Kapitulo - XXXIV
TIRIK na tirik ang araw na tinahak ni Dolorosa ang daan pauwi ng balwarte, inutusan siya ng kaniyang ina na kumuha ng iilang damit sa kanilang tahanan.
Nakaamoy siya ng pamilyar na amoy kung kaya ay napailing na lamang siya sabay ngiti, "Liyong, lumabas ka na riyan"
Mula sa mataas na puno ay lumundag si Liyong, naglakad siya patungo kay Dolorosa na patuloy din ang paglalakad, "Hindi pala uubra sa akin ang magtago," natatawang saad pa niya.
Walang naitugon si Dolorosa habang nakasunod sa kaniya ang binata.
"Ako'y nakikiramay sa pagkawala ng iyong tiyo Marcelo" Saad pa ni Liyong sabay hinga niya nang malalim.
Napatango lamang si Dolorosa at patuloy na naglakad.
"B-bakit hindi mo ako sinasagot?" Tanong ni Liyong sa dalaga, hindi niya namalayan ang pagtango nito sa kaniya.
Napahinto naman si Dolorosa sa tapat ng pintuang daan at humarap sa binata,"Sinasagot naman kita ah? Tumango po ako, ginoong Leopoldo"
Ngumiti si Liyong, "Ganoon ba? I-ikaw lang ba mag-isa rito ngayon?"
"Mukha ba akong may kasama?" Natatawang saad ni Dolorosa, "Siya nga pala, Liyong, ano at naparito ka?"
"M-may nais lang sana akong sabihin sa iyo, kamahalan" Ani Liyong kay Dolorosa na ngayon ay binubuksan na ang pintong daan.
"Ano iyon?" Tanong pa ni Dolorosa sabay bukas ng pintuang daan.
"P-pwede bang sa loob ko na sasabihin?" Nag-aalangan na sambit ni Liyong, alam niyang bawal ang ganitong eksena pero nais niyang balaan ang dalaga sa naging plano ng kaniyang ama.
Napahinga nang malalim si Dolorosa, "Kapag ikaw ay nakita ni ama o ng mga cambiaformas, hindi na kita ipagtatanggol"
Ngumiti lamang si Liyong, "Bueno, kahit hindi na lang sa loob ng inyong tahanan, maaaring doon na lang" Sabay turo niya sa mga bakanteng upuan na naroroon sa malapad na hardin.
"Sige, mas mainam" Ani Dolorosa sabay hawak sa kamay ni Liyong papunta sa mga bakanteng upuan.
Hindi naman mapigilan ng binata na mapangiti habang hawak ni Dolorosa ang kaniyang kaliwang kamay.
"Hintayin mo ako rito, Liyong. May kukunin lang ako sa taas,"
Napatango naman si Liyong at pinagmasdan na lamang niya ang dalaga na tumalikod at pumasok sa loob ng tahanan.
Hinahanda niya ang sarili sa maaaring sabihin kay Dolorosa patungkol sa plano ng ama.
Mayamaya pa ay lumabas na ang dalaga dala ang isang tampipi at isang baso ng tsaa. Inilagay niya ito sa hindi kalakihang mesa na kaharap lamang ni Liyong.
"Dolor, nawa'y hindi ka magalit sa akin" Ani Liyong sa dalaga.
Umupo naman si Dolor sabay bigay kay Liyong ang tasa, "Ano iyon?"
"Pasensya na kung ngayon ko lamang sasabihin ito, ako ang may pasimuno sa pagsunog sa monasteryo dahil pinaghahanap ka ng mga prayle," Saad ni Liyong, "Ngayon naman ay si ama na ang gustong dumukot sa'yo,"
Napaawang ang labi ni Dolorosa sa narinig, "B-bakit?"
Napahinga nang malalim si Liyong bago magpatuloy sa pagsasalita, "Marahil ay para magalit ang iyong ama at magkaharap sila ng aking ama. Ako ang itinalaga na dukutin ka"
Hindi makaimik si Dolorosa at tila sasabog na ang kaniyang ulo.
"Ang masasabi ko lamang ay huwag kang lalabas kapag sumilay na ang buwan na nababalutan ng dilim" Ani Liyong na animo'y naghahatid ng isang malaking babala.
Napakunot-noo si Dolorosa sa sinasabi sa kaniya ng binata at walang nagawa kundi ang tumango, "Tapos?"
"Huwag kang mag-aalala, hindi naman kita dudukutin." Dagdag niya pa, "Hindi ko magagawa iyan sa babaeng mahal ko" Sabay tayo niya mula sa pagkakaupo.
Nagtaka naman si Dolorosa sa kilos ni Liyong, tinanggal nito ang sombrero at ipinatong sa mesa.
"Pwede mo akong bugbugin ngayon, para may ebedensya akong ipakita kay ama na hindi kita nadukot dahil sa sobrang lakas mo" Sabi pa ni Liyong, "Bugbugin mo ako, nang matakot sila dahil kahit na ako ay hindi kita kaya. Kalmutin mo ako o kagatin, kahit ano... walang problema iyon sa akin"
Parang natuod si Dolorosa sa pagkakaupo, nakatingin lamang siya nang diretso sa mga mata ng binata na kayang harapin ang lahat para sa kaniya.
"Sige na, Dolor. K-kahit ikamatay ko man" Saad ni Liyong, "Ayos na iyon, mamamatay ako sa iyong mga kamay" Sabay ngiti niya sa dalaga.
Napatayo si Dolorosa at lumapit sa binata sabay sapo ng magkabilang pisngi nito. Tumingkayad siya at agad na hinalikan ang labi ni Liyong.
Gulat na gulat si Liyong sa nagawa ni Dolorosa sa kaniya pero kalauna'y ipinikit na lamang niya ang kaniyang mga mata at sinamsam ang halik ng dalaga sabay dampi ng kaniyang mga palad sa baywang nito.
Matapos ang ganoong eksena ay napatitig si Dolorosa sa mga mata ni Liyong habang sapo pa rin niya ang magkabilang pisngi nito, "Salamat, p-pero hindi rin kita kayang saktan" Saad niya, nangingilid ang kaniyang mga luha sa mata, "Iniibig din naman kita, Liyong" Hindi na napigilan ng kaniyang mga mata ang pag-agos ng luha.
Sinapo rin ni Liyong ang kabilang pisngi ni Dolorosa sabay punas niya gamit ang hinlalaki sa mga luha na umaagos sa pisngi nito. Hinawi niya ang buhok ng dalaga at isinabit ang iilang hibla sa tainga nito, "Tahan na, kamahalan" Wala siyang ibang masabi dahil tila nananaginip siya sa tinuran ng dalaga. Niyakap na lamang niya ito nang mahigpit.
SERYOSONG nakatitig si Marco sa kaniyang tiyo Marcelo na nasa loob na ng kabaong, kanina pa siya walang kinakausap dahil sa sobrang pagdadalamhati niya sa pangyayari.
Hindi mapigilan na lapitan ni Doña Araceli ang anak na ngayon ay nakatayo lang ng tuwid sa harapan ng kabaong, "Marco"
Napalingon naman si Marco nang marinig ang boses ng ina, mugto ang mga mata nito at namumutla ang labi.
"Nakakalungkot ang sinapit ng iyong tiyo Marcelo. Hindi ko na maarok ang lahat, anak." Naiiyak na sambit ng Doña.
Napahinga nang malalim si Marco at lumapit sa ina upang patahanin ito, hinagod niya ang likuran nito para kahit papaano ay kumalma.
"Alam mo ba na sa kaniyang pangalan ko hinango ang iyong ngalan? Nais kong makita kang lumaki na katulad niya, puno ng tapang at may malasakit sa kapwa" Saad ni Doña Araceli habang nakasandal sa dibdib ng anak.
Hinalikan na lamang ni Marco ang ulo ng kaniyang ina at inalalayan na makaupo ito.
Samantala, dumating naman si Adrian dala ang mga kandila na ititirik mamaya sa novena. Kasama naman niya si Aina na may bitbit na dalawang buslo na naglalaman ng mga kakanin at pansit na binili ni Doña Aryana kaninang umaga para sa mga bisita.
Bago pa man makapasok si Adrian sa pintuang daan ay napasulyap siya sa matanda na nakausap na niya noon, may kasama itong binata na kasing-edad lamang ni Dolorosa "Tatay Himala?"
"Ginoong Adrian, akala ko'y hindi mo na ako matatandaan" Ani Himala, tinanggal niya ang kaniyang sombrerong buri sa ulo at itinapat sa dibdib, "Ako'y nakikiramay sa pagkawala ni Señor Marcelo. Isa siya sa mga magaling na tagasiyasat, nagmana siya sa kaniyang ama na si Heneral Santiago"
Ngumiti nang tipid si Adrian at napatango, kumikirot ang kaniyang puso sa mga nangyayari, "Siyang tunay po, tuloy po kayo."
Napasulyap si Himala sa dalagang nasa likuran ni Adrian, "Iniirog mo ba siya?"
Walang pag-atubiling napatango si Adrian, "Opo,"
"Bueno, sumasainyo ang mabuting kapalaran" Ani Himala sa dalawa.
Napayuko naman nang bahagya si Aina.
"Pasok na po kayo. A-ako nga pala si Adrian, ikaw?" Pagpapakilala pa niya sa binatang kasama ni Himala.
"Ako po si Julian" Sabay ngiti niya at itinapat ang sombrerong buri sa dibdib.
Ngumiti naman si Adrian, pagkatapos ay inanyayahan na niya ang dalawa na pumasok sa loob.
Nang makapasok sila sa loob ay agad na napatayo si Doña Araceli nang makita si Himala, napayakap siya nang mahigpit dito. Hindi niya akalain na makikita niya itong muli, "Himala, kumusta ka?"
Napangiti naman si Himala, "Heto po, tumatanda na. Parang kailan lang po 'di ba? Huling pagkikita natin ay ang araw na kinasal kayo ni Don Xavier,"
Napapunas pa si Doña Araceli ng luha at napangiti, "Parang kailan lang din, binatilyo ka pa. Isa sa mga matalinong binata na nakilala ko,"
Bumaba naman si Senyor Crisologo galing sa itaas ng tahanan, nadatnan niya ang mga bisitang dumating, isa na roon ang kaniyang naging matalik na kaibigan na si Himala.
ISANG malalim na buntong-hininga ang ikinawala ni Don Xavier habang seryosong nakatitig sa mansyon ng gobernadorcillo.
Naglakad siya papasok at alam niyang nakatitig sa kaniya ang mga tagabantay pero wala siyang pakialam.
Nang malapit na siya sa pintuan ay humarang ang gwardiya-sibil.
"Ano ang inyo na kailangan, Don Xavier?" Tanong pa ng gwardiya.
"Kailangan kong makausap ang Gobernadorcillo," Mahinahon ngunit seryosong turan ni Don Xavier.
"Paumanhin ngunit may panauhin ang Gobernadorcillo. Dumating kaninang umaga ang Gobernador-Heneral at ang Visitador-Heneral," Tugon pa ng gwardiya, kinakabahan man ay nanatili ang kaniyang posturang tuwid.
"Papasukin mo, si Don Xavier"
Parehas na napatingala si Don Xavier at ang gwardiya sa gawing azotea.
Agad na napatango ang gwardiya-sibil sa utos ni Alfonso.
Pumasok naman si Don Xavier sa loob at nadatnan niya si Emilia na nakaupo sa isang mesa kaharap ang Gobernador-Heneral at ang Visitador-Heneral.
Si Lazarus Legazpi ang kinikilalang Gobernador-Heneral, nakasuot ito ng pormal na uniporme at may mga medalyang nakasabit sa kanang bahagi ng dibdib, maputi na ang buhok nito pero hindi ipagkakailang napakagwapong mestizo ito. Si Artemio Delos Rios naman ang Visitador-Heneral, ang itinilaga ng hari ng Espanya para tumingin sa mga namumuno kung maayos pa ba ang pagdadala nila sa nasasakupan. Maputla ang balat nito at nakakakitaan din ng pagkamakisig dahil sa hubog ng mukha na napaka-perpekto.
"Maligayang pagdating muli sa aking mansyon, Don Xavier! Ako'y nagagalak na bumisita ka rito, umupo ka" Nagagalak na turan ni Alfonso.
Hindi naman makapaniwala ang Gobernador-Heneral na sa unang pagkakataon ay nakita niya ang hari ng mga taong-lobo.
Ang Visitador-Heneral naman ay napasulyap kay Emilia, isa rin itong bampira at walang alam ang Gobernador-Heneral sa kanilang tunay na mga katauhan.
"Don Xavier, ako'y nagagalak na makita ka sa unang pagkakataon" Ani Lazarus at agad na inilahad ang kamay upang makipagkamayan.
Tinanggap naman iyon ni Don Xavier, hindi niya nakakakitaan ng kakaiba si Lazarus, bagkus ay mas napukaw ang kaniyang pansin sa Visitador-Heneral, "Ako rin, akala ko ay hanggang sa papel ko lang mababasa ang iyo na ngalan"
Napangisi si Lazarus at tumango.
Napasulyap si Don Xavier kay Emilia na ngayon ay hindi makatingin sa kaniya nang maayos, naamoy niya rin ang paghalo ng dugong taong-lobo sa sistema nito.
"Bueno, kami na rin ay aalis na." Biglang saad ni Lazarus, "Marahil ay hindi ka na mabibigatan sa mga pangyayari dahil nandirito naman ang hari ng mga taong-lobo. Marami siyang mga kawal at kaanib. Magtulungan kayo," Nakangiting saad pa niya kay Alfonso.
Sarkastikong ngumiti si Alfonso at tumango-tango pa, "Siyang tunay,"
Mayamaya pa ay umalis na rin ang dalawa at ang tanging naiwan na lamang sa sala ay si Alfonso, Emilia, at Don Xavier.
"Don Xavier, ano at naparito ka?" Tanong ni Alfonso, napaupo siya sa isang silya at may lumapit sa kaniya na isang dalaga habang hinihimas ang kaniyang balikat.
Tumikhim si Don Xavier, tinapunan niya ng tingin si Emilia na ngayon ay iniwasan siya ng tingin. "Nais ko sanang makipag-ugnayan sa iyo, patungkol sa mga bampirang kumakalat sa bayan. Nabiktima nila ang pamangkin ng aking asawa," Mariin na bigkas niya pa.
Natigil naman si Alfonso sa narinig, hindi niya matandaan na may nautusan siyang tauhan na pumatay.
Kahit na si Emilia ay napataas ng kilay sa narinig.
"Isa sa mga peste sa bayang ito ang mga bampira, kung matunton ko man ang kanilang lungga ay hindi ako magdadalawang isip na sila'y paslangin" Dagdag pa ni Don Xavier na nagpapanggap na tila hindi alam ang patungkol sa gobernadorcillo. Pwede na niya ngayon na paslangin ang dalawa pero hindi niya magawa dahil may nais pa siyang malaman.
Napainom ng vino si Alfonso at mapait na reaksyon ang gumuhit sa kaniyang mukha, "Hindi ko rin maarok kung bakit may mga bampira, lubhang napakainit sa bayang ito. Marahil din ay may nais na makuha ang mga ito sa inyo, Don Xavier"
Sa kalooban ng don ay parang hinahamon siya ni Alfonso na ilabas din ang tinatago patungkol sa pulang hiyas, "At ano naman kaya iyon?" Taas noong tanong ni Don Xavier.
Napasandal nang bahagya si Alfonso sa upuan, totoo nga ang mga kwento na tuso at matalino ang pinuno ng mga taong-lobo, "H-hindi ko alam. Marahil isang bagay na gusto nilang angkinin,"
"At paano ka nakakasiguro na may nais lamang silang angkinin sa amin? Bakit hindi na lang ako ang harapin agad? Kami lang naman ang punterya nila 'di ba? Naisip mo ba yon, Gobernadorcillo?" Tanong muli ni Don Xavier.
Ramdam na ramdam na ni Emilia ang tensyon sa pagitan ng dalawa.
"Bakit parang inaakusahan mo ako, Don Xavier?" Mariin na tanong ni Alfonso.
"Wala naman akong sinabing pangalan mo, ang pinupunto ko lamang ngayon ay nais kong makipag-ugnayan sa'yo para mas lalong mapahigpit ang seguridad sa bayan na ito" Seryosong saad ni Don Xavier, "Bueno, kung ayaw mo ay naiintindihan ko. Hindi basta-bastang kaaway ang mga bampira laban sa mga pangkaraniwan lamang," Saad niya pa sabay tayo sa upuan.
Napatayo rin si Alfonso at iwinaksi ang kamay ng babaeng bayaran, "Don Xavier,"
Natigil si Don Xavier sa pag-aayos ng sombrero at seryosong tiningnan sila isa-isa.
"Papayag akong makipag-ugnayan sa'yo, pero nais kong malaman kung ano sa tingin ninyo ang punterya sa inyo ng mga bampira," Mahinahong saad ni Alfonso.
Napatiim-bagang si Don Xavier, "Anong klaseng pakikipag-ugnayan iyan? May kondisyon?"
Hindi makasagot si Alfonso at tila umaalsa na ang kaniyang dugo para paslangin si Don Xavier, napansin niya naman na pinigilan siya ni Emilia.
"Marahil ay gusto nilang masakop ang bayan na ito upang maging sunod-sunuran ang mga tao," Diretsong saad ni Don Xavier, "Pag-isipan mo rin nang mabuti bilang gobernadorcillo ng San Fernando,"
Walang nagawa si Alfonso, napahinga na lamang siya nang malalim.
Tumalikod na si Don Xavier at tumungo sa malaking pintuan, nang mabuksan niya ito ay bumungad sa kaniyang harapan si Liyong.
Naistatwa si Liyong sa kaba nang makaharap si Don Xavier, nanunuyo ang kaniyang lalamunan at tila nais na lamang niya maglaho sa kinatatayuan.
Nagtagbo ang kilay ni Don Xavier sa binata, "A-anong ginagawa mo rito?"
"Anak siya ng gobernadorcillo, magkakilala ba kayo?" Singit ng gwardiya na nagbabantay.
"A-anong anak? Leopoldo? Ano ito?" Pagtatakang saad ni Don Xavier sa binata.
Walang ibang nagawa si Liyong kundi ang paliyabin ang isang punong-kahoy malapit sa pintuang daan gamit ang kaniyang isipan upang matuon ang lahat ng atensyon dito.
Agad naman na napatingin si Don Xavier sa lumiliyab na puno, "Ang taong-apoy!"
Lumabas din mula sa mansyon si Alfonso at Emilia. Natunghayan nila ang kumakalat na apoy nagmumula sa puno.
Ang mga tao sa labas ay nagkagulo at nagmamadaling maghanap ng timba upang mapaglagyan ng tubig. Walang ibang nagawa si Don Xavier kundi tumulong na rin upang maapula ang apoy.
"Mahusay, anak" Biglang saad ni Alfonso kay Liyong at tinapik ang balikat nito, "Pagmasdan natin ang Xavier na iyan na magpaka-bayani sa mga tao,"
Iwinaksi lamang ni Liyong ang kamay ng ama at agad na pumasok sa loob.
Ipinagtaka naman iyon ni Alfonso pero hindi na niya iyon pinansin pa, pinagmasdan niya na lamang na magkagulo ang mga tao sa labas.
Nang makapasok si Liyong sa silid ay agad niyang isinara nang mahigpit ang pintuan. Doon ay nagwala siya at binasag ang mga babasaging bagay. Pinagsusuntok niya pa ang pader sa inis.
Sa ganoong eksena kanina ay parang naging isang kalaban siya sa paningin ni Don Xavier.
Hindi na niya alam ang gagawin lalo na ngayon na may namamagitan na sa kanila ni Dolorosa.
----
Talaan ng salita:
Visitador-Heneral - ang itinalaga ng hari ng espanya para pumunta ng Pilipinas upang tingnan ang sitwasyon ng mga pinuno kung maayos pa ba ang pagdadala nito sa bansa.
Talaan ng larawan:
(Visual ito ni Aina)
(
Visual ito ni Julian)
(Visual ito ni Kalayaan, pasensya na kung ngayon ko lang naglagyan ng pic si Kalayaan. heeheh!😅)
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro