Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kapitulo - XXII

NAPATIIM-BAGANG si Andrus sa inis dahil sa nakita sa mahiwagang tubig na kung saan nakikita niya ang sitwasyon ng Sarangay.

"Padalos-dalos ka, minsan ay nalilimutan mo na ang tunay na pakay" Saad ng babaeng dalakitnon na nagngangalang Myrna.

"Ano ba ang pinagsasabi mo?! Ang nais ko ay maangkin si Dolorosa!" Buwelta ni Andrus at padabog siyang napaupo sa trono.

"Nalimutan mo ang kahinaan nila, ang hiyas ng pulang buwan." Kalmadong saad ni Joaquin, "Dati pa man ay nais kong kaanib tayo, ayaw ko nang ganito! Ang dalakitnon at engkanto ay iisa!"

Natigilan si Andrus sa tinuran ni Joaquin ngunit sa seryoso niyang mukha ay sumilay sa mga labi niya ang nakakalokong ngiti. "Bueno, tama ka nga, kaibigan"

Napailing na lamang si Myrna dahil sa kaniyang pakiwari ay tila nawawalan na ng bait si Andrus.

KINAUMAGAHAN, napabalikwas ng bangon si Dolorosa at agad na napatingin sa relos na nakapatong lamang sa mesa na katabi lamang ng kaniyang hinihigaan. "P-patay! Si Liyong, tiyak na naghihintay na iyon!" Paanas niyang saad. Alas otso na ng umaga at kailangan na niyang magmadali.

"Dolor, anak?"

Papasok na sana siya sa sariling banyo ngunit narinig niya ang kaniyang ina mula sa labas.

"Nandito ang iyong maestra,"

Namilog ang kaniyang mga mata sa narinig dahil tila mahahati ang kaniyang disesyon ngayon. Sa maestra niyang bampira o si Liyong na naghihintay sa tagpuan upang matyagan ang mga bampirang prayle? "Tunay ngang mapagbiro ang sitwasyon!"

"Aba'y, Dolor? Naghihintay ang iyo na maestra, bilisan mo na riyan"

"I-ina, m-masakit ang akin na ulo at katawan. Pwede ho ba na bukas na lang niya ako turuan?" Pagdadrama pa ni Dolorosa, hindi niya man lang pinagbuksan ang ina.

"O siya, sige. Bumababa ka na muna, magpakita ka sa iyo na maestra"

Napapikit si Dolorosa napabuntong-hinga, "Masusunod po" Sabay bukas ng pintuan at umastang nanghihina. "Si ama, po?"

"Abalang-abala, anak." Mahinahong sambit ng doña, "Halika na"

Nang makalabas si Dolorosa ay nakita niya ang maestra. Nakaramdam siya ng pagkasuklam dahil napakainosente nito ngunit iba ang kamandag na dinadala.

"Magandang umaga, binibini" Bati ni Emilia kay Dolorosa.

"Magandang umaga rin, maestra. Pasensya na kung hindi ako pwede ngayon sapagkat masakit ang aking katawan," Pagsisinungaling pa niya sa kaniyang maestra.

Ngumiti si Emilia bago magsalita, "Ayos lamang iyon, binibini. Naikwento rin ng iyong ina ang nangyari rito sa balwarte."

"Opo, pasensya na po. Nais niyo po bang uminom ng tsaa?" Yaya pa ni Dolorosa kay Emilia.

"Ah- huwag na, binibini. Maraming salamat. Ako'y uuwi na rin"

"Sasamahan na po kita sa labas," Ani Dolorosa.

Nang makalabas sila ay bigla na lamang nagulat si Dolorosa nang niyakap siya bigla ng maestra.

"Huwag mo akong iniiwasan, hija. Hindi ka pa pinapanganak, nakaabang na ako" Bulong na turan ni Emilia sabay hiwalay sa pagkakayakap at pasimpleng ngumiti bago pumasok sa kalesa.

Natigilan si Dolorosa sa ginawa ni Emilia.

KANINA pa hindi mapakali si Liyong sa ilalim ng punong kalasutsi. Alam na nila Edelmira at Teofilo ang misyon kasama si Dolorosa patungkol sa mga pari ng monasteryo at pinagbigyan naman siya ng dalawa na samahan ang dalaga.

Napapatingin siya sa kaniyang relos na nakasukbit sa kaniyang bulsa, "Alas nuwebe na at wala pa rin siya," Nag-aalala na siya sa dalaga sapagkat narinig nila ang pag alulong ng mga taong-lobo kagabi. "Napaano na kaya 'yun?"

"Liyong!"

Umaliwalas bigla ang mukha ni Liyong nang makita si Dolorosa na patakbong palapit sa kaniya. Ordinaryo lamang ang suot nitong baro at saya pero nangingibabaw pa rin ang kagandahan nito sa kaniyang paningin. "Dolorosa! Mabuti at nakarating ka,"

"Tayo na!" Agad na saad ni Dolorosa sa binata.

Napalunok ng laway si Liyong,"A-anong tayo na, binibini?"

Kunot-noong pinagmasdan ni Dolorosa si Liyong na parang nakakita ng multo, "Kumain ka ba ng agahan? Huwag kang mag-alala may pagkain akong dala sa aking sisidlan"

"Totoo bang tayo na?" Tanong pa ulit ni Liyong.

"Anong pinagsasabi mo, kapre? Halina't humayo na, baka naghihintay na ang prayle sa atin," Saad ni Dolorosa at inunahan na ang binata sa paglakad.

Natauhan naman si Liyong at napailing na lamang, "Tama nga si Teofilo, ang lala na ng tama ko sa binibining iyan" Bulong niya pa sa sarili, "H-hintay, binibini!" Patakbo siyang lumapit kay Dolorosa.

"PAUMANHIN, kagalang-galang na kura sapagkat ako'y nahuli. Sinumpong ng sakit ang aking ina," Malungkot na saad ni Dolorosa, ginamit na niya ang lahat ng paawa niya upang paniwalaan siya ng prayle.

"Ayos lamang, saan na ba ang iyong kapatid na si Leopoldo?" Mahinahong tanong ng prayle.

"Siya na po ay sinama na ng sakristan mayor sa simbahan," Tugon naman ni Dolorosa, "Ano ho ba ang aking gagawin, padre?"

"Dalhan mo na lamang ako ng tsaa rito," Ani Prayle Castillo, sabay tapik sa balikat ng dalaga.

Napatingin na naman si Dolorosa sa kamay ng prayle na nakadampi na sa kaniyang balikat, "Masusunod, padre." At binuksan na agad ang pintuan. Pagkalabas niya ay muntikan pa niyang mabangga ang isang prayle na may kalakihan.

Ngumiti naman si Prayle Sanchez sa dalaga, ito yung nakita niya noong may misa ng mga patay. Hindi niya akalain na nasa mababang uri ng mamamayan pala ang dalaga sapagkat ito'y nag silbi sa kanila ngayon.

"Pasensya na po," Pakli ni Dolorosa at agad na nagtungo na sa labas, pero hindi niya alam saan ang daan patungong kusina. Sa kaniyang pakiwari rin ay walang anumang mga bakas na pwede niya gawing ebidensya dahil malinis na malinis ang monasteryo at maayos ang pagkakakumpuni sa mga nakahelerang santo.

"May hinahanap ka ba, binibini?"

Napalingon si Dolorosa sa nagsalita, isa itong matandang babae "Op---"

"Binibining Araceli?!" Gulat na saad ng matanda at agad na napayakap siya sa dalaga.

Parang tuod si Dolorosa sa ginawa ng matandang babae sa kaniya, "S-sino ka po?"

"Hindi mo ba ako natatandaan, binibining Ara? T-teka, mukhang hindi ka tumatanda" Manghang saad ng matanda, "A-ako ito, si Isidra" Naiiyak nitong pagpapakilala.

Hindi makakurap si Dolorosa, "Pasensya na po, h-hindi ko po alam at kilala ang mujer na inyong tinutukoy" Pagmaang-maangan pa niya. Ayaw niyang may makakaalam sa sekreto nila ni Liyong.

"Sadyang nanunumbalik ang aking alaala sa binibining yaon. Napakabait kasi ni Ara. Bago ka pa rito ano?"

"O-opo, hinahanap ko po ang kusina sapagkat magpapatimpla ng tsaa si padre Castillo." Saad na lamang ni Dolorosa kay Manang Isidra.

"Halika, ituturo ko sa iyo. Pasensya na kung naiyak ako, kawangis mong tunay ang señorita. Naninilbihan kasi ako sa kanila noon" Saad ni Manang Isidra sabay punas ng kaniyang luha gamit ang laylayan ng damit.

"Ganoon ho ba,"

"Dito ang kusina, Ara--- anong pangalan mo hija? Naging Ara ka tuloy," Natatawang saad ni Manang Isidra sabay singhap sa hangin.

Napangiti si Dolorosa, "Ako po si Via Dela Ve--- ah, Sevilla. Via Sevilla po." Napalunok pa siya ng laway dahil muntikan nang madulas ang kaniyang dila.

"Bueno, Via... dito ang kusina. Ang palikuran naman ay sa labas ng monasteryo, katabi ng malagong puno ng balete" Saad ni Manang Isidra.

Tumango naman si Dolorosa at sinimulan niya ng kunin ang tasa at ang tsaa na nasa kahon. "Manang Isidra, ilang taon o buwan na ho ba kayong naninilbihan dito?"

Napangiti sa tanong ang matanda dahil ang boses ng dalaga'y kaboses din ni Araceli, "Mag la-labing apat na taon na ako rito sa monasteryo. Mula pa sa mga paring heswita, dito na ako"

Napatango si Dolorosa at pinagmasdang mabuti ang polbos ng tsaa sa baso, sa kaniyang isipan ay kaya niyang haluan ng lason ang tsaa ngunit kailangan niya rin na pahirapan ang mga prayleng bampira kung sakaling sila'y maghaharap na, "Matagal na pala, ikaw lang po ba ang tumagal dito?"

Mapait na napangiti si Manang Isidra at tumango, "Oo, hija. Hindi ko maarok kung bakit bigla na lamang mawawala ang mga binibining bagong pasok o yung dating tagasilbi pa rito na mga dalagita. Ang saad naman ni Feliciano sa akin ay nagnanakaw ng mga gamit dito sa simbahan ang mga dalaga at sila'y lilisan na lamang,"

"Sino po si ginoong Feliciano?" Kunot-noong tanong ni Dolorosa.

"Iyong matandang patpatin na nagbabantay sa may pintuang daan," Tugon ng matanda, "O siya, ako'y maglalaba na muna ng mga sutana ng mga sakristan. May misa mamayang hapon sa colegio,"

Tumango na lamang si Dolorosa at napangiti, "Sige po, akin na rin itong ihahatid ang tsaa na ito sa kura"

"Mabuti pa nang sa gayon ay hindi mainip ang padre. Bugnutin pa naman iyon," Natatawang saad ni Manang Isidra at lumabas na sa pintuan patungo sa lawa.

"KUMUSTA ka, binibini? Ikaw ba ay ayos lang ba sa iyong gawain sa mga prayle?" Tanong ni Liyong habang pinagmamasdan si Dolorosa na nilalabas ang dalang pagkain sa sisidlan.

"Wala pa akong nakikitang bakas, ang dami kasing palakadlakad na mga diyakuno. Hindi pa ako makahanap ng pagkakataon," Saad naman ni Dolorosa, "Marami akong dinalang pagkain para sa ating dalawa. Nakakahiya kasi dahil huli na ang aking pagdating kanina, pumunta ang aking maestra sa bahay. Isa rin siyang bampira,"

Hindi makaimik si Liyong dahil sa winika ni Dolorosa, tila natural na lamang sa dalaga na sabihin sa kaniya ang patungkol sa mga bampira at parang hindi nakakakitaan ng takot.

"Bakit?" Pagtatakang tanong ni Dolorosa sa binata, "Hindi ko pa pala nasasabi, ang pisikal na katangian na maaaring sabihin mong bampira ang isang tao ay wala silang guhit sa kanilang palad."

"A-ano? W-walang guhit?"

Tumango si Dolorosa, "Oo, bakit? Wala bang guhit ang palad ng sakristan mayor?"

Naaalala ni Liyong ang kaniyang naging ganap kanina habang kasama ang sakristan mayor.

"Ikaw ang itinalaga na maging kanang kamay ko?" Tanong ng sakristan mayor.

"Opo," Saad ni Liyong sabay lahad ng kamay sa sakristan mayor. Nakipagkamayan naman sa kaniya ang sakristan mayor na akala niya'y hindi ito tatanggapin ang kaniyang kamay. Nakita niyang walang guhit ang palad nito, na sa kaniyang pakiwari'y depekto lamang ito.

"Bueno, napakaswerte ko't ikaw ang aking kanang kamay sapagkat ikaw ay hindi pinagkait ng taas na tila isang kapre," Natatawang saad ng sakristan mayor.

Nakitawa na rin si Liyong kahit na hindi niya gusto ang tinuran ng sakristan mayor.

"Ako'y nagbibiro lamang. Minsan kasi ay hindi ko naaabot ang mga libro sa akin na tukador. Bueno, maiba tayo, ang akin lamang na gusto ay iwasan mo ang makialam sa mga bagay bagay dito sa simbahan sapagkat ang lahat ng nandito'y banal. Hindi pwedeng haluan ng makamundong pagnanasa. Iniiwasan din ang pagpunta sa pinakailalim na parte ng monasteryo dahil naroroon ang mga nag se-seklusyon. ¿Lo entiendes?" (Naintindihan ba?)

Marahang napatango si Liyong, ", padre"

"Mukhang dumadami na talaga sila, pero mamaya, mukhang wala sila. Pwede natin na libutin ang buong monasteryo," Ani Dolorosa, "Kumain kana muna, masarap ang dilis na aking dinala, dali tikman mo" Sabay subo sa binata ng dilis.

Napangiti si Liyong, "Maraming salamat, binibini. Tunay nga't napakasarap ng dilis, simula ngayon ito na ang magiging paborito ko"

Ngumisi naman si Dolorosa at kumain na rin, "Masarap 'di ba? Bukas magdadala muli ako nito,"

"At hihintayin naman kita rito kahit na umabot pa ng hatinggabi," Saad pa ni Liyong sa dalaga.

"Kumain ka na nga, mukhang nalilipasan ka na ng gutom" Pabirong tugon ni Dolorosa. Nakita niya naman na tumawa nang mahina ang binata.

ABALA sa paglilinis at pag-aayos ng mga libro sa isang tukador si Dolorosa, maingat siyang nagmamasid sa mga prayleng naghahanda na ngayon para sa misa mamaya.

"Recuerdo que esa niña era nueva aquí en el monasterio, al menos el padre Castillo nunca nos defraudó." (Nauulingan kong bago ang babaeng iyan dito sa monasteryo, kahit kailan ay hindi tayo binigo ni Prayle Castillo) Wika ng prayleng nasa apat na put lima ang gulang.

"Sí, esa chica es muy hermosa. Es triste porque caminó hacia una trampa. Ella debe ser otra virgen, no puedo esperar a la luna llena." (Oo nga, napakaganda ng dalagang iyan. Nakakapanghinayang sapagkat isang bitag ang kaniyang tinahak. Tiyak na siya'y isa pang birhen, hindi na ako makakahintay pa sa kabilugan ng buwan.) Tugon pa ng prayleng nasa dalawang put lima ang gulang.

"Cuidado, tal vez esa mujer entienda" (Ikaw ay mag-ingat, baka nakakaintindi ang mujer na iyan)

Tumawa naman ito sa tinuran ng matandang prayle, "Eso no es todo. Las personas no entienden el idioma español especialmente si vienen de un nivel bajo," (Hindi iyan. Hindi nakakaintindi ang mga tao sa wikang espanyol lalo na kung nagmula sa mababang antas,)

Samantala, si Dolorosa na nakikinig ay matindi na ang pagkamuhi. Sinadya niyang padabog na nilagay ang isang kahong libro sa sahig na nag sanhi ng kalabog.

"Binibini, ayos ka lang ba? Kaya mo bang buhatin ang mga makakapal na libro?" Saad ng prayle na kausap ng matandang prayle.

Seryoso na napatingin si Dolorosa sa mga libro, "Kaya ko po ito, prayle." Sabay buhat niya at inilagay sa ilalim na parte ng tukador, "Kahit buhatin pa kita," Pabulong niyang saad.

"May sinasabi ka, hija?"

"Wala po, baka guni-guni lang po ninyo" Magalang pa rin na kaniyang tugon. Napansin niyang ngumisi ito sa kaniya bago umalis.

Pagkatapos ng ganoong eksena ay palinga-linga si Dolorosa na nakamasid sa paligid, nadatnan pa niya si Manang Isidra na nagluluto ng pagkain. Dahandahan siyang naglakad upang makapasok sa silid ni Prayle Castillo na ngayon ay nasa labas na ng monasteryo habang nakikipag-usap sa ibang prayle.

Nang makapasok siya sa naturang silid ay agad niyang hinalukay ang isang kaha na kung saan nakapaloob roon ang mga reporma at mga importanteng papel. "Nawa'y may makita ako,"

Hinalukay pa niya ang dokyumento ngunit bigo siya sa nais mahanap na naglalaman patungkol sa pagiging bampira nila.

Tumungo na naman siya sa mga tukador at nakapansin siya sa isang pulang libro na may nakaukit na bungo sa gilid nito, agad niya itong kinuha.

"Ritual para Vírgenes: Flujo de Sangre?" Basa pa niya sa paksa ng libro at dali dali niyang binuklat ito. Parang binuhusan siya ng malamig na tubig habang nililipat ang bawat pahina. "Talagang may pagkamuhi sila sa mga taong-lobo--- ang pulang hiyas na naroroon kay luna?" Hindi makapaniwalang anas niya nang makita ang guhit ng pulang buwan. Inamoy niya ang pahina "Kinulayan ang guhit gamit ang dugo,"

Agad niya itong isinilid sa kaniyang sisidlan na nakapatong lamang sa mesa ng prayle. Pinapakinggan niya ang mga kaganapan sa labas. Nakarinig siya ng mga yabag ng paa kung kaya ay agad siyang naghanap ng paraan, wala siyang masumpungan na bintana at kinakabahan na siya. "Dolorosa, mag isip ka" bulong niya sa sarili.

Papasok na sana si Prayle Castillo sa kaniyang silid nang mapagtantong nasa pulpito ng simbahan niya naiwan ang bibliya, "Manang, pakibantay ng akin na silid. Kung may kukunin ang dalagang si Via rito ay manmanan mo sapagkat naiwan ang kaniya na sisidlan nang ito'y aking inutusan na ayusin ang mga libro"

"Masusunod po, padre" Mahinahong tugon ni Manang Isidra.

"Bueno, nawa'y masarap ang hapunan mamaya. Nais kong makasabay si Via sa hapag-kainan, nawa'y hindi mo muna pauuwiin" Utos pa ng prayle.

Tumango ang matanda, "Opo"

Nakahinga nang maluwag si Dolorosa nang hindi pumasok ang prayle. Pero kabado pa rin siya sapagkat nais nito na makasabayan siya mamaya sa hapunan.

SA mahabang mesa ay naroroon ang limang prayle at ang arsobispo na nakaupo sa gitnang kabisera. Magkatabi naman si Dolorosa at Liyong.

"Bueno, hija... Kami'y nagagalak na pumasok ka at nanilbihan dito sa monasteryo, at sa'yo Leopoldo na naging katiwala ng sakristan mayor na si Joselito." Wika ni Prayle Castillo, "Huwag kayong mag-alala sapagkat ang monasteryo na ito'y malayo sa kapahamakan at tanging banal na gawain lamang ang nakapaloob dito,"

"Bakit? May nagtangka na po bang gumawa ng maitim na kasalanan dito sa monasteryo?" Biglang tanong ni Leopoldo na na sanhi ng pagkasiko sa kaniya ni Dolorosa.

Humalakhak nang mahina ang arsobispo at ang mga prayle naman ay napangisi at napailing habang kumakain.

"May nagtangka na, hijo. Pero aming napalayas na at may papalayasin pa kung may gagawing masama na tila kaanib ng diablo," Salita pa ni Prayle Sanchez.

Napansin naman ni Liyong na kanina pa panay titig kay Dolorosa ang isang prayle na sa tingin niya'y ka-edad niya lamang. Biglang uminit ang kaniyang dugo. "Magtakip pa kayo ng mabaho niyong budhi! Mga banal na mahahalintulad sa nalalantang bangkay ng isang puta!" Saad niya sa kaniyang sarili.

GABI na at kailangan nang umuwi ni Dolorosa. Kasulukuyan silang dalawa ni Liyong sa ilalim ng punong kalatsutsi.

"Baka nagtataka na si ina at ama kung bakit hindi na ako nagpapakita sa kanila. Naging abala rin tayo ngayon kung kaya ay hindi na natin nalibot ang monasteryo, maaaring sa linggo na lamang." Wika ni Dolorosa habang inaayos ang sisidlan.

Napahinga nang malalim si Liyong bago magsalita, "Ihahatid kita sa inyo,"

Umiling-iling si Dolorosa, "Kaya ko na ang aking sarili. Babakod lamang ako sa aking bintana at nawa'y hindi ako mapapansin ng mga cambiaformas"

"Pero, Dolor---"

"Ika'y kumalma, Liyong. Ikaw ay umuwi na rin sa bahay panuluyan at baka ikaw ay hinahanap na rin nila binibining Edelmira," Pakli ni Dolorosa, "O? Paano, kapre? Ako'y aalis na"

"Maghihintay ako rito bukas," Matamlay na saad ni Liyong sa dalaga.

"Oo, ay ito nga pala, nakuha ko sa silid ni Prayle Castillo. Ikaw muna ang magtatago niyan," Ani Dolorosa sabay kuha ng librong pula sa kaniyang sisidlan.

Nangunot ang noo ng binata sa binigay sa kaniya, "Ano 'to?"

"Basta, basahin mo na lamang iyan kapag nakarating ka na sa bahay panuluyan" Ani Dolorosa, "Adios, kapre. Magkikita tayo rito bukas," Tatalikod na sana siya nang bigla siyang hilain ni Liyong na resulta sa hindi sadyang pagyakap niya dito.

"Mag-iingat ka. Padalhan mo ako agad ng liham kapag nakarating ka na, ipadala mo sa uwak," Malungkot na turan nito kay Dolorosa.

Humiwalay naman si Dolorosa sa yakapan nilang dalawa ni Liyong, "Walang problema. Ako'y aalis na. Mag-iingat ka rin," Sabay talikod niya at tutungo na sa liblib na kagubatan.

"Dolor, hintay" Pigil pa ni Liyong.

"Bakit? May problema ba?"

Biglang pinaliyab ni Liyong kaniyang mga kamay na ikinagulat ni Dolorosa. Ang apoy na lumabas sa kamay ng binata ay nag mistulang bola na nakalutang sa hangin.

"L-liyong?!" Bulalas ni Dolorosa.

"Ang apoy na ito ang magsisilbing ilaw sa iyong daanan. Alam kong kahit madilim ay kita mo pa rin ang lahat dahil hindi ka pangkaraniwang dalaga. Pero nawa'y hindi mo ako iwasan nang dahil lamang sa aking kakayahan. Ang apoy na ito ay gagabay sa iyo, kahit papaano ay mararamdaman mo pa rin na kasama mo ako" Mataas na litanya ni Liyong, puno ng senseridad ang bawat salitang binitawan niya para sa dalagang kaniyang sinisinta.
------
Featured Song: Tagpuan by Kamikazee


Talaan ng Larawan:

(Visual lamang ito kung ano ang nadiskubreng libro ni Dolor sa silid ni Prayle Castillo)

A/N: Dolorosa at Liyong tandem ay ang sinaunang walang label. Wahaahaah!

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro