Kapitulo - XXXIX
LAGPAS tao ang laki ng nilalang na bumulwak sa gitna ng ilog. Sa mga galamay nito ay may lumitaw na mga libo-libong mata. Nanghilakbot si Liyong at Marco sa nakita nang huling lumitaw ang ulo nito mula sa ikalaliman.
"Tangina! Anong klaseng nilalang 'to?!" Bulalas na katanungan ni Marco.
Bigla na lamang na iwinasiwas ng halimaw ang isang galamay nito upang hampasin ang dalawa ngunit mabilis naman na nakailag ang dalawang binata.
Napansin naman ni Liyong ang unti-unting pagkapal ng hamog sa paligid, kung kaya ay pinaliyab niya muli ang isang kamay para magkaroon ng liwanag.
Kitang-kita nila ang mukha ng dambuhalang nilalang. Iisa lamang ang mata nito sa ulo at may mga maliliit at matutulis na ngipin.
Muli, umilag na naman ang dalawa sa hampas.
"Pupuntiryahin ko ang mata ng halimaw na iyan," Ani Marco sabay palit ng anyo "Basta ba'y huwag mo lang ako tamaan ng iyong bolang apoy katulad ng dati," Sabay ngisi niya bago lumundag upang makasampa sa isa sa mga galamay ng halimaw.
Napangisi na lang din si Liyong at napatango. Pagkatapos ay tumakbo siya sa gawing kanan malapit sa kapatagan para kahit papaano ay hindi siya mabasa at gumana ang kaniyang kapangyarihan.
Samantala, si Marco naman ay napayakap sa isang galamay habang gumegewang-gewang siya at tila dinuduyan din siya na may kasamang bagsak. Pero kahit ganoon ay nanatiling mahigpit siya sa pagyakap. Gamit ang matatalas na kuko ay kaniyang tinutusok ang mga mata sa galamay. Sa ganoong istilo ay nagawa niyang makausog pataas malapit sa ulo ng halimaw.
Si Liyong naman ay panay hagis ng bolang apoy sa gawing ilog, nag-iingat lamang siya nang sa ganoon ay hindi matamaan si Marco na nagsisikap ngayon na puntiryahin ang nag-iisang mata ng halimaw.
"Magaling! Kitang-kita ko ang pagtutulungan niyong dalawa ah?" Nakakalokong saad ni Andrus sabay palakpak mula sa likuran.
Napalingon si Liyong, biglang nagsalpukan ang kaniyang kilay sa nasilayan, "Ikaw?! Ano pa ba ang nais mo?! Tantanan mo na kami!"
Ngumisi nang nakakaloko si Andrus sabay lapit kay Liyong, "Syempre," Sabay wasiwas ng kaniyang mga mapipilantik na daliri.
Biglang lumitaw sa ere si Dolorosa pero wala pa rin itong malay.
"Dolor!" Akmang lalapitan ng binata ang iniirog pero biglang nawala ito sa ere na parang bula, "Anong ginawa mo sa kaniya?! Hindi ako papayag na makukuha mo siya sa akin!"
Humalakhak si Andrus, "Tapos? Ano? Magtatawag ka na naman kay Don Xavier? Para malaman mo, kasalukuyang nakatigil ang oras. Lahat ng ginagawa ng tao sa lugar na ito ay tumigil maliban sa atin."
Napayukom ng kamao si Liyong at mas lalong tumindi ang pagliyab ng kaniyang mga kamay, "Hindi puwede! Mamamatay ka!" Galit na saad niya, pagkatapos ay buong pwersa siyang bumuwelta gamit ang kamaong nagliliyab sa mukha ni Andrus.
Napaiwas si Andrus pero kahit nakatakas siya sa kamao ni Liyong ay ramdam niya ang pagkasunog ng kaniyang kilay dahil sa init na dumaan sa kaniyang mukha.
Sa kabilang dako, napapaigik si Marco sa sakit sa kaniyang katawan. Tumilapon siya dahil sa sobrang lakas ng pagkakawasiwas ng galamay.
Napadako ang kaniyang paningin kay Liyong na nilalabanan na ngayon si Andrus, "Puta, buhay pa pala ang traidor na iyan?!" Naiinis niyang saad, "Kahit kailan, hindi patas lumaban ang hayop na 'to! Kailangan may kasamang walang kwentang nilalang!" Pagkatapos ay napabangon siya sabay alulong. Sinikap niya muling lusubin ang kalaban. Mas nagkaroon pa siya lalo ng lakas ng loob na mapatumba ito para matulungan niya si Liyong na harapin at mapatay si Andrus.
Sa kalagayan naman ngayon ni Liyong ay medyo nahihirapan siyang mahuli si Andrus na bigla na lamang nawawala tapos biglang lilitaw sa ibang pwesto.
"Hindi kailan man natatalo ang mga dalaketnon, Leopoldo!" Pagmamalaking saad ni Andrus sabay halukipkip, "Hindi pa nagagamit ang kalahati ng aking kapangyarihan! Tunay ngang napakahina niyong mga nilalang!"
Sa sobrang galit ni Liyong ay buong katawan na niya ang nagliyab, "Huwag mo akong sinusubukan, Andrus! Gagawin kong impyerno ang buhay mo!" Pagkatapos ay bigla siyang napatalungko at idinampi ang palad sa lupa.
Bakas sa mukha ni Andrus ang gulat, patungo na sa kaniya ngayon ang isang linya ng apoy. Ang tanging nagawa niya ay sumirko nang dalawang beses sa ere bago lumapat muli ang kaniyang mga paa sa lupa. Pero mukhang huli na dahil napalibutan na siya ng apoy. "Ha! Ano 'to, Leopoldo? Panakot?!"
Matalim na napatingin si Liyong sa gawi ng dalakitnon na ngayon ay nakakakitaan na ng pagkabalisa.
"Mahina ka pa rin!" Buwelta ni Andrus at agad na pumikit sabay kumpas ng dalawang kamay na ikinasanhi ng pag-alsa ng lupa sa paligid. Pagkatapos ay iminulat niya ang kaniyang mata sabay hugot ng malaking pwersa at itinuro ang gawi ni Liyong.
Tila bumagal ang lahat nang tumilapon si Liyong kasama ang mga malalaking tipak ng lupa.
Natigilan si Marco sa nakita. Kinain ng lupa si Liyong at sa ganoong eksena ay nahulog siyang muli pero ngayon ay sa tubig na.
Nalublob siya sa kailaliman ng ilog at sa pagkakataong iyon ay nakita niya din ang ilalim na bahagi ng halimaw na may mga ugat at sa loob nito ay may umiilaw na kulay dilaw.
Buong tapang siyang sumuot dito at sinikap na hindi siya matamaan ng malilikot na galamay.
"Husto na ang lahat! Nanalo na ako!" Masayang saad ni Andrus, "Maaangkin ko na rin sa wakas! Wala na akong pakialam pa sa hiyas na iyan dahil ang totoong hiyas ay si Via Dolorosa." Puno ng kagalakan ang kalooban ng binata, dahil nakuha na niya ang kaniyang inaasam.
Mula sa kailaliman ng lupa ay naimulat ni Liyong ang mga matang nagbabaga.
Papasok na sana si Andrus kasama si Dolorosa na nakalutang sa ere sa isang lagusan na nakabukas sa katawan ng punong balete pero napansin niya ang kaunting pagyanig. Napatingin din siya sa kaniyang nailikhang nilalang na ngayon ay unti-unti ng lumulubog at kapansin-pansin ang mga usok sa paligid nito. Kahit sa kaniyang paanan ay may lumalabas din na usok.
Kalauna'y biglang bumulusok pataas si Liyong sa lupa pero kakaiba na ang anyo nito dahil doble na ang laki nito, ang katawan ay parang isang batong nagbabaga dahil sa nakapaloob dito na tila isang kumukulong putik ng apoy.
Ganoon din si Marco, bumulusok pataas at tumagos sa ulo ng halimaw habang hawak ang kulay dilaw na bolang kristal.
Gimbal na gimbal si Andrus sa nakita at akmang tatakbo patungo sa lagusan pero biglang bumulwak mula sa lupa ang kumukulong putik ng apoy na animo'y isang puwente.
Ginamit niya ang kakayahang magpalit ng pwesto pero napapailag na lamang siya dahil sinusundan siya ng pagbulwak ng kumukulong putik ng apoy.
Dumadagundong ang boses ni Liyong nang sumigaw siya sa galit. Walang ano-ano'y dinampot niya si Andrus na naliligo na sa pawis.
Napasigaw si Andrus sa init, nakikita niya ang pagtuklap ng balat sa kaniyang tiyan, "Hindi maaari!"
Sa sobrang inis ni Liyong ay iniyukom niya nang mahigpit ang kamao na kung saan hawak niya si Andrus, hanggang sa sumabog ito sa kaniyang mga kamay at kalaunan ay naging abo.
Halos hindi makakurap si Marco sa nakita habang siya'y nasa tuktok ng ulo ng dambuhalang halimaw na ngayon ay walang buhay.
Unti-unting bumalik sa kaanyuan si Liyong, kahit na siya ay hindi makapaniwala sa angking kakayahan. Napangiti na lamang siya nang makita ang sinisinta na nakahandusay sa damuhan. Agad siyang nagpagpag ng sarili bago binuhat si Dolorosa.
"Nagawa mo, Liyong! Hanga ako sa iyo!" Saad ni Marco. Parang wala lang sa kaniya ang pagod nang magawa ni Liyong na mailigtas ang kapatid.
"Hindi, nagawa nating dalawa." Tugon pa ni Liyong sabay ngiti.
"PADRE mia! Paanong--" Halos hindi makapaniwala si Doña Araceli nang makita ang dalawang binata na may galos sa katawan. "Bakit? Paanong kasama niyo si Dolorosa?"
"Mahabang kwento po, ina." Tugon ni Marco. Napatingin siya bigla nang makita ang ama galing sa silid-pagamutan na natigilan din sa kanilang mga kalagayan.
"Ano ito, Marco? Bakit buhat-buhat ni Liyong si Dolor?" Seryosong tanong ni Don Xavier.
Napahimas ng batok si Marco, "Nagkaroon lang po ng problema sa oras, kung kaya ay ganito... kasama namin si Dolor."
Napakunot-noo si Don Xavier, "Hindi ko maarok ang iyong sinasabi, Marco."
Napahinga nang malalim si Marco at walang ibang magagawa kundi ang sabihin lahat ng nangyari kanina sa ilog.
ISANG linggo na ang lumipas ngunit hindi pa rin nagkakamalay si Dolorosa.
Nailapag ni Liyong ang kumpol ng pulang rosas sa mesa na katabi lamang ng kama ng dalaga, "Alam kong naging paborito mo 'to," Aniya. "Kailan ka kaya magkamalay? At kung magkakamalay ka, maaalala mo pa ba kaya ako?"
Napahinga siya nang malalim, sabay hawak sa kamay ni Dolorosa. "Pero kahit anong mangyari, hihintayin pa rin kita. Kahit na siguro puputi na ang buhok ko, babantayan pa rin kita upang masilayan ko ang pagmulat muli ng iyong mga mata."
"Kuya Liyong, manananghalian na tayo," Bungad ni Olimpia sa pintuan ng silid, "Hinihintay ka na nila Don Xavier sa ibaba."
Napatango si Liyong at bago pa man tumayo ay hinalikan niya muna sa kamay si Dolorosa "Bueno, halika na, nang sa gayon ay mabubusog na naman tayo."
Napatawa nang mahinhin si Olimpia sabay tango.
"A-ama,"
Agad na napalingon si Liyong sa gawi ng silid ni Dolorosa, nakita niya itong gumagalaw na parang binabangungot. Napatakbo siya agad sa gawi ng dalaga. Hinawi niya ang buhok nito at hinawakan muli sa kamay, "Dolorosa? O-olimpia, tawagin mo muna sila, por pabor."
Agad na sinunod ng dalagita ang utos ni Liyong.
"Liyong?" Pagkukumpirma pa ni Dolorosa. Medyo malabo ang kaniyang paningin nang maimulat na ang mata.
Halos walang malagyan ng kasiyahan ang puso ni Liyong, "Nagising ka! Salamat sa Diyos, kamahalan!" Nagagalak niyang saad.
"A-anong nangyari?" Pagtatakang tanong ni Dolorosa sabay dampi ng kaniyang palad sa noo, "May naiwan ba akong responsibilidad?"
Pinigilan naman ng binata ang akmang pagbangon ni Dolorosa, "W-wala. Huwag kang mag-alala."
"Dolorosa!" Naiiyak na sambit ni Doña Araceli at agad na napayakap sa anak nang makapasok siya silid.
Ganoon din si Don Xavier, kahit na walang binitawang salita ay kitang-kita sa mata nito ang labis na kagalakan habang yakap ang anak.
Pasimpleng napangiti si Liyong sa ganoong tagpo. Lalo na nang dumating si Adrian at Marco, mas doble na ang kasiyahan.
Babangon muli ang balwarte ng mga taong-lobo. Sisibol muli ang bagong pag-asa.
NAPAHINGA nang malalim si Dolorosa habang nakatitig sa puntod ng dalawang nakakatandang kapatid. Hindi niya maiwasan na maiyak at magsisi.
"Tiya Dolor, sabi sa akin ni ina, darating ang araw na makikita muli natin sila." Inosenteng saad ni Luna.
Napapunas ng luha si Dolorosa at ibinaba ang sarili para mapantayan si Luna sabay titig niya sa mga mata nito, "Balang araw. Pero sa ngayon ay kailangan na muna natin na labanan ang mga kalaban. Kailangan kong makapaghiganti sa may gawa nito," Sabay sulyap niya kay Liyong na ngayon ay nakatingin lamang sa kanila. Pagkatapos ay tumayo na siya, "Paano na ngayon na wala na akong kakayahan na magpalit ng anyo?"
Napataas ang kilay ni Liyong sa pag-iisip. Hanggang sa nagkaroon siya ng ideya, "Paano kung turuan kita paano makipaglaban na gamit lamang ay espada?"
Napakunot-noo si Dolorosa sa naisip ni Liyong, "Ano?"
"Oo, katulad ni Edelmira. Gagamitin natin 'yung esapada na ibinigay ni Don Lorenzo sa iyong ama." Suhestiyon ni Liyong.
"At pwede rin 'yung espadang binigay ng mga kataw" Singit ni Adrian.
Napalingon ang dalawa sa gawi ni Adrian. Si Luna naman ay tumakbo papalapit dito sabay yakap.
"O, may dalawa ka palang pagpipilian, kamahalan," Saad pa ni Liyong, "Gusto mo bang matuto?"
"Walang pagtutumangging oo!" Masigla na banat ni Dolorosa.
"Sali rin ako" Pagsisingit din ni Olimpia.
"Sige ba!" Masayang tugon ni Dolorosa, napatingin siyang muli sa mga puntod. "Sisikapin kong makamit ang hustisya para sa inyong lahat." Saad niya sa sarili.
LUMIPAS pa ang mga araw ay naituon ni Dolorosa ang sarili sa pag-eensayo sa pakikipaglaban gamit ang espada sa tulong ni Liyong at kaniyang mga kuya.
Napatitig na lamang siya sa dulo ng matalim na espada habang siya'y napaupo sa lupa. Tumilapon ang kaniyang espada nang matamaan ang kaniyang kamay sa isang espada na hawak ngayon ni Liyong.
Pero mabilis siyang nakakilos at nasipa niya sa tiyan ang binata.
Si Liyong na naman ngayon ang napaupo habang nakatitig sa matalim na espadang nakuha agad ni Dolorosa. "O siya, sige na... talo na ako." Pagsuko pa niya sabay ngiti.
Binawi naman ni Dolorosa ang espadang itinutok niya sa binata, "Magaling na ba ako, Liyong?"
"Magaling na magaling, kamahalan!" Saad ni Liyong sabay tayo at pinagpagan ang sarili.
Napalakpak naman si Adrian at Marco sa paghanga sa kanilang bunsong kapatid.
Samantala, napapangiti si Don Xavier at Doña Araceli mula sa azotea habang pinagmamasdan sila.
"Parang kailan lang... ngayon tunay na dalaga na talaga ang ating unica hija," Sambit ng Doña at napakapit na lamang sa bisig ng esposo.
"Maswerte rin si Dolor kay Liyong. Kahit na napakahirap na ng sitwasyon ay hindi siya sumuko. Bueno, hindi na ako tututol sa pagmamahalan nilang dalawa." Wika ni Don Xavier. Nakita niya naman ang ekspresyon sa mukha ng esposa na ngayon ay hindi makapaniwala sa sinambit niya.
"Ganiyan ka rin noon, ano? Hindi ka sumuko sa akin" Tukso pa ni Doña Araceli.
Napangiti na lamang ang Don sabay halik sa noo ng esposa.
PAGKATAPOS ng hapunan ay napagpasyahan ni Liyong at Dolorosa na gumawa ng apoy sa harapan ng mansyon. Ginatungan nila ito ng mga patay na sanga ng puno.
Tanging kuliglig at pitik ng mga nagbabagang kahoy lamang ang kanilang naririnig.
Napasandal ang dalaga sa balikat ni Liyong habang sila'y nakaupo sa putol na katawan ng kahoy at sinamsam ang pagkakataon na muling makausap at mahawakan ang binata. "Akala ko'y hindi na ako magigising, Liyong."
"Huwag mo nang isipin iyan, kamahalan. Ang importante ay maayos na ang iyong kalagayan." Mahinahon na sabi ni Liyong.
Napahinga nang malalim si Dolorosa at napaayos na ng upo sabay titig sa mga mata ni Liyong, "Salamat at hindi ka nagsawa na bantayan ako," Malambing na pagkakasabi niya dito, "Naikwento lahat sa akin ni ina na araw-araw kang nasa tabi ko."
Napangiti na lamang si Liyong, bago magsalita, "Wala iyon. Mahal kita, kung kaya ay hindi ko hahayaan ang sarili na lumayo pa sa'yo." Pagkatapos ay napatayo siya at inilahad ang palad sa dalaga.
Napatingin si Dolorosa sa kamay ni Liyong, "Ano?"
Napatawa nang mahina ang binata. "Sasayaw tayo nang mabagal. Kahit walang musika."
Tinanggap ni Dolorosa ang kamay ni Liyong at agad na ipinatong ang kamay sa balikat nito. Idinampi rin ni Liyong ang kananng kamay sa beywang ng dalaga.
"Hawakan mo ang aking kamay," Saad ng binata. "Sasayaw tayo ngayon at samsamin ang bawat oras sa gabing ito."
Napatango si Dolorosa, hinawakan niya ang kaliwang kamay ni Liyong.
------
Featured Song:
Uhaw by Dilaw
(Dance scene, yieee)
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro