Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kapitulo - XXIII

UNTI-UNTING nawawala ang bolang apoy sa hangin nang makarating si Dolorosa sa tapat ng bintana ng kaniyang silid. Hindi pa rin na re-rehistro sa kaniyang isipan ang kakaibang kakayahan ni Liyong. Mas nagkaroon siya ng pagnanais na makilala pa ang binata.

Nang makabakod at nakapasok na siya sa kaniyang silid ay nakarinig agad siya ng katok mula sa labas.

"Dolor?"

Napahinga siya nang malalim dahil sa narinig na boses ng ama. Pinagbuksan naman niya agad ito, "Po? M-may kailangan ho ba kayo, ama?"

Seryosong napatitig sa kaniya ang ama habang nakahalukipkip at halatang galing pa sa pagpupulong dahil hindi pa nakabihis ito.

"Maghapunan na tayo, ang saad ng iyong ina ay buong araw kang nasa silid at tanging si Kahimanawari lamang ang iyong pinapapasok," Ani Don Xavier gamit ang malalim na boses.

Matipid na napangiti si Dolorosa dahil pinagtakpan siya ng pamangkin, "Totoo po iyan, ama. Buhat po sa mga kaganapan sa pagsalakay ng Sarangay ay sumakit ang akin na katawan. Ikaw, ama? Maayos na ba ang iyong leeg?"

Umiling si Don Xavier dahil bakas pa rin ang pagkasunog ng kaniyang leeg sa pagpulupot sa bituka ng Sarangay na tila isang mainit na bakal ang dumampi sa kaniyang balat, "Ginagamot ko pa, sa aking palagay ay ang Sarangay na iyon ay likha ng engkanto,"

Tumango-tango si Dolorosa sa tinuran ng ama, "Ganoon ho ba,"

"Salamat, anak" Turan ni Don Xavier at agad na napayakap sa anak, "Halika na" aya pa niya nang humiwalay sa yakap, "Maghapunan na tayo,"

Kahit busog man si Dolorosa ay pinilit niya na lamang na sumabay upang hindi siya mapaghalataan.

KINAUMAGAHAN ay nakaharap ni Dolorosa ang maestra na si Emilia na kasalukuyang tinuturuan siya ng pagtatahi. Hindi kinibo ng dalaga ang maestra dahil sa tinuran nito kahapon.

"Binibining Dolorosa, magkwento ka naman" Biglang saad ni Emilia.

Hind pinakinggan ni Dolorosa ang sinabi ng maestra at patuloy pa rin sa ginagawang pagtatahi at pagbuburda ng panyo.

"S-sino si Leopoldo?" Mahinhin na tanong ni Emilia, "Siya ba ay iyong nobyo?"

"Isang kaibigan," Wala sa kalooban na tugon ni Dolorosa, "Nais ko siyang bigyan ng panyo na may nakaburdang pangalan niya," Seryosong saad niya pa.

"Bueno, ako'y nagagalak dahil marunong ka palang magpahalaga ng kaibigan. Ako'y walang---"

"Tapos na po ako, binibini. Maaari na po ba akong magpahinga?" Biglang sabi ni Dolorosa, "Masakit pa po ang aking katawan"

Napasingkit ang mata ni Emilia sa naging asal sa kaniya ng dalaga, "Ngunit alas syete pa lamang ng umaga,"

"Alam ko po, ang sakit sa katawan ay walang pinipiling oras, maestra." Pabalang na tugon ni Dolorosa.

"May problema ka ba sa akin, binibini?"

Seryosong napatingin si Dolorosa sa maestra, "Sa tinuran mo kahapon ay kaya na kitang gutay-gutayin pero mabuti na lamang at ako'y mabait" Sabay ngisi niya.

Ngumisi pabalik si Emilia, "Nag-iinaso ka na naman, Dolor"

"Huwad ka," Diretsong saad ni Dolorosa, habang walang kurap na nakatitig sa mga mata ni Emilia.

"Que barbaridad! Ano ba ang iyong pinagsasabi?!" Pagmaang-maangan pa ni Emilia.

Narinig naman ni Doña Araceli ang paglaki ng boses ni Emilia kung kaya ay dali-dali siyang pumunta sa sala-mayor, "Anong kaguluhan dito, Dolor?!"

"Doña, ako'y pinakitaan ng hindi mabuting asal ng iyong unica hija. Tila nasasaniban na siya ng diablo!" Sabay dikit niya sa Doña upang siya ay magiging kawawa.

"Lumayo kayo diyan, ina! Isa siyang bampira!" Buwelta pa ni Dolorosa, umiinit na ang kaniyang mata at ang kaniyang dugo'y kumukulo na sa presensya ni Emilia.

"A-ano?" Hindi makapaniwalang saad ni Doña Araceli.

Biglang inilabas ni Dolorosa ang kaniyang matutulis na kuko, "Tingnan niyo ang palad ng huwad na iyan!"

"Depekto ko lang ho ito, Doña. Ang mga bampira ay nasa Europa at hindi kayang pumunta rito sa ating bansa!" Buwelta ni Emilia, "Walang katuturan ang kaniyang sinasabi!"

"Ina, maniwala kayo! Magtatawag ako ng mga cambiaformas na maaaring ipatawag si ama!" Nanginginig na saad ni Dolorosa, sabik na siyang masakal ang maestra.

"Husto na, Dolorosa!" Galit na saad ni Doña Araceli, "Wala kang ebidensya! Depekto lamang ang naroroon sa kaniyang palad! Hindi kita pinalaki na maging ganito sa isang mabuting bisita,"

Matalim pa rin ang tingin ni Dolorosa kay Emilia.

"Ang mabuti ay umuwi ka na muna, binibining Emilia, ihahatid kita sa labas" Mahinahong saad ni Doña Araceli sa maestra.

Tumango na lamang si Emilia at yumuko na lamang palabas ng sala-mayor.

"Mamaya, mag-usap tayo! Pinapasakit mo ang ulo ko ngayon" Seryosong saad ni Doña Araceli.

NAPANSIN ni Liyong na mukhang wala sa kalooban si Dolorosa, hindi man lang ito ngumiti sa kaniya at lumapit. Sumesenyas lamang ito sa kaniya na sila'y pumasok na sa monasteryo.

"Binibini, mukhang-"

"Para sa'yo. Mag-usap na lang tayo mamaya," Seryosong sabi ni Dolorosa nang maiabot ang manipis na kahon na may nakalagay na panyo. Tumalikod na siya at tuluyan ng pumasok sa loob ng monasteryo.

Napahinga na lamang nang malalim si Liyong. Tinanggap niya naman ang kahon at agad na binuksan iyon. Napangiti siya kahit papaano dahil sa isang kulay tsokolateng panyo na may nakaburdang pangalan niya.

Samantala, nang makapasok sa monasteryo si Dolorosa ay agad siyang nakita ni Prayle Castillo, "Magandang umaga po, Padre"

"Magandang umaga, Via. Hinintay talaga kita upang ikaw ay makapaghanda sa akin ng tsaa" Saad ni Prayle Castillo.

Agad na tumango si Dolorosa, "Masusunod po, padre"

"Ah, Via..." Pigil pa ng prayle, "Ihatid mo iyan sa aking silid"

"Opo," Wala sa kalooban na tugon ni Dolorosa, agad siyang nagtungo sa kusina na kung saan naroroon si Manang Isidra na abalang-abala sa pagkuskos ng sahig.

"Via, ikaw pala. Halika, may handog akong kakanin para sa'yo," Pakli ni Manang Isidra at tumayo nang dahandahan dahil masakit na ang kaniyang balakang sa katandaan.

"Manang?" Pagtatakang tanong ni Dolorosa nang mapansin na may pasa at putok ang labi ng matanda, "Napaano po kayo?"

"Ah- wala ito. Basta't may katandaan na, nakakaligtaan ang mga balakid sa daan"

Nilapitan ni Dolor ang matanda at tiningnan nang mabuti ang pasa nito.

"Huwag mo na akong alalahanin pa, Via. Ginamot ko na ito kagabi" Nakangiting saad ni Manang Isidra.

"W-wala ho ba kayong pamilya?"

"Matagal ng patay ang aking esposo, ang aking anak naman ay namatay din. Sakit sa dugo."

Napahinga nang malalim si Dolorosa, "Pasensya na po sa aking katanungan. Pero sigurado ho bang dahil sa pagkatumba lang ang dahilan ng pasa sa iyong labi, manang?"

Napatango sabay ngiti ang matanda, "Huwag mo na akong intindihin. Kainin mo muna ang kakanin na iyan. Alam mo bang gustong gusto iyan ni señorita Araceli?"

"Salamat po," Sabay kuha ni Dolorosa sa apat na kakanin, "Maari niyo po bang ikwento kung sino si Araceli?"

Napangiti muli si Manang Isidra, "Sige, mamaya kapag naihatid mo na ang tsaa ni padre Castillo" Pagkatapos ay bumalik na siya sa pagkukuskos ng sahig.

"Tutulungan din po kita kapag naihatid ko na po,"

Magsasalita pa sana si Manang Isidra ngunit napailing na lamang siya at napangiti nang makita na dumiretso na sa paglalakad ang dalaga dala ang isang tasa ng tsaa.

NANG makapasok si Dolorosa sa silid ni Prayle Castillo ay nakita niya itong nakaharap sa tukador na tila may hinahanap.

"Nandirito na po ang inyong tsaa, padre." At dahandahang nilagay ni Dolorosa ang tasa sa mesa.

"May nawawala sa akin na mga libro, o sadyang makakalimutin lang talaga ako?" Anas ni Prayle Castillo habang sumisingkit ang mata na hinahanap pa rin ang librong nawawala.

Si Dolorosa naman ay nanatiling nakayuko habang ang dalawang kamay ay nasa likuran.

"Via, muchias gracias sa tsaa." Wika ng prayle at napaupo na lamang sa isang silya, "Ika'y maupo rin"

"Tutulungan ko pa po si Manang Isidra, padre"

"No. Deja ir a ese viejo, porque merece ser castigado." (Hindi. Hayaan mo na ang matandang iyon, sapagkat nararapat lang sa kaniya na maparusahan.)

Parang isang batingaw na malakas ang narinig ni Dolorosa sa tinuran ng prayle, ngunit kahit ganoon ay nanatili siyang kalmado kahit na gusto na niyang paliparin ang utak nito. "H-hindi ko po naiintindihan ang inyong sinasabi, padre" Pagsisinungaling pa niya.

Tumayo si Prayle Castillo at lumapit sa dalaga na ngayon ay nakayuko, "Hindi mo na kailangan pa intindihin, Via" Pagkatapos ay hinawakan niya ang iilang hibla ng buhok nito, "Kakaiba kang tunay, Via. Para kang santa na kaya kong sambahin"

Halos masuka na si Dolorosa sa pinagsasabi sa kaniya ng matandang prayle. Pero nanataling kalmado pa rin ang kaniyang mukha.

"Kahit na sino ay kayang makagawa ng kasalanan para lamang sa'yo," Malagkit na turan ni Padre Castillo, hinaplos niya ang kaniyang likurang hintuturo sa makinis na pisngi ng dalaga.

"Ang gagawa ng kasalanan ay mapupunta sa impyerno, hindi ba, padre?" Kalmadong tanong ni Dolorosa.

"Sí, pero ako? Mas gugustuhin kong mapunta sa impyerno" Seryosong saad ng prayle.

Magsasalita pa sana si Dolorosa nang may kumatok sa pintuan. Agad na binuksan iyon ni Padre Castillo.

Uminit bigla ang ulo ni Liyong nang masumpungan si Dolorosa sa silid. "Dolor," bulong niya sa sarili.

"Leopoldo? Joselito? Bakit kayo naparito?" Mala-anghel na turan ni Prayle Castillo.

"May bakas ng pagkasunog ang bibliyang ito, hindi ba't ito 'yung ginagamit mo sa misa?" Tanong ni Joselito at tsaka ibinigay ang bibliya, "Nababakasan din ng sunog ang iyo na mga sutana na nakalagay sa silid sa simbahan"

Napasulyap si Dolorosa kay Liyong ngayon, napaiwas pa siya nang magtama ang kanilang mga mata.

"Leopoldo at Via, maiwan mo muna namin kayo. Maaring ikaw Leopoldo ay magsibak ng kahoy at ikaw naman Via ay tulungan mo na lamang si Manang Isidra. Tingnan natin ang lagay ng simbahan, Joselito" Ani Padre Castillo at dali-daling lumabas kasama si Joselito.

Lumabas naman si Liyong at Dolorosa.

"Ayos ka lang ba, binibini?" Nag-aalalang tanong ni Liyong sa dalaga, "W-wala bang ginawa sa'yo ang padre na iyon?"

"Ikaw ba ang gumawa sa mga pagsunog sa kagamitan ng prayle?"

Ngumisi si Liyong at marahang napatango, "Oo. Ginawa ko iyon nang sa gayon ay may pagkakataon na malibot natin ang buong monasteryo"

Napaisip si Dolorosa sa ginawang plano ni Liyong, "Hindi ba't sinabi ko na sa linggo na lamang natin gagawin iyan?"

"Makinig ka, Dolor. Bawat oras ay mahalaga, ang bawat pagpatak nito ay may malaking ambag sa ating mga plano. Ito ang natutunan ko sa kongregasyon. Kapag may pagkakataon ay ating subukan," Ani Liyong habang nakatitig sa mga mata ni Dolorosa, "Nawa'y maintindihan mo ang aking tinuran sapagkat nakakatulong ito sa atin,"

Hindi naman makakurap si Dolorosa sa mga matang malumanay ni Liyong.

"MAY naaamoy akong nakakasulasok na hindi ko mawari kung patay na daga o parang dugo," Saad ni Dolorosa, kasulukuyan silang nasa likuran ng monasteryo malapit sa hagdan na pababa na tila patungo sa silid na naroroon sa ilalim ng lupa.

Habang si Liyong na nasa likuran ni Dolorosa ay panay linga sa paligid, "Ang saad sa akin ni Joselito ay may mga nag se-seklusyon sa ibabang bahagi nitong monasteryo. P-pero wala akong masumpungan na mga binatang magpapari pa lamang,"

Napataas ang isang kilay ni Dolorosa at hinakbang ang mga paa patungo sa pababang hagdan, "Dito, dito nanggaling ang nakakasulasok na amoy" Mahinang sambit niya sa binata.

"Tayo na at ating pasukin kung anong mayroon sa ilalim" Saad ni Liyong.

Nang makapasok silang dalawa ay tumambad sa kanila ang madilim na silid, kung kaya ay pinaliyab na naman ni Liyong ang kaniyang kamay at gumawa ng bolang apoy na ipapalutang niya sa hangin.

"B-bakit ang daming balon dito? At anong sinasabi mong nagseseklusyon, Liyong? Mukhang abandonado ang parte na ito ng monasteryo," Saad ni Dolorosa, nahihilo na siya sa baho at sulasok ng amoy.

"Samakatuwid ay nagsisinungaling ang sakristan-mayor," Pakli ni Liyong habang ginagala ang paningin sa paligid.

"Ano pa ba ang bago? Mga huwad ang mga prayle rito na nagsisilbing sugo ng Diyos! Hindi malabo na hinahalay nila ang mga dalagitang biktima," Buwelta ni Dolorosa pagkatapos ay lumapit siya sa isang balon at hinaplos niya ang semento nito at inamoy, "Dugo ng tao"

"M-may tao, Dolor!" Agad na hinila ni Liyong si Dolorosa sa likuran ng isang balon, agad niyang pinatay ang apoy.

Kitang-kita ni Dolorosa kahit na madilim kung ano ang kaniyang nahahawakan--- isang ulo ng babae na naaagnas. Bago pa man siya sumigaw ay tinakpan na ni Liyong ang kaniyang bibig.

"Mahuhuli tayo! Huwag mo nang pansinin kung ano ang iyong nakikita. Kahit na ako ay may nauupuan akong bungo," Bulong ni Liyong.

Pinakinggan na lamang nilang dalawa ang mga yabag ng paa na papasok.

"Feliciano, nais kong ilibing mo na itong mga bangkay na naririto sa balon. Malapit ng mapuno ang mga ito, siguraduhin mo lang na walang makakapansin sa'yo, naintindihan mo ba?" Kalmadong utos ni Prayle Sanchez.

Tumango naman ang matanda sa sinabi ng prayle.

Samantala, napapansin naman ni Dolorosa at Liyong na panay ang sulyap ng matandang patpatin sa kanilang gawi na tila alam na may nagtatago.

Ilang minuto pa lamang ay umalis na rin si Feliciano at Prayle Sanchez.

Nakahinga nang malalim si Dolorosa, "May ebidensya na tayo. Pwede na itong sabihin sa aking ama. Kanina kasi ay pinagsabihan ako ni ina patungkol sa inasal ko sa aking maestra,"

"Kaya pala ay wala ka sa kalooban ngayon na tila naghahamon ka ng away," Seryosong saad ni Liyong.

Napaismid si Dolorosa, "Hindi naman, halika na! Baka may makakakita pa sa atin dito. Ikaw talaga ang unang lalapain ng mga bampira,"

Ngumisi si Liyong at pinisil na lamang ang pisngi ni Dolorosa, "Halika na, " Sabay hawak sa kamay ng dalaga at sabay silang lumabas.

NAPAPANGITI si Manang Isidra dahil kahit papaano ay may kasama na siya sa gawain. Nasasayahan siya sa dalawa dahil likas na mga matulungin ito.

"Pagkatapos po natin maghanda ng tanghalian ay gagamutin ho natin ang pasa mo, manang" Ani Dolorosa, kahit papaano ay may natututunan siya sa paggawa ng mga gamot dahil sa ama. Naaawa siya sa matanda sapagkat sinasaktan pala ito ng mga prayle kahit hindi niya ito sabihin.

"Salamat, Via. Ay oo nga pala, maikwento ko na sa'yo ang naging buhay ni Araceli noong naninilbihan pa ako sa kanila," Panimula ni Manang Isidra.

Napahinto si Liyong sa paggatong ng mga kahoy dahil napansin niyang si Dolorosa ay handang makinig.

"Si Araceli ay kasal sa isang anak ng mayamang negosyante rito sa San Fernando noon..."

Nakinig lamang si Dolorosa at tila nakaramdam siya ng pagkainis dahil walang naikwento ang mga magulang patungkol sa naging buhay pag-ibig ng kaniyang ina. Hindi niya maarok kung bakit hindi na lang pinili ng kaniyang ina na bigyan ng pagkakataon ang ama. Hindi niya rin maintindihan kung bakit nagkabalikan muli sila.

Si Liyong naman ay paminsan-minsan na sumusulyap kay Dolorosa na ngayon ay seryosong nakikinig habang ginagamot ang pasa ng matanda. Sa kaniyang pakiwari'y mukhang naiiyak ito sa naririnig.

"Hindi ko na masumpungan si Señorita Araceli ngayon, siguro'y masaya na siya sa piling ng binatang makisig na nagpagaling sa kaniyang karamdaman sa paa noon" Salita pa ni Manang Isidra, "Kung kaya ikaw, Via..."

Nahinto si Dolorosa sa pagliligpit ng mga gamot, "B-bakit po?"

"Piliin mo ang lalaking pipiliin ka kahit anong unos ang darating. Ang lalaking handang gawin ang lahat, makasama ka lang habang buhay" Nakangiting saad ni Manang Isidra sabay hawak sa mga kamay ng dalaga.

Umubo-ubo naman si Liyong sa narinig.

"Leopoldo, ilayo mo ang iyo na kapatid sa mga lalaking lason lang ang hatid" Pakli ni Manang Isidra.

"Sisiguraduhin ko pong hindi siya mapupunta sa ganiyan na klaseng lalaki. Papaliyabin ko sila"

Napakunot-noo si Dolorosa sa sinabi ni Liyong. Napatigil naman ang binata sa kaniyang naituran kung kaya ay ngumiti na lamang siya at ibinalik ang sarili sa paggatong ng mga kahoy.

PALABAS na sana si Dolorosa ng kaniyang silid ngunit nakarinig siya ng paghikbi kung kaya ay napasilip siya. Nagulat sa mga nakita sapagkat ang kaniyang pamangkin na si Kahimanawari ay nakaluhod sa asin habang nakadipa ang dalawang kamay. Nasa gilid lamang nito ang ama na si Agustin na seryosong nakatingin dito.

"Dolorosa!"

Wala ng magagawa si Dolorosa sapagkat nakita na siya ng kaniyang ama na ngayon ay seryosong nakatingin sa kaniya mula sa ibaba.

"Bumaba ka riyan!" Matigas na turan ni Don Xavier.

Naaawa na si Dolorosa sa kalagayan ni Kahimanawari kung kaya ay bumaba siya agad, "A-ama, bakit? A-anong kasalanan ni Wa---"

"Totoo bang umaalis ka rito sa ating tahanan upang makapunta ka sa bayan?" Tanong ni Don Xavier, nakita niyang napayuko ang anak, "Magsalita ka Dolor!"

Nagulat naman si Dolorosa sa paglaki ng boses ng kaniyang ama. Napasulyap siya kay Kahimanawari na ngayon ay nahihirapan na pero nanatiling matatag kahit na maraming luha na ang dumadaloy sa kaniyang mata. "O-opo, ama"

Hindi na maipinta ang mukha ni Kahimanawari sa narinig, "D-dolor..."

"Nagsasabi na ho ako ng totoo, pwede na po ba ninyong ihinto ang pagpaparusa kay Wari, kuya?"

Agad na inalalayan ni Agustin ang anak na maupo sa isang upuan.

"N-nararapat lang sa akin na maparusahan, lolo. Ako ang nag-utos kay Dolor na pumunta sa bayan," Ani Kahimanawari na ngayon ay umiiyak pa rin.

"Ano?!" Bulyaw ni Don Xavier sa dalawang dalaga.

"Wari! H-hindi, wala kang kasalanan, ginusto ko rin naman ang pagpunta sa bayan," Saad ni Dolorosa na ngayon ay nangingilid na ang luha at agad na lumapit sa pinsan. Niyakap siya ni Kahimanawari, "Tahan na,"

Bigla na lamang hinila ni Don Xavier si Dolorosa papalayo kay Kahimanawari, "Ano ba ang pinaggagawa mo sa bayan?!"

Tumulo na nang tuluyan ang mga luha ni Dolorosa dahil sa mahigpit na hawak ng kaniyang ama sa kaniyang braso na tila hihiwalay na ito sa katawan.

Napalabas mula sa silid si Doña Araceli at natunghayan ang mga pangyayari, pupunta na sana siya upang awatin ang esposo ngunit pinigilan siya ni Adrian.

"Mas lalong gugulo, ina. Mas lalong magagalit si ama," Pakli ni Adrian.

"Sumagot ka, Dolorosa! Mas lalong pinapainit mo ang ulo ko ngayon!" Bulyaw ni Don Xavier, "Alam mo na delikado sa bayan!"

Buong pwersa na hinawi ni Dolorosa ang kaniyang braso, napasinghap siya sa hangin, "Oo nga't delikado sa bayan! Pero may nalalaman ako na nagmula sa San Fernando na hindi man lang binahagi rito sa ating barrio!"

Natigilan si Don Xavier sa sinabi ng anak na ngayon ay namumula na ang mata sa pag-iyak.

"M-may mga sekreto ang pamilyang ito na hindi ninyo sinabi sa amin! Nabuhay lamang pala kami sa mga kasungalingan! Si ina, hindi ba't kasal siya sa iba bago ka?" Pabalang na saad ni Dolorosa.

Napatabon ng bibig si Doña Araceli sa narinig, nanginginig ang kaniyang mga kamay at nangingilid ang kaniyang luha.

"Husto na, Dolorosa!" Bulyaw ni Don Xavier, "Hindi nila alam ang buong storya! Paano na lang kung nasawi ang iyong ina dahil sa dating esposo niya? Tiyak na wala kayo ngayon! Huwag mong husgahan ang iyong ina dahil ang buhay niya noon ay puno ng pagsasakripisyo ang kaniyang natamasa!"

Punong-puno na ng luha ang pisngi ni Dolorosa at kahit na si Kahimanawari ay humahagulhol na sa iyak.

"Iyan lang ba ang mga sekreto na nakalap mo?! Walang kabuluhan at puno ng panghuhusga!" Buwelta pa ng don. "Hindi ba't sinabi ko na sa'yo dati pa na huwag kang tumapak sa bayan lalo na at wala kang kasama?!"

Hindi natinag si Dolorosa, "Bakit ba pinipigilan niyo ako na lumabas?! Kaya ko ang aking sarili! Ilang pagpapatunay pa ba ang aking gagawin, ama?! Bakit ba kayo bulag sa aking ginagawa?! Oo nga't nagpasalamat kayo sa akin, p-pero b-bakit tila kulang pa iyon?!"

"Dolor..." Pigil pa ni Doña Araceli na ngayon ay umiiyak na rin.

"Puro kayo pagpupulong pero kulang sa gawa! Ano bang klaseng pinuno kayo, ama?! Alam niyo bang takot na ngayon ang mga may awtoridad na saliksikin ang nangyayari sa mga nawawalang dalaga?! Tikom na ang kanilang bibig dahil natatakot sila sa mga huwad na prayle!" Buwelta ni Dolorosa sa ama, "Kung sasabihin mo na naman na nais mo akong maging isang dalaga na mahinhin at sumusunod? Pwes, hindi ako ganoon, ama! Sapagkat ako'y pinanganak na hindi pangkaraniwan!"

"Husto na, Dolorosa! Husto na!" Pasigaw na saad ni Don Xavier at sinampal ang dalaga.

Napahawak sa pisngi si Dolorosa at naramdaman ang pagdugo ng kaniyang ilong, "Nawa'y hindi na lang sana ako pinanganak nang sa gayon ay wala akong naging ama na katulad ninyo!" Bulyaw niya sabay talikod sa kanilang lahat at umakyat na sa itaas patungo sa silid at padabog na isinara ang pintuan.

Naiwan naman sila na tulala sa tinuran ni Dolorosa. Nakaramdam ng konsensya ang don at nanginginig na napatingin sa kaniyang mga kamay, bigla siyang lumabas ng tahanan.

"Xavier!" Tawag pa ni Doña Araceli at agad na sinundan ang esposo.

Samantala, si Dolorosa ay napadausdos na napaupo sa likuran ng pintuan habang umiiyak. Wala na siyang pakialam kung nalalasahan na niya ang sariling dugo na nanggagaling sa kaniyang ilong.

Ang tanging alam niya ay napuno na ng galit at poot ang kaniyang puso.

-----

Talaan ng Larawan:

Kahimanawari

Emilia Echeverria

A/N: Nabibigatan ako sa kabanata na ito haha! Anyway, nawa'y nag enjoy kayo sa pagbabasa. ❤️

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro