Desyembre 25, 1892
•••
SA bukana ng mansyon ng mga Sarmiento ay naroroon ang mga tagatugtog ng bandurria na pinapangunahan ni Ginoong Himala bilang bagong maestro ng grupo.
Sa gawing kusina ay abala ang lahat ng mga kasambahay sa pagluluto ng mga masasarap na putahe. Ang iba'y hindi na magkamayaw sa paglalagay ng mga palamuti sa gawing hardin dahil dito mangyayari ang handaan.
Sa kabilang dako, sa tahanan ng mga Romualdez, naroroon si Liyong na nagbibihis na.
"Talaga naman, hindi ako makapaniwalang ikakasal ka na, amigo." Saad ni Teofilo, "Iba rin ang iyong kamandag at napaibig mo si Dolorosa."
Napailing si Liyong at hindi maiwasang mapangiti. Inayos niya ang nag-iisang bulaklak ng kalatsutsi na nakasabit sa bulsa sa kaliwang bahagi ng dibdib sa kaniyang barong. "Eh ikaw? Kailan ka pa kaya magkakaroon ng lakas ng loob kay Edelya?"
Napailing si Teofilo at napaayos na lamang ng kwelyo sa harapan ng salamin, hindi siya makasagot kung kaya ay iniba niya na lamang ang usapan, "Siya nga pala, may tinola ba sa handaan? Yung sayote ang nakahalo at hindi yung prutas ng papaya," Nakita niyang napangisi ang kaibigan, "Bakit? Wala ba?"
"Mayroon. Mukhang iniiba mo ang daloy ng usapan, amigo." Panunukso pa ni Liyong.
"Ah- magsuot ka na ng iyong sapatos, Liyong. Mukhang kakabagin ako sa mga katanungan mo."
Napatawa nang mahina si Liyong at agad na isinuot ang sapatos. Napansin na lang niya na kanina pa tahimik si Marco habang nagbubutones ng barong nito kung kaya ay hindi niya maiwasang tanungin, "Ayos ka lang ba, amigo?"
"Sí, ako'y ayos lang. Sadyang naiisip ko lang na mawawalay na sa amin ang bunso. Nakakatawa nga't siya ang bunso pero siya ang naunang mag-asawa." Ani Marco. Naramdaman niya ang pagtapik sa kaniya ni Liyong sa balikat.
"Hindi ko naman itatago sa inyo si Dolorosa,"
Napatawa na lamang ang binata sa tinuran ni Liyong, "Nawa'y hindi."
Sumingit naman si Adrian na galing sa labas, "Naghihintay na sa labas ang karwahe. Halina't tayo na,"
Bago pa man sila makalabas ay napahinga nang malalim si Liyong sabay bulong, "Maraming salamat, Panginoon."
SA bukana ng simbahan ay agad na sinalubong ni Don Mateo at Doña Catalina si Liyong. Sila ang magsisilbing magulang nito para abangan sa altar si Dolorosa.
May mga nakarating na mga kalesa na galing sa Kongregasyon at agad na napayakap sa kanila si Liyong. Walang mapaglalagyan ang kaniyang saya ngayon dahil sa lahat ng hirap na naranasan niya sa buhay ay nagkaroon na siya ng kaginhawaan.
Pagkatapos ng ganoong eksena ay napagpasyahan na nilang pumasok sa loob ng simbahan. Naroon naman ang bagong kura ng San Fernando na si Prayle De Pueblos na nasa pulpito habang inaayos ang sablay sa balikat at kinuha ang bibliya bago bumaba patungo sa mismong altar.
Nginitian ni Liyong ang prayle, gayundin ito. "Magandang umaga po," Sabay mano niya.
"Kaawaan kayo ng Diyos." Saad ng Prayle, "Ilang minuto na lamang at magsisimula na ang seremonyas. Ito na ang simula ng bagong buhay, Ginoong Sevilla."
"Opo, salamat, Prayle." Magalang na tugon ni Liyong. Pagkatapos ay napunta ang kaniyang paningin sa mga taong nasa simbahan. Pagkatapos ay napansin din niya ang mga palamuting bulaklak na pinagkumpol-kumpol at pinaghalong rosas na kulay puti at pula, hindi rin mawawala ang kalatsutsi na siyang unang saksi sa lahat ng paglalahad niya ng damdamin kay Dolorosa noong una.
Napansin niya rin na dumating na ang mga ninong at ninang, napangiti siya nang mahagip sa kaniyang mga mata si Edelmira at Teofilo. Akala niya'y magiging abay talaga sila ngunit mas pinili pala talaga maging ninang at ninong. Dumating na rin ang mga abay na ngayon ay nakalinya na sa labas ng simbahan, pati na rin si Luna na nagsisilbing taga saboy ng bulaklak at si Giovanni na nagdala ngayon ng kalapati at singsing.
Habang nasa labas ng simbahan ay hindi maiwasang mapasulyap ni Julian sa dalagang si Kahimanawari na ngayon ay kaparehas niya sa pagiging abay. Narinig naman niya ang biglaang pagtikhim ni Kalayaan na ngayon ay nasa likuran niya lang.
"Kung gusto mong kausapin ang aking kapatid ay huwag kang mahiya," Bulong ni Kalayaan kay Julian.
Hindi naman makaimik si Julian kung kaya ay napahimas siya ng batok at napayuko. Ngunit napawi ang ganoong eksena nang dumating ang natatanging karwahe.
Kinakabahan si Dolorosa habang nasa loob ng kalesa.
Napansin naman iyon ni Doña Araceli kung kaya ay idinampi niya ang kamay sa kamay ng anak. Napangiti siya dahil bagay na bagay talaga sa unica hija ang traje de boda na suot. Ito ang kaniyang isinuot noong ikinasal sila ng esposo.
"Maging kalmado ka lang anak," Saad pa ni Don Xavier, nararamdaman niya rin ang pagiging kabado ni Dolorosa, "Nawa'y maging masaya ka sa piling ni Liyong."
NANG makababa na si Dolorosa sa kalesa ay tumambad sa kaniya ang malaking simbahan. Nakangiti sa kaniya si Kahimanawari at Olimpia, napapangiti na rin sya at agad na napayakap sa dalawa. Kahit na si Luna ay nakisali na rin.
Bumaba na rin si Don Xavier at Doña Araceli na yakap-yakap ang larawan ng dalawang namayapang anak. Si Don Xavier naman ay kalmado lamang na naglalakad habang ang isang kamay ay nasa bewang ng asawa.
Biglang bumukas ang malaking pintuan ng simbahan. Pumwesto na si Dolorosa sa gitna ng magulang, mahigpit ang kaniyang pagkahawak sa dalang kumpol ng rosas.
Nagtama ang tingin nila ni Liyong.
(Palad ay basang-basa
Ang dagitab ay damang-dama
Sa 'king kalamnang punong-puno
Ng pananabik at ng kaba)
Bumitaw ng matamis na ngiti si Dolorosa kay Liyong.
Kahit na si Liyong ay hindi maiwasang masabik sa presensya ng magiging esposa. Halos may piyesta na sa kaniyang sikmura, kahit na siguro'y tatanda silang dalawa ay hindi niya mapigilan na mapatitig dito nang matagal. Tila ba isang anghel ito at masyadong maamo ang mukha.
(Lalim sa 'king bawat paghinga
Nakatitig lamang sa iyo,
Naglakad ka ng dahan-dahan
Sa pasilyo tungo sa altar ng simbahan)
Sa bawat hakbang ni Dolorosa ay mas lalong dinadala siya sa alapaap. Ilang hakbang na lamang ay mahahawakan na niya ang malalambot na kamay ni Liyong. Sabik na rin siyang magbitaw ng sumpaan sa lalaking alam niyang hindi siya bibitawan magpakailanman.
Ito na ang pagkakataon at pinakahihintay nila. Handa na nilang magpakatali sa isa't-isa.
"IKAW ang magsisilbing ilaw sa aking buhay at magiging tanglaw sa pagsapit ng bukang-liwayway. Ang singsing na maisusuot mo'y sagisag ng aking walang katapusang pag-ibig at kahit kamatayan ay hindi makakapaghiwalay. Kahit sa susunod na buhay ay ikaw pa rin ang aking pipiliin. Alam kong hiram sa Diyos ang ating buhay, makikiusap ako na sayo'y mahimlay." Punong-puno ng pag-ibig at senseridad ang boses ni Liyong nang sambitin ang mga kataga, "Ako, bilang si Leopoldo Sevilla na magiging kabiyak mo sa habang buhay. Sa lungkot at ligaya, sa hirap at ginhawa..." Agad niyang isinuot ang singsing sa daliri ni Dolorosa. "Mahal na mahal kita," Bulong niya pa rito.
Hindi mapigilan na mamuo ang luha sa mga mata ni Dolorosa. Pero kailangan niyang tatagan ang sarili at baka malimutan niya ang kaniyang linyang ginawa niya talaga para kay Liyong, "Ikaw na magiging kabiyak sa aking buhay at magsisilbing tanglaw sa aking dapithapon. Ang singsing na maisusuot mo'y sisimbolo ng walang humpay kong pagmamahal sa iyo. Kahit man anurin tayo ng panahon, alam kong sa iyo pa rin ako tutungo. Hiram man sa Diyos ang buhay kong ito, alam kong sa susunod na buhay ay pagtatagpuin tayo." Pagkatapos ay isinuot na niya ang singsing sa daliri ni Liyong, hindi na niya mapigilang maluha kung kaya ay kahit may nginig na ang boses ay pinagpatuloy niya pa rin ang pagsasalita, "Ako, bilang si Via Dolorosa Sarmiento y Sevilla, na magiging kabiyak mo sa habang buhay. Sa lungkot at ligaya, sa hirap at ginhawa."
"Bueno, maaari niyo ng halikan ang isa't-isa."
(Hahagkan na't 'di ka bibitawan
Wala na 'kong mahihiling pa)
Unti-unting hinawi ni Liyong ang belo ni Dolorosa, nang makita na napaluha ito ay agad niyang pinunasan ang pisngi nito ng panyong regalo sa kaniya ng esposa noong magkakilala pa lamang sila.
Dahan-dahan niyang inangat ang mukha ng kabiyak at hindi niya mapigilan na mahulog ang kaniyang puso sa walang katulad na kagandahan.
Hanggang sa maglapat na ang kanilang mga labi.
(Ikaw at ikaw
Ikaw at ikaw
Ikaw at ikaw
Ikaw at ikaw)
('Di maikukumpara
Araw-araw 'kong dala-dala paboritong
Panalangin ko'y makasama ka sa pagtanda
Ang hiling sa Diyos na may gawa
Apelyido ko'y maging iyo)
Naghiyawan naman ang lahat at ang mga palakpakan na walang humpay dahil sa pangyayari.
"Tayo na rin ang susunod," Bulong pa ni Adrian kay Aina. Nakita niya naman itong napangiti at napatango.
Samantala, hindi naman namalayan ni Kahimanawari na masyado na siyang nadala sa pagtatagpo ni Liyong at Dolorosa kung kaya ay natagpuan ang sarili na halos yakapin na si Julian kung kaya ay napangiti siya nang pilit sa binata at napalayo nang bahagya. Ibinaling na lamang ang sarili kay Olimpia at doon iniyapos ang bisig sa bisig ng bagong kaibigan na tila walang nangyari.
Naglulupasay naman ang puso ni Julian sa pangyayaring iyon.
Si Ginoong Himala naman ay napaagbay na lamang kay Don Xavier, "Ang bilis ng panahon."
"Siyang tunay, Himala." Nakangiting tugon ni Don Xavier.
Samantala, nang matapos hagkan ni Liyong si Dolorosa ay napabitaw siya nang matamis na ngiti, "Akin ka na, habang buhay, kamahalan."
"Walang pagtutumangging, oo." Tugon ni Dolorosa at agad na napayakap sa esposo.
•Wakas•
---
Featured Song:
Pasilyo by SunkissedLola
(Actually, pinagpawisan ako sa pag-edit nito. Editing skills💯 EME HAAHAHAHAH! charot!)
A/N: Huhu on the beat 😭 echos. Nagwakas na talaga siyaaaaaaaaaaaa. Ang hirap e let go pre. Promise.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro