Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kapitulo - XXVIII

MARAMING nakiramay sa huling araw ng burol ni Doña Amanda. Nababakasan na sa mukha ni Marcelo ang paghihinagpis habang nakatayo malapit sa ataul ng ina. Naramdaman niya naman ang hagod ni Doña Araceli sa kaniyang likod at inakbayan siya.

"Maging matatag ka, Marcelo. Nasa mabuting kamay na ang iyong ina. Marahil ay masaya na siya ngayon kasama ang iyong ama," Pagpapagaan ni Doña Araceli sa pamangkin.

Walang naitugon si Marcelo at patuloy pa rin ang kaniyang paghihinagpis. Isa sa mga kinatatakutan niyang mangyari ay ang mawala ang ina. Nang mamatay ang ama nitong si Santiago ay nag-iba na rin ang daloy ng kanilang buhay, ang dating masiglang mansyon ay nabalutan na ng panaghoy.

Sa kabilang banda, nagtataka na si Don Xavier kung bakit hindi niya masumpungan si Dolorosa. Napatingin din siya sa gawi ni Kahimanawari at Immaculada na nag-uusap pero hindi niya nahagilap ang anak. "Saan na kaya ang batang 'yon?"

Mayamaya pa ay may narinig ang don sa mga ginang na dating mga kaibigan ni Doña Amanda.

"Kawawa ang ginoo, lubhang nasugatan."

"Walang pinipili ang aswang na iyon, kahit na malapit sa monasteryo ay gumambala pa rin ng tao. Kaawa-awang binata,"

"Maayos na siguro iyon dahil may tumulong"

Nangunot ang noo ni Don Xaver sa narinig at akmang lalapitan ang mga ginang ngunit nakita niya si Dolorosa na pababa sa hagdan, "Saan ka nanggaling, anak? Malapit na tayong umalis dahil tutungo na tayo sa simbahan"

"Ah- naligo lang ho ako, ama" Pagsisinungaling pa ni Dolorosa, "Pupuntahan ko po muna sila Wari," At tuluyang umiwas sa ama na tila kinikilatis ang kaniyang mga kilos.

HINDI na pumasok si Dolorosa sa loob ng simbahan dahil si Prayle Castillo ang mag mi-misa kung kaya ay mas pinili niyang maupo sa isang bakanteng upuan na gawa sa bato. Napapalibutan siya ng mga santo at may mga malalagong halaman ang nakapulupot sa mga ito na tila hindi na naalagaan at hinayaan na lamang na malipasan ng panahon.

Napansin din niya ang humintong kalesa at nakita niya ang pagbaba ni Alcalde Timoteo, sumunod naman si Don Mateo at ang asawa nito. Matapos ang ganoong eksena ay may huminto muling isang kalesa. Bumaba roon ang isang lalaki na nakasuot ng itim na tsaleko na may mataas na manggas. Nakasuot ito ng itim na sombrero at masyadong maputi ang balat nito.

Napasingkit ng mata si Dolorosa sa nakita, parang nasumpungan na niya ang lalaki dati pa. Pilit niyang inaaalala ang mukha ng lalaki, hanggang sa may sumagi na alaala sa kaniyang isipan.

"Ina, m-may titingnan lang muna ako saglit."

"Sige, hihintayin kita rito." Saad ni Doña Araceli na abala sa pamimili ng payneta

Napatakbo naman siya sa gawi ni Joaquin.

Ngunit sa kalagitnaan ng pagtakbo ay may nabangga siyang tao, napaupo siya sa lupa.

Sa palagay niya ay isa itong lalaki. Balot na balot ang buong katawan nito ng itim na damit. Sa palagay ng dalaga ay may nakakahawa itong sakit.

"Perdón." (Sorry) Saad ng lalaki at inilahad ang palad nito sa kaniya upang tulungan itong makatayo.

Nabigla siya sa kulay ng kamay ng lalaki. Sobrang putla na at nakikita na ang mga ugat nito.

Nang makatayo siya ay agad na umalis ang lalaki. Sinundan pa niya ito ng tingin.

Ibinalik ni Dolorosa ang paningin sa lalaki na ngayon ay may nakasunod na mga gwardiya sibil sa likuran nito. Napatago siya sa isang malaking statwa habang pinagmamasdan ang kakaibang panauhin, "Siya nga iyon!" Anas niya sa sarili.

Nakita niyang sinalubong ito ng kaniyang ama at kaniyang tiyo Marcelo. Pinakinggan niya ang kanilang pag-uusap.

"Mabuti at nakapunta ka sa huling hantungan ni Amanda, gobernadorcillo Alfonso" Ani Don Xavier sa gobernadorcillo.

"Ako'y nakikiramay sa kaniyang pagpanaw" Saad ng gobernadorcillo.

Nang marinig iyon ni Dolorosa ay napatabon siya sa kaniyang bibig. Hindi niya maarok kung bakit nabigyan ng lakas ng loob ang gobernadorcillo na magpakita sa madla.

Napansin naman niya na pumasok na silang lahat sa loob at napapikit siya sabay hinga nang malalim. Hindi niya rin maintindihan kung bakit may kakaiba sa gobernadorcillo. 

Napaayos na lamang siya ng kaniyang balabal at patakbong umalis sa kinaroroonan. Okyupado ng presensya ng gobernadorcillo ang kaniyang isipan kung kaya ay hindi niya namalayan ang taong nabangga niya.

"Aray!"

"P-pasensya na--- Liyong?!" Gulat na saad ni Dolorosa, "Sinabi ko na sa'yo na magpahinga ka muna,"

Napahawak sa dibdib si Liyong at ngumiti na lamang, "Huwag kang mag-alala, kasama ko sila Edelmira at Teofilo"

Napasulyap naman si Dolorosa sa paparating na si Edelmira at Teofilo, "Alam na ba nila ang nangyari sa'yo?"

Marahang napatango si Liyong.

"Binibining Dolorosa," Sambit ni Liyong at nagbigay galang.

Gayundin si Edelmira na napangiti sa dalaga nang makita ito. "Hindi ba kayo papasok sa loob?" Tanong pa nito sa dalawa.

Nagkatinginan si Liyong at Dolorosa na tila iisa ang nasa isipan nila. "Hindi na," Sabay nilang saad.

Napataas nang bahagya ang kilay ni Edelmira at kalaunan ay napatango na lamang ito sabay senyas kay Teofilo na pumasok na sila sa loob ng simbahan.

Pagkatapos ay agad na hinila ni Dolorosa si Liyong patungo sa kinauupuan niya kanina.

"Bakit tila wala ka sa sarili kanina, binibini?" Hindi mapigilang tanong ni Liyong sa dalaga.

"Dahil nakita ko muli ang gobernadorcillo," Saad ni Dolorosa, kailangan niyang pakalmahin ang sarili kung kaya ay napabuntong-hininga na lamang siya.

"Nakita muli? Ibig sabihin ba niyan ay nakita mo na siya noon pa?"

Tumango nang marahan si Dolorosa bago tumugon sa tanong ng binata, "Siyang tunay. Hindi ko akalain na siya iyon dahil nakasuot siya ng itim na talukbong, nagtaka ako, ang puti niya"

Napakamot si Liyong sa bandang sintido niya at napaisip sa sinabi ni Dolorosa, "Naiisip mo ba ang iniisip ko?" Sabay titig niya sa dalaga.

Napakunot-noo si Dolorosa, "Marahil siya ba ay isang..." Umarkong pabilog ang bibig niya sa nagawang konklusyon sa isipan. Sumagi rin sa kaniyang isipan ang maestra niyang si Emilia.

"Manmanan din natin ang gobernadorcillo," Saad ni Liyong, napahawi na lamang siya sa kaniyang buhok at napailing.

Napansin naman ni Dolorosa ang pag-iling ni Liyong, "Bakit?"

"Lungga talaga ang bayang ito ng mga iba't-ibang nilalang," Ani Liyong.

"Sumusuko ka na ba?" Tanong pa ni Dolorosa sa binata, "Kung gayon ay maaari ka ng sumama sa mga kaibigan mo, kaya ko na---"

"Dolor... hindi naman sa gusto kong sumuko. Nakatadhana na sa buhay ko ang makipaglaban, simpleng litanya lang naman iyon pero binigyan mo na ng kahulugan," Mahinahong sabi ni Liyong sabay ngiti niya sa dalaga.

"Pasensya na," Ikling tugon ni Dolorosa. "Siya nga pala, maayos na ba ang iyong pakiramdam?"

"Naging maayos na magmula noong sinabi mong ayaw mong mawala ako,"

Nasuntok ni Dolorosa nang mahina ang dibdib ni Liyong na ikinaigik nito dahil mahapdi pa rin ang sugat. "Ano ba kasi ang ginawa mo sa ilalim ng punong kalatsutsi? May mga bote rin ng mga serbesa, naglasing ka ba?"

Napangisi pa rin si Liyong habang hinahawakan ang dibdib sa hapdi, "Wala lang, nais ko lang uminom"

"Sigurado ka ba? Hindi mo iyan magagawa ng walang dahilan" Pagkilatis pa ni Dolorosa sa binata, pinagmamasdan niya ito kung paano ito hinahawi ang hanggang balikat na buhok.

"Wala nga," Pagtanggi pa ni Liyong.

"Nagsisinungaling ka," Ani Dolorosa at tumayo na upang iwan si Liyong.

"O, ito na. Hindi ko akalain na tanggapin mo ang puting rosas na ibinigay sa'yo ng Andrus na 'yon." Seryosong saad ni Liyong.

Napatawa nang mahina si Dolorosa at pinatuloy ang paglalakad patungo sa malapad na daan patungong simbahan, "Hindi ko gusto ang rosas na iyon dahil nakakahilo. Wala namang mabahong puting rosas. Isa pa, Liyong, hindi ko gusto ang nagbigay"

Napayuko lamang si Liyong habang nasa likuran ang mga kamay. Sinundan niya na lamang ang dalaga na naglalakad.

Humarap muli si Dolorosa sa binata at tiningnan niya ito nang maigi, "Mas gusto ko pa rin ang rosas na ginawa mo para sa akin," sabay ngiti niya dito.

HINDI napigilan ni Doña Aryana at Doña Araceli ang mapahagulgol sa iyak nang makita ang ataul ng kapatid na ibinababa na sa hukay.

Kahit na si Dolorosa ay hindi rin mapigilan ang pag-iyak nang maihulog na niya ang isang tangkay ng rosas sa hukay. Napansin niya na ang kaniyang tiyo Marcelo na nakaupo lamang at tahimik na tumatangis. Nakakadurog man ng puso ang kaniyang nasaksihan ngunit kailangan tanggapin na ang tanging kaaway lamang na hindi natatalo ay ang kamatayan.

Gumawi ulit si Dolorosa sa tabi ng kaniyang tiyo Marcelo at sinandal ang kaniyang ulo sa balikat nito. Mabuti na lamang at paring heswita na ang nagdala ng misa sa huling hantungan ni Doña Amanda kung kaya ay komportable siyang gawin ang nais.

Pagkatapos ng libing ay inalalayan naman ni Don Xavier ang esposa. Samantala, si Dolorosa naman ay kasabay ang pamangkin na si Kahimanawari at ang kaibigan na si Immaculada na papalabas ng sementeryo.

"Nakita ko kanina ang gobernadorcillo, nakita mo ba?" Bulong na tanong ni Kahimanawari kay Dolorosa.

Napalinga-linga muna si Dolorosa sa paligid at napansin na nakasunod lang pala sa likuran nila ang kaibigan ng kaniyang kuya Marco.  Nakita niyang napangiti sa kaniya si Andrus pero hindi niya lamang ito pinansin at ibinaling muli ang sarili kay Kahimanawari.

Samantala, si Andrus ay labis ang pagtataka nang mapansin na parang iwas pa rin sa kaniya ang dalaga. Hindi niya akalain na hindi tumalab ang gayumang nilagay niya sa mga puting rosas.

MAG-ISA lamang si Liyong na nakaupo sa ilalim ng kalatsutsi, hindi na siya sumama pa kay Dolorosa sa sementeryo dahil sa masakit ang kaniyang sugat. Matapos ng lakad nila ni Edelmira at Teofilo sa isang mahalagang misyon ay nagpasya na siyang humiwalay na muna sa dalawa.

Naisipan niyang kunin ang isang lumang litrato na nakasilid sa kaniyang pitaka. Nakita niya roon ang imahe ng kaniyang ina habang akay siya at ama at isang babaeng hindi niya matiyak ang mukha dahil may gasgas na dahil sa kalumaan.

Hindi niya maarok kung bakit nagawang iwan sila ng kaniyang ama. Wala namang mali sa kaniyang ina dahil mabait, mapag-aruga at higit sa lahat ito ay may natatanging ganda.

Bumuntong-hinga na lamang siya, "Hayaan mo, ina, ipaggaganti kita!" Mariin niyang sabi at pagkatapos ay isinilid muli ang litrato sa pitaka, "Sisikapin kong magsisisi si ama"

Tumayo na siya upang pumasok sa monasteryo, nang makapasok siya sa likuran na bahagi ng monasteryo ay nakita niya si Manang Isidra na duguan ang bibig habang tumatangis na nakaupo sa lupa. Agad siyang napatakbo patungo sa matanda, "Manang Isidra! A-anong nangyari sa'yo?" Agad niyang inakay ang matanda para makatayo ito ngunit napansin niyang namamaga ang binti nito.

"B-bilang na lamang ang araw ko, Leopoldo" Nanghihinang sambit ni Manang Isidra.

Pinilit na akayin ni Liyong ang matanda, isinabit niya ang braso ni Manang Isidra sa kaniyang batok upang matulungan niyang tumayo, "Huwag kayong magsalita ng ganiyan, manang. Gagamutin kita" Saad niya pa at dahan-dahan na naglakad sila patungo sa isang maliit na batis malapit sa balon na kaniyang pinag-igiban niya ng tubig noon.

"N-nawawala ang isa sa mga libro ng mga prayle. A-ang librong iyon ay isang orasyon nila bilang isang..." 

"Leopoldo!"

Natigil ang nais sabihin ni Manang Isidra nang dumating si Prayle Castillo, kasama ang mga ibang pari.

"Bakit mo tinutulungan ang matandang patapon na ang buhay?!" Pasigaw na tanong ni Prayle Castillo sa binata, "Isa siyang traidor at magnanakaw!"

Hinarap ni Liyong ang mga pari at matalim na tiningnan sila isa-isa, "Akala ko ba ay alagad kayo ng Diyos? Bakit ninyo pinagbuhatan ng kamay ang isang walang kalaban-laban na babae?"

"Dahil siya'y magnana---"

"May pruweba ba kayo?!" Buwelta ni Liyong.

"Bakit ganiyan ka makapagsalita sa aming mga banal? Wala kang respeto! Ipadakip ninyo!" Utos pa ni Prayle Castillo sa mga pari na agad din na sinunod ang utos niya.

"Padre, maaawa ka! Huwag mong idamay si Leopoldo! P-pakiusap! T-tinulungan niya lamang ako!" Nagmamakaawang saad ni Manang Isidra at agad na tumungo sa harapan ng prayle kahit na nahihirapan. Bigla siyang lumuhod at halos halikan na ang lupa.

Pinigilan naman ni Liyong ang matanda, "H-hindi mo dapat gawin iyan, manang. Wala kang kasalanan"

"Nararapat lang na kayong mga nasa laylayan ay lumuhod at magbigay ng kapatawaran sa sugo ng Diyos!" Seryosong saad ni Prayle Castillo.

"Pakiusap! H-huwag ninyong ipadakip si L-leopoldo!" Pagsusumamo pa ni Manang Isidra.

Sinipa ni Prayle Castillo ang bunganga ni Manang Isidra, "Callate!" (Tumahimik ka!)

Mas lalong nag alab ang galit ni Liyong, susugurin na niya sana ang prayle ngunit huli na dahil nadakip na siya ng mga gwardiya-sibil. Hindi niya magawa na ipakita ang kaniyang kakayahan dahil sa masakit pa ang sugat sa kaniyang dibdib at mas lalong gugulo ang sitwasyon lalo pa at wala siyang kasama. "Hindi maaaring iwan ko siya!" Galit na turan niya pa habang nagpupumiglas sa gapos ng limang gwardiya-sibil.

"Huwag kang mag-alala, nasa mabuting kamay naman ang matandang ito," Sarkastikong saad ni Prayle Castillo sa binata sabay ngisi.

Iisa lang ang nasa isipan ni Liyong sa mga oras na ito, ang malaman ito ni Dolorosa.

NASAGI ni Dolorosa ang isang baso at nabasag ito. Nagkaroon iyon ng eksena dahil sa kaniyang ikinilos.

"Maayos lang ba ang iyo na pakiramdam?" Tanong ni Doña Catalina sa dalaga, "Namumutla ka, Dolor."

Napatingin si Dolorosa sa mga taong nakatuon na sa kaniya ang paningin, "P-pasensya na po, medyo nahihilo ako"

"Nanlalamig ka rin, Dolor. Kumain ka ba kaninang umaga?" Pag-aalalang tanong ni Doña Catalina.

Marahang napatango si Dolorosa at nagpaaalam kay Doña Catalina. Napahawak siya sa kaniyang dibdib. Isa sa mga pumasok sa kaniyang isipan ay si Liyong.

Agad siyang napatabon ng balabal at bumakod sa bintana, hindi niya na magawang dumaan sa malaking sala kung saan maraming panauhin. Sinikap niyang hindi masumpungan ng ama at mga kapatid.

Ginamit niya ang kakayahang tumakbo nang mabilis. Ilang minuto pa ay narating na niya ang monasteryo. Tahimik na tahimik ang lahat at ang tanging nasumpungan niya ay ang matandang patpatin na nakaupo sa may hagdanan habang nag si-siesta.

Nang makalapit siya sa matanda ay sakto naman na nagising ito at bakas sa mukha nito ang bigla.

"Via, bakit ka---"

"Saan si Leopoldo?" Seryosong tanong ni Dolorosa sa matanda, masamang masama na ang kaniyang kutob na tila binabalutan na siya ng galit.

Ngumiti nang tipid ang matanda, "Nasa silid ni padre Castillo. Siya'y kinakausap"

Agad na tumungo na si Dolorosa sa loob ng monasteryo, hindi niya rin mahagilap si Manang Isidra, naninibago siya sapagkat nakagawian na ng matanda na salubungin siya. Hindi niya rin masumpungan si Myrna.

Nang makarating siya sa silid ni Prayle Castillo ay nagdadalawang-isip siya kung kakatok pa ba siya o hindi ngunit nais niyang makita si Liyong kung maayos lang ba ito.

Pagkatapos niyang kumatok ng tatlong beses ay narinig niya ang boses ng prayle na siya'y pumasok. Pagpasok niya ay hindi niya nakita si Liyong.

"Ikaw pala, Via" Mahinahong sambit ni Prayle Castillo. "Maligayang pagdating muli"

"Nasaan po ang aking kuya?" Magalang pa na tanong ni Dolorosa sa prayle.

Tumayo naman si Prayle Castillo mula sa pagkakaupo. Lumapit siya dalaga pagkatapos ay dumiretso sa pintuan upang isara ito nang mahigpit. "Ang iyong kuya ay nasa wastong mga kamay na, Via"

Kumunot ang noo ni Dolorosa sa sinaad ng prayle, "Ano'ng ibig niyo pong sabihin?"

"Huwag kang mag-aalala, binibini. Ligtas ang iyong kuya Leopoldo," Saad ng prayle habang dahan-dahan na nilalaro ang mga hibla ng buhok ng dalaga na nakatabon nang bahagya sa mukha nito.

Umilag naman si Dolorosa at matalim na kung makatingin sa prayle, "Hindi ako naniniwala sa inyong sinasabi! Saan ang aking kuya?!"

"Kapatid ba talaga kayo, Via?" Tanong ng prayle at agad na hinawi ang buhok ni Dolorosa at inilapit ang mukha.

Walang ano-ano'y naitulak nang malakas ni Dolorosa ang prayle na ikinatilapon nito. Nakita niya itong napapikit sa sakit nang tumama ang likuran nito sa matulis na bahagi ng mesa.

"Mierda!" Mura pa ni Prayle Castillo, tumayo siya muli at sinugod ang dalaga.

Nailabas ni Dolorosa ang matatalas na kuko at naging dilaw ang kaniyang balintataw.

Bakas sa mukha ng prayle ang pagkagulat na kaharap niya pala ay isang taong-lobo.

"Ngayon mo sabihin kung sino ang huwad sa atin, padre?" Paghahamon pa ni Dolorosa.

Hindi pinalagpas ni Prayle Castillo ang naging litanya ng dalaga, nag-iba rin ang kaniyang balintataw at naging kulay pula ito. Tumaas din ang kaniyang mga pangil, "Ito ba ang ibig mong sabihin, Via?!"

Ngunit hindi nakakitaan ng pagkabigla sa mukha ni Dolorosa at nanatiling matalim pa rin ang kaniyang tingin sa huwad na prayle habang umaangil at nagbabanta. Agad niyang sinugod ang prayle at dinambahan niya ito, pagkatapos ay akmang sasakalin na niya ito pero nakarinig silang dalawa ng katok sa pintuan.

Walang nagawa si Dolorosa kundi ang lumundag pataas na sanhi ng pagkasira ng kisame ng silid. "Bilang na lang ang araw mong diablo ka!" Nakakalokong saad pa niya bago siya nawala sa paningin ng prayle.

Gulantang si Prayle Sanchez nang mabuksan ni Prayle Castillo ang pintuan. Nagkalat ang mga papel sa sahig, wala na sa ayos ang mesa at ang maging kisame ay sira na.

Sa kabilang dako, hinahanap ni Dolorosa si Liyong ngunit ang natagpuan niya sa bandang gawi ng batis ay si Manang Isidra habang naghihingalo. May nakasaksak na patalim sa tiyan nito, "M-manang!" Bulalas niya pa at agad na nilapitan.

Mahigpit na napahawak si Manang Isidra sa bisig ni Dolorosa. Umaagos sa mga mata ng matanda ang luha dulot ng hinagpis.

"Manang, dadalhin kita kay ama! Pasensya na kung nagsinungaling ako," naiiyak na saad ni Dolorosa, "Anak talaga ako ni Araceli,"

Ngumiti nang pilit si Manang Isidra, "H-Hindi nga ako nagkakamali"

Tumatangis na si Dolorosa habang pilit na inaakay niya ang matanda.

"H-hayaan mo na ako, hija. Papalubog na rin ang araw ko, h-huwag mong hayaan na makuha nila ang librong p-pula," Litanya pa ni Manang Isidra at napapaigik pa sa sakit, "S-si Leopoldo, a-ang iyong nob- nobyo" Sabay ngiti niya sa dalaga.

Bumuhos pa ang luha ni Dolorosa dahil nakuha pa nitong ngumiti kahit na nahihirapan na.

"I-iligtas mo siya, n-nasa himpilan s-siya. I-ikinulong. I-iligtas ninyo ang b-bayang ito," Nahihirapang sambit ng matanda at napahinga siya nang malalim bago nawalan ng buhay.

Walang nagawa si Dolorosa kundi ang yakapin na lamang si Manang Isidra habang bumubuhos ang kaniyang napakaraming luha. Napayukom siya ng kaniyang kamao at nabalutan na siya ng pagsisisi dahil hindi niya naisip na maaaring may madamay na inosente sa kanilang misyon.

PINAGTITINGINAN ng lahat si Dolorosa habang papunta ng himpilan, nagtanong-tanong siya sa mga tao na labis ang pagtataka dahil duguan siya at seryoso ang mukha.

Diretso lang ang kaniyang paglakad patungo sa kwartel at walang pakialam kung sino ang kaniyang mababangga.

"Hindi ito ang tamang oras na pumunta ang isang mujer libre rito," Pigil pa ng gwardiya sibil. Napansin niyang duguan ang dalaga.

Tinapunan ng matalim na tingin ni Dolorosa ang gwardiya-sibil at walang pag-aalinlangan na sinuntok niya ito diretso sa mukha na ikinawala ng ulirat nito.

Wala namang nakakita sa ganoong eksena dahil natutulog ang ibang gwardiya-sibil.

Agad naman na hinanap ni Dolorosa si Liyong sa himpilan. Nakita niya naman ito agad na nakasandal sa pader habang nakatabon ang sombrero nito sa mukha. "L-liyong,"

Kinuha ni Liyong ang sombrero sa mukha at napatingin sa may-ari ng boses, "Dolor? Paano mo nalaman na nandito ako?" Gulat na tanong niya sa dalaga at agad na napatayo at tumungo sa rehas.

Tumulo ang luha ni Dolorosa habang hawak ang bakal na rehas, napansin niya rin na hinawakan ni Liyong ang kaniyang kamay upang pakalmahin siya, "Alam na nila,"

"Alam na nila na isa kang taong-lobo?"

Tumango si Dolorosa, "Si m-manang Isidra, wala na rin" Hindi na niya mapigilan ang paghagulhol sa harapan ni Liyong.

Kahit na si Liyong ay napaluha sa sobrang awa sa matanda at kay Dolorosa na ngayon ay nakakitaan ng pagod. "H-huwag kang mag-alala, gagawa ako ng paraan na makalabas ako rito."

"P-paano, Liyong?"

"Papaliyabin ko dito mamayang gabi, hindi pwedeng wala akong gagawin, bawat oras ay mahalaga, Dolor" Seryosong saad ni Liyong at mahigpit na napahawak sa dalawang kamay ng dalaga.
-----

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro