Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kapitulo - XIX

HABANG nasa hapag-kainan ang pamilya Sarmiento ay napag-usapan nila patungkol sa babaeng nilabanan ni Marco kagabi. Nakagalitan ni Don Xavier ang binata sapagkat ang dalagang kaniyang inalipusta ay katuwang ng Kongregasyon. Matindi ang sugat ng dalaga at ginamot naman ito ng Don.

Kaninang madaling araw din ay dumating si Agustin at ang asawa nito. Sa kasalukuyan ay naroroon sila sa dating mansyon kasama na si Kahimanawari at Kalayaan. Doon ay nag-ayos sila ng kanilang mga gamit.

Tahimik lamang si Dolorosa na kumakain habang napapansin na ang kuyang si Marco ay may pasa sa labi, si Adrian naman ay napapansin niya na madalang na itong lumalabas ng kwarto. Kung kaya ay naisip niyang kausapin ito mamaya.

"Narito na si Binibining Edelmira, maupo ka---" Masayang bungad sana ng Doña ngunit sumingit si Dolorosa.

"Edelmira!" Mas masayang tawag ni Dolorosa at napatayo pa siya mula sa pagkakaupo.

"M-magkakilala kayo?" Hindi makapaniwalang tanong ni Marco sa kapatid. Nanghihilaw siya sa pangyayari at napapansin niya ang kaniyang ama na mainit pa rin ang tingin sa kaniya.

Magsasalita na sana si Dolorosa ngunit naunahan siya ng kaniyang panganay na kapatid na si Oliver kung kaya ay napaupo na lamang siya. Bigla itong nagsalita ng wikang Pranses na hindi niya mawari ang kahulugan. Nakaramdam siya ng pagkasukot sa ginawa ng kaniyang kuya Oliver. Napangiti siya nang pilit kay Edelmira na ngayon ay nakangiti lang din na nakikinig.

Samantala, si Oliver ay nagulat na lamang dahil marunong din ang dalaga na magsalita ng wikang Pranses.

Napangisi si Marco habang hawak ang baso na may lamang vino, nagkakaroon siya nang hanga kay Edelmira at pinagmasdan niya lamang ito nang mabuti.

SA kabilang dako, sa teritoryo ng mga engkanto, naroroon si Andrus na sinasaktan ang sarili gamit ang paglaslas ng matalim at matulis na bagay sa kaniyang pulso. Ang lumalabas na dugo ay kaniyang isinasalin sa isang bote. Nais niyang ipainom ito sa ibang kasapi nila upang magkaroon ng kakayahan na magpalit ng anyo at maging kahindik-hindik na nilalang.

"Idadaan ko na lang sa dahas, Dolor upang ika'y maangkin" Saad ni Andrus at sinaksak ang sariling pulso. Bumulwak pa ang itim na dugo na tumalsik sa kaniyang maputing mukha at maputing buhok.

Napahalakhak nang mahina si Joaquin habang nakatingin sa gawi ni Andrus, kaniya itong nilapitan at pinigilan ang kamay ng binata. Ang tunay na anyo ni Joaquin ay parang isang tuod na korteng tao, sadyang kailangan niya pa ng maraming lakas dahil sa pagkakatalo niya mula kay Dolorosa. "Parte ng aking plano na ligawan mo ang unica hija ni Don Sarmiento, ngayon ay bigo ka. Pero, ayos lamang iyon," Sabay ngisi niya kay Andrus.

Nabitawan ni Andrus ang matalim na bagay at napatingin kay Joaquin,"Tunay ko nang minahal si Dolorosa!" Buwelta pa niya dito.

"Ngunit ang pagmamahal na iyan ang nag udyok kung bakit umaalab ang galit sa iyong puso," Ani Joaquin at ngumiti pa nang malapad.

Tumayo si Andrus at hinarap si Joaquin, tiningnan niya ito nang seryoso sa mga mata at umiigting ang kaniyang mga panga sa paglungotngot ng ngipin niya dahil sa inis, "Ito ang gusto mo, hindi ba? Masaya ka na ba dahil galit na ang umiiral sa aking puso? Palibhasa kasi hindi mo kayang harapin si Dolorosa kung kaya ay gumagamit ka ng iba upang makapaghiganti!"

Natigilan si Joaquin sa sinabi ni Andrus--- ang prinsipe ng mga dalakitnon. Matagal na itong sekreto dahil ayaw niyang magpunyagi ang lahi ng mga dalakitnon. Iniba niya ang sistema ng kanilang teritoryo at maging sunod-sunuran ang mga ito.

"Hindi ko ito gagawin para sa kapakanan mo! Gagawin ko ito para maasam ko si Dolorosa at makasama habang buhay!" Ani Andrus at tinalikuran si Joaquin, "Wala ka nang aasahan pa sa akin, dahil ako ang magpaparami sa aming lahi!" Dagdag pa niya.

Gumapang ang maliliit na ugat sa mukha ni Joaquin sa sobrang galit at nagiging itim din ang kaniyang balintataw.

DAHAN dahan na tinulak ni Dolorosa ang pintuan sa silid ni Adrian. "Kuya?"

Napatingin si Adrian sa gawi ng kapatid, napangiti siya dito. "Dolor? Ano at naparito ka?"

Umupo si Dolorosa at pinagmasdan ang kuya na abala sa pagguhit ng mga halamang gamot na proyekto sa colegio, "Napansin ko lamang na tila tahimik ka magmula noong pumunta tayo sa sementeryo,"

Napakagat ng labi si Adrian at napailing, "Alam mo, ang mabuti pa ay ihalo mo na lamang ang tinta sa aking sisidlan" pag-iiba pa niya.

Napataas ang kilay ni Dolorosa dahil parang may iniiwasan ito, "Kapatid mo ako, masasandalan sa anong problema"

Napahinga nang malalim si Adrian at tinabihan ang kapatid sa kama habang nakaupo, "Alam kong mahirap at ikakagulat mo ito,"

Nagulat si Dolorosa at napatabon ng bibig "Huwag mong sabihin na may nabunti---"

"Dolor naman eh. Hindi ako ganoon" Singit ni Adrian, "Patungkol ito kay Immaculada"

Sa wari ni Dolorosa ay seryoso ang ipagtatapat ng kaniyang kuya patungkol sa kaniyang amiga.

"H-hindi ko nais na mapakasal, marami pa akong pangarap sa buhay. Ano na lang kung maging kami? Ano ang aking ihahandog sa---"

"Kuya," Pigil ni Dolorosa, "¿Por qué? ¿Qué le pasa a mi amiga? Dime ahora mismo, hermano." (Bakit? Anong mayroon sa aking amiga? Sabihin mo agad sa akin, kuya.)

Napapikit si Adrian at naaalala ang ginawa ni Immaculada sa kaniya, unang halik niya ang dalaga. "H-hinalikan..."

"Hinalikan mo siya?"

"Hinalikan niya ako sa labi," Diretsong saad ni Adrian kay Dolorosa.

Parang natuod si Dolorosa sa narinig, hindi niya maatim dahil napaka-inosente ng kaniyang kaibigan, "A-ano? P-paano nangyari 'yon?"

Tumayo si Adrian, "Sekreto lang natin ito. Tara na't mananghalian na. Tatawagin ko pa si Kuya Marco," Sabay tuluyang lumabas ng silid.

Napatulala na lamang si Dolorosa, napadampi ang kaniyang hintuturo sa kaniyang labi. "Sa akin kaya? Sino kaya ang makakahalik sa akin?"

Samantala, si Adrian naman ay nakita si Marco na nakasuot ng bagong kamiso de tsino at nagsusuklay ng buhok sa harap ng salamin habang pakanta-kanta pa. Napailing na lamang siya, "Malamang kung kaya ay nagkakaganiyan ka dahil sa presensya ni binibining Edelmira. Nagulat na lamang ako kanina na magkatabi kayo sa silid, sinamantala mo talaga ang kahinaan niya"

Swabeng napaikot si Marcos habang hinawi ang kaniyang buhok na humarap sa kapatid, "Iba ang kamandag ng Sarmiento. Kaya ikaw, kung may natitipuhan kang babae ay gumawa ka na ng paraan,"

"Sus, nagmana ka lang talaga kay lolo Ignacio at lolo Quasimodo," Hirit pa ni Adrian at napailing.

"Ikaw? Saan ka nagmana?"

"Kay ama, malamang! Pero, 'yun nga, kinulang sa dating" Mahinang sambit pa ni Adrian.

Tumawa na lang si Marco at inakbayan ang kapatid.

Lumabas din si Dolorosa sa silid. Iniripan niya ang kaniyang Kuya Marco dahil sa pagtatalak nito sa kaniya kahapon nang malaman na nagpunta sila sa bayan.

"Dolor, halika" Paglalambing pa ni Marco, "Bilis na! Halika!"

Napahalukipkip si Dolorosa at lumapit sa dalawa, gamit ang mukhang suplada, "Ano pa bang magagawa ko?"

Inakbayan ni Marco ang dalawang kapatid at nagpunta sila sa kusina.

KINAGABIHAN, nasa loob lamang ng opisina si Don Xavier habang pinagmamasdan ang esposa na inaayos ang espadang gawa sa perlas sa isang aparador. Kaninang tanghali lamang ay dumating ang isang miyembro ng kataw at dala-dala ang espada, handog nila ito sapagkat tinupad ng don ang kanilang nais.

"Napakagandang tunay," Sambit ni Doña Araceli.

"Parang ikaw" Tugon pa ng don at napangiti sa asawa, nilapitan niya ito at niyakap sa likuran. Hinalikan niya ang leeg nito.

Napasandal si Doña Araceli sa esposo at napapikit sa haplos.

Mayamaya pa ay may kumatok sa pintuan. Dali-daling binuksan ng doña at bumungad sa kaniya ang isang gwardiya-sibil.

"Magandang gabi, doña. Maaari ko bang makausap ang iyong esposo?"

Napatango si doña Araceli at ngumiti dahil ramdam niya ang tensyon na nararamdaman ng pamauhin. "May naghahanap sa'yo, mahal. Maiwan ko muna kayo"

Pumasok ang gwardiya-sibil, "Pinapadala sa akin ang liham na ito, don Sarmiento. May nagaganap na kaguluhan sa bayan ngayon,"

Kalmado na kinuha ni Don Xavier ang papel, "Maraming salamat,"

"Ako'y aalis na po, sapagkat---"

"Sasama ako," Pigil pa ni Don Xavier, nakita niyang nag-aalangan ang mukha ng gwardiya-sibil. Bigla na lamang itong tumakbo palabas ng opisina. Napailing siya at isinara ang pintuan. Masama ang kaniyang kutob.

Ang tumakbong gwardiya-sibil ay dali-daling sumakay sa kabayo. Ipinagtataka naman iyon ni Dolorosa nang makita ito na tila balisa. "Ano kaya ang problema ng ginoo?" Naisipan niyang pumasok sa opisina ng ama. Bago pa man iyon ay nakita niya si Edelmira na nagpapahinga sa isang silid dahil na rin sa epekto ng gamot.

Samantala, agad na ibinuklat ni Don Xavier ang liham. Nagsalpukan ang kaniyang kilay sa nabasa, galing ito kay Heneral Fortalejo.

Don Sarmiento,

Kami'y nagtataka sa paglusob ng mga taong-lobo rito sa bayan. Hindi ko maarok kung bakit nagkakaganito ang mga pangyayari. Ikaw ba ay may galit sa mga bagong bisita na galing sa Kongregasyon?

Kung may galit ka man ay hindi sila masasama at sila na ang humarap sa mga malalaking taong-lobo. Nawa'y patigilin mo na, Don Xavier. Kapag hindi naman ay mapipilitan akong ipadakip ka.

Hen. Liberato Fortalejo

Nayukom ni Don Xavier ang kaniyang kamao at kasama na roon ang papel, "Putangina!" Sabay bagsak ng kamao sa mesa lumubog pa ito at bumagsak at nagiba nang tuluyan ang mga paa ng naturang mesa.

Nagulat naman si Dolorosa sa nakita, ngayon niya lamang narinig na nagmura ang kaniyang ama. Lalapitan na niya sana ngunit nakarinig siya ng maraming alulong na sa palagay niya ay nanggaling sa bayan.

KINABUKASAN, sinamahan ni Dolorosa si Edelmira sa silid. Dinalhan niya ito ng tsaa, keso at tinapay. "Mamaya pa ay dadating na muli si ama upang tingnan ang iyong mga sugat," mahinahong sambit niya sa binibini.

Napangiti si Edelmira, "Maraming salamat, binibining Dolorosa. Pasensya na sa aking inasal sa iyo, alam kong hindi ganoon ka buti ang aking bungad."

Ngumiti si Dolorosa at napailing, "Walang problema iyon. Ngayon ay alam mo na rin ang aming totoong katauhan. Nawa'y hindi maging hadlang ito sa ating pagkakaibigan,"

Hinawakan ni Edelmira ang kamay ni Dolorosa, "Hindi iyon. Maliban sa kuya mong si Marco" pabirong sambit niya.

Tumawa silang dalawa at nahinto lamang ito nang makita si Marco na biglang pumasok sa silid.

"Naririnig ko kayo," wika pa ni Marco. "Ayaw mo bang maging kaibigan tayo, binibini?" Nakakaloko niyang tanong.

Napairap si Edelmira sa tanong, "Mas mabuting makipagkaibigan na lang ako sa kambing,"

"Bueno, ayaw mo akong kaibiganin sapagkat gusto mo agad na maging magkasintahan tayo?" Ani Marco sabay ngisi, "Ang gwapo ko talaga, sinasagot na agad kita"

Napaigtad pa si Dolorosa sa tinuran ng kaniyang kuya, hindi maipinta ang kaniyang mukha, "Ano ba ang iyong sinasabi, kuya? Kilabutan ka naman!"

"Tila babagyuhin ang barrio na ito dahil sa sobrang hangin," Paanas na tugon ni Edelmira, ngunit naisip niya na hindi uubra ang kaniyang bulong dahil naririnig pa rin nila.

"Sobrang hangin ba? Nawa'y masabay ka ng hangin papunta sa akin," Hirit pa ni Marco kay Edelmira.

Napatabon ng tenga si Dolorosa dahil nasusukot siya sa sinasabi ng kaniyang nakakatandang kapatid, "Husto na, kuya. Ang pangit ng iyong mga linyahan"

Tumawa si Edelmira sa sinabi ni Dolorosa dahil totoo naman.

SA bayan, kahit na medyo masakit ang katawan ni Teofilo at Liyong sa pakikipagsagupa at pakikipaglaban sa mga taong-lobo na doble ang laki kagabi ay pinilit nilang maghanda sa mga sarili dahil nais nilang makita at mahanap si Edelmira.

Habang umiinom ng kape si Liyong ay nabigla siya nang makita si Dolorosa na papalapit sa kaniya. Biglang kumabog nang mabilis ang kaniyang puso.

"Hoy, ano ba ang nangyayari sa'yo at tila hindi ka mapakali diyan, Liyong?" Tanong ni Teofilo at hinarangan ang kaibigan, nakita niya naman itong panay tingin sa kaniyang likuran.

Napakurap pa si Liyong at napagtantong hindi si Dolorosa ang kaniyang nakita kundi ang serbedora ng bahay panuluyan, "Akala ko kasi si Dolor,"

"Malala ka na, kaibigan" Ani Teofilo at napailing. "Sa ngayon ay pupunta muna tayo sa alcalde dito sa San Fernando upang makiusap na hanapin natin si Edelmira sa tulong ng alperez,"

Napataas ng kilay si Liyong at napasandal sa upuan, "Bakit hindi na lang tayo dumiretso sa alperez?"

"Para na rin malaman niya na dumating na tayo rito sa bayan, dapat at pagtuunan natin ng pansin ang mga kalaban. Mamaya na ang pag-ibig mo kay Dolor," Litanya pa ni Teofilo sabay ayos ng kaniyang sombrero.

"Siguradong alam na niya---"

"Kahit na, magpapakita tayo sa kaniya" Ani Teofilo.

Tumango si Liyong at sinimot na ang kapeng natira sa baso.

NAGTIPON ang lahat ng nabibilang sa mataas na antas ng mga taong-lobo sa isang malaking opisina na katabi lamang ng bahay ni Don Mateo.

Sa dulong-gitna ay doon nakaupo si Don Xavier. Seryoso ang kaniyang mukha na tila gusto ng durugin ang may pasimuno sa paglusob ng mga taong-lobo sa bayan kagabi. "Ako'y lubos na nasusuklam sa aking nabatid na balita. Ang ating imahe ay magiging marumi na naman sa mata ng mga tao sa San Fernando!" Galit na saad niya pero kalmado pa rin ang mukha.

"Paano natin mapatunayan na hindi nga tayo ang may pasimuno?" Tanong pa ni Don Mateo sa kaibigan.

"Nais kong makilala ang dalawang lalaki na nagtanggol sa mga tao sa bayan. Aking nababatid na nagmula ito sa kongregasyon na pinamunuan noon ni Don Lorenzo," Ani Xavier, seryoso at mabibigat ang kaniyang bawat salita na binibitawan, "Ang ayaw ko sa lahat ay ginagalit ako. Dahil kahit sa impyerno ay magkikita kami,"

"Bueno, dapat na pakiusapan natin si Timoteo. Kasapi siya ng mga taong-lobo, kilala niya tayo" Saad ni Agustin na ngayon ay bagong hirang na pinuno ng mga cambiaformas.

"Kakausapin ko ang aking anak, kahit siguro siya ay nabigla kagabi" Wika ni Don Mateo, "Dapat ay padalhan siya ng liham, ahora mismo---" Naputol ang pagsasalita niya nang makita na may isang sibat na tumama sa upuan ni Don Xavier.

Serysoso at kalmado ang mukha ni Don Xavier nang makailag siya sa sibat na tumama sa gilid ng sandalan ng upuan. Naramdaman niya ang pagtulo ng pulang likido sa kaniyang pisngi bunga ng pagdaplis ng sibat.

"Kaibigan!" Sigaw ni Don Mateo.

Biglang bumulaga ang lalaki sa harapan ni Don Xavier. Nakapatong pa ito sa mesa na tila isang arogante. Kayumanggi ang balat nito at maraming patik sa katawan. Nakasuot ito ng salakot at kamiso de tsino na tinanggalan ng manggas at bungad na bungad ang matipunong braso at katawan.

Nanatiling seryoso ang don kahit na ang kasamahan niya ay nagsimula nang umangil at handa ng lapain ang lapastangang panauhin.

----

Talaan ng larawan

(Espadang hinandog ng mga kataw)

Dedicated to: Senyor_Nephesh

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro