Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kapitulo - XLI

----

KITANG-KITA ni Alfonso ng harapan ang isang dambuhalang taong-lobo. Namumula ang balintataw nito at umaangil na parang isang uhaw na uhaw na leon. Pero, nanatili siyang kalmado kahit na ang paligid ay nagkakagulo na.

Unti-unting nagpalit ng anyo si Don Xavier pero hindi siya lubusang nag-anyong tao. Lumapit siya patungo sa Gobernadorcillo at napangisi, "Tama nga ang aking duda na ikaw ay isang kaaway."

"Iyan ba ay isa sa mga ugali ng pagiging aso?" Nakakalokong katanungan pa ni Alfonso.

Napataas ng kilay si Don Xavier sabay ngisi at umiling pa. "Marahil ay hindi kami lugi."

Napatiim-bagang ang gobernadorcillo at agad na lumundag pataas. Kasing bilis ng kidlat na kaniyang dinambahan si Don Xavier. "Ako rin! Hindi ko hahayaang mabuhay ka sa aking mga kamay!" Bulyaw niya pa.

Ramdam ni Don Xavier ang matigas na sahig at ramdam niya ang pagkabasag nito sa kaniyang likuran. Buong pwersa niyang tinulak si Alfonso, tumilapon ito at tumama sa isang poste malapit sa trono.

Samantala, si Celia naman ay dinampot ang ulo ng ama at agad na kumaripas ng takbo patungo sa labas ng mansyon. Tumambad sa kaniya ang mainit na temperatura dulot ng pagliyab. Wala siya sa sariling tumungo sa apoy at nagpasunog na lamang.

SA kabilang dako, panay na ang pag-alalay ni Liyong sa mga katulong na nais lumabas sa mala-impyernong lugar. "Sa may lawa, may mga bangka na naroroon!" Hindi magkandaugaga niyang saad pero hinahanap pa rin ng kaniyang mga paningin si Aurora.

Nais na sana niyang bumalik sa loob pero may mga bampirang humaharang sa kaniya. Agad niya naman itong tinapunan ng bolang apoy, "Mga lintik!" Mura pa niya dahil sa magaling umilag ang mga bampira at sukdulan na ang paggamit ng kaniyang apoy, marami na siyang natatamaang mga puno at damo na nagiging sanhi pa sa paglaki ng sunog.

Napaigik siya nang may brasong sumakal sa kaniyang leeg mula sa likuran. Sobrang lakas at nakakawala ng hangin. Napapaubo na siya nang paulit-ulit pero hindi siya nag patinag. Muling nagbaga ang mga palad at agad na hinawakan ang braso ng kalaban, umuusok na iyon.

Napabitaw ang bampira at bakas sa mukha nito ang kirot at hapdi dulot ng pagkapaso.

Napaubo at napahinga nang malalim si Liyong dahil sa tagpong iyon, "Tangina niyo! Muntikan pa akong mamatay!" Reklamo pa niya at pinatuloy na lamang ang paghagis ng bolang apoy sa mga kalaban. "Wala akong magagawa, kalaban kayo."

Sa bandang lawa naman ay abala sila sa pagpapasakay ng mga katulong sa bangka.

Kitang-kita ni Dolorosa ang matinding kaguluhan. Hindi siya mapakali at nais niyang hanapin ang ama dahil sa malakas ang kaniyang kutob na nasa mansyon ito. Napahawak siya nang mahigpit sa nakasukbit na espada. Napapikit at napabuga ng hangin.

Kumaripas siya ng takbo patungo sa mansyon.

"Dolorosa!" Pasigaw na tawag ni Marco, nainis siya sa pangyayaring iyon dahil hindi niya napigilan ang kapatid, "Tangina!" Pabulong ngunit mariin na mura.

"Paano na iyon?! S-susundan ko si Dolor," Saad ni Adrian ngunit pinigilan siya ni Marco, "Mapapahamak ang ating kapatid!"

Hindi umimik si Marco at pinatuloy ang pag-aasikaso sa mga katulong. Ramdam na ni Adrian ang galit na namutawi sa sistema ng kapatid kung kaya ay pikit mata siyang nasapo ang noo.

NASAGIP sa paningin ni Liyong si Dolorosa na patakbong pumasok sa loob ng mansyon. Nanlaki ang kaniyang mga mata at awtomatikong kumilos ang kaniyang mga paa para sundan ang dalaga.

Panay tagbas si Dolorosa sa mga kalaban na nais atakihin siya. Diretso niyang pinupunterya ang leeg upang maputol at tiyak na hindi na magkakaroon muli ng buhay. Tumatalsik sa kaniyang mukha ang dugo at ang espada'y nababalutan na ng pulang likido.

Nailipat niya ang paningin sa bubungan ng mansyon, kitang-kita niya ang mga taong-lobong naroroon, sa kaniyang pakiwari'y kasali rito si Don Mateo, Patricio, at maging ang Alcalde.

"Dolor!"

Agad na napalingon si Dolorosa at tinutukan niya ito ng espada.

"Kalma, ako lang ito." Saad ni Liyong sabay taas ng dalawang kamay na tila sumusuko.

"May kasalanan ka pa sa akin!" Mataray na pagkakasabi ng dalaga at agad na tumalikod at pinasok ang mainit na mansyon.

Hindi nagpatinag ang binata at sinundan na lamang niya si Dolorosa.

NAMUMULA na ang lahat ng mata ni Don Xavier sa galit. May mga bakas ng sugat na siya sa braso at leeg dahil sa kalmot ni Alfonso. Ayaw na niyang patagalin ang eksena kung kaya ay nagpalit na siya ng anyo kahit na mahirap dahil sa tinding singaw ng init na nanggagaling sa itaas.

Napapunas ng dugo sa gilid ng labi si Alfonso, natamaan ito ng suntok at tila hihiwalay ang kaniyang panga, "Hindi ko hahayaang mangyari ang nakasaad sa hinaharap!"

Bumuwelta nang napakalakas na atungal si Don Xavier, inilabas niya ang mahahabang kuko at planong tapusin na ang lahat. Ngunit nang akma niya itong dambahan ay nakailag ito at lumundag. Lumipat ito sa kaniyang likuran.

Nagkaroon ng pagkakataon na sakalin ni Alfonso si Don Xavier. Gumiwang-giwang siya na tila dinuduyan ng malalaking hampas ng alon. Walang habas niyang pinagsasaksak ang leeg nito gamit ang matatalas na kukong gawa sa matalas na bakal. Tumatalsik ang malapot na dugo.

Samantala, si Don Xavier naman ay nakaisip ng paraan. Para matanggal ang kalaban na nasa likuran ay kailangan niyang ibangga ang likod sa matigas na pader. Nakakaramdam na siya ng hapdi sa kalamnan at kung hindi niya ito matatanggal ay tiyak na manghihina siya nang tuluyan.

Natunghayan ni Dolorosa ang mga iyon nang mapadpad ang sarili sa ilalim ng mansyon. Maraming nagkalat na katawan ng ibang katulong na namatay. May mga bampira ring nakasabit ang katawan sa matutulis na bagay sa mataas na bahagi ng pader. "Ama!"

Naudlot ang nais gawin ni Don Xavier nang makita ang anak at si Liyong na nasa bukana ng pintuan. Sa oras na iyon ay napabagsak siya, natabunan niya si Alfonso at narinig niya pa itong napaigik. Hanggang sa nanlabo na ang kaniyang paningin.

Sinikap naman ng Gobernadorcillo na makawala, nasaktan siya nang labis nang mabagsakan siya ni Don Xavier. Parang nabali ang buto niya sa balakang.

"Akin na ang pulang hiyas," Seryosong saad ni Dolorosa habang nakatutok ang espada kay Alfonso.

Unti-unting nakawala ang Gobernadorcillo, napangisi ito habang sinisikap na makatayo, "Kahit na ilibing ninyo ako ng buhay, hindi mapapasainyo ang hiyas!" Tapos ay napahalakhak siya, "Butihin kong anak, akala ko ba'y magkakampi tayo?" Panunukso niya sabay tawa na naman at pinunasan ang dumudugong ilong.

Hindi nagpatinag si Dolorosa, itinutok niya pa rin ang espada kay Alfonso.

Si Liyong naman ay matalim na kung makatingin sa ama, sa kaniyang kalooban ay galit ang namutawi imbes na pagmamahal. Wala itong nagawang matino sa buhay nila ng kaniyang ina. "Nagsisisi ako na ikaw ang aking naging ama, mas tatanggapin ko pang hindi mabuhay sa mundo basta't hindi lang maging mahirap ang kapalaran sa iyo ni ina. Sinusumpa kita! Ibabalik kita sa impyerno kung saan ka nagmula!"

"Aba! May kakayahan kang sumumbat ng ganiyang kataga, kung hindi dahil sa akin ay hindi ka magkakaroon ng ganiyang kakayahan. Ang masaklap lamang ay mahina ka." Sumbat pa ni Alfonso sa anak.

Biglang uminit ang ulo ni Dolorosa sa narinig na sumbatan ng mag-ama, "Huwag mong pagsalitaan ng ganiyan si Liyong! Wala ka ngang ambag!" Pagkatapos ay mas lumapit pa siya hanggang sa umabot ang talim ng espada sa leeg ng Gobernadorcillo.

Agad na naitabig ni Alfonso ang espada sabay ngisi at agad na lumundag pataas. Namula ang kaniyang balintataw at agad na tumalas ang mga pangil.

Pumwesto si Dolorosa sa tabi ni Liyong at mahigpit ang kaniyang pagkakahawak sa espada. Pinaliyab ni Liyong ang dalawang kamay.

Agad na nilusob ni Alfonso ang dalawa at mabilis pa sa kidlat nang matamaan niya nang matulis na kuko ang braso ni Dolorosa na sanhi ng pagkapunit ng manggas nito.

Nang makita iyon ni Liyong ay buong pwersa niyang hinagisan ang ama ng malalaking apoy.

Puro ilag naman ang nagawa ni Alfonso ngunit sa ganoong pag-ilag ay nahulog ang pulang hiyas sa sahig.

Nag-uunahan na sila ngayon na makuha ang hiyas.

Napangiwi si Alfonso nang masugatan siya sa pisngi dulot ng pagkumpas ni Dolorosa sa espada para hindi siya makalapit. "Akin lang ang pulang hiyas!"

Napasakamay ni Liyong ang pulang hiyas ngunit nabitawan niya naman agad nang dambahan siya ng kaniyang ama.

Parang bumagal ang lahat nang makita ng dalaga ang pagbulwak ni Liyong ng maraming dugo sa bunganga. Napahawak ito sa kaniyang tiyan na may tumatagos na dugo sa damit. "Liyong!"

Kulob ang pagkakabagsak ni Liyong sa sahig ngunit sa kahit ganoong posisyon ay nagawa niyang patamaan ng apoy ang ama sa paa bago siya nawalan ng ulirat.

Hinahawi ng hangin ang buhok ni Dolorosa, nakikita niya mula sa bintana ang sinag ng namumulang buwan. Tila namamanhid na siya sa mga pangyayari lalo na at mag-isa na lamang siyang haharapin ang kalaban. Napapunas siya ng luhang namuo sa kaniyang mga mata at walang ano'y kinuha niya ang pagkakataon na lusubin ang Gobernadorcillong abala sa pagpatay ng apoy sa paanan. Wala na siyang pakialam kung ito na ang kaniyang huli.

Naramdaman ni Alfonso ang presensya ng dalaga kung kaya ay buong pwersa niya itong tinabig na sanhi ng pagkakatilapon nito at nabitawan ang hawak na espada.

Parang nabalian ng buto sa likod si Dolorosa nang tumama ang kaniyang likod sa natipak na bato, pinipilit niyang abutin ang espada ngunit sinipa lamang ito ni Alfonso. Doon ay naramdaman niya ang sakit ng hambalos sa kaniya nang bumuwelta ito ng suntok. Dumudugo na ang kaniyang ilong at bibig.

"Hangga't nasa akin ang pulang hiyas ay hindi niyo ako matatalo! Dahil sa kahuli-hulihang hininga ng mundong ito ay naririto pa rin ako! Hindi ako mamamatay, Dolorosa!" Pagmamalaking saad ni Alfonso pagkatapos ay inilapit niya ang sarili sa dalagang kulang na lang ay patayin siya sa tingin dahil sa sobrang talim.

Umuusog si Dolorosa at kinukuha ang pagkakataon na maabot ang espada sa hindi naman kalayuan. Nagulat lamang siya nang maramdaman niya ang hintuturo ng Gobernadorcillo sa gilid ng kaniyang labi. Kitang-kita niya kung paano lasapin nito ang dugong nanggaling sa kaniyang sugat.

"Masarap ang lasa ng iyong dugo," Nakangising sabi ni Alfonso, "Matamis at nais kong angkinin ang iyong buong pagkata---" Natigil siya sa pagsasalita nang biglaang bumakas ang malaking hiwa sa kaniyang dibdib. Napabitaw siya ng malalaking hininga at matalim na napatitig sa gawi ni Dolorosa na ngayon ay naangkin muli ang espadang kumikinang nang matamaan ito ng sinag ng buwan.

Hindi na hinayaan ni Dolorosa na saktan at babuyin siya ng Gobernadorcillio kung kaya ay hindi siya nagdadalawang-isip na ibaon ang espada sa dibdib nito.

Napapikit si Alfonso sa hapding nararamdaman. Pilit niyang hinuhugot ang espadang bumaon sa kaniyang dibdib ngunit hindi ito nahuhugot, ang palad ay nasusugatan na dahil na rin sa paghawak niya ng pilit sa bakal ng espada. "H-hindi..." Heto ang nakita niya sa hinaharap.

Unti-unting nagkakaroon ng malay si Don Xavier, nakita niya ang pagtatagpong iyon. Agad siyang napabangon at paika-ikang pinuntahan ang anak na ngayon ay tulala lamang habang tinitingnan si Alfonso na nahihirapan na sa sarili.

Napaluhod na ang Gobernadorcillo, ramdam na ramdam niya ang panunuot ng init sa kaniyang dibdib, doon niya napagtanto na ang espadang bumaon sa kaniyang dibdib ay galing sa Kongregasyon dahil sa simbolo nito sa hawakan. "Mahal k-ko ang aking anak... m-mahalin mo siya nang tunay." Ito ang kaniyang huling binitawang salita bago tuluyang bumulagta sa sahig at malagutan ng hininga.

"Natapos na rin, anak." Tanging nasambit ni Don Xavier sabay lapit sa wala ng buhay na Gobernadorcillo. Dinampot na niya ang pulang hiyas at tinitigan ito. Tumatagos ang repleksyon ng buwan sa batong rubi.

Napasulyap naman si Dolorosa sa gawi ni Liyong na ngayon ay natatamaan rin ng sinag ng buwan. Agad niyang nilapitan iyon at sinuri kung may pulso pa ba ito, "L-liyong... H-hindi... Paumanhin k-kung hindi kita nailigtas..." Naiiyak niyang sambit, lubhang kumirot ang kaniyang puso nang hindi na maramdaman ang pulso ng sinisinta, "Liyong, l-lumaban ka."

Mula sa muling pag-usbong ng pulang buwan ay naroroon ang mga taong lubos na nagtataka sa biglaang pag-iba ng panahon. Dumadagundong sa kalangitan ang kulog na nagmimistulang mensahe sa lahat.

Samantala, si Aurora naman ay napabulagta na lamang sa lupa, konting hakbang na lamang sana para maabot ang kinaroroonan ng mga bangka.

Si Marco na nagmistulang gwardya sa lahat ng mga taong naroroon ay napansin ang pagbagsak ng babae. Kahit pagod na siya sa kakalaban at may lubhang sugat na siya sa ibabang bahagi ng kili-kili ay hindi na niya iyon ininda, nais niyang lapitan ito pero narinig niya ang boses ni Olimpia mula sa kaniyang likuran.

"Ate!" Nabitawan ni Olimpia ang dalang espada at kumaripas nang takbo sa kinaroroonan ni Aurora, "A-ate..." Bakas sa kaniyang boses ang nginig at pagkabahala. Inalalayan niya ang likuran nito.

Napangiti ang nanghihinang si Aurora, "Sa h-huling pagkakataon ay nakita kitang muli, mahal kong kapatid," At pilit niyang inabot ang pisngi ni Olimipia na ngayon ay humihikbi na. "Huwag k-kang umiyak, s-sa aking paroroonan ako'y panatag na."

Hindi na maawat ang mga luha ni Olimpia, "S-sinundan mo ako, ate? H-hinanap? A-ate, h-hindi pwedeng mawala ka sa aking puder"

"Mahal na mahal k-kita, maganda kong kapatid..." Pagkatapos ay nagbitaw ng himig si Aurora na kaniyang kinakanta sa kapatid noong bata pa ito.

Hindi na maawat ang luha ni Olimpia, hanggang sa nakita niyang unti-unting pumikit ang ate. "H-hindi!"

Natunghayan iyon ni Marco at Adrian, hindi nila magawang lapitan ang dalawa dahil kahit na sila'y nagdadalamhati rin.

NANG lumapit si Don Xavier sa gawi ni Dolorosa at Liyong ay bigla siyang nabalutan ng konsensya, kung kaya ay kinuha niya ang piraso ng basag na porselana at sinugatan ang pulsuhan ng anak.

Bakas sa mata ni Dolorosa ang pagkabigla. Hindi na siya umangal nang itinapat ng kaniyang ama ang pulsuhan niya sa bibig ni Liyong.

"Nawa'y gumana," Nagbabakasakaling pakli ni Don Xavier.

Napapikit si Dolorosa at may mga butil ng luha ang umagos sa kaniyang pisngi. Hindi niya maipaliwanag ang pagmamahal niya kay Liyong kung kaya ay kahit pa anong paraan ang gawin upang mabuhay ito muli ay gagawin niya.

Ngunit ilang minuto na ang lumipas ay wala pa ring bakas ng buhay si Liyong. Napayuko na lamang si Don Xavier at napailing.

"L-liyong? Ama? B-bakit hindi pa nabubuhay si Liyong?" Nababahalang tanong ni Dolorosa, "Liyong! Gumising ka!"

"Dolor-"

"Ama, h-hindi pwedeng mamatay si Liyong!" Sinapo na niya ang magkabilang pisngi ng binata, namumutla na ito.

Napahagulgol si Dolorosa at napayakap kay Liyong, lahat ng alaala nilang dalawa ay bumabalik, lahat ng kanilang pinagdaanan ay tila isang sirang plaka sa kaniyang isipan. "Mahal na mahal kita, Liyong. Higit pa sa buhay ko." Tanging naibulong niya.

----

Featured Song:

(Ito ang tono ng humming ni Aurora bago siya binawian ng buhay)

You'll Be Safe Here by Rico Blanco

(Randam niyo na ba ang pagtatapos? Kasi ako, oo. 😭)

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro