Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kapitulo - XXX

UMIIKOT na ang buong paligid sa paningin ni Dolorosa nang makarating siya sa Barrio Querrencia. Lubhang nanghihina na ang kaniyang katawan dahil sa pagod at paghihinagpis.

Iilang yapak na lang sana nang bigla na lamang siyang bumulagta sa damuhan dahil sa nanlalabo na ang kaniyang paningin. Napapikit na lamang siya at hinayaan ang sistema na bumagsak.

Sa kabilang dako, unti-unti at dahan-dahang gumagalaw ang galing sa hardin na mga baging patungo kay Dolorosa at dahan-dahan din ang pagbuo nito na tila isang higaan para sa dalaga upang maihatid ito sa harapan ng pintuan.

Pagkatapos ay unti-unting inilapag ng mga baging ang kawawang si Dolorosa na nawalan na ng malay. Bumalik din sa dating pwesto ang mga baging na tila nabuhay lamang upang pagsilbihan at tulungan ang tagapangalaga sa kanila.

Samantala, nang mabuksan ni Doña Araceli ang pintuan ng silid ni Dolorosa ay laking pagtataka na lamang niya na wala na ito sa higaan. "Mahal! S-si Dolor, wala na naman!" Nag-aaalalang tawag niya sa esposo.

Napatayo na lamang bigla si Don Xavier sa pagkakaupo na mag-aagahan na sana. Bakas sa kaniyang mukha ang pagkabahala at agad na umakyat sa hagdan at tumungo sa silid ng unica hija.

Nagkatinginan pa si Marco at Adrian bago napatayo at makiusyuso sana nang marinig nila ang tunog na nanggagaling sa labas ng pintuan. Tila tinutuka ito, isang senyales na may nakaabang na misteryo sa labas.

Agad na tumungo si Marco sa pintuan pero bago pa man niya buksan ay sinilip muna niya ang bintana. Nagulat siya sa kaniyang nakita, isang uwak ang kumakatok sa pintuan gamit ang tuka nito. Nakita niya rin na nakahandusay ang kapatid, "Ama! Si Dolor, nasa labas at walang malay!"

Napatakbo si Adrian sa gawi ni Marco at agad na binuksan ang pintuan. Pagkatapos ay pinulsuhan niya ang kapatid, "Mahina ang kaniyang pulso," Saad niya pa, hinipo rin niya ang noo at leeg ni Dolorosa, "Lubhang napakainit niya!"

Walang ano-ano'y agad na binuhat ni Don Xavier ang anak. "Kailangan niyang magamot, masama sa ating lahi ang pagkakaroon ng lagnat," Seryosong saad niya pa. 

"Padre mia, ang aking unica hija!" Bulalas ni Doña Araceli, namuo ang mga luha sa kaniyang mga mata at hinawakan ang isang kamay ni Dolorosa sabay hinalikan. Hindi niya maarok kung bakit ang dumi na ng damit nito.

SA mansyon ng mga Echeverria, ay naroroon si Liyong  na halos gibain na ang bakal na nakapulupot sa kaniyang paa. Umuusok na ito pero kahit anong gawin niya ay hindi nagigiba ang bakal.

"Leopoldo," Bigkas muli ni Alfonso sa pangalan ng anak na ngayon ay nakikita niyang nagpupumiglas na sa galit, "H-hindi ako makapaniwalang magkikita tayong muli,"

"Mas gugustuhin ko pang mamatay, hindi ka lang makita! Pero tunay ngang mapagbiro ang tadhana, tayo'y pinagtagpo sa hindi mabuting paraan! Sakim ka pa rin sa kapangyarihan! Makasarili at walang paninidigan!" Buwelta pa ni Liyong. Tagaktak na ang kaniyang pawis at ang luha sa mata'y umaagos na sa kaniyang pisngi, "Hindi mo man lang naisip si ina! Hindi ka naging mabuting ama at esposo, putangina mo!" Nanggagalaiting saad pa niya.

Hindi makakurap si Emilia sa natunghayan, hindi niya namukhaan ang binata dahil tatlong taong gulang pa lamang ito noong huli niyang kita bago siya tumungo sa Europa.

"Kumalma ka, Liyong! Tutulungan kita, hindi na sasakit muli ang iyong damdamin. Ito na ang pagkakataon na makabawi ako sa aking pagkukulang bilang ama." Kalmadong saad ni Alfonso habang seryosong nakatingin sa anak, "Patawad, anak. Nawa'y patawarin mo ako, pakiusap"

"Mas pipiliin ko pang mamatay!" Pagmamatigas pa ni Liyong.

Kumalansing ang mga susi nang kunin ni Alfonso ang mga ito na nakasabit lamang sa kaniyang itim na karsones. Pagkatapos ay binuksan niya ang nakakakandadong rehas. Pumasok siya sa loob upang mayakap si Liyong.

Napaatras naman si Liyong nang lumapit sa kaniya ang ama, nasusuklam siya sa pagmumukha nito.

"Anak..."

Sumagi sa isipan ni Liyong ang maaaring gawin upang matupad ang plano, napayukom siya muli sa kaniyang kamao. Kahit na labag sa kaniyang pagkatao ang maging mapalapit muli sa kaniyang ama ngunit yumayakap na sa kaniya ang pagkakataon na siya'y makapaghiganti.

"Patawad," Pakli ni Alfonso at agad na napayakap sa anak.

Hindi na umangal pa si Liyong at hinayaan na lamang na yakapin siya ng ama. Tunay ngang nakaramdam siya ng pangungulila ngunit huli na at hindi na tama ang panahon sa ganitong klaseng kaganapan, hindi na niya muling mapapatawad pa ang taong minsan na rin silang tinalikuran at iniwan.

NAKAKAILANG pahina pa lamang si Adrian sa binabasa niyang libro habang nakaupo sa isang upuan malapit sa higaan ng kapatid ay narinig niya itong nagsasalita habang nakapikit ang mga mata nito.

"L-liyong, b-bumalik ka na..."

Napatitig siya sa kapatid at hinipo muli ang noo, mataas pa rin ang lagnat nito.

"Ama, t-tulungan natin si Liyong"  Sambit pa ni Dolorosa, parang naiiyak ito sa kaniyang sinasambit.

Agad na napakuha ng malinis na labakara si Adrian at inilagay sa maaligamgam na tubig, pagkatapos ay piniga ito at pinatong sa noo ni Dolorosa. Nagtataka naman siya kung bakit binibigkas ng kapatid ang pangalan ng binatang galing sa kongregasyon.

Sa kabilang banda, nag-usap naman si Don Xavier at Doña Araceli patungkol kay Dolorosa.

"Paanong hindi mo alam na umaalis si Dolor sa kaniyang silid?" Seryosong saad ni Don Xavier, "Bakit mukhang napapabayaan mo siya?"

"Hindi naman sa pinapabayaan ko ang anak natin, syempre, may mga sarili naman tayong espasyo sa buhay. Hindi habang buhay na lagi na lang akong pumipigil sa mga nais niyang gawin" Tugon pa ni Doña Araceli, sabay napailing at napahilot sa sariling sintido.

"Kahit na ikakapahamak niya pa ito?"

Bahagyang natigilan ang doña sa paglaki ng boses ng esposo, "Hahayaan din ba ni Dolor na siya'y mapahamak? Xavier, lumalaki na ang mga anak natin!" Giit pa niya habang seryosong nakatingin sa gawi ng esposo.

"Sa tingin mo? Hindi naman magkakaganyan si Dolorosa kung hindi napahamak, malamang may hinarap na naman itong kalaban at hindi nakayanan ng kaniyang katawan. Ngayon mo sabihing walang kapahamakan ang mga taong nag-iingat!" Saad pa ni Don Xavier at napabuga na lamang ng usok na nanggaling sa hinithit na tabako.

"Sinasabi mo bang nagiging pabaya na akong ina?" Nanginging na ang boses ni Doña Araceli dahil naiiyak na siya sa mga katagang binibitawan ng esposo.

Napapikit na lamang si Don Xavier at bahagyang napayuko, pagkatapos ay ibinalik muli ang paningin sa esposa na ngayon ay umiiyak na, "H-hindi naman sa ganoon, ang akin lang ay ilayo natin sa kapahamakan ang ating nag-iisang babae." Saad niya gamit ang kalmadong boses.

"Alam mo ba ang rason kung bakit hindi ko hinihigpitan si Dolorosa at hinahayaan kong magliwaliw sa labas... o maranasan man lang kung ano ang totoong mundo? Dahil dito ako nagkulang noon! Kahit man lang sa kaniya ay mabawi lahat ng aking pagkukulang sa sarili" Sambit ni Doña Araceli, napasinghap siya sa hangin at pinatuloy ang nais sabihin, "Sabik na sabik akong makalakad  at matunghayan ang mundong inyong nakagisnan. Sinabi mo pa sa akin noon na balang araw ay makapagliwaliw na ako at mahahabol ko na ang mga paru-paro, makakapunta na ako kahit saan..."

Napakagat ng labi si Don Xavier sa narinig.

"Noong kasing-edad ko ang ating unica hija, inggit na inggit ako sa mga dalagang may malayang pagpapasya sa sarili dahil wala silang deperensya, samantalang ako noon ay laging nagmumukmok sa apat na sulok ng silid. Hindi makaharap sa maraming tao. N-nawa'y maintindihan mo ang aking tinuran, Xavier." Humihikbing saad ni Doña Araceli.

Napahinga nang malalim si Xavier at nilapitan ang esposa sabay yakap dito. Pagkatapos ay hinalikan niya ito sa noo, "Patawad, mahal."

Napatango na lamang si Doña Araceli at yumakap pabalik sa esposo.

"SIGURADO ka bang wala kang kinalaman sa dalaga?!" Singhal na tanong ni Prayle Castillo sa binata, "Ako ba ay niloloko mo, Leopoldo?"

Napayuko lamang si Liyong habang nakaupo sa isang upuan kaharap ng isang mahabang mesa. Maayos na ang kaniyang naisuot na damit at nalinis na rin ang kaniyang katawan.

"Padre, hindi pwedeng basta-basta mo na lang sigawan  ang aking anak" Sabat pa ni Alfonso sa prayleng nagsasalpukan na ang kilay habang nakatitig ito kay Liyong.

"Hindi ko nga kilala ang dalagang iyon. Sinabayan ko lamang ang nais niyang mangyari, hindi ko alam na isa pala iyong taong-lobo," Seryosong saad ni Liyong.

"Huwag mo na kaming bilugin, Liyong. Ano ba ang ibig sabihin kapag binurdahan ka ng panyo ng dalagang iyon at pininta ka pa, sasabihin mong hindi kayo kilala? Mukhang may namamagitan na nga sa inyo," Pagsisingit pa ni Emilia.

"Hindi ko alam. Wala naman akong natanggap," Pakli ni Liyong, nagulat na lamang siya nang biglang napabagsak ang kamay ni Prayle Castillo sa mesa pero hindi siya natinag at nanatiling seryoso ang kaniyang mukha.

"Kapkapan niyo, para matagpuan ang panyong may nakaburdang pangalan," Utos pa ni Emilia sa mga nakatayong alalay.

"Husto na, Emilia! Husto na!" Pigil at bulyaw ni Alfonso sa kapatid, "Mabait ang akin na anak! Pamangkin mo siya, Emilia!"

Napatiim na lamang sa bagang si Emilia habang matalim ang kaniyang tingin kay Liyong.

ISANG linggo na ang lumipas magmula noong mga araw na hindi kaaaya-aya para sa lahat. Tila isa itong unos na dumaan sa bayan ng San Fernando.

Isang linggo na ring pabalik-balik si Dolorosa sa dating tagpuan nila ni Liyong. Wala man lang paramdam ang binata sa kaniya o nagpadala man lang ng liham.

Naiguhit na ni Dolor ang pangpitong linya sa katawan ng punong kalatsutsi. Napahinga siya nang malalim at pilit na ngumiti, "Pitong araw na Liyong, kumusta ka na ba? Nawa'y nasa maayos kang kalagayan ngayon. Magsulat ka naman ng liham, baka umuwi ka na sa kongregasyon na walang pasabi" Saad niya pa sa harapan ng puno, "Pero kahit ganoon, Liyong, araw-araw pa rin akong maghihintay dito. Kahit na paulit-ulit pa na pitong araw, walang problema iyon" Naiiyak na naman niyang sambit. Naaalala niya ang panahong magkasama sila ng binata na halos hindi na mapaghiwalay ng tadhana. Naaalala niya rin ang unang pagkikita nila ni Liyong dito sa tagpuan.

Napaupo na lamang siya sa damuhan habang hawak ang panyong may nakaburdang pangalan ni Liyong, "Hindi ko man lang nasabi na iniibig na rin kita,"

"Dolor!"

Agad na napaangat ng ulo si Dolorosa sa tumawag sa kaniyang pangalan, gumuhit sa kaniyang mga labi ang ngiti na naglalaman ng saya at pananabik, "Liyong!" Agad siyang napatayo at tumakbo patungo sa binata.


Sinalubong naman ni Liyong si Dolorosa at mahigpit na napayakap dito, "Ako'y nangulila sa'yo" Bulong niya pa.

Nang mahiwalay sila sa pagkakayakap ay napapunas na lamang sila ng mga sariling luha at tumawa na lamang nang mahina.

Napansin naman ni Dolorosa ang bagong gupit na buhok ni Liyong, mas naging makisig siya sa bagong istilo ng buhok nito, "Kumusta ka, Liyong?"

Ngumiti si Liyong at hinawakan ang kamay ng dalaga pagkatapos ay naglakad sila patungo sa ilalim ng puno ng kalatsutsi, "May nais lamang akong ilantad sa'yo, Dolor"

Napalitan ng pagtataka ang mukha ni Dolorosa nang mapansin na biglang sumeryoso ang mukha ng binata, "B-bakit? Ano ba ang nangyari sa iyo magmula noong nakatakas ka na sa piitan?"

"Nagtagpo na muli kami ng aking ama. Makinig ka nang mabuti sa akin, Dolor..." Napahinga nang malalim si Liyong bago ipinituloy ang pagsasalita, "Ang aking ama ay siyang gobernadorcillo rito sa San Fernando,"

Parang binagsakan ng napakaraming bato sa katawan si Dolorosa nang marinig ang tinuran ni Liyong sa kaniya, wala na siyang masabi at umaatras na ang kaniyang dila. Hindi niya maarok kung totoo ba ang lahat ng ito o nananaginip lang ba siya.

"A-alam kong nakakagulat, binibini. Pero huwag kang mag-alala, isa pa rin akong kakampi ninyo. Kinukuha ko lamang ang pagkakataon na makapaghiganti lalo na ngayon na nasa mismong lungga na ako ng mga bampira," Bakas sa boses ni Liyong ang pag-aalala dahil baka hindi matanggap ng dalaga ang kaniyang sitwasyon ngayon at ituring pa siya na isang kaaway.

Napaiwas ng tingin si Dolorosa sa binata, iniwas niya rin ang kamay dito.

"May tiwala ka ba sa akin, Dolor?" Hinawakan niyang muli ang kamay ng dalaga, "Pangako, hinding-hindi magbabago ang pagtingin ko sa'yo. Ganoon pa rin ang ating plano, ang tugisin ang mga prayle at aking ama."

"P-paano kung bigla ka na lamang ipaanib ng iyong ama sa kanila para maging isa kang bampira?" Nagugulumihanang tanong ni Dolorosa, "Paano na lang kung m-mangyari iyon? P-paano ang iyong reputasyon?"

Sinapo na lamang ni Liyong ang pisngi ni Dolorosat at bahagyang inangat ang mukha nito para tumingin sa kaniya, "Bigyan mo ako ng tiwala, Dolor. Por favor."

Marahang napatango si Dolorosa at huminga nang malalim pagkatapos ay ngumiti nang tipid, "Nagtitiwala ako sa'yo, Liyong."

"Kung gayon ay ang ating hakbang na gagawin ay magpapanggap tayong hindi magkakilala," Kalmadong saad ni Liyong.

Napakunot-noo si Dolorosa, "A-ano? Bakit?"

"Para hindi sila magtaka na magkaanib pala tayo. Lalaruin lang natin sila." Tugon ni Liyong.

Naguguluhan man ay marahang tumango si Dolorosa "Bueno, walang problema, Liyong" 

"Kumusta ka, aking sinta?" Malambing na tanong ni Liyong.

"Araw-araw akong naghihintay dito at nagbabakasakaling dumating ka,"

Ngumiti si Liyong, "Bakit mo iyon ginagawa?"

"Bawal ba?" Pagtataray ni Dolorosa sabay halukipkip.

"Iniibig mo na rin ba ako?" Tanong ni Liyong. Hindi mawala sa kaniyang labi ang ngiti.

"Hindi ka nga nagparamdam sa akin, tapos sasabihin mong napaibig na ako sa'yo" Depensa pa ni Dolorosa at napatalikod sa hiya.

Lumapit pa si Liyong at sinilip ang mukha ng dalaga, "Hindi ko rin matiis na hindi ka makita, kung alam mo lang na nangangati ang aking mga mata at paa na masilayan kang muli,"

Lumingon naman si Dolorosa at nabigla dahil ang lapit lang ng pagitan ng kanilang mga mukha. Hindi niya mapigilan ang sarili na titigan ang nangungusap na mga mata ng binata.

NAGLALAKAD mag-isa si Marco at pauwi na sana ngunit may napansin siyang nakapaskil sa isang pader malapit sa monasteryo.

Nagsalpukan ang kaniyang kilay sa nakita. "Bakit naman na hinahanap ang aking kapatid? May pabuya pa?" Agad na binaklas niya ang papel na may imahe ni Dolorosa na nakadikit at agad niya itong tinupi, "Nakakapangilabot,"

"Sino ang iyong kausap, ginoo?"

Napalingon bigla si Marco sa boses na narinig mula sa likuran, "B-binibining Emilia? Wala akong kausap"

Ngumisi si Emilia, "Ganoon ba? Teka, pauwi ka na ba?"

Nagkibit-balikat si Marco, "Sana, kaso dumating ka. Pinagtagpo tayo ng landas. Ikaw? B-bakit ka narito?"

"Papunta sana ako sa inyo," Pakli ni Emilia.

"May tao sa aming tahanan," Pilyong saad ni Marco, "Nais mo bang pumasyal tayo?"

Tumango si Emilia bilang tugon.

Sa kanilang pamamasyal ay napagpasyahan ni Marco na dalahin ang dalaga sa isang kubo na kung saan namamalagi ang ama noon kapag hindi nakakauwi ng tahanan. Malapit ito sa napakalaking batis ng San Fernando at walang sinuman ang naninirahan doon.

Papalubog na ang araw nang makarating sila sa naturang bahay-kubo.

"Napakaganda naman ng kubo na ito," Saad ni Emilia, "Dito mo ba dinadala ang mga babae mo?"

Napaubo na lamang si Marco habang siya'y umiinom ng tubig, napapunas siya ng bibig bago magsalita, "Ikaw lamang ang aking nadala rito sa kubo na ito," Pagsisinungaling pa niya pero sa totoo lang ay nadala na niya rito si Abril, pero wala namang nangyari sa kanila dahil sila'y musmos pa lamang noon at isa pa, malaki ang respeto niya sa babaeng una niyang inibig.

"Ganoon ba?" Ani Emilia, pagkatapos ay lumapit siya sa binata at nilaro-laro ang kwelyo nito. Tinitigan niya ito nang maigi sa mga mata.

Natigilan naman si Marco sa padalos-dalos na kinikilos ng dalaga. Naramdaman niya ang hininga ni Emilia sa kaniyang leeg at bigla itong dinilaan.

"Gusto mo ito, hindi ba?" Malagkit na bulong ni Emilia kay Marco, "Gusto mong may mangyari sa atin kung kaya ay dinala mo ako rito sa kubo?"

Napaungol na lamang si Marco nang kapain ng dalaga ang kaniyang kaselanan, "Gusto mo rin naman," Saad niya sabay ngisi. Agad niyang siniil ng halik si Emilia.

Ang kanilang mainit na halikan ay napunta sa mas mainit na eksena.

"SALAMAT, Liyong. Napakaganda ng paynetang ito," Saad ni Dolorosa habang nakatitig sa paynetang may disenyong pulang rosas na regalo sa kaniya ng binata.

Napamulat ng mata si Liyong habang nakahiga sa mga hita ni Dolorosa, "Walang anuman, kamahalan"  Bumangon siya at napatabi na lamang kay Dolorosa, "Ako na ang maglalagay"

Ibinigay naman ni Dolorosa ang payneta at hinayaan na si Liyong na ang maglagay sa kaniyang buhok.

Napangiti si Liyong, "Bagay na bagay sa iyo ang payneta. Pagaingatan mo, kamahalan."

"Sí, Liyong. Iingatan ko ito. Bagay ka rin sa bago mong gupit," Tugon pa ni Dolorosa.

Napahimas ng batok si Liyong at pasimpleng napangiti, "S-salamat, kamahalan"

Mayamaya pa ay napuno ng tawanan at kwentuhan ang dalawa. Natunghayan din nila ang paglubog ng araw.

Napapailing at napapangiti na lamang si Liyong sa taglay na kadaldalan ni Dolorosa.

"S-si kuya Marco!" Dali-daling napatayo si Dolorosa nang makita ang kaniyang kuya na naglalakad mag-isa. Napansin niya ang paghawak nito sa gilid ng leeg na tila may pinipigilan at bakas din sa kwelyo ng tsaleko nito ang pisik ng dugo.

"Magpakita ka na lang sa kuya mo, Dolor. Mag-isip ka na lang ng dahilan. Bilis na, magsusulat na lang ako ng liham mamaya para sa'yo" Nag-aaalalang saad ni Liyong.

Agad na napatango si Dolorosa at patakbong tumungo kay Marco.

Napahinga nang malalim si Liyong at nababakasan siya ng pagkabahala sa kapatid ni Dolorosa.

-----
Featured Song:

Your Universe by Rico Blanco

(Ito yung kunwari bg music sa moment ni Dolor at Liyong bwahahah!)

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro