Kapitulo - XXVII
NANG makarating sila Don Xavier sa sementeryo ng San Fernando ay ang tanging nadatnan lamang nila ay ang nakakabinging katahimikan.
"M-mukhang nawala na ho ang sinasabi niyong berbalang, ginoo" Saad ng supulturero kay Liyong.
Napailing na lamang si Liyong sa pagkadismaya. Samantala, nakita niya naman si Don Xavier na dumiretso sa isang nityo na nakabukas na. Seryoso lamang ang mukha nito na tiningnan ang kawawang bangkay.
Si Don Mateo naman ay sumunod sa kaniyang amigo, "Nakakakilabot ang ginawa ng berbalang na iyon, nararapat lamang na mamatay ang lapastangang iyon!" Matigas na sambit niya.
Napahinga nang malalim si Don Xavier at napatingin kay Liyong, "May nalalaman ka ba sa katauhan ng berbalang, ginoong Leopoldo?"
Napalunok muna ng laway si Liyong bago magsalita, "Sa talaan ng aming almnaki ay naroroon ang nilalang na yaon. Isang daang taon na ang lumipas magmula noong naghasik sila ng kasamaan sa iba't-ibang kabayanan. Ang punterya nila ay ang mga bangkay, kasing wangis ho sila ng mga aswang at ek-ek pero mas lubhang malakas ho ang berbalang,"
Napakunot-noo si Don Mateo sa narinig na salita ng binata at napatingin siya muli sa kaniyang amigo na may malalim na iniisip.
"Kung iisipin niyo po, Don Xavier, ang punterya ay malamang ang pulang hiyas." Dagdag pa ni Liyong.
"Aking nahihinuha na ang pulang hiyas ay ang pinakapangyarihan sa lahat, kung kaya ay ito ang punterya ng bawat nilalang. Bakit hindi na lamang sila dumiretso sa akin at harapin ako?" Seryosong saad ni Don Xavier.
"Dahil nga siguro ay lubhang napakalakas ninyo, hindi ka nila kayang harapin po agad. Kapag nakuha nila ang pulang hiyas ay hindi malabo na haharapin ka na nila," Kalmadong tugon ni Liyong sa don.
"May punto ang iyong sinabi, Ginoong Leopoldo. Pero bakit ba nila kailangan ang pulang hiyas? Ang magagawa lamang niyan ay palitan ang umaga ng gabi?" Tanong pa ni Don Mateo.
Sandali silang natahimik lahat.
"Marahil po ay kaya ng hiyas na makita ang hinaharap," Basag pa ni Liyong sa katahimikan.
Natigilan si Don Xavier sa tinuran ng binata.
KINABUKASAN nagtungo si Dolorosa sa monasteryo. Siya mismo ang nagbulontaryo sa kaniyang tiyo Marcelo na kunin ang mga sariwang bulaklak na handog ng mga prayle.
"Via, mabuti at narito ka na" Nakangiting saad ni prayle Castillo.
"Opo, p-pero pasensya na ho, padre kung hindi po muna ako makakapag-trabaho rito. Ako pa po kasi ngayon ang ginawang katulong ni senyor Marcelo sa burol ng kaniyang ina," Pagsisinungaling pa ni Dolorosa.
Napataas nang bahagya ang kilay ng prayle, "Ikaw ba ang naatasan na kumuha ng mga bulaklak?"
"Opo, padre. B-baka bukas makalawa ho ay babalik na ako rito," Saad pa ni Dolorosa, yumuko siya nang bahagya.
"Wala ka na bang lagnat?" Tanong pa ng prayle sabay hapo sa noo ni Dolorosa.
Napailing lamang si Dolorosa kahit na naiilang na siya sa ginawa ng prayle.
"Bueno, may napagtanto lang ako na kamukhang kamukha mo ang kapatid ni Doña Amanda na si Doña Araceli, parehas kayong maganda at para kayong mag-ina" Ani Padre Castillo.
Biglang kinabahan si Dolorosa sa sinabi ng prayle, "Ah- g-ganoon ho ba, padre? M-may mga ganiyan po naman 'di ba? Sa dinami-daming tao sa mundo ay hindi maiiwasan na may kawangis ka,"
"Siyang tunay, Via. Bueno, hindi mo ba tatawagin ang iyo na kapatid na si Liyong?" Tanong pa ng prayle.
Napalinga-linga naman si Dolorosa sa paligid. Hanggang sa nakita niya si Liyong na kasama ang isang dalaga na panay sulyap dito at ngumingiti pa. "Hindi raw kayang makipag-usap sa iba" Anas niya sa sarili.
"May sinasabi ka ba, hija?" Pagtatakang tanong ni Prayle Castillo sa dalaga na ngayon ay seryosong nakatingin sa papalapit na si Liyong at Myrna, "O, ayan na pala ang iyo na kapatid, Via"
Bakas sa mukha ni Liyong ang pagkagulat nang makita si Dolorosa na hindi man lang siya nginitian.
"Siya ba ang iyong kapatid, Liyong?" Tanong ni Myrna, sabay ngiti kay Dolorosa.
Walang magawa si Liyong kundi ang tumango.
"Maiwan ko muna kayo, basta ba'y pagkatapos ng inyong pag-uusap ay babalik na kayong dalawa sa gawain," Saad ni Prayle Castillo kay Liyong at kay Myrna. Pagkatapos ay tumalikod na siya papasok ng silid.
"Ako pala si Myrna, nagagalak akong makilala ka, Via" Masiglang saad ng dalaga sabay lahad niya ng kamay.
Ngumiti nang tipid si Dolorosa at tinanggap naman ang kamay ni Myrna, "Ako rin"
"A-ah, Myrna... nais ko lamang makausap ang aking kapatid. Kaming dalawa lang," Saad ni Liyong.
"Sige," Mahinhin na saad ni Myrna at ngumiti kay Liyong bago tumalikod.
Si Dolorosa naman ay nagsimula ng maghakot ng mga bulaklak na nakasilid sa limang buslo.
"Tulungan na kita," Ani Liyong sa dalaga.
"Huwag na, doble naman ang lakas ko kaysa sa'yo" Seryosong turan pa ni Dolorosa.
Natigilan naman si Liyong, "A-alam ko naman 'yon, pe---"
"Alam mo naman pala." Pakli ni Dolorosa at agad na binuhat ang limang buslo. Tinalikuran niya lanang si Liyong at diretsong pumunta sa labas ng pintuang daan kung saan naroroon ang kalesa.
Sinusundan lamang ni Liyong si Dolorosa, "May problema ba, kamahalan?" Ngunit hindi siya pinansin ni Dolorosa na abala sa paglagay ng mga buslo sa likod ng kalesa. Napansin naman niya na walang kutsero na nagmamaneho, "I-ikaw lang ang nagmaneho ng kalesang ito?"
Nang matapos si Dolorosa sa pag-aayos ng mga buslo ay seryoso niyang tinitigan si Liyong sa mga mata at tinaasan ng kilay. Pagkatapos ay sumampa na siya sa inuupuan ng kutsero.
"Gusto mo bang ihatid kita?" Tanong pa muli ni Liyong.
"Hindi." Maikling tugon ni Dolorosa. Akma na niyang paandarin ang kalesa nang pinigilan ng binata ang isa sa mga gulong ng kalesa.
Umuusok ang mga kamay ni Liyong na napahawak sa gulong ng kalesa.
"Liyong?!" Inis na sigaw ni Dolorosa, "Masusunog mo iyan!"
"Por favor, ako na ang maghahatid sa'yo." Ani Liyong kahit parang kakainin na siya ng buhay ni Dolorosa.
Napahinga nang malalim si Dolorosa at padabog na umalis sa upuan ng kutsero, "Bueno, ikaw magmaneho at maglalakad na lang ako!"
"Dolorosa naman, huwag ka naman ganiyan sa akin" Bakas sa boses ni Liyong ang pagmamakaawa. "Por favor,"
"Sana'y nag-usap na lamang kayo ng binibining iyon at hinayaan mo akong makaalis. Kanina pa sana ako nakarating sa tahanan ni tiyo Marcelo," Naiinis na turan ni Dolorosa.
Napahimas ng batok si Liyong at simpleng napangiti.
"Tinakasan ka na ba sa pag-iisip, Liyong? Bakit ka nakangiti?" Buwelta pa ni Dolorosa sa binata.
"Sino ba naman ang hindi mapapangiti sa iyong tinuran? Mukhang ikaw na ngayon ang naninibugho, kamahalan" Tukso pa ni Liyong, "Nais mo bang maulit ang nangyari noong nakaraang gabi?" Biro pa niya sa dalaga.
Nagsalpukan ang kilay ni Dolorosa at agad na kinuha at hinampas ang kumpol ng bulaklak ng butonsilyo sa bibig ni Liyong, "O, ayan! Halikan mo!"
Naiwasiwas ni Liyong ang kaniyang palad sa kaniyang bibig dahil may nakain siyang iilang talulot ng butonsilyo, "Hindi naman ito mabiro," natatawang turan niya.
Napairap si Dolorosa at padabog na umupo sa likuran ng inuupuan ng kutsero, "Ano pa ba ang hinihintay mo, Leopoldo Sevilla? Pagbibigyan na lamang kita dahil mukhang may magwawala sa daan kapag hindi natupad ang gusto," Sabay halukipkip niya.
Napailing na lamang si Liyong sabay ngisi, "Masusunod Via Dolorosa Sarmiento y Sevilla, aking kamahalan" At agad na sumakay sa inuupuan ng kutsero.
Pasimpleng napangiti si Dolorosa pero binawi niya lamang iyon at bumalik sa pagiging suplada ang mukha nang lumingon muli sa kaniya si Liyong.
ABALA ang lahat sa mansyon nang makarating si Dolorosa bitbit ang mga buslo kasama si Liyong.
"Magandang tanghali, Don Xavier" Bati ni Liyong sa don na ngayon ay payapang umiinom ng tsaa, "Magandang tanghali sa iyo, ginoo" bati niya rin kay Adrian, sa kaniyang pakiwari ay ito ang may hawig kay Dolorosa. Nakita niya itong ngumiti sa kaniya at bumati rin pabalik.
"Magandang tanghali, Ginoong Leopoldo" Balik na bati ni Don Xavier, "Ano at naparito ka?"
Napasulyap si Liyong kay Dolorosa na ngayon ay nag-iba ng daan at inabala ang sarili sa pag-aayos ng mga bulaklak sa himlayan ng tiya nito. "Tinulungan ko lamang ang iyong unica hija sa pagdala ng mga bulaklak papunta rito,"
Pinagmasdan ni Adrian ang kausap ng ama. Hindi niya mawari kung bakit may kakaiba sa binata, mukhang nakikitaan niya itong may potensyal sa pakikipaglaban.
"Ganoon ba, ako'y nagtataka na kung bakit kasama mo ang mga prayle noong isang araw. Hindi ka ba sumasama sa misyon nila ni binibining Edelmira at Ginoong Teofilo?" Tanong pa ni Don Xavier sabay higop ng tsaa, "Baka gusto mo ng tsaa?" Aya pa niya sa binata.
"Maraming salamat po, pero huwag na po dahil busog pa po ako." Saad ni Liyong, "H-hindi po ako sumasama sa misyon ng dalawa dahil may misyon din po ako na kinakaharap,"
Napakunot-noo si Don Xavier, "Anong misyon iyan, hijo?"
"Nagsasaliksik po ako ng mga galang bampira rito sa San Fernando, Don Xavier" Magalang na tugon ni Liyong, "Mas mainam na manunuluyan muna ako sa monasteryo dahil mas pabor sa akin na gawin ang misyon"
Napasandal sa upuan si Don Xavier at seryosong napatingin kay Liyong. Naaalala niya ang sinabi ni Dolorosa noong may pagtatalo sila patungkol sa mga prayleng bampira, "May kinalaman rin ba si Dolorosa rito?"
Natigilan si Liyong sa tanong ni Don Xavier.
Si Adrian naman ay may halong pagtataka ang mukha, "Ama? A-anong ibig ninyong sabihin?"
Kumakabog ang puso ni Liyong, mas gugustuhin niya na lamang na maglaho agad sa harapan ni Don Xavier, "Hindi ko po alam, bakit po? Ano po ang nagawa ng iyong unica hija?" Kalmado niyang tanong dahil alam niyang nakakaramdam ng tensyon at kasinungalingan ang mga taong-lobo.
"Ang aking unica hija ay minsan nang nagawi rito sa bayan, may nasabi siya patungkol sa mga paring nagba-balatkayo? Napaka-delikado ang kaniyang ginagawa lalo na at umaalis siya ng walang pasabi. Alam naming mga taong-lobo ang pasaring-saring na ulat patungkol sa mga babaeng nawawala at tikom ang mga bibig ng mga may awtoridad. Kahit nga ang alperez ay pasimpleng sinabi lamang sa akin dahil alam nilang wala silang laban sa mga bampirang nagawi na rito sa bayan." Mahabang litanya pa ni Don Xavier. "Magiging tahimik ang aking mga plano ukol sa mga bampira nang sa gayon ay iisipin nila na nawawalan na ako ng pakialam sa bayan na ito. Bukas makalawa, sisilay na ang kabilugan ng buwan. Hindi malabo na mas maghahasik sila ng lagim dahil mas malakas din ang kanilang enerhiya,"
Napaisip nang malalim si Liyong sa sinabi ng don. Mas magiging mapagmatyag na siya dahil sa isang linggo niyang pamamasukan sa monasteryo ay walang nangyayari. Sumagi rin sa kaniyang isipan ang pulang libro.
"Bueno, Leopoldo, balitaan mo rin ako sa mga nangyayari sa monasteryo at kung ano ang tunay na pakay nila at ang mga kasagutan na kung sila ba ang tunay na kalaban," Seryosong saad ni Don Xavier.
Napatango si Liyong, "Sí, masusunod po, Don Xavier"
UMUWI si Marco sa balwarte upang makatulog nang mahimbing dahil hapon pa ang kaniyang klase. Wala pa siyang tulog at bumibigat na ang kaniyang talukap, hindi siya makatulog sa mansyon ng kaniyang tiyo Marcelo dahil palagi siyang dinidisturbo ni Luna para makipaglaro.
Bubuksan na niya sana ang malaking pintuan nang may masagip ang kaniyang paningin, "B-binibining Emilia?"
Ngumiti si Emilia, "Mukhang wala si Dolorosa,"
"M-magandang tanghali, binibini. Oo, wala si Dolorosa dahil abala sa pagtulong sa burol ng aming tiya" Tugon pa ni Marco, pinagpapawisan na siya sa presensya ni Emilia at nawala rin ang kaniyang antok.
"Ganoon ba," Pag-aalangan na saad ni Emilia, "Bueno, ako'y uuwi na lama-"
"Binibini..." Putol ni Marco, "Mamaya ka na lamang umuwi, mainit pa ang panahon. Baka ikaw ay mawala sa ulirat kapag nainitan ka nang matagal,"
Ngumiti si Emilia sa tinuran ng binata. Alam niyang kilala ito sa pagiging babaero at pilyo kung kaya ay ito na ang kaniyang pagkakataon na magamit niya ang binata sa gagawing hakbang. "Bueno, salamat, ginoong Marco. Ikaw lang ba ang nandito?"
Tumango si Marco at agad na binuksan ang pintuan papasok ng kanilang tahanan. Agad niyang hinubad ang sombrero at dumiretso na sa kusina upang paghandaan ng meryenda ang dalaga.
Umupo naman si Emilia sa isang malambot at mataas na upuan na nasa sala-mayor.
Mayamaya pa ay nakita na niyang may dalang tinapay, keso at tsokolateng maiinom si Marco.
"Kumain ka na muna, binibini" Aya pa ng binata.
"Salamat, ginoo" Saad ni Emilia. Tinanggap niya naman ang alok ni Marco.
Umupo si Marco katabi ng upuan ni Emilia. Hinukas niya nang bahagya ang tatlong butones sa kaniyang tsaleko at napasandal sa kinauupuan.
Hindi mapigilan na mapatitig si Emilia sa naging posisyon ni Marco pero iniiwasan niya ang ganoong pag-iisip kung kaya ay naisipan na niyang kainin ang isang tinapay. Nakita niya rin na kumakain ng tinapay ang binata habang nakasandal pa rin sa kinauupuan nito. Napatikhim na lamang siya bigla.
"Bakit, binibini? May problema ba? Hindi mo gusto ang tinapay?" Tanong ni Marco at agad na tumungo sa kinaroroonan ni Emilia.
"H-hindi, may makati lamang sa aking lalamunan" Saad pa ni Emilia, napalunok siya ng laway nang tumabi sa kaniya ang binata.
"Masarap naman 'di ba?" Mahinahong tanong ni Marco sabay titig sa mga labi pagkatapos ay sa mga mata rin ng dalaga
Napatango si Emilia nang marahan, sa kaniyang palagay ay parang mas naging mainit ang temperatura sa loob ng sala-mayor.
Biglang hinubad ni Marco ang kaniyang tsaleko, "Napakainit, binibini. Pasensya na, hindi ko mapigilan, nais ko lamang na madampian ng hangin ang aking katawan"
Hindi makatingin si Emilia sa katabing binata. "O-Oo, lubhang napakainit"
"May nobyo ka na ba, binibini?" Biglang tanong ni Marco.
Halos hindi na magawang higupin ni Emilia ang tsokolate na nasa baso dahil sa katanungan ng binata, "W-wala, hindi ako nagkaroon ng nobyo"
"Ano? Paano nangyari 'yon? Pihikan ba ang iyo na puso?" Tanong muli ni Marco sabay ngisi sa dalaga.
"Wala naman akong oras sa mga ganiyan, ginoo. Mas uunahin kong mahalin ang aking sarili, pero kung may dadating man sa buhay ko, pwede na siguro?" Litanya ni Emilia at pagkatapos ay pinunasan niya ang kaniyang bibig gamit ang panyo.
Ngumiti lamang si Marco habang pinagmamasdan ang dalaga na ngayon ay nakakakitaan na niya ng pagkailang sa kaniya ngunit wala siyang pakialam, gusto niyang makuha ang kalooban ni Emilia. Alam naman niya kakagat din ito sa bitag niya gaya ng ginawa niya sa ibang babae. "Bueno, ako rin ay walang napupusuang babae. Ako'y naghahanap pa" Saad pa niya sabay kindat kay Emilia.
Tumango-tango si Emilia at agad na naisip ang plano. Walang ano'y kinuha niya ang isang kamay ni Marco at itinapat niya sa kaniyang dibdib. Itinapat niya rin ang kaniyang palad sa dibdib ng binata, "Pakinggan mo ang kabog nitong puso ko, pakiramdaman mo... iisa lang ba tayo ng hangarin?"
Nagulat man si Marco sa inasta ni Emilia pero napangisi siya bigla at ginamit ang mapupungay na mga mata upang tumitig sa mga mata ng dalaga. "Marahil ay iyon nga, binibini"
Umabot ang palad ni Emilia sa pisngi ng binata.
Samantala, si Marco naman ay binawi ang kamay na nakalapat sa dibdib ng dalaga, hindi niya akalain na babae na mismo ang nagpapabitag sa kaniyang patibong, kung kaya ay hinawakan niya ang kamay ng dalaga na nakadampi sa kaniyang kaliwang pisngi.
Samantala, si Emilia ay umurong papalapit sa binata at tinitigan ang mga mata nito patungo sa mapupulang labi, "Hindi ko akalain na mangyayari ang araw na ito, gustong gusto kita, Marco"
Inilapit ni Marco ang kaniyang mukha sa dalaga at dahan-dahang hinalikan ito sa labi. Naramdaman niya kung paano kagaling humalik ng dalaga. Napansin din nya na hinihimas ng dalaga ang kaniyang dibdib at naipikit niya ang kaniyang mga mata sa sensasyong hatid nito.
Mayamaya pa ay inimulat ng binata ang kaniyang mga mata habang patuloy pa rin ang halikan nila ni Emilia. Napabitaw siya sa halik at lumayo nang makita niya sa repleksyon ng salamin ang kapatid na si Adrian na nasa bungad ng pintuan at abala sa paghubad ng sapatos.
"Bakit?" Pagtatakang tanong ni Emilia.
Dali-daling inayos ni Marco ang butones ng kaniyang tsaleko at naupo sa dating kinauupuan na malayo sa dalaga.
Natigilan si Adrian nang makita ang maestra ni Dolorosa na kasama ang kuya nito. Pinilit niyang ngumiti kahit siya'y naiilang, "M-magandang tanghali, binibini. Kanina ka pa po ba rito?"
Napasulyap muna si Emilia kay Marco na ngayon ay nakatayo na at nakaharap sa labas ng bintana habang sumisindi ng tabako. "Oo, ginoo. Sa totoo niyan ay uuwi na rin ako. Salamat, ginoong Marco sa meryenda."
Tumango lamang si Marco at hindi magawang tumitig sa dalawa. Ibinalik niya agad ang sarili sa paghithit ng tabako.
"Adios, mga ginoo" Paalam pa ni Emilia.
"A-adios, binibini" Naiilang na saad ni Adrian. Nakita na niyang tumalikod ang dalaga, sinundan pa niya ito ng tingin hanggang sa labas. Pagkatapos ay napailing siya, "Ano iyon, kuya? Bakit siya nandito?"
"Akala niya'y nandito si Dolor." Kalmadong tugon ni Marco at tiningnan ang kapatid, "Bakit? Ano ang iniisip mo? Hinandugan ko lamang siya ng meryenda. Nakakahiya naman kung paaalisin ko na lang basta-basta,"
Umiling muli si Adrian at agad na kumuha ng tinapay, "Bueno, mabuti at bumait ka na"
Ngumisi si Marco sa tinuran ng kapatid, "Ikaw? Kailan ka muling magagalit?"
Walang naitugon si Adrian bagkus ay ngumiti na lamang siya at agad na tumalikod sa kapatid upang makapasok na siya sa sariling silid upang makapagpahinga.
PINAGMASDAN ni Dolorosa ang isang bulaklak habang nilalaro niya sa kaniyang kamay. Nakaupo siya sa hagdanan papasok ng mansyon. Nababagot na siya dahil nais niyang pumunta sa monasteryo pero buong araw na nakamatyag ang kaniyang ama sa mansyon nang dahil na rin sa mga nangyari sa pagsalakay ng berbalang lalo na ngayon na papalapit na ang gabi.
Napatingala siya at napangiti sa pinaghalong kulay kahel at kalimbahin na kalangitan. May naaaninag na rin siyang mga mumunting bituin na kumikislap. Napansin din niya ang mga lumilipad na mga ibon na marahil ay papauwi na sa kanilang mga lungga.
Naisipan na rin niyang tumayo para makatulong sa gawain sa mansyon. Pagkaharap niya sa gawing hagdanan ay nakita niya si Andrus na nakangiti sa kaniya nang malumanay. Bahagyang nagtagpo ang kaniyang kilay sa pagtataka.
"Para nga pala sa'yo, binibini" Saad ni Andrus habang papalapit sa dalaga, inilahad niya ang apat na kulay puting rosas, "Pasensya na sa aking inasta kamakailan. Nawa'y tanggapin mo ito,"
Umaliwalas ang mukha ni Dolorosa nang makita ang mga puting rosas, tinanggap niya ito at napangiti, "S-salamat, sana ay hindi ka na nag-abala."
Ngumiti si Andrus, "Nagustuhan mo ba?"
"Paborito ko itong kulay," Saad ni Dolorosa habang inamoy-amoy ang sariwang rosas.
Napatitig lamang si Andrus habang inaamoy ng dalaga ang mga rosas, napangiti pa siya nang nagtama ang kanilang paningin.
Biglang nakaramdam ng hilo si Dolorosa at nagsisimula ng pumupungay ang kaniyang mga mata.
"Binibini? Ayos ka lang ba?" Tanong pa ni Andrus.
Napahawak si Dolorosa sa kaniyang ulo sabay iling, "O-oo. Nahilo lamang ako bigla. Dala na siguro ito sa kulang ko sa tulog,"
"Ihahatid na kita papasok sa mansyon," Saad pa ni Andrus. Nakita niya namang tumango ang dalaga.
Sa kabilang dako, sa may bungad ng pintuang daan ay naroroon si Liyong na dismayado sa nakita. Naitapon niya ang kumpol ng rosas sa daan at umalis.
KINAGABIHAN ay mag-isa lamang si Liyong na nakaupo sa ilalim ng punong kalatsutsi na naging tagpuan nila ni Dolorosa. Kasama ang isang sulo ng apoy ay naroroon siya habang binabalot ng panaghoy ang gabi. Kahit hindi niya narinig ang usapan ni Andrus at Dolorosa ay sapat na iyon na makita niya kung paano ngumiti ang sinisinta sa lalaking kaniyang karibal.
Kinapa niya ang katabing bote na may serbesa at nilagok iyon. Nakakaramdam na rin siya ng hilo dahil nakakatatlong bote na siya. Nais niya lamang na kumawala sa sakit kahit saglit, wala siyang pakialam kung makikita man siya ni Edelmira at Teofilo na naglalasing.
Mayamaya pa ay nakaramdam siya na tila may pagaspas ng pakpak ang paparating sa kaniya. Gumagalaw ang hanggang balikat niyang buhok habang dumadampi sa kaniyang mukha. Hinawi niya ang buhok at napatayo.
Nagulat na lamang si Liyong nang bigla siyang dambahan ng nakakatakot na nilalang. Napaigik siya nang tumama ang kaniyang likuran sa mga batong nakapalibot sa puno ng kalatsutsi.
Hindi siya makapaniwalang makakaharap niya ang berbalang na gumambala sa sementeryo.
Buong pwersa na pinigilan ni Liyong ang magkabilang balikat ng berbalang kahit na halos lamunin na siya ng dalawang pakpak nito. "Talipandas ka! Hindi ka masisikatan ng araw!" Buwelta pa niya sa berbalang.
Nakaramdam na ng hapdi si Liyong sa bandang tiyan niya dahil nakapatong na ngayon sa kaniya ang nakakahilakbot na nilalang. Ang mahahabang kuko sa mga paa nito ay dumidiin na sa kaniyang tiyan.
Nanlilisik ang mga mata ng berbalang. May mga mapupulang balintataw ito. Biglang inilabas nito ang mahabang dila para dilaan ang leeg ng binata.
"Puny*ta!" Mura pa ni Liyong nang maramdaman niya ang pagdampi ng mahabang dila nito sa kaniyang leeg, mabaho ang laway nito na nahahalintulad sa nabubulok na bangkay ng tao.
Inilipat ng binata ang kaniyang kanang kamay sa leeg ng berbalang upang masakal ito. Pagkatapos ay ang kaliwang kamay niya ay nahawakan ang dila. Ginamit niya ang kakayahang apoy at umuusok na ang dila ng berbalang.
Napapasigaw si Liyong sa galit habang mahigpit na hinawakan ang dila ng berbalang. Nabitawan niya lamang ito nang bigla siyang kinalmot sa dibdib at agad na lumipad papalayo ang nilalang.
Napahiga sa lupa si Liyong habang hinihingal. Dinampi niya ang kaniyang palad sa dibdib na duguan. "May araw ka rin sa akin, hayop ka! Tutustahin kita hanggang sa impyerno!" Galit na turan niya. Nakaramdam na rin siya ng pagkahilo at biglang nawalan ng ulirat.
KINABUKASAN, nang malaman ni Dolorosa na may natagpuang binata na walang malay malapit sa monasteryo ay agad siyang pumunta. Halos kainin na siya ng kaba ng makarating sa paroroonan. Kumpol-kumpol ang mga tao na nakiusyuso sa binatang nakahiga sa lupa.
"Padre mia, mukhang lubhang nasugatan ang binata sa dibdib," Saad ng isang ginang.
"L-liyong!" Bulalas ni Dolorosa nang makita ang nakabulagtang katawan ng binata. Agad siyang napaluhod at hinawakan ang mukha ni Liyong. Namumuo ang kaniyang mga luha sa mata, "Gumising ka!" Natatarantang saad niya.
Niyugyog niya si Liyong at pinakiramdaman ang pulsuhan. Pumipitik pa ang pulso ng binata ngunit mahina. "G-gumising ka, pakiusap!" Naiiyak na sambit niya pa, "Liyong! Huwag ka namang mawala sa akin, o?"
Dumadami pa nang dumadami ang nakiusyuso. Dumating na rin ang iilang prayle kasama na roon si Padre Castillo. Bakas sa mukha nito ang gulat.
Nabuhayan ng loob si Dolorosa nang makita niyang unti-unting ginagalaw ni Liyong ang iilang daliri.
Inimulat ni Liyong ang kaniyang mga mata, kanina pa niya naririnig ang paghihinagpis ni Dolorosa pero pinili niyang magtulog-tulugan muna, "Narinig ko lahat 'yon. A-ayaw mo akong mawala?" Nakangiting saad niya sa dalaga.
Napapikit si Dolorosa, tuluyang nahulog ang kaniyang mga luha. "Guni-guni mo lamang iyon"
Lumapit naman si Padre Castillo at agad na inutusan ang ibang tauhan na alalayan ang binata.
"A-ako na ang gagamot sa kaniya, padre" Saad ni Dolorosa. Nakita niya tumango ang prayle at napangiti nang tipid.
"Bueno, sa monasteryo mo na siya gamutin" Ani Padre Castillo.
Napasulyap naman si Dolorosa sa ilalim ng kalatsutsi na may mga nakakalat na bote ng serbesa. Napahinga siya nang malalim at agad na nilapitan si Liyong upang tumulong na rin sa pag-akay. Nakita niyang ngumisi sa kaniya si Liyong at kumindat.
Napagtanto rin ni Dolorosa ang nasabi niya sa binata na ayaw niya itong nawala, nadulas na siya at wala na siyang magagawa pa.
---
Talaan ng salita:
Butonsilyo- daisy
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro