Kapitulo - XXXVI
"NAKAKAHIYA kayo! Nang dahil sa danyos na inyong nagawa ay hindi na kayo pinapahintulutan na makaapak muli sa bayan! Hindi na rin kayo makakapasok sa Colegio!" Galit na saad ni Don Xavier, hindi niya alam ang naging plano ng dalawa at nadawit lamang si Kalayaan, "Sinama niyo pa talaga ang inyo na pamangkin?!"
Napayuko lamang si Adrian sa singhal ng ama. Samantala, si Marco naman ay nakasandal ang balikat sa gawing bintana at tinatanaw ang agos ng batis sa unahan.
"Mas maayos kung gabi ninyo iyon ginawa, walang madadamay at walang mapupuruhan! Doon pa talaga kayo sa paaaralan gumawa ng gulo!" Singhal muli ng don.
"P-pero nais lang po namin na gantihan ang gumawa ng masama kay Dolor, ama. Hindi po namin maaatim na makisalamuha sa isang taong huwad" Ani Marco. Napatingin siya sa kaniyang ama na ngayon ay nasa upuan habang hinihilot ang sariling sintido, namumula na ang mukha nito sa galit.
"Hindi ninyo nasunod ang patakaran ng ating balwarte! Hindi ba't nakasulat sa patakaran na walang madadamay na mga tao maliban sa kalaban?! Ano ang nagawa ninyo? Maraming mag-aaral ang nasugatan at nabalian, ang masaklap may namatay pa! Naisip niyo ba iyon?" Saad pa ni Don Xavier, napailing siya at biglang tumayo. "Huwag niyo muna akong kausapin, lalo ka na Adrian! Naturingan ka pa namang mabait! Pwede na kayong umalis sa aking harapan!"
Walang nagawa ang dalawa kundi ang lumabas ng silid bago pa man mas magalit lalo ang kanilang ama.
Nang makalabas ay tinapik agad ni Marco ang balikat ng kapatid, "Maaayos din ang lahat. Ipinagmamalaki kita sa iyong tapang na pinakita" Wika pa niya kay Adrian.
Ngumiti na lamang si Adrian nang matipid at marahang tumango bago pumasok sa sariling silid.
Sa kabilang dako, maingat na ginagamot ni Doña Araceli ang mga sugat ni Dolorosa. Nanghihina pa rin ang unica hija dulot ng pangyayari kagabi. Namumugto na naman ang kaniyang mga mata na tila wala ng mailuluha pa dahil sa mga nangyayari sa kanila.
"Ina..." Sambit ni Dolorosa, garalgal ang kaniyang boses at nakakaramdam pa rin ng hilo.
"Huwag mong pilitin ang sarili na gumalaw, anak" Mahinahon na sambit ng doña na patuloy pa rin sa panggagamot.
"A-ano na ang nangyayari?" Nanghihina na saad ni Dolorosa.
Hindi makasagot si Doña Araceli at hinalikan na lamang ang anak sa noo, "Magpahinga ka upang magkaroon ka ng sapat na lakas,"
Walang nagawa si Dolorosa, kahit na mga kamay ay hindi niya maigalaw.
KAGABI pa lamang ay hindi na mapakali si Liyong na makita si Dolorosa, masyadong mabigat ang kaniyang pakiramdam. Ngunit sa hindi inaasahang pangyayari ay nakakandado ang pintuan niya sa labas. Ang kaniyang bintana ay ganoon din.
Napamura na lamang siya sa kaniyang isipan.
Sumilip siya sa bintana at tamang-tama naman na nakita niya si Olimpia na nagdidilig ng mga halaman, "Binibini!" Mahina at mariing tawag niya rito pero hindi siya narinig at patuloy pa rin ito sa ginagawa.
Hindi nakayanan ni Liyong ang sarili, napatitig siya sa kaniyang kama. Lumuhod siya at kinuha ang tampipi sa ilalim ng kama, pagkatapos ay hinila ang isang tampipi at agad na binuksan ito at hinalukay, "Ang tanga mo talaga, Liyong! Bakit ngayon mo lang ito naisipan?" Sisi niya sa sarili.
Kinuha niya ang isang singsing na may sobrang liit na kahon na nakapatong dito. Dahan-dahan niya itong binuksan at biglang lumabas doon ang usok. Pagkatapos ay unti-unti itong lumabas sa maliit na uwang ng bintana.
Pumasok ang usok sa mismong kandado at kusa na itong bumukas. Pagkatapos ay kusang bumalik ang usok sa singsing. Agad naman na sinara ng binata ang kaniyang tampipi at itinago muli sa ilalim ng kama.
Dahan-dahan niyang binuksan ang bintana upang hindi makagawa ng ingay.
Nagulat naman si Olimpia nang makita ang binata na ngayon ay lumundag mula sa bintana, "Kuya Liyong" Pabulong na usal niya sabay palinga-linga sa paligid bago lumapit kay Liyong.
"Huwag kang maingay, Olimpia. Tumakas lang ako, kinandado nila ang aking bintana at pintuan. Sa palagay ko ay kagagawan iyon ng aking lapastangang tiyahin," Pabulong na saad ni Liyong.
Bakas sa mukha ng dalaga ang pagkabigla, "Mukhang pinag-iinitan ka na po nila dahil sa akin, kuya"
"Simula pa lang ay diskumpyado na sila akin, at wala na akong pakialam. Magpanggap ka na lang na walang nakita, binibini." Bilin ni Liyong sa dalaga.
Mabilis na napatango ang dalaga. Pinagmasdan na niya lamang si Liyong na sumuot sa mga malalagong halaman papunta sa likurang bahagi ng mansyon na ang kaharap ay isang masukal na kagubatan.
"SALAMAT at pumunta kayo," Nakangiting saad ni Dolorosa kay Immaculada at Kahimanawari, kahit na nahihirapan ay pinilit niyang makaupo sa kama.
"Huwad pala ang Andrus na iyon? Hindi nahahalata!" Ani Immaculada habang nagpapaypay ng sarili.
"Siyang tunay," Tugon ni Kahimanawari at pagkatapos ay ginawakan niya ang kaliwang kamay ni Dolorosa, bakas pa rin sa kaniyang mukha ang pag-aalala, "Kahit na ako ay hindi ko inakala na kakaibang nilalang pala ang Andrus na iyon, sayang at hindi napatay ni---"
Sabay silang napatingin tatlo nang pumasok si Adrian dala ang maliit na kahon na naglalaman ng mga likidong nakabote para sa sugat ni Dolorosa, ginawa niya ang mga ito kaninang umaga lamang.
Hindi na ngayon makatingin nang diretso si Immaculada sa gawi ni Adrian. Bahagya siyang napayuko.
"Gagamutin kita ngayon, Dolor. Nawa'y tumalab ang mga gamot na aking nagawa," Wika ni Adrian.
Marahang napatango si Dolorosa, "Salamat, kuya. Ikaw talaga ang sumunod sa yapak ni ama."
Nagtinginan saglit si Adrian at Kahimanawari dahil sa sinabi ni Dolorosa.
"Mabuti na lamang at hindi napuruhan ang iyong mukha," Sabi ni Kahimanawari. "Mahirap na at baka hindi agad gumaling ang sugat lalo na kung nanggaling ito sa mga elemento,"
Napaigtad nang kaunti si Dolorosa nang mailapat na ng kaniyang kuya Adrian ang likido sa kaniyang balat sa braso, napapikit siya sa hapdi at napakagat sa sariling labi.
"Tiisin mo ang sakit" Kalmadong saad ni Adrian.
Napayukom ng kamao ang dalaga dahil sa kaniyang pakiramdam ay nanuot ang likido papunta sa kaniyang laman at tumungo sa buto ng kaniyang braso.
SAMANTALA, narating na ni Liyong ang Barrio Querrencia. Maingat siyang nagmasid sa paligid dahil alam niyang nagmamasid lang din ang mga cambiaformas sa mga nilalang na pumapasok sa balwarte.
Nalaman niya kanina sa talipapa sa isang tindera nang marinig niya ang patungkol sa nangyari sa malaking Colegio ng San Fernando. Hindi niya napigilan ang magtanong at nalaman na mga anak ng Sarmiento ang may gawa.
Biglang napatalungko si Liyong nang may dumaan na nagmumula sa ere. Nanlaki ang kaniyang mga mata nang makita ang isang napakalaking itim na ibon pero ang katawan nito'y kawangis ng taong-lobo.
Pinigilan niya ang sombrero na tangayin ng hangin dahil sa lakas ng pagaspas ng pakpak ng naturang nilalang. Lumilipad ito papalibot sa kaniya.
Mayamaya pa ay mapatayo siya muli dahil biglang nawala ang malaking ibon na kanina'y ginagambala siya.
"Hanggang dito ka na lang, binata."
Napalingon si Liyong nang marinig ang boses na nagmumula sa kaniyang likuran. "B-bakit? Sino ka?" Tanong niya sa lalaki na may matipunong katawan at tanging pang-ibaba na karsones lamang ang kasuotan nito.
"Isa akong cambiaformas na inatasan ni Don Xavier na hindi ka na pwedeng pumasok dito sa aming balwarte," Tugon ng lalaki.
Natigilan naman si Liyong marahil ay nagdududa talaga si Don Xavier sa kaniya, "Magpapaliwanag ako sa kaniya, por favor." Pakiusap niya pa pero nakita niyang umiling ang cambiaformas.
"Sinusunod lang ho namin ang aming pinuno, pwede ka ng umalis, binata" Seryosong saad ng lalaki.
"Pakiusap, nais kong magpaliwanag sa kaniya" Ani Liyong, "Mali ang kaniyang iniisip sa akin."
"Mas mainam kung umalis ka na, bago pa man kita kaladkarin palabas sa balwarte na ito," Saad ng lalaki gamit ang malalim na boses nito.
Napakibit-balikat si Liyong at inayos ang sombrero, "Bueno, ako'y aalis na lamang" Wika niya at nilagpasan na lamang ang cambiaformas.
Ngunit nakakailang hakbang pa lamang siya ay bigla niyang hinila ang isang baging at hinawakan niya iyon at buong pwersa niyang itinangay ang sarili gamit ang nahawakang baging.
Nabigla naman ang lalaki na kanina'y nag anyong ibon. Sumipol siya upang magtawag ng ibang kasamahan, "Dakpin natin siya!" Sigaw niya pa sa ibang cambiaformas.
Lumabas ang limang cambiaformas na naghahalo lang pala sa kulay ng mga halaman.
Ang isang cambiaformas ay nag-anyong serpente. Agad itong pumulupot sa puno at dali-daling ibinuka nito ang malaking bunganga.
Nanlaki ang mata ni Liyong sa natunghayan. Nabitawan niya ang baging dahil kung hindi niya gagawin iyon ay tiyak na malalamon siya ng napakalaking serpente.
Napaigik siya nang bumagsak siya sa damuhan.
"Sabi ko naman sa'yo, umalis ka na lang." Saad ng lalaki at hinablot ang kwelyo ng binata upang makabangon ito.
Kitang-kita ni Liyong ang kulay abo na mga balintataw ng cambiaformas.
"Anong kaguluhan ito, Patricio?"
Sabay silang napatingin sa gawi ng nagmamay-ari ng seryosong boses.
Agad na nagbigay galang ang lahat ng cambiaformas dahil sa pagdating ni Don Xavier.
"Nagtangkang pumasok po rito ang binatang ito, Don Xavier" Saad ng lalaki na nagngangalang Patricio.
Nagpumiglas si Liyong at inalis ang kamay ng cambiaformas na mahigpit na nakahawak sa kaniyang kwelyo, "Don Xavier, pasensya na."
"Anong ginagawa mo rito, hijo?" Seryosong katanungan ng don.
"Nais ko lamang na maliwanagan po kayo, Don Xavier. M-mali po ang iniisip ninyo kung bakit nasa tahanan ako ng gobernadorcillo," Panimula ni Liyong. "Totoo ko po siyang ama, pero hindi po ako kakampi nila. Ginagawa ko ito upang makabuo ng plano"
Napasingkit ang mata ni Don Xavier sa sinabi ng binata. Kinikilatis niya ito kung nagsasabi ba ito ng totoo, "Iyan ba ang dahilan kung bakit hindi ka bumalik muli sa Kongregasyon?"
"Opo," Agad na tugon ni Liyong, "Hindi po ako kaaway"
Napataas nang bahagya ang isang kilay ni Don Xavier, "Bueno, pwede ka ng umalis"
"P-pero, Don Xavier" Pagmamakaawa muli ni Liyong.
Kunot-noong napatingin muli ang don sa binata, tila may nais pa itong sabihin. "Bakit? Magsalita ka nga ng diretso, ito lang ba ang pinunta mo rito ang makausap ako? O mayroon pa?"
Napalunok ng laway si Liyong at napaiwas ng tingin kay Don Xavier.
"Mukhang mayroon nga," Usisa ni Don Xavier sa binata, "Ang aking anak ba na si Dolor?"
Tagaktak ang pawis ni Liyong sa noo, "Opo," Diretsong saad niya sabay titig sa mga mata ng don. "N-nais ko po siyang makita, Don Xavier."
Napangisi si Don Xavier, "At bakit gusto mo siyang makita, ginoo?"
"D-dahil..." Bahagyang napayuko si Liyong sa matinding hiya, "Iniibig ko po si Dolor."
"Makinig ka, Leopoldo. Ngayon pa lamang ay sasabihin ko na, tutol ako sa pag-iibigan niyong dalawa ng aking anak," Mariin na saad ni Don Xavier.
Parang binagsakan ng langit at lupa si Liyong, kumikirot ang kaniyang puso sa narinig.
"Paano kung dumating ang panahon na ika'y magsasawa sa aking anak at hihiwalayan mo? Tiyak na magkakaroon kami ng lamat sa Kongregasyon,"
"Pero, Don Xavier..." Nanghihinang saad ni Liyong, tila nawalan siya ng lakas sa mga salitang binitawan ng don, "Totoong iniibig ko po ang inyong anak. Hinding-hindi ko po magagawang saktan si Dolor, gagawin ko ang lahat para sa kaniya kahit buhay ko man ang kapalit"
Umiling si Don Xavier, "Madaling sabihin ang ganiyang kataga, Leopoldo." Wika niya pa, pagkatapos ay tatalikod na sana ngunit narinig niya ang sinabi ni Liyong.
"Hindi po ako susuko, Don Xavier. Pero sana naman, pahintulutan mo po akong makita siya ngayon." Pagmamakaawa ni Liyong.
Napatingin lamang si Don Xavier ng seryoso sa binata.
HINDI mapigilan na yakapin nang mahigpit ni Liyong si Dolorosa nang makita itong nakaupo sa kama. Hindi siya makapaniwala sa nangyari sa sinisinta.
Bakas sa mukha ni Doña Araceli ang pagkagulat. Lalo na si Kahimanawari at Immaculada na ngayon ay hindi maarok ang namamagitan sa dalawa, hindi nila akalain na may iniibig na binata si Dolor.
"Mabuti pa ay maiwan na muna natin silang dalawa. Adrian, sa labas ka magbantay" Utos ni Doña Araceli. "Limang minuto ang sinaad sa akin ng aking esposo, ginoong Leopoldo." Sabi pa niya kay Liyong sabay ngiti.
Napatango naman si Liyong, "Maraming salamat po sa inyo, Doña Ara"
Pagkatapos ay napatango ang doña at hindi naglaon ay lumabas na sila.
"Kumusta ka, aking kamahalan?" Tanong ni Liyong, bakas sa kaniyang mukha ang pag-aalala at ang mata'y nababakasan din ng lungkot.
"Buhay pa naman ako, kahit papaano, Liyong" Birong saad ni Dolor, pagkatapos ay inabot niya ang pisngi ng binata. "Gusto kong gumanti"
Hinawakan ni Liyong ang kamay ng dalaga na nakadampi sa kaniyang pisngi "Sino ba ang may pakana nito?" Tanong pa niya rito.
"Si Andrus," Nanghihinang saad ni Dolorosa.
Biglang kumulo ang dugo ng binata at halos nagtama na ang kaniyang mga kilay, "A-ano?"
"Oo, nakita ko na lamang siya na biglang pumasok sa aking silid at ayon na, naglaban kami. H-hindi ko siya kinaya, mas malakas siya kaysa sa akin" Ani Dolorosa.
Napatayo bigla si Liyong at napayukom ng kamao. Umiinit ang kaniyang mga mata, nais niyang makaharap si Andrus at gawing impyerno ang buhay nito.
"Liyong..." Sambit ni Dolorosa, "M-masaya ako kahit papaano ay bumisita ka sa akin ngayon. Nag-usap na pala kayo ni Ama?"
Napapikit si Liyong, ang galit na naramdaman ay napalitan ng lungkot. Umupo siya muli at tinitigan ang mga mata ni Dolorosa, "Tutol ang iyong ama sa atin,"
Napaawang ang labi ng dalaga, biglang nangilid ang kaniyang mga luha.
"Ika'y kumalma, gagawin ko ang lahat. Gagawin ko ang lahat, sinta ko. Handa akong magsakripisyo, a-ayaw ko rin ibaling ang pagmamahal ko sa iba dahil nakatalaga na ito sa'yo. Sisikapin kong matatanggap ako ng iyong ama," Litanya ni Liyong, kahit na ang kaniyang mga mata ay hindi napigilan na ikubli ang namumuong luha. "Iniibig kita higit pa sa buhay ko, Dolor"
Kitang-kita sa mukha ni Dolorosa ang pagkabigo dahil sa nalaman.
Samantala, si Adrian naman na nasa labas lamang ng silid ay napasandal sa pader at napapikit. Alam niyang lagpas limang minuto na ang pag-uusap ng dalawa pero hinayaan niya ito at binigyan ng ilang minutong palugit. Naiintindihan niya si Liyong, mahirap maging isang lalaki, lalo na at handa itong magsakripisyo alang-alang sa pag-ibig nito sa kaniyang bunsong kapatid.
TANGING tunog ng plato at kubyertos lamang ang naririnig habang kumakain ang pamilya Sarmiento sa hapag-kainan. Tahimik na tahimik ang lahat na tila walang may lakas ng loob na magsalita hinggil sa mga kaganapan kanina.
Kahit na si Dolorosa ay hindi makatingin nang diretso sa ama na ngayon ay tahimik lang din na kumakain.
Sa kalagitnaan ng kanilang hapunan ay nakarinig sila ng iilang alulong. Natigil sa pag-inom si Don Xavier ng tubig sa baso nang marinig ang katok na nagmumula sa labas ng pintuan.
Agad naman na tumayo si Marco at binuksan ang pintuan. Nakita niya sa labas ang tatlong cambiaformas, isa na roon si Patricio na ngayon ay tila balisa at tagaktak ang pawis sa katawan. Agad na nabigay galang sila, pagkatapos ay pinapasok naman ang mga ito ni Marco.
"Kayo'y maghapunan" Aya pa ni Doña Araceli sa tatlong cambiaformas.
"Maraming salamat po, doña. May nais po akong sabihin sa inyo na tila nag-iiba po ang kulay ng buwan," Saad ni Patricio sa kanila, "Parang tinatakpan ng dilim ang kalahati nito"
Natigilan si Dolorosa sa sinambit ng cambiaformas. Naalala niya ang sinabi ni Liyong patungkol sa buwan na mababalutan ng dilim.
"Duyog," Pakli ni Don Xavier sa kanilang lahat.
NAPAPANGITI si Alfonso nang makita ang buwan sa kalangitan. Kasalukuyan siyang nasa durungawan ng kaniyang silid at sinasamsam ang malamig na simoy ng hangin, "Malapit na, nararamdaman ko na ang kabiguan sa panig ng mga taong-lobo!" Pagkatapos ay napalingon siya sa anak na ngayon ay nakaupo ng de-kwatro. Seryoso itong nakatitig sa sahig na parang may iniisip na malalim.
Nang makauwi si Liyong kanina ay tamang-tama naman na binuksan ang kandado sa mismong silid niya. Nag-aalab ang kaniyang galit nang makita si Emilia na sa tingin niya ay may pakana sa pagkandado sa lahat na tila siya'y ginawang preso, pero napangisi naman siya dahil naisahan pa rin niya ang kaniyang tiyahin.
"Sa loob ng tatlong gabi, Liyong..." Nagagalak na saad ni Alfonso, "Makikita ko kung paano malulugmok si Don Xavier"
Napataas ang isang kilay ng binata, "Bakit niyo naman alam?"
"Noong gumagana pa ang aming kakayahan na magbasa ng hinaharap ay sumagi sa aking diwa ang pagkakaroon ng itim na buwan. Magkakaroon ng madugong labanan at..." Sandaling naputol ang litanya ng gobernadorcillo dahil siya'y napangiti, "May mamamatay sa panig ng mga taong-lobo"
Nangunot ang noo ni Liyong sa narinig, "Sino?"
"Ayaw ko munang sabihin. Basta't sisiguraduhin kong bubulusok pababa ang panig ng mga taong-lobo!" Mapagbanta na saad ni Alfonso. Humarap siya muli sa kaniyang bintana, "Panahon na, anak,"
"Panahon?" Nagtatakang saad ni Liyong.
"Panahon na para maging kaisa ka sa amin," Wika ni Alfonso sa anak, "Maging isang bampira, Liyong."
Natigilan si Liyong, tila lumalaki ang kaniyang ulo sa narinig at tumindig ang balahibo sa kaniyang katawan. Hindi niya makakaya na maging kaisa sa kanila lalo na at immortal na magkaaway ang mga bampira at taong-lobo.
×××
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro