Kapitulo - XL
BUMULAGTA at wala ng buhay sa lupa ang isang bampirang nagbabantay sa likurang bahagi ng mansyon ng mga Echeverria. Tuluyan itong naging abo na hindi man lang nababakasan ng ebidensyang may napaslang.
Dahan-dahan na hinakbang ni Don Xavier ang mga paa patungo sa mansyon. Nakasuot siya ng itim na talukbong at sinamantala ang katahimikan ng hatinggabi. Hindi alam ng kaniyang esposa at mga anak ang kaniyang mga plano. Isang buwan na silang nanahimik at hindi na niya maatim ang kalagayan sa bayan na ngayon ay mas lalong lumala na ang pagkawala ng mga dalaga, hindi lang sa sariling bayan kundi sa ibang nayon.
Naging tikom din ang bibig ng ibang mga opisyales sa ibang nayon at may awtoridad, marahil ay may pagbabantang ginawa ang gobernadorcillo.
"Mabuti at naisipan mong gumawi rito sa mansyon, Leopoldo."
Natigilan si Don Xavier sa narinig. Napatago siya sa isang pader at sinamantala ang pananatili upang makinig sa usapan. Hindi niya maintindihan ang nararamdaman at wala siyang ideya kung bakit naririto ang binata na kung kahapon lamang ay masaya silang nag-uusap. "Mukhang tinatraidor ako ni Liyong?" Saad niya sa kaniyang sarili pagkatapos ay nakinig siyang muli.
"Ano na ba ang maging pasya mo, anak? Ikaw ay aking pinapatawad sa iyong naging kasalanan." Saad pa ni Alfonso sabay tayo sa pagkakaupo at nilapitan ang anak.
Hindi umimik si Liyong bagkus ay ngumiti ito ng nakakaloko.
"Kung nais mong umanib ay ipaghahanda ko ahora mismo ang mga ritwal para maging isang ganap kang bampira," Litanya muli ni Alfonso. "Alam kong pinagsawaan mo na rin ang anak ni Don Xavier. Masarap ba ang isang taong-lobo, Leopoldo?"
Napapikit si Liyong at pinipigilan na masukot sa sinasabi ng ama. Kailangan niyang manatili sa pagiging kalmado.
Samantala, sa narinig ni Don Xavier ay hindi niya maiwasan na sumilip at pagmasdan ang dalawa. Kumukulo na ang kaniyang dugo at nais nang sugurin ang mga ito.
"Magiging kaanib niyo ako." Biglang sambit ni Liyong sabay tayo, "Pero sa isang kondisyon..."
Napataas ang isang kilay ng gobernadorcillo sa tinuran ng binata.
"Ayaw kong maging bampira. Kung mamamatay man ako ay wala akong pakialam." Matigas na turan ni Liyong.
Naningkit ang mga mata ni Alfonso dahil sa sinabi ni Liyong, umarkong pababa ang kaniyang bibig at tumango-tango na lamang. "Bueno, kung iyan ang iyong nais ay tinatanggap ko. Anak pa rin kita kung kaya ay hahayaan ko ang iyong pagpapasya."
Napahinga nang malalim si Liyong at nanalangin gamit ang isipan na nawa'y tulungan siya ng Panginoon sa planong gagawin.
Mula sa itaas ay nakadungaw lamang si Celia habang may pagnanasang nakatingin sa binata. Lubos na nasiyahan siya noong gabing nahila niya ang buhok ng babaeng sinasabi ni Emilia na iniibig ni Liyong.
Sa kabilang dako, sobrang dismayado si Don Xavier sa nakita. Nais niyang balaan si Dolorosa na layuan si Liyong. Tinuring na nilang isang kapamilya ang binata pero ito ang naibalik sa kanila.
Tumayo na si Liyong at tinanggap ang kamay ng ama na ngayon ay nais magkamayan sa kaniya, "Salamat, ama." Saad niya pa rito kahit na sukdulan na ang kaniyang pagkasukot sa mga tinuran.
MADALING araw na nang makabalik ng balwarte si Don Xavier dala ang bigat na nararamdaman. Kahit na maginaw ang paligid dulot ng hamog sa madaling araw ay nangingibabaw ang init ng kaniyang ulo.
Nang makapasok sa tahanan ay mabuti na lamang at hindi pa nagigising ang esposa. Tumungo siya agad sa kaniyang silid-pagamutan at doon ay agad na hinubad niya ang itim na talukbong at tumungo sa isang tukador na naglalaman ng mga vino. Agad niyang nilagok ang likido sa isang bote at pabagsak na inilagay ito sa bakanteng mesa.
"Ano ba ang nais ng binatang iyon? Marahil ay tila isang kalapastanganan kung maituturing." Aniya, pagkatapos ay napaupo sa isang upuan, "Pero pwede ring isang hakbang ito para kalabanin ang kaniyang ama?"
Naguguluhan na ang don sa mga kinikilos ni Liyong.
"Huwang ka pong mag-alala, Don Xavier. Pangako ko sa inyo na matatapos din ang dagok na ito na kagagawan ng aking ama." Ani Liyong sabay ngiti.
Napailing si Don Xavier sa bumalik na alaala sa kaniyang isipan. Sa muli ay pinanghawakan niya ang sinabi ng binata at pinakalma ang sarili.
"Mahal na mahal ko po ang iyong anak, kung kaya ay gagawin ko ang lahat para makatulong dito sa barrio Querrencia."
Napahinga nang malalim ang don at pinagmasdan na ngayon ang mga espadang ginamit nila sa pag-eensayo.
KINAUMAGAHAN, gumawi si Liyong sa kusina ng mansyon at pinagmasdan ang ginagawa ng mga katulong. Lubos siyang nakokonsensya dahil napatagal ang sinabi niyang papatakasin niya ang mga ito.
"Pasensya na po!" Natatarantang saad ng lalaking payat nang masagi ng isang balde ang paanan ni Emilia at nabasa ito.
Natuon na ngayon ang paningin ng mga alipin sa gawi ng dalawa.
"Punyeta! Mag-ingat ka nama---" Natigil si Emilia sa paghampas ng abaniko sa lalaking payat nang mapansin si Liyong na pinigilan siya.
Kitang-kita ni Liyong ang malaking umbok sa tiyan ni Emilia, pagkatapos ay naramdaman niya ang pwersang pagbawi ng tiyahin sa kamay nito na kaniyang hawak.
"O? Leopoldo! Aba'y bumalik ka rin dito." Sarkastikong saad ni Emilia.
Napatiim bagang si Liyong at agad na itinuon ang pansin sa lalaking payat. Tinulungan niya itong makatayo mula sa pagkakaluhod.
Walang nagawa si Emilia kundi ang umalis na nakataas-noo na tila isang reynang walang kapantay.
"Pasensya na sa naging ugali ng aking tiyahin." Wika ni Liyong sa kanila.
"Sanay na po kami." Halos pabulong na saad ng isang dalaga.
Napahinga nang malalim ang binata at nakaramdam ng sobrang awa sa kanila.
SA isang malaking silid na kung saan laging namamalagi ang gobernadorcillo ay naroroon siya at pinagmamasdan ang mga babaeng nakahubad sa kaniyang harapan.
"H-huwag niyo p-po akong patayin. Ibibigay k-ko po lahat ng nais niyo." Pagmamakaawa ng babae sa harapan ng gobernadorcillo.
"Talaga?" Malumanay na katanungan ni Alfonso at bahagyang inangat ang mukha ng dalaga. Napangisi siya dito dahil halatang galing sa marangyang pamilya ito.
"O-opo." Desperadang saad ng dalaga.
Napatingin muli si Alfonso sa limang kababaihang nasa harapan niya na nakaluhod habang nakayuko at walang imik.
"Ano ang iyong ngalan?"
"Aurora. Aurora ang aking ngalan."
Napangisi ang gobernadorcillo, sabay haplos sa pisngi ng dalaga. "Bueno, Aurora, may iuutos ako sa'yo. Kapag hindi mo ito nagawa ay alam mo na ang magiging kahihinatnan."
Mabilis na napatango ang dalaga, "K-kahit ano, senyor!"
Ngumisi muli si Alfonso at tumango sa dalawang lalaki na nakatayo malapit sa pintuan, "Kayong dalawa, pumarito kayo." Utos niya sa dalawa. "Bihisan niyo siya ng marangyang kasuotan."
"Sí, Supremo. Paano po ang naiwang limang babae?" Tanong isang lalaki na may kalakihan ang katawan at nakasuot ng maitim na kamiso de tsino.
"Dalhin niyo sila sa mga duké, nang sa gayon ay pagsawaan sila." Mahinahong tugon ni Alfonso. Pagkatapos ay inilipat ang paningin kay Aurora. "Hija, ito ang aking utos, manmanan mo ang aking anak na si Leopoldo, kung maari ay nais kong akitin mo siya nang sa gayon ay masabi niya ang lahat ng sekreto."
Napakunot-noo at naguluhan si Aurora sa sinabi ng gobernadorcillo. Hindi niya pa nakikita ang sinasabing anak nito at hindi rin siya magaling mang-akit ng lalaki.
"May problema ba, Aurora?"
Natauhan ang dalaga sa naging katanungan ni Alfonso. Agad siyang napatango, "W-wala po. Masusunod po ang inyong nais, S-supremo."
"Magaling." Ikling sabi ni Alfonso sabay lagok ng dugo na nasa loob ng kupita.
INILIBOT ni Liyong ang paningin sa dating silid. Pagkatapos ay nilingon muli ang pintuan na ngayon ay may kumakatok.
"Sino 'yan?" Walang sumagot kung kaya ay mas lumapit pa siya at sinilip ang maliit na butas ng pintuan. Hindi niya maaninag ang mukha at tanging leeg nito ang nakikita. Pero alam niyang babae ito.
Kumatok muli ang nasa labas. Hindi na nakatiis si Liyong kung kaya ay binuksan niya na lamang ito. Nagulat siya nang bigla siyang itinulak nito nang malakas. "Celia?!"
Dali-daling sinirado ng dalaga ang pintuan at nilapitan niya si Liyong na ngayon ay sinusubukan na makatayo mula sa pagkakaupo nito sa sahig.
"Ano ang iyong nais? P-pwede naman na kausapin mo ako, bakit may pagtulak pa?" Naiinis na turan ni Liyong.
"May malaking kasalanan ka pa sa akin!" Buwelta ni Celia sabay palit ng pulang balintataw sa mga mata.
Naitaas ni Liyong ang dalawang kamay na tila sumusuko, "Pasensya na. Padalos-dalos kasi ang inyong kilos, nais ko lang naman na---"
"Nakakapagtaka ang iyong kinikilos ngayon! Kung dati ay gusto mong tumiwalag sa amin at kalabanin pero ngayon tila isa kang tupa na nais magpaangkin sa isang pastol!" Suspetsa pa ni Celia sa binata.
Napabuga ng hangin si Liyong at napailing bago magsalita. "Anak ako ng gobernadorcillo, alam ko ang aking ginagawa. Para lamang ito sa kapakanan nating lahat. Kailangan kong makita kung saan mahina ang mga taong-lobo,"
Unti-unting nawala ang pangungunot sa noo ni Celia at napalitan ng paniningkit sa mata, "Ako ba'y iyong binibilog?! Akala ko ba'y mahal na mahal mo ang unica hija ni Don Xavier?"
Natigilan si Liyong at pasimpleng napasulyap sa gawi sa labas ng bintana na kung saan may isang uwak na nakapatong sa sanga at may papel na nakaipit sa tuka nito. "Patay mukhang nagpadala na ng liham si Marco at Adrian!"
"Sumagot ka, Leopoldo!" Singhal ni Celia sa binata.
Umaatras si Liyong palapit sa bintana at napalunok ng laway dahil tila isang tigre ang kaharap niya ngayon, "B-bakit mo ba tinatanong iyan?"
Humakbang paabante si Celia patungo sa binata. Umaatras din si Liyong hanggang sa naramdaman na niya ang matigas kahoy sa bintana.
"Hindi ba't ang babaeng iyon ang dahilan kung bakit tumiwalag ka sa amin?!"
Hindi makaimik si Liyong bagkus ay mas natuon pa ang kaniyang isipan ngayon sa uwak na nanatiling nakapatong sa sanga ng kahoy.
Biglang hinila ni Celia ang kwelyo ni Liyong at akmang hahalikan na niya ito pero malakas siyang naitulak nito at kitang kita niya kung paano sumirko at nalaglag si Liyong sa bintana.
Napaigik ang binata nang bumagsak siya sa lupa. Nanlabo ang kaniyang paningin pero naaninag niya pa na may lumapit sa kaniya na isang babae na inilahad ang palad.
Wala ng lakas si Liyong para tanggapin ang kamay ng babae. Matindi ang pagkakabagsak niya sanhi ng pagkawala niya ng malay.
"KUYA, wala pa bang balita kay Ginoong Liyong?" Tanong ni Adrian kay Marco na abala sa pagtatali ng mga malalaking baging sa bangka.
Kasalukuyan silang naghahanda ng mga sampung bangka sa tagong ilog ng Barrio Querrencia na kadugtong sa malaking ilog ng San Fernando. Ang mga bangka ang magsisilbing sakayan ng mga katulong ng mga Echeverria para makatakas.
"Nababahala na ako, isang oras na ang nakalipas magmula noong nagpadala ako sa uwak ng liham," Tugon ni Marco na natigil sa ginagawa. "Ano na kaya ang nangyari sa kaniya?"
"Ba't ba kasi hindi natin ito sinabi kay ama? Kapag nariyan si ama, tiyak na mas doble ang ating lakas." Nababahalang saad ni Adrian.
Napailing naman si Marco, "Matanda na ang ating ama. Tayong mas may kaya pa ay kailangan natin na tayo mismo ang gumawa ng mga hakbang,"
Napasandal si Adrian sa dulo ng bangka at napahalukipkip. Hindi siya makaimik dahil may punto naman ang kaniyang kuya.
"Baka mamaya ay babalik muli ang uwak na may dalang tugon ni Ginoong Liyong." Dagdag pa ni Marco at pinatuloy na ang ginagawa.
Napataas na lamang ang dalawang kilay ni Adrian at tinulungan na lamang ang kapatid.
NANLAKI ang mga mata ni Dolorosa habang nakikibasa sa liham na ngayon ay hawak ng kaniyang ama. Napatabon pa siya ng bibig at namumuo na ang mga luha sa kaniyang mga mata.
Ayon sa sulat ay nawawala si Immaculada, hindi na nila mahagilap sa sarili nitong silid kaninang umaga.
"Ama, hindi man sa nag-iisip ako ng negatibo, p-pero mukhang dinagit ng mga bampira si Imma." Nababahalang saad ni Dolorosa.
Hindi umimik si Don Xavier, bagkus ay tumayo siya at isinuot ang sombrerong nakapatong sa mesa.
"Ama? Saan ka pupunta? Sa bayan?" Natatarantang katanungan ng dalaga. "Ama---"
"Dolor, hayaan mo ako. Dito ka lang." Seryosong wika ni Don Xavier.
Bumitaw si Dolorosa sa pagkakahawak sa bisig ng kaniyang ama. "Delikado kung ikaw lang ang mag-isa, ama. Tatawagin ko sila kuya---"
"Dolor, pakiusap..." Pigil pa ng don. Napatingala pa siya sa gawing hagdanan nang mapansin ang asawa na nagmamadaling makababa.
"Bakit? Ano ba ang nangyayari?" Natatarantang tanong ni Doña Araceli.
Napatitig si Don Xavier sa mga mata ng esposa pagkatapos ay agad na tumalikod at lumabas ng tahanan.
Tila natuod si Dolorosa sa kinatatayuan habang pinagmamasdan ang ama na lumalayo sa kanila. Naramdaman na lamang niya ang ina na humaplos sa kaniyang balikat.
NAIDILAT ni Liyong ang kaniyang mga mata. Inilibot niya ang paningin sa paligid, napansin niyang nasa sariling silid na siya. Nasapo niya ang kaniyang noo at naramdaman ang bendang nakapalibot sa kaniyang ulo. Napansin din niyang nag-iba na rin ang kaniyang kasuotan. Nakasuot na siya ng damit na kwelyado, may mataas na manggas at medyo kita ang kaniyang dibdib.
Napansin niyang muli ang uwak na nakapatong na sa bintana. Kahit na masakit ang kaniyang likod ay pinilit niyang makabangon at lumapit sa ibon.
Agad niyang kinuha ang papel sabay buklat at binasa ang mensahe.
Ginoong Liyong,
Naihanda na namin ni Adrian ang sampung bangka na kakailanganin mamayang alas siyete ng gabi.
Marco
Napatingin si Liyong sa orasan na nasa itaas na bahagi ng tukador. Tumatama na ito sa alas sais. Nabuhayan siya ng ulirat, "Patay! Isang oras na lamang ang natitira! Putang--"
"Leopoldo?"
Bahagyang nagulat ang binata sa presensya ng isang babae. "K-kilala ba kita, binibini?"
"Ako ang tumulong sa iyo kanina," Kalmadong tugon ni Aurora.
"Ah- salamat. Ah--- ba't naparito ka?" Naiilang na katanungan ng binata. Hindi niya alam ang maaaring sabihin sa mga babaeng hindi niya kilala, hindi siya marunong paano makipag-ugnayan.
"Nais ko sana-" Naputol ang nais sabihin ni Aurora nang marinig nila ang malakas na tili ng isang babae sa labas.
Agad na kumaripas ng takbo si Liyong upang makiusyuso sa mga nangyayari. Naningkit ang kaniyang mata nang makita ang babaeng pamilyar na pamilyar sa kaniyang paningin.
Samantala, nagpupumiglas man si Immaculada ay hindi iyon sapat para makawala sa dalawang lalaki na may hawak sa kaniya.
"Masyadong presko. Magaling ang inyong pagkakapili!" Nasisiyahan na saad ni Alfonso.
Matalim na nakatingin si Immaculada sa kanila. Si Liyong naman ay hindi napigilan ang sarili na tumikhim. Hindi siya nagkakamaling kaibigan ito ni Dolorosa.
Napatingala ang lahat sa gawi ni Liyong. Gulat na gulat si Immaculada sa nakita, hindi niya alam kung matutuwa ba siya dahil alam niyang kasintahan ito ni Dolorosa at may malaking posibilidad na makatakas siya o magagalit dahil nandirito ito at nakianib sa mga bampira.
"Leopoldo! Aking unico hijo!" Nagagalak na saad ni Alfonso, "Pumarito ka upang samahan kami na kilalanin ang babaeng ito."
Napasulyap naman si Liyong sa dalagang nasa likuran niya, pagkatapos ay bumaba na siya upang sundin ang nais ng kaniyang ama.
Sinundan naman ng tingin ni Immaculada ang binata na ngayon ay nakatitig din sa kaniya na tila may pinahihiwatig.
"Maganda ang dalagang ito, Liyong. Marahil ay kailangan ko na rin ng bagong makakapagsaya ng aking gabi." Nakakalokong saad ni Alfonso.
Pasekretong naiyukom ni Liyong ang kamao. "Marahil nga" aniya na tila sumasang-ayon sa sinabi ng ama.
Nanlaki ang mga mata ni Immaculada sa narinig. Tila binuhusan siya ng malamig na tubig sa katawan, "Patayin niyo na lang ako!" Singhal pa niya. "Ikaw, Leopoldo! Nagtiwala ako sa'yo para sa kaibigan ko!"
Napataas ang kilay ng gobernadorcillo sa narinig at agad na tiningnan si Liyong, "Magkakilala kayo?"
"Hindi. Ngayon ko lang nakita ang babaeng iyan. Walang katuturan ang kaniyang sinabi, tila nawala na siya sa tamang huwisyo." Seryosong saad ni Liyong, "Maiwan ko muna kayo, kumikirot ang aking ulo." Sabay talikod nito sa kanila para makaakyat. Ni hindi man lang siya lumingon muli dahil nakonsensya siya sa mga tinuran.
"Liyong!" Galit na tawag pa ni Immaculada pero hindi na siya pinakinggan ng binata.
Nang makaakyat si Liyong ay dumiretso siya sa silid, bago pa man niya isarado ang pinto ay may pumigil, "Bakit?" Naiinis na tanong niya sa babaeng bigla na lamang sumulpot sa kaniyang silid kanina.
Buong pwersa na tinulak ni Aurora ang pintuan para siya makapasok. Pagkatapos ay siya na mismo ang nagsara nito.
Naningkit ang mga mata ni Liyong nang makitang may balak gawin sa kaniya ito, "Ano'ng gagawin mo?"
Hinaplos ni Aurora ang dibdib ng binata. Hindi niya mapigilan na mabighani sa taglay na kakisigan nito, mula sa mata nitong nakakaakit at sa mukhang maayos ang pagkakahulma.
Nanlaki ang mata ni Liyong at agad na tinapik ang kamay ng babae pero nagulat siya nang hilain ang kaniyang kwelyo. Muntik na silang magkahalikan ngunit bumitaw muli ang babae at napaupo sa sahig na tila hindi makapaniwala sa nagawa.
"P-patawad..." Naiiyak na sambit ni Aurora, "Hindi ko kaya ito, Ginoong Leopoldo. Naatasan lang ako ng iyong ama na ikaw ay aking akitin. P-pero hindi ko kaya, kargo de konsensya ko ito sa aking kasintahang nasa Alemanya."
Napakagat ng labi si Liyong at nakaramdam ng awa sa babae, "Ano ang iyong ngalan?" Pagkatapos ay tinulungan niya itong tumayo.
"Ako si Aurora. A-alam kong may mabuti kang kalooban, t-tulungan mo akong makatakas dito." Saad ni Aurora. Garalgal ang kaniyang boses at nawawalan na ng pag-asa, "Pero kapag isusumbong mo ako sa iyong ama sa hindi ko paggawa ng kaniyang nais ay handa akong harapin ang aking kamatayan."
"H-hindi. Hindi ka mamamatay. Lahat kayo makakaligtas dito. Magtulungan tayo." Ani Liyong kay Aurora at napasulyap sa orasan na tumatama na sa alas sais y media. "May tatlongpung minuto na lamang tayong natitira, Aurora."
"A-ano? P-paano?" Hindi makapaniwalang saad ng dalaga.
"Ito," Ani Liyong sabay siksik ng kamay sa bulsa upang makuha ang nakasilid na tila abo sa limang maliliit na bote, huminga muna siya nang malalim dahil akala niya'y nabasag ito kanina nang mahulog siya. "Gamitin mo 'yan upang lasunin ang mga gwardiya. Magpanggap kang katulong na naatasan na magbigay ng mga vino."
"Saan galing 'to?"
"Gawa iyan ng isa sa mga anak ng pinuno ng mga taong-lobo." Diretsong saad ni Liyong.
Doon ay nabuhayan si Aurora ng kalooban, "Sige, susundin ko. Ano pa ang gagawin?"
"Bulungan mo ang lahat ng mga katulong na tatakas tayo." Ani Liyong at agad na nakita niyang tumango si Aurora. Pero, nagulat siya nang medyo winaksi ng babae ang tela na nakatakip sa dibdib nito. Napapikit siya.
"Pasensya na, ginawa ko ito para kunwari may nangyari sa atin upang mapaniwala natin ang iyong ama." Seryosong saad ni Aurora at agad na binuksan ang pintuan para lumabas.
Napamulat naman si Liyong ng mga mata nang maramdaman na wala na ang presensya ni Aurora. Napahinga siya nang malalim at agad na tumungo sa mesa upang magsulat ng liham para itugon sa dalawang magkakapatid.
ALIGAGA si Dolorosa sa loob ng silid. Hindi siya mapakali at kanina pa siya pabalik-balik sa durungawan at nagbabakasakaling bumalik na si Liyong. Nagpaalam ito kahapon na may nais bilhin sa bayan pero hanggang ngayon ay hindi pa nakakauwi.
Naisipan na lamang niya na bumaba at pumunta sa silid- pagamutan ng ama. Nadatnan naman niya ang ina na abala sa paghahanda ng pagkain sa mesa.
"Napansin mo ba ang iyong dalawang nakakatandang kapatid, Dolor?" Tanong ni Doña Araceli nang mapansin ang anak na nagmamadaling makababa ng hagdan.
Natigilan naman si Dolorosa. Napalingon siya sa gawi ng ina, nagtaka na rin siya kung bakit hindi niya rin mahagilap ang kaniyang kuya Marco at kuya Adrian ngayong araw. Nakukutuban na siya na may ginawa na naman ang tatlo na hindi siya pinaalam.
"Dolor?"
Natauhan si Dolorosa, "Ah- hindi ko po alam, ina. Marahil ay uuwi lang ang mga iyon mamaya."
"Saan ka pala pupunta?" Pag-uusisa pa ni Doña Araceli sa anak.
"Sa silid-pagamutan ni ama po." Diretsong tugon ni Dolorosa at hindi na hinintay pa ang nais sabihin ng ina.
Nang makapasok na siya sa silid-pagamutan ay agad na napatingin ang kaniyang mga mata sa tatlong espadang nakalagay sa lalagyan at nakasabit sa dingding. Tila tinatawag siya ng mga ito. Agad niyang kinuha ang espadang galing sa kongregasyon, pinagmasdan niya ito at napansin ang pagkinang ng pulang bato na nakabaon sa gitna ng hawakan.
"Paano na si Ginoong Liyong? Hindi na ba matutuloy ang plano? Malapit na ang alas siyete."
Pinakiramdaman ni Dolorosa ang gawing bintana, naririnig niya ang boses ng kaniyang kuya Adrian. Idinikit niya ang tenga sa pader malapit sa bintana.
"Huwag tayong mawalan ng pag-asa. Marahil ay hindi nagtugma ang oras sa ating plano pero nararamdaman kong mangyayari ang lahat. Alam naman natin na hindi basta-basta ang pinasok ni Ginoong Liyong. Nagkunwari siyang nagbalik-loob sa kaniyang ama."
Nanlaki ang mga mata ni Dolorosa, agad niyang pinaikot sa beywang ang pangsukbit ng espada. Agad siyang pumunta sa likurang bahagi ng pintuan na matatagpuan lang din sa silid-pagamutan.
"Maghihintay na lamang tayo sa tugon ng uwak. Malay natin, baka dumating bigla yung mensahe." Saad ni Marco. Alam na alam niyang hindi sila bibiguin ni Liyong kung kaya ay winawaksi niya sa kaniyang isipan na hindi matutuloy ang lahat ng kanilang mga plano.
"Anong mensahe? Anong plano?" Seryosong pag-usisa ni Dolorosa sa dalawang kapatid. "Bakit hindi ko alam 'to?"
Nagitla ang dalawa sa presensya ni Dolorosa. Nagkitinginan pa sila na tila isa lamang ang kanilang konklusyon.
"Dolor, pasensya na pero labas ka muna sa planong it---"
Hindi pinatapos ng dalaga ang pagsasalita ng kaniyang kuya Marco, "Ano? Labas ako sa planong ito? Hindi pa naman ako baldado para hindi makagawa ng mga hakbang kung patungkol man ito sa mga kalabang bampira."
"Mas mainam na siguro na isama na lamang natin si Dolorosa, kuya. Tatawagin ko sila Kalayaan at Kahimanawari na samahan muna si ina sa bahay," Suhestiyon pa ni Adrian, "Para hindi maghinala si ina na may mga plano tayo ngayong gabi."
"Si ama..." Makahulugang sambit ni Dolorosa "Mukhang nasa bayan. Tiyak na may ibang plano iyon. Nadukot kasi si Immaculada."
"Ano?!" Sabay na wika ng dalawa na ikinalaki ng kanilang mga mata.
"Hindi nga malabo na nasa kamay ng mga bampira. Sino lang naman pala ang may pasimuno sa pagdukot ng mga dalaga sa bayan? Malamang iyong baliw na ama ni Liyong" Mataray na saad ni Dolorosa, "Kung kaya ay isama niyo na ako." Aniya.
Napatango si Marco bilang pagsang-ayon, "Ano pa ang hinihintay natin? Tayo na at magsimula ng gawin ang plano."
"Kuya! Ang uwak!" Nagagalak na saad ni Adrian sabay turo sa hintuturo sa gawi ng uwak.
Pumatong ang uwak sa balikat ni Marco dala ang isang papel na nakasingit sa tuka. Pagkatapos ay binasa nilang tatlo ang nakasaad sa liham.
"Magsisimula na." Nakangiting saad ni Marco.
"Baka maari akong makatulong?"
Napalingon silang tatlo sa gawi ni Olimpia. Napangiti na lamang sila dahil may tiwala sila sa dalaga at naging magaling na ito sa paghawak ng espada.
MATAPOS na gawin ni Aurora ang utos ni Liyong na lasunin ang mga gwardiya ay tumungo siyang muli sa kusina upang ipagpaalam sa mga katulong ang patungkol sa pagtakas. "Dadaan tayo sa likurang bahagi ng mansyon. Mas madali lamang dahil malapit sa ilog kung saan nag-aabang ang sampung bangka."
Napatango-tango ang tatlong katulong sa naging saad ni Aurora.
"Pasekreto lamang ang inyong pagsabi na hindi nahahalataan ni Emilia. Mag-ingat kayo sa pagpasa ng impormasyon." Halos pabulong na saad niya sa mga katulong na agad naman tumango.
Samantala, si Liyong naman ay dahan-dahan na tumungo sa silid ng ama. Nakabukas ang pintuan nito at nakita si Immaculada na nakatali ang kamay nito sa magakabilang poste ng kama at may busal ang bibig.
Napansin ni Immaculada ang anino na sa kaniyang palagay ay hindi sa gobernadorcillo. Nanlaki ang kaniyang mga mata nang makita si Liyong. Agad siyang nagpumiglas at pilit na magsalita kahit may nakalagay na tela sa kaniyang bibig.
"Huwag kang maingay!" Mariin ngunit pabulong na pagkakabigkas ni Liyong sabay lapit sa dalaga. "Hindi talaga ako kakampi ng mga bampira."
"Ano? Iniligay mo pa ako sa bingit ng kamatayan kanina! Isusumbong talaga kita kay Dolor!" Naiinis na bulong ni Immaculada nang matanggal ng binata ang busal sa kaniyang bibig.
Ngumisi lamang si Liyong, "Sumabay ka na lamang sa agos, binibini." Saad niya at agad na hinukas ang tali sa mga kamay ng dalaga, "Sumunod ka lang sa akin at huwag kang hihiwalay nang sa gayon ay maliligtas ka."
Tumango-tango na lamang si Immaculada kay Liyong bago bumalikwas sa higaan.
Sa kabilang banda, abala ang lahat sa mga gawain sa kusina na tila walang nangyayaring bulungan at pasahan ng mga mensahe. Naghahanda sila ng pagkain para sa hapunan.
Si Aurora naman ay tinipon ang mga dalagita sa isang sulok ng kusina at nagkukunwaring nagluluto pero sa totoo ay nilalagyan nila ng lason ang mga inuming dugo.
Pumasok si Emilia sa kusina at halatang-halata sa kaniyang mukha ang pagkasuklam, "Sino si Aurora?! Ikaw?!" Turo niya sa babaeng nagwawalis.
"H-hindi po."
"Ikaw?!" Turo niya muli sa dalagang nagpupunas ng plato.
"Hindi po, binibini."
"Walang magsasabi?!" Sa inis ni Emilia ay hinila niya ang isang babaeng nasa edad kwarenta at agad na dinampot ang matalim na kutsilyo, pagkatapos ay ginilitan niya ito sa leeg. Bumagsak ito sa sahig at napapaubo habang tumatalsik ang dugo nito.
Nagulantang ang lahat sa nakita.
"S-siya p-po!" Bakas sa boses ng isang lalaki ang takot nang maituro si Aurora.
Abot hanggang langit ang hilakbot ni Aurora sa mga oras na ito.
"Ikaw lang pala! Hija de puta!" Singhal ni Emilia at hinila ang buhok ni Aurora at binalibag sanhi ng pagtama ng noo nito sa semento.
Nakaramdam ng hilo si Aurora. Nalasahan niya ang dugo na tumagas mula sa kaniyang noo papunta sa kaniyang labi.
"Ang dami talagang tanga rito!" Bulyaw muli ni Emilia sabay hila muli ng buhok ni Aurora. "Akala niyo hindi ko malalaman ang mga plano niyong bulok?!"
Kanina lamang ay nasa palikuran ng kusina si Emilia habang dumuduwal. Minsan ay hindi niya makontrol ang sarili kapag nahihilo, lubhang malakas kumuha ng enerhiya ang batang nasa sinapupunan niya. Noong una ay gusto niyang ipalaglag ito ngunit pinigilan siya ni Alfonso.
Natigil siya sa ginagawa nang may kumatok. Hindi siya umimik.
"Sabi ni binibining Aurora ay maghahanda tayo para sa pagtakas dito sa mansyon. Bilisan mo riyan, dapat makaligtas tayo."
Napatiim bagang si Emilia sa narinig. Inayos niya ang sarili sabay sabing, "Sige."
Hindi naman nahalata ng katulong ang boses na nasa loob ng palikuran dahil mukhang nagagalak ang pagmkakasabi nito.
Tinitiis ni Aurora ang sakit sa ulo na halos humiwalay na ang buhok sa kaniyang anit.
"Ang magaling kong pamangkin ba ang nasa likod nito, Aurora?!"
"Hindi!" Ani Aurora, ayaw niyang madamay si Liyong, kahit siya na lamang ang mamatay.
"Aba! Matigas kang babae ka!" Akma na niyang ibalibag muli ang dalaga ngunit nakaramdam siya ng init.
Nakawala si Aurora sa mga kamay ni Emilia. Kitang-kita niya paano masunog ang mukha nito.
Nagsisigaw si Emilia sa init at natataranta na makakuha ng tubig para mahilamos sa kaniyang mukhang nagbabaga na sa apoy.
Nagkagulo ang lahat at halos hindi na magkamayaw kung saan lalabas dahil kumakalat na ang apoy sa paligid.
Si Aurora na kahit hirap na hirap ay nagawa pang tumulong sa mga katulong para makatakas at makalabas. Nakita niya si Liyong, hindi siya makapaniwala sa nasaksihan. Nababalutan ng dagitab ng apoy ang buong katawan nito.
SA kailaliman ng mansyon ay nakaramdam si Alfonso ng mga maraming pagdabog at yapak sa itaas na bahagi.
"Mukhang may hindi tama." Saad ng isang duké na nakaramdan na rin ngayon ng mga kaguluhan.
Dinampot ni Alfonso ang pulang hiyas at isinuot ito sa kaniyang leeg. "Saan ba ang mga gwardiya?!"
Tamang-tama rin ang pagdating ni Celia, hapong-hapo siya at pinagpapawisan. "Patay na ang mga gwardiya, Supremo!"
Biglang naging pula ang balintataw ni Alfonso. Idinikit niya ang kaniyang palad sa pader at nakita ang mga pangyayari sa hinaharap. Nag-iba ang kaniyang ekspresyon sa mga nakita.
"A-ano ang iyong naki-" Hindi natapos ng duké ang pagsasalita nang biglang may lumusot na kamay na may matatalas na kuko mula sa kisame at hinugot ang kaniyang ulo.
Gumulong ito sa paanan ni Celia at hindi makapaniwala sa nakita, "Ama!"
Doon ay tila bumagal ang mundo ni Alfonso sa natunghayan.
-----
A/N: HELLO! matagal-tagal din ang aking hindi pagpaparamdam pero hindi ako ghoster ha. Hahahaha! Nawa'y nag enjoy kayo sa kabanatang ito.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro