Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kapitulo - XVIII

PANAY ang lingon ni Dolorosa mula sa kaniyang likuran habang siya'y tumatakbo. Hindi na niya maintindihan ang kaba sa kaniyang dibdib at siguradong malalagot siya sa kaniyang ama kapag nalaman na nawawala si Luna.

Hindi na niya alam kung anong kalye na ang kaniyang dinadaanan. Maraming pasikot-sikot. Hanggang sa napadpad ang kaniyang sarili sa isang mataas na pader.

"Katapusan mo na talaga, Dolor. Wala naman kasi ito sa plano, nalimutan mo pa ang cedula!" Saad niya sa kaniyang sarili at palinga-linga pa rin siya sa paligid. Nangingilid ang kaniyang mga luha sa inis, "Tama nga si ama at si kuya. Totoo ngang mapanganib dito sa bayan. Dapat ay nakinig ako sa kanila. Luna, saan ka na ba?"

"Hindi mo ba kayang lundagin 'yan?"

Natigilan si Dolorosa nang marinig ang boses ng babae mula sa likuran. Nag dadalawang-isip man ay kaniya itong hinarap. Nanlaki na lamang ang kaniyang mga mata nang makita ang babaeng sa tingin niya ay ka-edad lamang.

Dahan-dahan siyang umaatras dahil sa kakaibang nararamdaman. May dala itong punyal at may nakasukbit sa baywang nito na isang pistola. Sa kasuotan naman ay purong itim ang tela ng baro at saya nito.

"S-sino ka?! Anong kailangan mo sa akin? Huwag kang lalapit, kaya kitang labanan!" Ani Dolorosa, tinibayan niya ang kaniyang loob dahil tila isang banta ang binibini sa kaniya.

"Lalabanan mo ako? Kung gayon ay hindi nga ako nagkakamali!" Ani dalaga at ngumisi pa ito.

Nangunot ang noo ni Dolorosa sa tinuran ng mahiwagang babae, hindi niya alam kung saan ba ito kumukuha ng mga kataga na tila alam na alam nito ang kaniyang tunay na katauhan.

Mas nagulat pa siya nang patakbong lumapit sa kaniya ang dalaga. Napapikit na lamang siya dahil tiyak na sa mga oras na ito ay maaaring tumagos sa kaniyang lalamunan ang punyal na hawak ng dalaga.

"Teofilo?!"

Idinilat ni Dolorosa ang kaniyang mata at akala niya'y tuluyan ng naitarak ang punyal sa kaniyang lalamunan. Nakikita na niya ngayon ang dalawang lalaki, ang isa'y malamig na nakatingin sa babaeng may dalang punyal. Ang isa naman ay matangkad na sa kaniyang wari'y ito ang kutsero ng kalesa kanina.

Mas lalong naging kabado siya nang makita ang mga naghahabol sa kaniya na mga gwardiya-sibil.

SAMANTALA, ang batang si Luna ay panay palinga-linga sa paligid. Umabot na ang kaniyang pagtakbo sa mataong talipapa. Tagaktak ang kaniyang pawis at nagsimula ng mangilid ang kaniyang luha. Hindi niya magawang makipag-usap sa mga estranghero dahil siya'y natatakot. Napahawak na lamang siya sa kaniyang kwintas.

"Bata, ano ang iyong nais? Saan ang iyong magulang?" Tanong ng isang tindera ng mga gulay.

Umiling naman si Luna at umalis sa harap ng tindera. Klase-klaseng tao ang kaniyang nakikita, pero may napapansin na siyang babae at lalaki na kanina pa nakatingin pero hindi na niya iyon pinansin.

"Luna!"

Luminga-linga muli si Luna sa narinig na boses. "T-tiya Biyang!" Tawag niya nang makita si Dolorosa, nagtataka man sa mga kasama nito ngunit hindi niya iyon inisip, ang mahalaga ay nagkita na sila ng kaniyang tiya.

Mahigpit na niyakap ni Dolorosa ang pamangkin. Tumulo ang luha na kanina pa'y gumigilid sa kaniyang mga mata. Napasulyap siya kina Edelmira at Teofilo na nakikita sa kanilang mga mukha ang galak, lalo na si Leopoldo na kanina'y nambugbog ng mga gwardiya-sibil at iniligtas siya.

"Mabuti at ligtas ka. Malalagot ako sa ama mo at kay ama," Mangiyak-ngiyak na saad ni Dolorosa.

Nagsalita naman si Leopoldo, "Ang talas ng iyong mga mata at nakita mo si Luna" Sabay ngiti.

Ngumiti naman si Dolorosa at pinunasan ang luha. Tumayo na siya at hinawakan nang mahigpit ang mga maliit na kamay ng pamangkin. "Salamat sa inyo, mga bagong kaibigan." Saad niya sa mga ito.

GABI na at nanatili na lamang si Dolorosa sa kaniyang silid. Kanina lamang ay napagsabihan siya ng kaniyang ama, puro litanya at pangaral ang kaniyang natanggap.

Nalaman ng kaniyang ama na nakalabas sila ng balwarte dahil na rin sa isang cambiaformas na nakakuha sa kaniyang buslo na nasa daanang puno ng bulaklak. May kakayahan din ang mga cambiaformas kung ano ang nangyari sa nakalipas.

"Aanak-anak kayo ng maganda, tapos kapag lalabas ayaw niyong payagan?"

Napapikit na lamang si Dolorosa sa naisagot niya sa kaniyang ama kanina. Mayamaya pa ay tumawa na lamang siya habang napapunas ng luha sa harap ng salamin. Hindi niya ngayon makakausap si Kahimanawari sapagkat tatabi ito sa kaniyang kapatid na si Kalayaan sa silid ni Adrian.

Nag-ayos na lamang siya ng sarili at napagpasyahan na matutulog na lamang, ngunit, ihihipan na niya sana ang lampara nang may bumato sa kaniyang bintana at pumasok doon ang nakalukot na papel na may bato sa loob. Agad niya iyong kinuha at binuklat, inilapat niya iyon sa kaniyang mesa upang mabasa niya.

Binibining Via Dolorosa,

Ikaw ba ay ayos lang? Nawa'y nakauwi ka nang matiwasay kasama ang iyong pamangkin.

Ako'y nagagalak na makilala at makita ka. Sa susunod na pagtagpuin tayo ng landas, nawa'y may sapat akong oras na ipakilala ang aking buong pagkatao.

-Leopoldo (Liyong)

Napansin niyang napangiti siya sa liham na ginawa ni Liyong ngunit agad niya iyong binawi at napailing. Ngunit naiisip niya pa rin ang maamong mukha ni Liyong, pero naiisip niya rin na hanggang dibdib lamang siya ng binata na tila pinaglihi sa kapre.

Napakamot siya sa kaniyang ulo at tinago ang liham sa isang kahon. Hindi niya maintindihan ang sarili kung bakit kakaiba ang kaniyang nararamdaman at kung ano-ano na ang iniisip. "Inaantok lamang ako," saad niya sa sarili.

SA isang bahay panuluyan, nakadungaw lamang si Liyong sa bintana habang nakatingin sa mga nagraramihang bituin sa kalangitan. Kakaunti na lamang ang nagtitinda sa labas at ang iba naman ay naglilinis na ng tindahan. Kanina lamang ay, ginamit niya ang kakayahan na gumawa ng apoy at ang usok nito ang nagsilbing mga kamay para ipadala ang liham kay Dolorosa. Sa unang pagkakataon ay tumibok ng kusa ang kaniyang puso, kakaiba ang dating sa kaniya ng dalaga.

Napatingin naman siya sa gawi ni Teofilo na ngayon ay natutulog na. Ang kaniyang pinagtataka lamang ay hindi niya masumpungan si Edelmira, sa kaniyang wari ay nagtampo ito sa talakan nila ni Teofilo patungkol sa tinola kung lalagyan ba ito ng sayote o papaya. Natatawa na lamang siya sa dalawa kapag nag-aasaran na parang mga aso at pusa o tubig at langis na hindi talaga pwedeng ipagsama.

Mayamaya pa ay dumating na ang usok na kaniyang inutusan. Kumorte itong tao sa hangin.

"Naipadala mo ba?" Mahinahong tanong ni Liyong sa usok. Nakita niya naman itong tumango. Napangiti siya, pagkatapos ay inilahad niya ang kaniyang palad upang pumasok na roon ang usok.

"Dolorosa, makikilala rin kita. Magsisikap ako na makamit ka." Saad ni Liyong sa sarili at isinara na ang bintana.

----
Featured Song:

Akap- by Imago

Leopoldo (Liyong)

PS: ang kabanata na ito ay dedicated ko kay Senyor_Nephesh, nawa'y nagustuhan mo kahit maikli lamang ang kabanata na ito.

Anyway, kung nais niyong malaman ang point of view nila Edelmira sa pagpasok sa San Fernando ay better to read "Edelmira" ni Senyor_Nephesh.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro