bang importante ang tipanan ng dalawang magkasintahan?"

"O-opo."

"Batid mo rin bang hindi kanais-nais na iba ang sinipot ng isang sinta?"

Tila napaatras ang aking dila at nilamon ng kaba. Hindi ko siya magawang matignan kaya yumuko na lang ulit ako. Bumibilis na rin pintig ng aking puso sa katakutang nalaman niya ang nangyari.

"Iyon lamang, para kay Jacinto ang mga tanong na iyan. Pakisabi na lang sa kaniya dahil wala ako mamayang gabi."

"S-sige po."

Tumango ito at sinenyasan akong umalis. Pagkasara ko ng kaniyang pinto ay kumawala ang isang buntong hininga na kanina ko pa pinipigilan. Napahawak ako sa aking puso at mas lalo akong nagsisi. 

----

Hindi na ako matutulog ngayong gabi. Mahirap, mahirap manatili sa silid na pawang tumatakbo sa aking isipan ay pagsisisi. Kahit ilang beses akong pumikit, ang aking konsensya ang pilit na nagpapagising sa akin. Isa lang ang paraan upang matapos ito.

Hinayaan kong dumulas ang aking mga paa sa bakya at nagsuot ng itim na talukbong. Binulsa ko na rin ang binili kong bulaklak. Walang pakunda-kundadang tumalon ako sa malaking bintana ng aking kwarto at tinahak ang daan papunta sa dalawang taong makapagpapagaan ng aking pakiramdam.

Ito ang gabi na maituturing kong isa sa pinakamalamig na gabi ng aking buhay na para bang ang aking puso ay nabuksan at pinasukan ng nagyeyelong hangin. Wala akong dalang gasera ngayon upang wala makakita sa akin ngunit ito ang kailangan ko sa gabing malamig. Ang dapat lang gawin sa ganitong kinalalagyan ay magpatuloy, patuloy sa aking paroroonan. 

Tuwing may nakikita akong guardia civil ay lumiliko ako at dumadaan sa likod ng mga bahay. Kahit mahirap gumalaw sa kasuotang ito, sinikap kong akyatin ang mga bakod na nadadaanan ko upang makaiwas sa mga bantay.

Hindi humigit isang oras, natatanaw ko na ang pagamutan at ang kalesa ng mga Montemayor. Natatanaw ko ring natutulog si Sergio sa kaniyang kalesa. Muli akong nabuhayan ng loob at nasasabik na tumakbo papunta roon nang hindi nakakalikha ng anumang ingay.

May dalawang bantay sa pinto kaya dumaan ulit ako sa likuran at hinanap ang silid na kinaroroonan ni Jacinto. Nasa bandang likuran ang kaniyang silid kaya hindi na ako nahirapan sa hindi pagpapakita sa mga guardia. Nang matagpuan ko iyon, aking napansin na medyo mataas ang bintana at hindi gaano kalaki ngunit hindi iyon naging balakid sa pagpasok ko.

Kumuha ako ng mga malalaking kahoy at pinagpatong-patong upang sumampat roon. Ang mga kahoy na iyon ay hindi gaano matibay ngunit sapat na sa gaan kong ito. Maingat kong hinahakbang pataas ang aking mga paa at sinisigurong may pagkakapitan ang aking mga kamay. Nang maabot ko ang bintana, agad kong tinaas ang aking sarili ngunit nagsitumba ang mga kahoy hudyat ng paglikha ng ingay sa tahimik na gabi.

"¿Quién está ahí? (Sinong nandyan?)" Sigaw ng isang guardia civil.

Nagmadali kong nilusot ang aking mga paa sa maliit na bintana at bumitaw sa pagkakakapit. Sa kasamaang palad, sumabit ang aking palda sa pako ng bintana hudyat ng pagtaas ng aking saya at paglantad ng aking salungkiki (underwear)."

Dahan-dahan akong napalingon sa kambal na ngayo'y nakaawang ang bibig na nakatingin sa akin. Kasabay ng aking pag-iwas ng tingin ay ang pagtikhim at pagtayo nilang dalawa mula sa pagkakaupo upang magkunwaring may ginagawa.

Mabilisan ko namang hinila ang aking palda at nahihiyang umupo sa kama ng pagamutan. Ilang minuto na ang nakalipas nang mahimasmasan ako at nakatayo pa rin sila habang nakatalikod sa akin. Napagpasyahan kong maunang magsalita.

"P-pwede na kayong humarap. K-kailangan nating mag-usap." Dahan-dahan silang humarap at namumulang kumuha ng mga upuan upang umupo sa tapat ko.

Naghihintayan kaming tatlo ng sasabihin ngunit walang nangahas na magsalita hanggang sa yumuko si Clemente at mahigpit na hinawakan ang kaniyang mga kamay.

"Paumanhin binibini kung napahamak kit--"

"Hindi, ako ang dapat magsorry Clemente. Masyado akong nagpadala sa mga emosyon ko. Salamat Jacinto sa pagliligtas ngunit hindi mo na kailangan gawin 'yun. Ano pala ang ginagawa mo roon? Kamusta ang mga sugat mo."

"Naghihilom na. Nadaanan ko lamang kayo roon." Nahihiya at malamig na tugon ni Jacinto habang nagpapalibot-libot ang kaniyang mga tingin.

"O-ok so, may malaki tayong problema. Pumunta si Elena sa mansion dahil hindi ka raw sumipot sa tipanan niyo. Nagagalit si Don."

"Nakaligtaan kong may tipanan kami." Gulat akong lumingon sa kaniya samantalang nakayuko pa rin si Clemente. Ang pamamaraan ng kaniyang pagsambit ay tila walang pake sa kaniyang kasintahan. "Ha? Bakit mo naman makakalimutan ang kasintahan mo? Hindi mo ba alam na masakit maghost?"

"Marahil ay may mas importante kaysa sa kaniya." Deretso niyang usal at nagkibit-balikat pa. 

Sesermonan ko na sana siya nang biglang lumuhod si Clemente sa aking harapan nang nakayuko pa rin. Hindi na ito ang Clemente na kilala ko bilang mambobola ng mga kababaihan.

"Pasensya ulit Ayan--"

Hindi na natapos ni Clemente ang sasabihin niya nang biglang tumayo si Jacinto at hinila pataas ang kaniyang kapatid. "Itigil mo na 'yang paghihingi ng tawad! Bakit mo ba kasi sinama si Ayang?"

"Kailangan ko nga taga-sali--"

"Hindi mo iyon kailangan kung sa ibang tao ka bumili ng mga armas."

"Kapatid, para sa samahan ang ginagawa k--"

"Para sa samahan ngunit may pinahamak ka."

"Pasensy--"

"Bakit hindi mo pinaalam sa akin?"

"Baka hindi ka papaya--"

"Hindi talaga ako papayag sa tanga mong ideya!"

Sa kanilang sigawan, napansin kong kakaiba ang galit ni Jacinto. Hindi ito ang karaniwang galit na makikita  sa karamihan. Ito ay galit na may kalungkutan at kirot na tinatakpan. Pinagmasdan ko siyang mabuti sa mata at doon nalaman ko. Ang kaniyang galit ay walang anuman kundi isang kalasag para sa nararamdaman niyang sakit, tulad ng sundalong mag-isang nakikipagsapalaran.

"Humihingi ako ng tawa--"

"Ang dami mong nasasaktan sa katangahan mo!"

Nagpatuloy ang mga binabatong sigaw ni Jacinto ngunit napatigil nang biglang nagdabog palabas si Clemente. Hindi ko maiwasang hindi makaramdam ng awa dahil humihingi na siya ng tawad ngunit isinawalang bahala lamang ito.

 Kasabay ng pagsara ng pinto ng pagamutan ay ang pagtayo ko at dinuro si Jacinto. Pare-parehas kaming may kasalanan ngunit mali naman ang hindi niya pagtanggap ng tawad ng kaniyang kapatid.

"Punong-puno na nga siya ng pagsisisi tapos ganoon mga isusumbat mo sa kaniya? Wala ka talagang puso Jacinto."

----

Nagdaan ang mga araw na hindi kami nagpapansinang tatlo. Sa tuwing may klase kami, mayroong palusot ang kambal upang hindi makadalo. Madalas din silang wala sa mansion at uuwi na lamang ng gabi. Si Jacinto ay parating nasa tanggapan ng Gobernadorcillo, samatalang si Clemente naman ay lagi kong nakikita sa tapat ng bahay aliwan upang makipaglandian.

Ngayon ang huling araw ni Don Felipe sa mansion bago magtungo sa Cuba mamayang dapit hapon. Abala kami nina Aling Conchita sa pagluluto ng magarbong tanghalian para naman daw swertehin si Don bago umalis. Gumaling na rin mula sa sakit ang kaniyang anak kaya sa mansion na siya natutulog.

"Ayang ipaghanda mo na sila sa hapag. Naririto raw ang kambal." Utos ni Aling Conchita.

Kinakabahan kong kinuha ang mga kubyertos at nagtungo sa kanilang hapag. Naroon nakaupo si Don at ang kambal. Inaatubilin na ni Don Felipe ang mga gawaing ibibigay sa kaniyang mga anak. Habang ako'y naghahanda, nagulat ako sa mga salitang lumabas sa bibig ni Clemente.

"Ama ngayong aalis kayo, hindi niyo ba itatanggal pansamantala ang batas ukol sa musika?"

Natahimik ang buong pamilya at pawang ang tunog ng mga kubyertos ang naririnig. Nasidlak ako sa malakas na paghampas ni Don Felipe ng la mesa at madiin na sinabi.

"Alam mo na ang sagot diyan, Clemente."

Sa pagakakataong ito, sumulyap ako kay Clemente ngunit agad siyang napaiwas ng tingin. Ito na ba ang plano niya sa pagtulong sa akin sa pagkuha ng gitara ko? Hindi ko naman na hinihingi na gawin niya iyon dahil palpak ang pagsasalin ko sa Amerikano.

Binilisan ko ang paghanda at nagpaalam kina Aling Conchita na hindi muna ako kakakain. Kinuha ko ang puting daisy na binili ko at deretsong nagtungo sa duyan ng kanilang bakuran.

Noong bata pa ako, mahal ko na ang mga daisy 'pagkat simple lamang ang kanilang kagandahan, tumutubo sa mga lugar na hindi karapat-dapat gayunpaman sila ang nagpapaganda sa kapaligiran. 

Hindi ko lubos inisip ang kahulugan ng bulaklak na iyon hanggang sa ako'y pumarito. Ang daisy ay nangangahulugan sa katapatan ng pag-ibig at pangako kaya kadalasan itong ginagamit sa mga kasal.

Sa mga oras na iyon, napagtanto kong wala rin lang pagmamalasakit ang dapat kong pagbigyan nito kaya minarapat kong itanim ang bulaklak sa isang sulok kung saan namumukod tangi ang kagandahan nito.

---

Ilang araw na ang nakalipas simula nang umalis si Don Felipe. Si Jacinto na ang katuwang namumuno sa bayan samantalang si Clemente ang taga-bantay ng mansion ngunit madalas itong wala. 

"Ayang, ibig mo bang tumugtog ngayong gabi?" tanong ni Marisol. Narito kami nakatambay sa bakuran habang pinagmamasdan ang mga payapang ulap sa itaas.

"Gusto ko pero hindi pwede. Nahihiya pa rin ako kay Clemente."

"Kailangan mo nang magliwaliw. Oh siya, kung ayaw mong tumugtog, nais mo ba akong samahan panoorin ang mga makikisig na maniniyog?" nasasabik na aya niya.

"Marisol, may Sergio ka na. Maging tapat ka naman." Natatawa kong sambit. Napakamarupok talaga ng babaeng ito sa makikisig na mga lalaki.

"Jusko, iyon ay biro lamang ngunit maganda rin panoorin ang mga binatang nageensayo magkalembang." Kilig na usal niya.

"Sawa ka na sa pagsisibak ni Sergio?" Biro ko.

"Naku hindi naman. Mas masaya kapag maraming pinapanood."

Pawang naging ganoon ang usapan namin hanggang sa dnalaw kami ng antok payapang tanghaling tapat na ito. Nagpaalam na kami sa isa't isa pagtungo sa aming mga silid upang magpalamon na sa antok.

Papasok na sana ako sa aking kwarto nang pumukaw sa aking paningin ang isang papel na nakasilid sa ilalim ng aking pinto. Nang pulutin ko ito, may nahulog na bulaklak na nakalakip doon. Isa itong daisy. 

Mabilis kong sinilip ang bakuran ngunit hindi ko na makita pa ang tinanim kong daisy. Nanlaki ang aking mata sa kaisipang ito ang aking tinanim. Nagtaka akong tumingin sa hawak kong papel at binuklat ito.

Ika'y pumaroon sa plaza bukas. Alas singko ng hapon.

~Clemente



Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro