Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kapitulo - XXIV

SA isang mahabang mesa ay naghahapunan ang magkapatid na si Emilia at ang gobernadorcillo na si Alfonso.

"Nakakawala ng pasensya ang anak na babae ni Don Sarmiento," Ani Emilia habang nanggigil na hinihiwa ang karne ng baboy na kanilang hapunan.

Napahinto sa pagnguya ang gobernadorcillo at pinagmasdan ang kapatid na halos mabiyak na ang plato sa panggigigil nito, "Bakit?" Tanong niya pa rito.

"Mukhang may nagsabi sa dalagang yaon na naririto ang lahi natin," Saad ni Emilia sa kaniyang kapatid. "Aking nauulingan na isa sa mga anak ni Don Xavier ay mula sa Europa,"

Naging seryoso bigla ang mukha ni Alfonso, hindi siya umimik at may nabubuong plano sa kaniyang isipan.

"Kuya? Kailangan na ba natin na ipatumba ang anak ni Don Xavier na galing sa Europa?"

Napapikit ang gobernadorcillo at umiling, "Huwag, hindi pwedeng labanan agad natin ang may kapangyarihan. Simulan natin sa kanilang kahinaan... ang mga apo ni Don Xavier"

Napangisi si Emilia sa sinabi ng kapatid, "Magaling, kuya"

HATINGGABI na ngunit hindi pa rin makatulog si Dolorosa. Kasalukuyan siyang nagsusulat ng liham para kay Liyong na baka bukas ay hindi na muna siya makakapunta sa monasteryo. Narinig niya ang pag-uusap ng kaniyang mga magulang na may magbabantay na sa kanilang tahanan na mga cambiaformas.

Napahinga siya nang malalim matapos naipadala ang liham sa isang uwak. Nangingilid na naman ang kaniyang luha dahil sa konsensya at mga sinabi niya sa ama. Naisip niya na bukas ay manghihingi siya ng tawad sa mga magulang.

Sa kabilang dako, si Liyong naman ay kanina pa nakaupo sa kaniyang higaan habang kaharap ang nakabukas na bintana. Hindi siya makatulog sapagkat may bumabagabag sa kaniyang kalooban. Napag-usapan nilang tatlo kanina lamang nila ni Teofilo at Edelmira na sa susunod na mga araw ay maaari na silang bumalik sa Kongregasyon.

Mayamaya pa ay may pumatong na uwak sa bintana at dala ng tuka nito ang papel na nakarolyo. Agad na kinuha ni Liyong at agad na ibinuklat ang papel.

Liyong,

Nawa'y nakarating ang liham na ito sa iyo. Kung sakaling nabasa mo naman ay mas mainam sapagkat hindi ko maipapangako na magpapakita ako bukas sa ating tagpuan. May mga problema lamang dito sa amin na tahanan.

-Dolorosa

Napatayo si Liyong at naitiklop ang liham. Napatingin siya kay Teofilo na natutulog na nang mahimbing.

"Nag-usap na kami ni Alcalde Timoteo kanina. Batay sa liham na naipadala sa alcalde ay nais ni Don Xavier na makita kayong dalawa sapagkat nais kayong makilala at nais din niyang personal na magpasalamat sa inyo na tulong noong araw na lumusob ang mga taong-lobo na hindi nila kaanib," Saad ni Edelmira sa dalawa, seryoso itong nakaharap sa kanila.

Tahimik lamang si Liyong na nakikinig habang pinagmamasdan ang panyong ibinigay sa kaniya ni Dolorosa.

"Ikaw ba, Liyong? Ano na ang iyong plano? Dahil mukhang malapit na tayong umalis dito sa San Fernando," Ani Edelmira sa kaibigan.

Nagkibit-balikat na lamang si Liyong bilang tugon.

"Huwag mong sabihin na ayaw mo nang umuwi? Nais mo na lang ba rito manirahan sa bayan na ito?" Tanong pa ni Teofilo.

Nagkibit-balikat muli si Liyong at sumandal na lamang sa kinauupuan habang naka de-kwatro at inilagay ang panyo sa kaniyang bulsa.

"Dahil ba sa dalagang nagmamay-ari ng panyo na iyan? Kung kaya ay hati ang iyong disesyon?" Tanong muli ni Teofilo.

Ngumiti lamang nang tipid si Liyong, "Hindi ko alam, mas maraming kaganapan dito sa San Fernando"

Nagkatinginan si Teofilo at Edelmira sa winika ni Liyong.

"MATAGAL pa ba kayo?" Inis na tanong ni Edelmira sa dalawa.

"Kanina pa ako tapos," Saad ni Liyong.

Natigilan naman si Edelmira sa naging postura ni Liyong. Maayos na maayos ang suot na tsaleko nito at nakaayos din ang buhok. May iilang nakalawit na hibla ng buhok sa harapan ng mukha nito at nakikitaan ng pagkamakisig. "Mukhang may pinaghandaan talaga,"

Ngumiti lamang si Liyong habang nililinisan ang sapatos nito. "Ako pa,"

Umiling na lamang si Edelmira at napangiti na rin dahil simula noong nagawi sila rito sa San Fernando ay nag-iba ang ugali ni Liyong.

"Tanungin mo si Teofilo kung tapos na ba siya sa palikuran? Mukhang mag-iisang oras na iyon," Saad ni Liyong.

Agad na tinungo ni Edelmira si Teofilo, hindi naman kalayuan ang palikuran. Makikita pa rin siya ni Liyong kahit papaano, "Hoy! Matagal ka pa riyan?!" Bulyaw ni Edelmira kay Teofilo.

"Huwag mo nga akong sigawan, labanos! Kita mong nagbabawas pa ang tao eh! Kung hindi lang sana ako kumain ng niluto mong tinola na may papaya, hindi sana ako nagkakaganito ngayon" Saad ni Teofilo sa loob ng palikuran.

Sa sobrang inis ni Edelmira ay sinipa niya ang pintuan ng palikuran.

"Labanos! Ano ba?" Gulat na turan ni Teofilo.

Tumawa na lamang si Liyong sa dalawa na tila pangkaraniwan na lamang ito sa kaniya ang mga ganitong eksena.

WALA sa kalooban na bumangon si Dolorosa upang humarap man lang sa kaniyang mga magulang at kapatid.

Iniisip niya na naman si Liyong at baka hindi nito natanggap ang sulat at ngayon ay naghihintay sa kanilang tagpuan.

Mayamaya ay nag-ayos na lamang siya sa kaniyang sarili kahit na nakikita niya sa repleksyon ng kaniyang salamin ang mugtong mga mata. Pagkatapos ay tumayo siya upang silipin ang kaunting uwang ng bintana. Nakikita niya ngayon ang dalawang cambiaformas na nagbabantay sa ibaba.

Napabuntong-hininga na lamang si Dolorosa dahil mukhang wala siyang takas ngayong araw.

"Anak?"

Napalingon si Dolorosa sa gawi ng pinto. Biglang kumirot ang kaniyang puso nang marinig ang ina na nasa labas. Sa kaniyang isipan ay malaki ang kaniyang naging kasalanan dahil sa naging husga niya sa ina. Ngunit, napagtanto niya na kahit gaano ka tampalasan ang kaniyang ugali ay mamahalin at aalagaan pa rin siya nito.

"I-ina?" Turan ni Dolorosa nang mabuksan ang pinto, walang ano-ano'y napayakap siya rito, "P-patawad, ina" Hindi napigilan ng kaniyang mata na ibuhos muli ang mga luha. Naramdamdan din niya ang haplos ng ina sa kaniyang likod.

"Kahit hindi ka pa nakagawa ng kasalanan ay pinapatawad kita, Dolor. Dahil anak kita, nag-iisang unica hija." Wika ni Doña Araceli nang humiwalay siya mula sa pagkakayakap sa anak. Tinitigan niya ito ng may halong senseridad sa mga mata.

"Patawad po, ina. Hinding hindi na po mauulit. Siguro nga'y nabigla lamang ako sa mga nalalaman at mga nakikita kung kaya ay hindi ko na mapigilan na ibuhos ang aking galit," Ani Dolorosa habang hinahawakan ang kamay ng ina.

"Huwag ka nang mag-alala, anak.  Ang gagawin mo lamang ngayon ay harapin ang iyong ama upang makahingi ka ng kapatawaran," Tugon pa ng Doña, "O siya, halika na at may mga bisita ka." Sabay ngiti nito sa anak.

"Po? May bisita?"

"Sí, anak. Tayo na upang makapag-agahan ka na rin," Saad ni Doña Araceli.

Nang makarating na sila sa sala-mayor ay naroroon si Edelmira, Teofilo, at Liyong.

Samantala, natigilan naman si Dolorosa nang makita kung sino ang mga bisita, lalo na kay Liyong. Biglang kumabog ang kaniyang puso at hindi mapigilan na mapangiti lalo nang magtama ang kanilang paningin ng binata.

Agad na tumayo si Liyong, "Magandang umaga, binibining Dolorosa," Bati niya sa dalaga at pasimple pang kumindat dito.

Mas lalong napangiti si Dolorosa sa ginawa ni Liyong, "Magandang umaga, Ginoong Liyong. Magandang umaga, binibining Edelmira at Ginoong Teofilo."

"Magandang umaga, binibini" Sabay na sabi ni Edelmira at Teofilo. Nagkatinginan silang dalawa at kalaunay napairap si Edelmira sa binata.

Napangiti rin si Doña Araceli sa mga panauhin, "Bueno, mag agahan muna kayo"

"Sige po," Saad agad ni Teofilo na ikinasiko ni Edelmira sa kaniya, "Bakit?" Anas niya sa dalaga. Pinandilatan naman siya nito.

"Mukhang kayo'y gutom na, huwag na kayong mahiya." Natatawang saad ni Doña Araceli. "Pagkatapos niyong mag-agahan ay pwede na ninyong makausap ang aking esposo na nasa kabilang bahay lamang kung saan naroroon at nag-aasikaso sa mga hakbang na gagawin sa mga paparating na kalaban"

Tumango naman si Edelmira, "S-sige po, Doña"

Samantala, si Teofilo naman ay panay masid sa paligid at baka masumpungan niya na naman si Marco.

NAPAPASULYAP si Don Xavier sa isang binata na kasama ngayon ni Edelmira at Teofilo. Namumukhaan niya ito na tila nakita niya na. "Ako'y pinahanga ninyo. Hindi ako nagsisisi na nakinig ako sa aking ama na makianib sa inyong kongregasyon na pinamumunuan pa noon ni Don Lorenzo,"

"Maraming salamat, Don Xavier. T-tunay nga't mabagal ang pagtanda ng mga taong-lobo," Saad ni Liyong, kinakailangan niyang maingat na bigkasin ang bawat salitang kaniyang binibitawan. Hindi niya akalain na puno ng awtoridad ang ama ni Dolorosa at hindi basta-basta.

"Siyang tunay. Siya nga pala, aking napagtanto noong nakaraang gabi, na ikaw, Edelmira ay kinakailangan ang hiyas ng pulang buwan. Marami na rin akong naging hiyas dito na galing sa iba't-ibang yugto ng buwan na bigla na lamang nahulog rito sa aming balwarte," Saad ni Don Xavier at inilabas ang pahabang kahon na gawa sa kahoy. Binuksan niya iyon at tumambad ang iba't-ibang klase ng hiyas. "Ngunit ang dalawang ito..." Sabay kuha ng don sa asul at Berdeng hiyas, "Ay may katangian na mahahalintulad sa hiyas na pula na kasalukuyang sinusuot ni Luna pero ang kaibahan ng hiyas na iyon ay napapanatiling malakas ang bata."

Napatango-tango si Edelmira, "At dahil din po sa pulang hiyas na iyon ay malapit si Luna sa kapahamakan, lalo na at mainit ang mga mata ni Oryol sa hiyas"

"Oo nga't narinig ko na mula sa'yo ang pangalan ni Oryol. Hindi rin malabo na naririto ito sa baya--" Natigilan si Don Xavier sa nabuong konklusyon sa kaniyang isipan, "Hindi rin malabo na siya ang may pasimuno sa mga taong-lobo na hindi namin kaanib," Mariin na saad ng don at nagsisimula ng balutan siya ng galit, "Bueno, kapag nakaharap ko si Oryol ay titiyakin kong hindi na siya muling makakaapak sa San Fernando,"

"Huwag po kayong mag-alala, Don Xavier. Kami'y tutulong." Wika ni Edelmira habang mahigpit na nakahawak ang isang kamay sa hawakan ng espada na nakasukbit lamang sa kaniyang baywang.

"Maraming salamat, sa inyo. Dahil sa kabutihan ninyo ay bibigyan ko kayo nitong mga hiyas ng yugto ng buwan," Nakangiting saad ni Don Xavier, "Para sa'yo, Leopoldo, ang hiyas na ito ay kakaiba sapagkat ang buwan na ito ay nahanay sa planetang benus," Sabay bigay sa binata ang maliit na hiyas na kung saan nakikita ng binata sa loob ng bato ang planetang benus.

"Salamat po, Don Xavier"  Nakangiting saad ni Liyong at agad na tinanggap mula sa mga kamay ni Don Xavier ang hiyas.

"Sa iyo naman, Teofilo. Ang hiyas na ito ay nawa'y pagaingatan mo dahil nakapaloob diyan ang nabuong buwan, hinihigop nito ang mga negatibong enerhiya" Saad ni Don Xavier at agad na binigay ang hiyas.

"Salamat po, Don Xavier. Akin po itong pagagaingatan" Ani Teofilo.

Napangiti si Don Xavier, "At sa iyo, Edelmira. Ang hiyas ng huling buwan, nangangahulugang may pagsibol muli"

Agad na tinanggap ni Edelmira ang hiyas na kulay kalimbahin, "Maraming salamat, Don Xavier."

"Bueno, lagi ninyong pakatandaan na kaming mga taong-lobo ay hindi kaaway." Wika ni Don Xavier, ngumiti siya nang malumanay sa tatlo, "At nawa'y tayo ay habang-buhay na kapatiran,"

"Mabuhay ang Kongregasyon at ang balwarte ng mga taong-lobo," Ani Liyong at iniligay ang kaniyang sombrero sa dibdib.

NANG matapos ang pananghalian ay nakipag-kwentuhan muna ang ibang kasapi ng mga taong-lobo at si Don Xavier sa tatlong panauhin. Ipinaghanda sila ng don ng masasarap na pagkain at inumin.

Mayamaya pa ay nagpaalam si Liyong na gumamit ng palikuran pero ang nais lamang niya ay makita si Dolorosa na nasa hardin.

"D-dolor!" Tawag ni Liyong kay Dolorosa nang makarating sa hardin, abala ito sa pagpipitas ng mga sariwang rosas na nilalagay sa buslo.

Napatingin naman si Dolorosa sa tumawag sa kaniyang ngalan, "Liyong?" Anas niya pa.

"Sa wakas at alam ko na rin ang inyong tahanan," Saad ng binata at napangisi, "Mabibisita na rin kita kahit anong oras."

Ipinagpatuloy ni Dolorosa ang kaniyang pagpipitas ng bulaklak, hindi niya magawang titigan ang binata dahil sa sobrang ayos ng postura nito na kapag kaniya itong titingnan ay tila malulusaw na siya sa pagkamakisig nito.

"Ay, siya nga pala, Dolor..." Pakli ni Liyong at napahinga nang malalim, "Baka sa susunod na mga araw ay babalik na kami sa Kongregasyon,"

Napakunot-noo si Dolorosa sa tinuran ng binata sa kaniya, at napatingin "I-iiwan mo na ako?"

"Hindi, binibini. Bibisitahin kita rito araw-araw. Sasamahan pa rin kita sa monasteryo," Ani Liyong.

"Ngunit napakalayo ng Kongregasyon mula rito, baka mapago-"

"Dolor, kahit pa ilang bundok man ang akyatin ko o kahit ilang milya man ng dagat na aking tatawirin ay gagawin ko para sa'yo, makasama ka lamang" Pagputol ni Liyong sa nais sabihin sa kaniya ng dalaga, "Ganiyan ka kahalaga sa akin," Sabay hawi niya sa iilang hibla ng buhok ni Dolorosa.

Umiwas naman si Dolorosa at pinagpatuloy ang pagpipitas ng rosas, hindi niya mawari ang kabog ng kaniyang dibdib, "Baka makita ka pa ni ama,"

Napangiti naman si Liyong sa sinabi ni Dolorosa, "Tulungan na kita diyan, ang ganda naman ng mga rosas na ito. Kasingganda mo," Sabay hawi niya sa mga tanim na rosas.

"Bakit ka ba ganiyan sa akin, Liyong?" Wala sa sariling tanong ni Dolorosa sa binata, "Kaibigan lang ba ang tingin mo sa akin? P-pinapalampas ko lamang ang mga matatamis mong salita minsan dahil baka ikaw ay nagbibiro at ayaw ko ring umasa,"

Napangiti si Liyong, "Pasensya na, p-pero nakakahiya man na sabihin pero baka ito na ang pagkakataon, Dolor..."

Halos hindi na marinig ni Dolorosa ang kaniyang sarili dahil sa kabado na ang kaniyang dibdib.

"Minsan ay pinapangunahan ako ng takot kung kaya ay dinadaan ko na lamang sa mga pasimpleng salita,"

"Saan ka natatakot, Liyong? Natatakot ka ba na baka hindi ko matanggap ang maari mong sabihin ngayon?"

Nagkatitigan silang dalawa na tila bumabagal ang bawat kaganapan sa kanilang paligid.

"Mahal kita, Dolor" Diretsong saad ni Liyong, "Ngayon naintindihan mo na, hindi ako nagbibiro dahil hindi naman talaga biro ang aking nararamdaman para sa'yo."

"P-pero si ama? A-ayaw niya pang ako'y magka-nobyo," Naiiyak na saad ng dalaga.

"Makakapaghintay pa naman ako, Dolor. Kahit ilang taon pa, sisiguraduhin ko ring sa akin ka mapupunta" Tugon ni Liyong.

"Liyong!" Tawag ni Edelmira sa kaibigan dahil sila'y uuwi na sa bahay panuluyan.

Agad na napatago si Liyong sa malalagong halaman.

"Binibini, nakita mo ba si Liyong?" Magalang na tanong ni Edelmira sa dalaga.

"Nakita ko siyang gumamit ng palikuran," Pagsisinungaling pa ni Dolorosa.

"Por favor, binibini, pakisabi sa kaniya na kami'y babalik na sa bahay panuluyan, salamat" Saad ni Edelmira at agad na tumalikod  papunta sa sala-mayor.

Lumabas naman si Liyong mula sa kinatataguan, "O, paano ba 'yan, binibini? Kami'y uuwi na. Wala ka bang pabaon sa akin?" Pabirong tanong niya sa dalaga.

Napaismid naman si Dolorosa at ngumiti nang tipid, sabay abot ng rosas sa binata.

Tumawa naman si Liyong, "Mukhang baliktad,"

"Bakit?"

Umiling na lamang si Liyong at tinanggap ang rosas, pagkatapos ay kinuha niya ang isang kamay ni Dolorosa at hinalikan, "Kung ikaw ay may pabaon sa akin, ako naman ay may iiwan-- ang halik ko. Ingatan mo iyan, kamahalan."

Tumango nang marahan si Dolorosa at pasimpleng ngumiti.

NAKITA ni Adrian si Andrus na nakahiga sa malawak na damuhan sa kanilang paaralan. Agad niya itong pinuntahan at nais kamustahin.

Nang makalapit na siya ay nakita niya si Andrus na nakapikit lamang, "Amigo, mukhang hindi mo kasama ang akin na kapatid"

Iminulat ni Andrus ang kaniyang mga mata at nakita si Adrian na umupo na rin sa damuhan, "Gusto kong mapag-isa. Nais ko lang ng sariwang hangin,"

"Bakit? May problema ka ba?" Hindi mapigilan ni Adrian tanungin ang binata. Nakita niya itong bumangon sa pagkakahiga at tulad niya'y umupo na lamang ito.

"Tama ka, may problema ako. Pero hayaan mo na, amigo, ito'y lilipas lamang" Tugon ni Andrus.

Ngumisi si Adrian bago nagsalita,  "Bueno, nais mo bang samahan ako na pumunta sa panciteria? Malay natin baka gumaan ang pakiramdam mo kapag nakakain ka ng masarap na pansit"

Napatawa si Andrus, "Sige. Maiba nga ako, amigo, may napupusuan na bang binata ang iyo na kapatid na si Dolorosa?"

Natigilan sa tanong si Adrian, "Bawal pang mag nobyo ang akin na kapatid. Siguradong makakagalitan iyon ni ama. Bakit? Huwag mong sabihin..."

Napakunot-noo si Andrus, "Ah- ang ibig kong sabihin ay..."

"Halata na sa iyo, may gusto ka ba kay Dolor?"

"B-bigo ako, hindi niya ako binigyan ng pagkakataon" Saad pa ni Andrus. "Nais kong kunin muli ang kaniyang loob, maaari mo ba akong tulungan?"

"Hindi ko maipapangako, pero, sige. Ang una lamang sa lahat ay kaharapin mo ang aming ama, nang sa gayon ay may pahintulot" Tugon ni Adrian, "Siguro'y sa una mong hakbang ay nabigla lamang ang akin na kapatid"

Tumango-tango si Andrus, "Maraming salamat, amigo"

Pero sa kaloob-looban ni Andrus ay gagamitin niya lamang si Adrian para makakuha ng kahinaan sa kanilang balwarte at makalikha muli ng nilalang na maaaring makakapagpadala ng dagok sa buhay ng mga taong-lobo.

NAPAHINGA nang malalim si Dolorosa bago pumasok sa opisina ng ama, kahit na gabi at lumalamig na ang klima ay butil-butil pa rin ang kaniyang pawis. "A-ama,"

Natigil sa pag-aayos ng mga papel ang don at nakita ang anak na ngayon ay nakatayo sa harapan niya at nakayuko.

"Patawad," Pakli ni Dolorosa. "Patawad po, ama. Nawa'y mapatawad ninyo ako sa aking pagkakasala," Saad niya pa, nangingilid ang kaniyang mga luha.

Tumayo si Don Xavier at nilapitan ang anak sabay yakap dito, "May mga pangyayari sa ating buhay na minsan ay hindi natin gusto at magdudulot lamang ng hindi pagkakaintindihan, pero ang mga ganiyang eksena ay may kapatawaran at pagbabago, lalo na sa pagkatao... magsisilbi itong aral,"

Napangiti si Dolorosa habang mahigpit na napayakap sa ama.

"Pinapatawad kita, dahil anak kita" Puno ng senseridad na saad ni Don Xavier, "At aking napagtanto na nais ko rin na pakinggan ang iyong hinanaing at plano," Dagdag pa niya nang makahiwalay siya sa pagkakayakap.

"Totoo po ba, ama?" Hindi makapaniwalang tanong ni Dolorosa.

"Oo, totoo, anak." Nakangiting tugon ni Don Xavier, "Siya nga pala, anak... namumukhaan ko ang binatang si Leopoldo, parang nakita ko na siya"

Natigilan si Dolorosa at napakagat siya sa kaniyang pang-ibabang labi, "Po? Kahit na a-ako ay ngayon ko lamang nakita ang dalawang binatang kasama ni binibining Edelmira,"

"Bueno, baka dala ito ng aking pagod, anak. Halika na at lumalalim na ang gabi. Matulog ka na, dahil bukas ay maaga ka pa sa iyo na maestra,"

"Po? Hindi ko nais na makita ang kaniyang presensya, ama" Giit pa ni Dolorosa ngunit nakita niya lamang na ngumisi ang ama.

"Napag-usapan namin ng iyong ina ang nangyari sa pagitan ninyo ni Emilia. Siguro nga ay manmanan natin ang kaniyang mga kilos at magkunwari kang maging mabuti muli sa kaniya," Wika ni Don Xavier, "Napag-usapan din namin ito ni Agustin, kung balak nilang manmanan ang balwarte ay dapat mas maging tuso tayo kaysa sa kanila. Sabi nga ng mga matatanda, mas malakas ang isang nilalang sa sariling lupain. Samakatuwid, tayo ang dapat manguna at hindi tayo papatalo sa ating sariling bayan at balawarte,"

Napangiti si Dolorosa at muling napayakap sa ama, "Salamat, ama. Tunay ka ngang isang magaling na pinuno ng mga taong-lobo"

--------
Talaan ng Larawan:

Si Leopoldo na japorms na japorms Aahaahaah!

(Visual po ito sa hardin ni Dolorosa.)

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro