Kapitulo- XV
KINAGABIHAN ay nakadungaw lamang si Musika sa bintana ng silid habang nagsusuklay ng kulot at kulay tsokolate niyang buhok. Hindi maiiwaglit sa kaniyang isipan ang makisig na mukha ng binata, sa dinamidaming binata sa bayan ay para sa kaniya, si Kalayaan lamang ang natatangi.
"Hindi ka pa ba nakakaramdam ng antok?" Tanong ni Alindogan nang makapasok sa silid na kanilang tinutulugan. "Tila malalim ang iyong iniisip pero batid kong hindi ito isang problema,"
Pasimpleng ngumiti si Musika at pinagmasdan ang sarili sa isang salamin na tanging baging lamang ng mga dahon ang sumusuporta para hindi ito matumba. Pagkatapos ay tumingin siya sa mga mata ni Alindogan at nagbigay ng mensahe.
"Hindi mo na kailangan na magtanong kung maganda ka, dahil magmula noong isinilang ka sa sansinukob na ito ay may natatangi kang kagandahan na hindi makikita sa iba, may katangian ka rin na mabuti" Kalmadong tugon ni Alindogan sa kaibigan.
Nagbigay muli ng mensahe si Musika kay Alindogan na ikinailing nito.
"Sabi ko na nga ba at tuluyan nang nahulog ang iyong loob sa binatang kasama ng anak ni Don Sarmiento," Saad ni Alindogan sabay haplos sa buhok ni Musika, "Hindi kita pipigilan sapagkat nakakaramdam ako nang katiwasayan sa binatang iyon. Gusto ko ring makita kang sumaya at umibig, Musika,"
Nagbago ang emosyon sa mukha ni Musika nang mapagtantong hindi nababagay sa kaniya ang binata dahil lupa siya at langit si Kalayaan. Isa pa, hindi siya nakakapagsalita.
"Huwag kang mag-aaalala, mababawi rin natin ang iyong boses sa mga kamay ni Oryol. Gagawin ko ang lahat para sa iyo, pangako." Saad ni Alindogan at niyakap si Musika.
"NABALITAAN ko mula sa liham ng alperez na may ipinagtanggol kayo na isang dalaga na nagawi sa bayan," Ani Don Xavier habang nakasandal sa bintana at may hawak na tabako.
Nagkatinginan si Adrian at Kalayaan na bagong dating lamang.
"Opo, ama. Si Kalayaan ho ang nagpatumba sa mga maalipustang gwardiya-sibil," Ani Adrian sabay lapit sa ama at nagmano.
"Mabuti at may kabuluhan ang inyong araw," Tugon ni Don Xavier. Nagmano na rin sa kaniya si Kalayaan at nakita niya itong ngumiti, "Hangga't kaya nating tumulong sa mga naaapi ay gawin natin," Saad niya pa at tinapik ang balikat ng apo, "Kumain na kayo, sabayan na ninyo si Marco na nasa hapag"
Samantala, napasilip naman si Dolorosa at Kahimanawari sa uwang ng pinto bago lumabas. Nais nilang malaman kung ano ang nangyari kay Adrian at Kalayaan.
"Kumain na kayo, anak at apo" Ani doña Araceli.
Pumwesto na si Adrian sa kaniyang upuan na kaharap lamang ni Marco na seryosong kumakain. Habang si Kalayaan naman ay umupo na lamang sa tabi ni Adrian.
"Hindi mo na naabutan ang iyong ama at ina na umalis, mas napaaga ang kanilang alis dahil sa lunes ay ipapasara na ang daungan dahil sa mga kataw," Litanya ni doña Araceli.
"Ganoon ho ba, lola? Sayang naman, hindi ko man lang nahagkan si ina" Malungkot na saad ni Kalayaan.
Ngumiti si doña Araceli at nilapitan ang apo, "Huwag kang mag-alala, kapag naging maayos na ang lahat doon sa inyo sa Europa, uuwi na rin sila"
Tumango si Kalayaan at nagmano na lamang sa kaniyang lola.
"Kumain kayo nang marami," Saad ng doña at pumunta sa sala kung saan naroroon ang esposo.
NAPUNO ng kwentuhan ang sala-mayor na pinapangunahan ni Dolorosa, marami itong naikwento pero palaging nakatabi si Kahimanawari upang hindi ito madulas sa pagsasalita at baka mabanggit ang patungkol sa pagiging bampira ng maestra nito.
Samantala, si Marco naman ay seryosong nakaupo lamang sa isang upuan malapit sa isang paso. Kanina pa siya walang kibo at walang gana makipag-usap. Napagtanto niyang hindi pa rin pala humihilom ang sugat sa kaniyang puso dahil naroroon pa rin ang bakas ng pagmamahal na nagawa sa kaniya ng unang kasintahan.
Kanina sa isang talipapa na dinadaanan ni Marco patungo sa isang bahay aliwan ay nakita niya si Abril, may dala itong buslo na nilagyan ng pinamiling gulay at prutas. May kasama rin itong isang batang lalaki na kasing-edad lamang ni Luna. Hindi niya maatim ang sarili kung bakit kusang humahakbang ang kaniyang mga paa patungo sa babaeng minahal niya, limang taon na ang nakalipas.
"Ginoo! Bumili na ho kayo ng sariwang prutas!" Alok ng tindera sa kaniya, na pinagbilhan din ni Abril.
Sa hindi inaasahang pagkakataon ay nagtama ang kanilang mga paningin. Ang ibinaong alaala ay muli itong naging sariwa na tila kahapon pa naganap ang lahat.
"M-marco..."
"Abril,"
Napatingin si Marco sa batang kasama nito, "Siya na ba ang iyong anak?" Tanong niya pa kay Abril.
Napatango si Abril at malumanay na napangiti, "Pangatlong anak ko, Marco. Kumusta ka na? Ikaw ba ay may asawa na?"
Napahinga nang malalim si Marco at ngumiti na lamang nang tipid, pagkatapos ay umiling siya bilang tugon sa dating nobya.
"Bakit naman? Bantog ka sa bayan na ito na isa ka sa mga makisig na anak ni Don Xavier at Doña Araceli," Hindi makapaniwalang saad ni Abril.
Nagkibit-balikat si Marco, "Marahil ay wala pang babaeng dumating sa buhay ko na hinigitan ka,"
Hindi makakurap si Abril sa sinabi ni Marco, ang kaniyang pag-ibig sa binata ay hindi basta-basta at halos hindi siya nakakausap nang matino noon at isinusuka ang sariling disesyon ng pamilya, ngunit lumipas ang panahon ay tinanggap na niya ang tadhana. Ngayon ay may tatlong supling ng kaniyang esposo, kahit papaano ay natutunan niya itong mahalin kahit mahirap sa simula.
"Bueno, baka ikaw pa ay abala. Ako'y lilisan na, Abril. Mag-iingat ka, sumasaiyo ang kasiyahan" Ani Marco at bahagya niyang itinaas-baba ang kaniyang sombrero bago tumalikod at umalis sa lugar na kung saan nag krus ang landas ng kaniyang dating pinapangarap.
"Kuya, hindi ka pa ba papasok sa iyong silid?" Tanong ni Dolorosa nang mapansin ang kapatid na malalim ang iniisip habang nakahawak ng isang baso na may lamang vino, "Hindi ka ba nilalamok diyan? Tingnan mo ang iyong pustura, tila ikaw ay pinagsakluban ng langit at lupa,"
Ngumisi lamang si Marco at umiling-iling, "Hayaan mo na lamang akong mapag-isa, Dolor. Matulog ka na,"
Hindi nakumbinse si Dolorosa, bagkus ay tinabihan niya ang kaniyang kuya, "Batid kong may dinadala kang hinanaing. Hindi ka naman ganiyan, kuya. Ang pilyo pilyo mo. Ngayon ko lang napansin na kanina ka pa tahimik at ni isang salita kanina na nagmumula sa iyong bibig ay walang lumabas,"
Nilagok ni Marco ang huling vino sa loob ng kaniyang baso, "Hindi mo maiintindihan sapagkat ito ay isang sugat na nakaukit sa aking puso na nagmula pa sa nakaraan,"
Kunot-noong napatingin si Dolorosa sa kapatid, "Ano ang iyong ibig na ipahiwatig, kuya? Anong sugat? Bakit hindi mo ipagamot kay ama?" Sa kaniyang katanungan ay tumawa nang mahina ang kaniyang nakakatandang kapatid.
"Hindi ka pa talaga umaalis sa iyong kamusmusan. Sige na, Dolorosa, matulog ka na." Saad pa ni Marco, isinandal na niya ang kaniyang ulo sa pader dahil nakakaramdam na siya ng hilo.
Walang nagawa si Dolorosa at tumayo na lamang. Bago pa man siya tumungo sa silid ay hinalikan niya ang noo ng kaniyang kuya, "Alam ko ang iyong hinanaing, kuya. Ang pagkasugat ng iyong puso ay sanhi ng labis na pag-ibig at pagkabigo. Hindi man iyan nag hilom kahit lumipas na ang maraming panahon, ito lamang ang aking masasabi, may nakalaan sa iyo na kayang gumamot sa iyong dinaramdam, dito." Sabay turo niya sa kaniyang dibdib bago tumalikod at pumasok sa silid.
Natigilan si Marco sa sinabi ng bunsong kapatid. Tila ang binitawang salita nito ay parang malamig na tubig na humampas sa kaniyang katawan.
HATINGGABI na nang matapos ang isang mangingisda sa pag-aayos ng nasirang bangka dahil sa malakas na hampas ng alon. May katandaan na ito kung kaya ay matagal niyang nakumpuni ang bangka.
"Tatay, tayo na ho. Malamig na ang simoy ng hangin. Parang isa itong nyebe na dumadampi sa aking katawan," Saad ng isang binata na kakarating pa lamang at ito ay nagngangalang Jose.
"Saglit na lang ito, anak. Huwag mong hayaan na maiwaksi ng hangin ang apoy ng lampara" Bilin pa ng matanda.
Napatango naman si Jose bilang tugon. Sinikap niyang hindi sayawin ng hangin ang apoy ng lampara.
Mula sa gitna ng karagatan ay naroroon ang mga nilalang na nagmamasid upang makadagit ng tao na kanilang gagawing kaisa sa kanila.
Ang kanilang kaanyuan ay tila isang babala sa mga tao na may nais lumusong sa karagatan. Mula sa kanilang kulay lumot na balat, matataas na kuko, may mga kaliskis sa kamay at mukha, may mga buntot na kulay berde na kasing kinis ng balat ng isang balyena at ang kanilang mga balintataw na kulay puti na may tila tuldok na itim sa gitna nito, ito ay nakakapagbigay ng hilakbot at sindak sa makakakita. Ang kanilang kakayahan ay ang manghipnotismo o hindi kaya'y palitan ang kanilang mga buntot ng paa na nahahalintulad sa tao at kayang mag anyong tao kung nanaisin.
"Hatinggabi na ho, pwede ninyong ipagpapabukas ang ganiyang gawain. Delikado ngayon dahil sa mga sinasabi nilang kataw," Saad ng gwardiya-sibil na rumuronda sa dalampasigan. May mga iba pa siyang kasama upang magmasid sa dagat at ilog.
"Tama ho sila, tay. Inaantok na rin ako." Reklamo pa ni Jose.
Tumayo na ang matanda at pinagpagan ang sarili sabay ayos ng salamin nito sa mata, "Pasensya na ho, nais ko lamang na tapusin dahil nasimulan ko na," saad pa niya sa mga gwardiya-sibil.
"Kayo'y umuwi na---" Natigil ang gwardiya sibil nang makarinig siya ng isang himig mula sa karagatan, "Inyo bang naririnig ang himig?"
"O-oo," Nanghihilakbot na saad pa ng isang gwardiya-sibil.
Samantala, ang binatang si Jose ay tila nagkaroon ng katiwasayan sa kalooban para sundan ang himig. Unti-unti niyang inihahakbang ang kaniyang paa patungo sa dalampasigan.
"Jose! Huwag kang lalapit!" Sigaw pa ng ama niya at kahit masakit ang tuhod ay sinundan niya ang anak.
Kahit na ang mga gwardiya sibil ay tumakbo na rin patungo sa binata upang pigilan ito. "Tigil, binata!"
Nakaramdam ng kaginhawaan si Jose nang maramdaman na niya ang pagdampi ng tubig-dagat sa kaniyang mga paa, "Nais ko na sumama sa inyo!" Pabulong na saad niya. Nakita niya kung paano lumitaw sa karagatan ang mga mata ng kataw na tila isang ilaw sa madilim na karagatan, parang isang alitaptap na naghahari sa kadiliman.
"Barilin ninyo ang lumilitaw na mga mata sa karagatan," Utos ng gwardiya-sibil na nagbabala sa mag-ama kanina. Hinanda ng kaniyang kasamahan ang kanilang matataas na baril, "FUEGO!"
Agad na natauhan si Jose nang marinig ang mga putok ng baril. Napatulungko siya at napatabon sa tainga. Nakita niya rin ang kaniyang ama na napadapa sa buhangin, "Ama! Ano'ng nangyayari?!"
NAPABALIKWAS nang bangon si Don Xavier nang marinig ang mga sunod-sunod na putukan. Kanina pa siya hindi makatulog at tila may bumabagabag sa kaniyang kalooban, "Mahal, pupunta muna ako sa bayan at baka lumulusob na ang mga kataw,"
Napabangon na rin si Doña Araceli at agad na napatango, "Aking gigisingin si Marco at Adrian nang sa gayon ay may kasama ka,"
Napatango na lamang ang don at dali daling nagbihis ng kamiso at karsones. Maya-maya pa ay lumabas na si Adrian at Marco.
Nang makalabas sila ng tahanan ay agad na nagkasundo ang tatlo na sisimulan na nilang tumakbo nang mabilis.
Ilang minuto pa lamang ay narating na nila ang baybayin, nasindak sila sa mga pangyayari sapagkat tumataas na ang alon sa dagat na tila lagpas tao na ito. Nakita nila ang limang gwardiya sibil na basang-basa at pati na rin ang kasama nilang isang matanda at binatang may dalang lampara na wala ng apoy ang pumapaloob dito.
"Don Sarmiento! Salamat at nakarating kayo! Nakakahindik ang amin na nasaksihan, hindi basta bastang nilalang ang mga kataw!" Hinihingal na saad ng gwardiya sibil, "Mga binata ang kanilang bibiktimahin! Lumilikha sila ng himig na binata lamang ang naaakit,"
Nagkatinginan si Adrian at Marco sa narinig, hindi nila alam ang gagawin sapagkat nakatira ito sa dagat at lubhang mas malakas ito kapag nasa sariling lungga.
"Bueno, kayo'y humayo na sapagkat lumalalim ang dagat at ang hampas ng alon ay lumalakas," Kalmadong saad ni Don Xavier, natatalsikan ang kaniyang balat ng tubig-dagat na parang isang mainit na likido at naghahatid ito ng malansang amoy, "Kayo'y umuwi na rin, binata. Gabayan mo ang iyong ama. Kami na bahala rito,"
"Maraming salamat, amigo." Saad ng mangingisda kay Don Xavier.
Natigilan ang don sa natunghayan kung sino ang ang matandang mangingisda, "A-arturo?"
Napatango si Mang Arturo at inilagay ang sombrerong buri sa dibdidb at nagbigay galang. Kitang-kita niya sa mukha ni Don Xavier ang pagkagulat, alam niyang asawa na nito si Araceli--- ang babaeng minsan na niyang minahal at pinagtaksilan.
------
Talaan ng larawan:
Jose Torres
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro