Saknong 12
Ilang linggo na ang nakalipas, nagpatuloy ang usapan ng pamilya Esperanza at Montemayor tungkol sa kasal nina Elena at Jacinto. Nang dahil sa labis na pagpunta rito ni Elena sa mansion, mas napalapit kami ni Marisol sa kaniya at higit pa roon naging magkakaibigan kami.
"Nasasabik na ako sa tipanan namin ni Jacinto bukas." Magiliw na usal ni Elena habang pumapaypay sa berdeng abaniko.
"Bakit ika'y aligagang-aligaga? Napupusuhan mo ba siya?" Nangungutyang tanong ni Marisol. Nandito kami ngayon sa azotea ng mansion ng pamilya Montemayor. Inanyayahan ni Don Felipe ang pamilya Esperanza rito upang pag-usapan muli ang kasal.
Niyaya naman kami ni Elena magkwentuhan dito sapagkat abala pa si Jacinto sa kaniyang mga gawain. Kami lang raw ang kaniyang kaibigan sapagka't hindi niya ibig sa mga dalaga roon sa beateryo. Masyado raw mapagmataas. Natatanaw mula rito sa itaas ang palengke, plaza at simbahan. Sariwang-sariwa rin ang hangin kaya maganda talagang tumambay rito.
"Ilihim lang natin ito. Sa katunayan, walong taon na akong umiibig sa kaniya kaya lubos na pasasalamat ko sa aking ama na pinagkasundo niya kami ni Jacinto kay Gobernadorcillo Felipe."
Nagsimulang magtakip ng bibig si Elena habang kinikilig samantalang nakangiti lang kami ni Marisol. Hindi na kami nagulat dahil nahalata na namin ito sa kaniya noon pa. Hindi na rin ako inaasar ni Marisol kay Jacinto dahil ikakasal na siya.
"Umamin ka na ba?" tanong ko sabay ngiti. Hindi ko alam pero nawawalan ako ng gana kapag ito ang usapan kaya nakikisakay na lang ako sa kanilang dalawa.
"Hindi pa ngunit ako'y nagpapanukalang umamin bukas ng umaga. Sa tabi ng ilog kung saan makikita ang paglubog ng araw. Nawa'y ipagdasal niyong magtagumpay ako."
Napansin ko na ang pagkatao ni Elena ay unti-unting lumalabas habang patagal ng patagal ang pagsasama naming tatlo. Ang kaniyang mga emosyon ay madaling makita sa kaniyang inosenteng mukha.
Sa tuwing tinitignan ko siya sa mata, alam ko na hindi matatalo ng lahat ng magagandang bagay sa uniberso ang kaniyang pagnanasa. Ang pagnanasang makamit si Jacinto ay ang hudyat ng pag-alab ng kaniyang mga mata. At sa mga matang iyon, nababasa ko na handa siyang lumaban hanggang sa pinakahuling luha nito.
"Sa ganda mong iyan tiyak na hindi tatanggi si Señor Jacinto!" Pagsasang-ayon ni Marisol.
"Ikaw ba Ayang? Sa iyong palagay, gusto rin ba ako ni Jacinto?"
Napaghandaan ko na ang isasagot ko sa tanong na 'yan. Dapat lamang na sumang-ayon ako dahil isa na rin si Elena sa taong maasahan ko sa pagkuha ng aking gitara. Kapag mag-iibigan na sila ni Jacinto, maaaring niya itong pakiusapan tungkol sa gitara ko at siguradong hindi siya tatanggi.
"Uhm oo naman. Bagay na bagay kayo. Parehas kayong mayaman kaya walang tutol sa relasyon niyo." sambit ko sa tonong may matinding emosyon at pagkukumbinsi.
"Paumanhin mga binibini, hindi ko ibig makagamba--"
Natigil kami sa pinanggalingang boses mula sa likod. Nakabarong siya na kulay asul at may nakasukbit na salakot sa kaniyang likod.
"Jacinto! Ikaw ba ay naparito para pag-usapan ang ating tipanan?" Tumayo si Elena at iwinasik ang kaniyang pamaypay. Pinungay pa niya ang kaniyang mga mata at nilagay sa likod ng kaniyang tainga ang ilang hibla ng buhok na nakaharang sa kaniyang mukha.
"Ako si Clemente, pasensya na magandang binibini ngunit hindi ikaw ang aking sadya. Nais ko rin kayong makausap ngunit may importante akong sasabihin kay Ayang."
Namumula ang buong mukha ni Elena at dahan-dahan itong umupo sa tabi ni Marisol. Kahit ako, nalilito pa rin kung sino sa kanila si Jacinto o Clemente. Bukod sa pagkakaiba sa ugali, mas bilugan ang mukha ni Clemente kaysa kay Jacinto.
Sinundan ko si Clemente pababa ng baluktot na hagdan sa tabi ng mansion. Pagkababa'y dumeretso ito sa gitna ng bakuran kung saan napapasa-ilalim ito ng puno ng mangga.
"Sa itsura kong ito alam kong hindi mo ako matatanggihan. Maaari mo ba akong samahan bukas binibini? Iyong isasalin ang sasabihin ng Amerikanong kakausapin ko. Bibigyan kita ng tatlong piso bilang sahod."
Ngumuso ako at nagkunwaring mag-isip. "Paano ba 'yan? Sobra-sobra na ang pera ko. Ano pa ang ibig mong ibigay para pumayag ako diyan?"
"Nababatid kong sinasadya mo iyan dahil ibig mong suyuin kita. Ano ba ang iyong ibig binibini?"
"Hoy hindi ako nagpapasuyo. May hihingin lamang akong pabor bago ako pumayag sa pagsasalin bukas."
"Kahit ano para lang sayo." Ngiti nito at sumandal sa katabing puno habang nakahalukipkip ang braso.
"Tigilan mo nga 'yan, parang timang. So nais ko sanang humingi ng tulong tungkol sa gitara ko. Kinuha kasi iyon ni Jacinto noon at hindi ko na alam kung nasaan."
Kung kanina'y puro kapilyuhan si Clemente, ngayon ay seryoso na siyang nakatingin sa akin at tumingala. Nagiging seryoso pala 'tong lalaking ito.
"Makakaasa ka binibini ngunit si Jacinto lamang ang nakakaalam kung saan tinago ni ama ang mga instrumento at ang masaklap hindi niya rin hawak ang susi. Hindi niya rin ito maaaring sirain dahil magagalit si ama. Pagplaplanuhan muna namin ito ng samahan dahil ibig din naming maangkin ang mga instrumento. Aabisuhan kita kung pulido na ang plano."
Naglakad na siya pabalik ng mansion nang hindi ako tinitignan. Isang napagtanto ko kay Clemente ay pagdating sa musika seryoso siya. Hindi ako sigurado sa kahihinatnan ng paghingi ng tulong ko sa kanya ngunit ito lamang ang tanging paraan upang mabawi ang gitara ko at makabalik nang mabilisan.
Bumalik na rin ako ng mansion at nadatnan kong nag-uusap pa rin si Don Felipe at Don Miguel sa sala. Nagtatawanan pa sila habang nagkakape.
"Amigo (Kaibigan), maghanda tayo ng pagdiriwang sa susunod na buwan nang sa gayon maanunsyo na sa publiko ang kanilang kasal." Magiliw na hiyaw ni Don Miguel.
"Sang-ayon ako diyan amigo. Nais kong ipagdiwang iyan sa aming mansion." Tugon ni Don Felipe at hinigop ang kaniyang kape. Napalingon siya sa akin at sumenyas.
"Yes po Don Felipe?"
"Ipaghanda mo kami ng meryenda." Tumango ako at akmang aalis na nang tawagin ako ni Don Miguel.
"Iha aking napansin nitong nakaraang mga araw na mahusay kang mag Ingles. Maganda iyan 'pagkat dumadagsa na ang mga Amerikano sa ating bansa. Aking napag isip-isip na magkaibigan kayo ni Elena, baka nais mo siyang turuan." wika ni Don Miguel habang kinukumpas pa ang kaniyang mga kamay.
Hindi pa ako nakakasagot nang tumikhim si Don Felipe. "Si Ayang ay ang aming kasambahay. Nawa'y maintindihan mo amigo na abala siya sa mansion. Hindi naman siguro niya ibig madagdagan pa ang kaniyang gawain, hindi ba Ayang?"
Pinanlakihan ako ng mata ni Don Felipe tila sinasabing huwag akong pumayag sa anyaya ni Don Miguel. Nagtaka rin ako na hindi niya binanggit na tinuturuan ko ang kambal. Napakacompetitive naman niya. Tinignan ko rin si Don Miguel na ngayo'y nakangiti sa akin.
"Pasensya na po Don Miguel ngunit tama si Don Felipe. Maghahanda na ho ako ng meryenda." Paalam ko at umalis na sa igtingan ng dalawang Don.
Matapos ko silang bigyan ng meryenda, nagtungo ako sa kusina upang tulungan si Marisol. Kasalukuyan kaming naghuhugas ng pinggan at umuwi na naman si Aling Conchita. Pati ako nababahala na rin sa kalagayan ng anak niya.
"Siya nga pala Marisol, anong nangyari sa pagkikita niyo ni Sergio."
Biglang nagrosas ang kaniyang pisngi at kumurba ang kaniyang mga labi. Umiwas siya ng tingin at naghanap ng pagkakaabalahan sa lababo. Hinugasan niya muli ang tasa ngunit malinis na iyon.
"Hinihingi niya ang matamis kong 'oo' ngunit nabigla ako dahil tatlong taon pa lang siyang nanliligaw sa akin. Higit sa lahat, pagsisibak pa lamang ng kahoy ang nagagawa niya tapos nais na niya akong makuha? Saan niya nahihigop ang lakas na loob na iyon? Tulad ba ako ng kaniyang mga nakaraan na ubod ng karupukan? Patawarin siya nawa." Bulalas ni Marisol. Hindi ko alam may potential pala siyang maging rapper.
"Oh tapos ano na sinagot mo?"
"Pinilit niya ako mga isang oras tapos sinabi ko na hayaan muna niya akong magpasya."
"Ano ba isasagot mo kung sakaling nakapagdesisyon ka na?"
"Nakapagpasya na pala ako. Sa mga oras na yaon nag-isip ako sandali, mga dalawang minuto tapos sinabi ko sa kaniya 'oo Sergio sinasagot na kita, oh siya magsibak ka ulit ng kahoy'" Kinikilig na usal nito.
Masaya naman ako para sa kaniya ngunit natatakot din ako sa taglay niyang karupukan. Paano na lang kung inaya siyang makipagtalik? Lahat na lang ng bagay ay papayag siya.
----
Nagising ako sa walang humpay na katok mula sa aking pintuan. Una ko munang binuksan ang bintana at napagtantong sumisikat na pala ang araw. Hinila ko ang hawakan ng pinto at bumungad sa akin na naka dilaw na Barong Tagalog si Clemente.
"Humayo na tayo, binibini."
"Wait lang, maligo muna ako." Tumango naman siya. Mabuti naman hindi niya naisipang mangbola ngayon.
Nagsimula na akong maligo at hinayaan ang pagyakap ng malamig na tubig sa aking katawan habang lumulutang ang aking isipan sa isang mahamog na ilusyon. Ganito ang kapangyarihan ng tubig, pinapairal nito ang isipan ko na parang nakapaloob ako sa ilalim ng walang hanggang talon. Napakaganda, ngunit hindi ito maaaring magtagal.
Dumulas sa aking balikat ang masutlang tela ng traje de mestiza. Susuotin ko ito muli dahil makikipagusap daw kami sa Amerikano. Dapat formal ang pananamit. Wala man akong magarang sapatos ngunit hindi naman iyon nakikita dahil masyadong mahaba ang damit.
Nakita ko si Clemente na nakikipag-usap kay Sergio roon sa bakuran. Nang mapansin nilang papalapit na ako, natulala silang dalawa sa akin. Wow, 'di ko alam na ganito na pala kaganda ang mala Maria Clara kong damit.
Naunang sumampa si Sergio sa kalesa dahil siya ang kutsero. Sumunod naman si Clemente. Sasampat na sana ako ngunit napalingon ako sa terrace ng ikalawang palapag. Sa hindi kalayuan, natanaw ko ang isang pigura ngunit hindi ko na ito mamukhaan nang mabilis siyang tumalikod.
Ang kalsadang dinaanan namin ay umuunat sa kung saan ito patungo. Ito ay gawa sa lupa na siyang tumatanggap sa maraming sinag ng araw. Sumilay ang aking mga mata sa bawat baybay ng mga kulay na aking nakikita. Hindi ito perpeketo ngunit ang mga detalye nito ang siyang kamangha-mangha na animo'y ginawa ito ng isang masining na kamay.
Maya't maya kung anu-ano na naman ang dinadaldal ni Clemente. Naging ganoon ang buong paglalakbay namin hanggang sa napatigil ang kalesa sa isang mansyon.
Inabutan ako ng kamay ni Clemente ngunit hindi ko iyon tinanggap kasi kanina ko pa siya pinapatahimik ngunit mas lalo siyang dumaldal. Tumalon ako mula sa kalesa at napaupo dahil sa taas nito.
Hindi pa kumakatok sa pinto si Clemente ay binuksan na ito ng isang matangkad na Amerikano. Ilang hibla ng kaniyang buhok ay namumuti na. Nakacoat siya na kulay itim at may hawak na baston.
"Good morning! Please do enter." Malugod na bati ng Amerikano.
Sinenyasan ko si Clemente na pumasok. Maraming mga ornamento at mamahaling mga plorera ang nakaladlad sa mansion. Bukod pa roon, halos napapalibutan ang kaniyang tahanan ng mga halaman.
"Good morning! He is Clemente Montemayor and I am his interpreter." Nilahad ko ang aking kamay upang makipag shake hands. Tinugon naman niya ito. Sinagi ko si Clemente upang gawin din iyon. Umupo kaming dalawa sa sofa kung saan katapat namin ang dayuhan.
"Good morning Sir Louie, in regards with the letter I sent, I would like to inquire the amount of money needed for the weapons." Sambit ko. Sinanay ko na ang aking mga sasabihin kanina sa kalesa.
"I can take any amount more than 100 pesos." Bigkas ni Sir Louie at dumekwatro.
"Kahit magkano raw basta mas mataas sa isang daan." Napatango naman si Clemente ngunit nakikita ko sa kaniyang mga mata ang pagkabahala."Pakisabi singkwenta lang ang meron sa akin ngayon." Tumango ako at sinalin iyon sa Ingles.
"I am sorry, I can only go for one hundred. I still have a family to feed."
"Pasensya na raw, hanggang isang daan lang talaga. May pamilya pa siyang binubuhay." Kumawala ng buntong hininga si Clemente at nilagay ang kaniyang kamay sa baba niya. Ngayon ko lamang siya nakitang problemado.
"Sabihin mo, maaari ko siyang ibukod sa batas na walang musika tuwing gabi nga lamang. Dagdag pa ang singkwenta." Isinalin ko ulit iyon ngunit mukhang dismayado ang Amerikano na may bahid ng galit.
"What can music do to my life? Feed me? What kind of bullshit is this? You wasted my time. If you don't want to purchase, you can now leave." Sigaw ni Sir Louie.
Sa pagkakataong ito hindi ko na sinalin ang kaniyang mga sinabi at pagalit na tumayo. Sino siya para sabihin na walang magagawa ang musika sa buhay? Ako ang patunay na nahihirapang mabuhay sa bayang ito kung wala iyon.
"Don't you underestimate the powers of music. Who are you to say that? In this town, several people are yearning for beautiful melodies yet you disrespected it!"
"Why do I need to care for Filipinos? The Spaniards are right. They are mere idiots!"
Sa pagkakataong ito umiinit na ang aking mga mata sa galit at iniiwasan kong may tumulo na luha. Tumawa lang siya sa sinambit ko.
"You think this is funny?" Biglaang tugon ko.
Sinulyapan niya ako ng galit sa kaniyang mga mata. "You are an extremely stupid girl, aren't you?"
Patuloy ang aming pinainit na pagtatalo. Ito ay tiyak na isang digmaan ng mga salita at kung sino ang maaaring saktan ay may isa pang mas masahol. Para kaming mga gutom na aso na nagtatahulan.
Ang aming mga boses ay pataas ng pataas sa gitna ng sagradong katahimikan. Bawat sulyap at bawat maliliit na puna ay pumupukaw sa malupit na nakakabinging insulto na bagyo. Bawat mga demonyong nakakubli sa amin ay unti-unting lumalabas sa aming mga bibig. Kasing bilis ng mga salitang ibinubulyaw namin ay ang bilis na pagguho ng aming mga kaluluwa.
Nararamdaman kong kinakaladkad na ako ni Clemente palabas ng mansion ngunit lumapit pa sa amin si Sir Louie. Sinampal niya ako kaya nagpumiglas ako sa kabig ni Clemente at sinipa ang dayuhan sa tuhod.
Nasa labas na kami ng mansion at nagpatuloy ang pagsisigawan naming may halong pisikalan. Nakihalo na rin si Sergio at hinawakan ako sa kabilang braso.
Sa segundong iyon ng aming pakikipaglaban, nakita ko ang kaniyang mga mata na pumitik mula sa akin at sa mga kasamahan ko. Hindi nababasa nino man ang aming mga expresyon, walang takot o ngisi.
Tila bumagal ang lahat ng pangyayari nang kinuha niya ang plorera sa gilid ng pinto ng kaniyang mansion at hinagis ito papunta sa aking direksyon. Naestatwa ako sa aking kinatatayuan habang nakikitang papalapit na ng papalapit ang babasagin plorera sa aking mukha. Palaki ito ng papalaki bawat segundong lumilipas.
Malapit na itong dumapo nang may pigurang pumagitna sa akin at sa plorera. Hinila niya ang aking bewang at mabilis na nilagay ang aking ulo sa kaniyang dibdib. Sa eksaktong pagkayakap ng pamilyar na pigura ay ang pag-alingawngaw ng malakas na pagbasag ng plorera sa kaniyang likod.
Marahan ko siyang nilingon at nakita ko muli ang kayumangging mga matang may bahid ng pag-alala. Kasabay ng pagpikit ng kaniyang mga mata at pagbigat ng kaniyang katawan ay ang sigaw ng kaniyang kakambal.
"Jacinto! Anong ginagawa mo rito?"
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro