Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kapitulo - XIV

NANG makauwi ang mag-ama sa mansyon ay sinalubong agad sila ng yakap ni Luna.

Napangiti naman si Don Xavier at binuhat ang apo, "Kumusta kayo rito? Kayo ba ay kumain na ng tanghalian?"

Napatango si Luna, "Opo, lolo. Masarap ho ang inihain ni Tiyo Agustin na ulam,"

Napangiti si Dolorosa at agad na nagmano sa ina nang lumabas ito mula sa kusina.

"Kayo'y mananghalian na. Kumusta ang inyong lakad?" Tanong ni Doña Araceli at pagkatapos ay humalik sa labi ng esposo.

Napailing naman si Don Xavier at ibinaba si Luna, "Nakakahindik ang aming nasaksihan,"

"Anong klaseng nilalang ba ang sa tingin mong kumitil ng buhay nila?" Tanong pa ng doña at nang maabot na nila ang kusina ay agad na naghanda siya ng dalawang pinggan.

Napaupo muna si Don Xavier. Bago pa man siya mag salita ay napatingin pa siya kay Dolorosa na ngayon ay kinakausap si Kahimanawari, "Dapat na magsulat muna ako ng liham sa gobernadorcillo upang mabigyan ng agarang solusyon, samakatuwid ay dapat na ipagbawal na muna ang pagtampisaw ng mga tao sa ilog o dagat, kahit na mga mangingisda ay pagbawalan munang maglayag ng ilang araw, ang mga nilalang na iyon ay tinatawag na kataw." Saad niya sa kaniyang asawa.

Bakas sa mukha ni Doña Araceli ang pagkabahala, "Lagi na lang naaapektuhan ang sambayanan,"

Lumapit na si Dolorosa at pinagmasdan ang magulang na ngayon ay nag-uusap. Umupo na siya at sumandok agad ng kanin, "Ina, sila kuya Marco ho?"

"Nasa bayan ang iyong kuya Marco, at ang iyong kuya Adrian ay may binisitang kaibigan sa bayan din at sinama si Kalayaan," Saad ng doña at sinandokan ng ulam ang anak.

"Luna, saan ang iyong ama at ina?" Tanong ni Don Xavier sa apo. Nabaling naman sa kaniya ang atensyon ni Luna na abala sa paglalaro ng mga manika. 

"Si ama ho ay pumunta ng kwartel at si ina naman po ay umuwi na muna upang makapaglinis ng bahay," Ani Luna at pagkatapos ay pinagpatuloy na ang paglalaro.

"DOLOR, nawa'y maintindihan mo ang aking sasabihin" Saad ni Kahimanawari, "Kaninang umaga ay may napansin ako sa iyo na maestra," Nagdadalawang isip siya kung sasabihin niya ba ang patungkol sa palad ng panauhin kanina. Napaupo siya sa higaan at pinagmasdan si Dolorosa na may sinusulat na liham.

Nang marinig ni Dolorosa ang sinabi ni Kahimanawari ay napahinto siya sa pagsusulat ng liham na ipangtutugon niya sa pinadalang liham ni Andrus, nais niyang patigilin sa panliligaw ang binata. Lumingon siya rito at napansin niya ang pagkabahala sa mukha ng pamangkin, "Bakit, Wari? Ano ang iyong napansin?"

Huminga muna nang malalim si Kahimanawari at napatayo at nilapitan si Dolorosa sabay hinawakan ang isang kamay nito, "Hindi ka sana mabibigla ngunit ang palad ng iyo na maestra ay blanko, senyales ito na nabibilang siya sa angkan ng mga bampira"

Nanlaki ang mga mata ni Dolorosa at hindi na mawari ang itutugon kay Kahimanawari dahil sa maraming araw na lumipas na nakakasama niya ang maestra ay parang siya na ang lumalapit sa bitag.

"Kaya ay mag-ingat ka, lalo na si Luna. Napansin ko kanina na panay sulyap ang kaniya na mga mata sa bata," Bilin pa ni Kahimanawari habang hawak ang kamay ni Dolorosa nang mahigpit.

"Kailangan na ipaalam ko ito kay, ama" Tatayo na sana si Dolorosa ngunit pinigilan siya ni Kahimanawari, "Bakit?" Pagtataka niyang tanong dito.

Umiling si Kahimanawari, "Hindi na muna, palipasin muna natin ang nangyayari ngayon sa ibang baryo, nang sa gayon ay hindi mabagsakan ng problema si lolo."

Inalis ni Dolorosa ang kamay sa pagkakahawak sa kaniya ni Kahimanawari pagkatapos ay ngumiti siya nang tipid at tumango na lamang siya bilang tugon.

SA bayan, naghihintay lamang si Kalayaan na matapos ang pag-uusap ni Adrian at ng dalaga na nag ta-trabaho sa malaking panciteria. Naubos na niya ang isang bilao ng pansit ngunit hindi pa rin tapos ang dalawa. Kung kaya ay napagpasyahan niya na lumabas muna upang magpahangin.

"Mujer! Sayawan mo kami!" Utos ng isang gwardiya-sibil sa isang babae na ngayon ay naiilang sa presensya ng mga tao.

"Pipi ka ba? Magsalita ka!" Sigaw pa ng isang gwardiya-sibil.

Ayon sa kaanyuan ng dalaga ay nakasuot ito ng pangkaraniwang baro at saya ngunit hindi mapagkakailang marikit ito at kapag naayusan ay parang nabibilang na rin sa alta sociedad.

Bigla na lamang hinawakan ng gwardiya-sibil ang braso nito upang mag pumiglas ang dalaga.

Nakita iyon ni Kalayaan at patakbong lumapit sa gawi ng dalaga, "Ano po ba ang kasalanan  niya?" Magalang na tanong niya sa kanila.

"Ang babaeng ito ay isang mujer libre!" Tugon ng gwardiya sibil.

"Ngunit paano kayo nakakasiguro na isa siyang mujer libre?" Sa tanong ni Kalayaan ay natigilan ang mga gwardiya.

Lumapit sa kaniya ang isa sa mga gwardiya sibil, balbas sarado ito at may kalakihan ang pangangatawan. "Dahil sa kasuotan niya, ang mga ganiyang babae ay patapon na ang buhay!"

Napakunot-noo si Kalayaan, "Siya ay babae pa rin at ginagalang. Wala ba kayong babaeng anak? O kapatid?" Nakikita na niya ang dalaga na humihikbi nang palihim.

"At sino ka para itanong mo sa amin ang ganiyan?!"

"At sino kayo para hindi galangin ang babae? Hindi ba't ang inyo na gawain ay mag protekta ng mga naaapi? Bakit ngayon ay tila kayo na ang nananakit?!" Protesta pa ng binata sa kanila.

Nawala sa pasensya ang isa sa mga gwardiya sibil at tinutukan siya ng mataas na baril, "Ang iyong pangingialam, ginoo ay siyang magbibigay sa iyo ng kapahamakan!"

Matalim lang ang titig ni Kalayaan sa kanila, napapansin niya na rin ang bulong-bulungan ng mga tao sa paligid at narararamdaman niya ang pangangamba ng mga ito. Ngumisi na lamang siya at mabilis pa sa kidlat na hinila niya ang baril at sinugod ang tatlong gwardiya-sibil na tila isang mabangis na hayop. Bumaliktad pa sa ere ang isa nang buhatin niya ito at pinatalsik sa hangin na parang isang papel lamang sa kaniya ang katawan ng balbas sarado.

Ni isa ay walang lakas ng loob para paputukan ng baril ang binata dahil hindi pangkaraniwan ang lakas nito. Hinayaan na lamang nila ang kanilang katawan na bumagsak sa lupa dahil tila nabalian na sila ng mga buto.

Nang matapos ay inalalayan ni Kalayaan ang dalaga, "Ano'ng iyo na pangalan?" Napansin niyang hindi ito nagsalita.

"Talagang hindi po siya nagsasalita," Saad ng isang batang lalaki na nagbebenta ng kandila. "May hinahanap po siya, kanina ay may ibinigay siya sa akin na isang pirasong papel na may nakasulat na tulungan siyang ibalik sa gubat, dahil naroroon daw ang kaniyang kaibigan. Wala pong may lakas nang loob na suungin ang kagubatan dahil may mga galang hayop na mababangis,"

Napatango si Kalayaan, "Bueno, ako na ang bahala sa kaniya, munting ginoo. Salamat sa iyo na impormasyon,"

Napatango na rin ang bata at patakbong umalis.

"Huwag kang mag-alala, tutulungan kita. Hindi rin ako masamang tao," At dahan dahan na pinalakad ang dalaga.

"Anong nangyari? Anong---" Natigil si Adrian nang makita ang dalaga na kasama ni Kalayaan, "May nagsabi sa akin na isa sa mga empleyado ng panciteria na nadawit ka raw sa kaguluhan?"

Ngumisi lamang si Kalayaan, "Ginawa ko lamang ang aking nais upang hindi masaktan ang binibining ito,"

Napatango-tango si Adrian at ngumisi, "Ipagpaalam na natin ito sa alperez nang sa gayon ay mawalan ng trabaho ang mga gwardiya sibil na siyang nanakit sa kaniya,"

Inalalayan naman ni Aina ang dalaga papasok sa panciteria upang pakainin ito ng pananghalian.

"IPAPATALSIK ko na ang mga gwardiya-sibil na iyon. Pasensya na talaga sa inyo ginoong Sarmiento. Ito pa talaga ang mararanasan ng iyong pamangkin na galing sa Europa," Saad ni Alperez Pablito Gomez.

"Maraming salamat, alperez. Nawa'y hindi na mauulit ito" Tugon ni Adrian.

"Bueno, iyong maasahan iyan. Pakikumusta na lamang ako sa iyong ama" Sabi ng alperez.

"Sí, masusunod po." Pakli ni Adrian at nagbigay galang na sa alperez hudyat na sila'y aalis na.

"Mabuti na lamang at mabait ang alperez dito sa San Fernando, talagang ang ibang miyembro lamang ang abusado" Seryosong saad ni Kalayaan.

"Hindi na iyan bago, siya nga pala, hindi pa natin naitatanong sa dalagang iyan ang kaniyang pangalan. Tamang tama at may dala akong papel at pluma sa aking sisidlan," Litanya ni Adrian sa pamangkin, "Nang sa gayon ay kapag may napagtanungan tayo sa gubat ay matunton natin ang kaniyang tahanan,"

Napatingin si Kalayaan sa dalaga na nakayuko lamang at ni hindi magawang makatingin sa kanila, "Maaari ba namin na alamin ang iyo na ngalan?" Sabay kuha niya sa papel at pluma sa mga kamay ni Adrian.

Napatingin muna ang dalaga sa papel at pluma na inaalok sa kaniya, tumango siya nang marahan at dahan dahan na kinuha sa mga kamay ng binatang nagtanggol sa kaniya sa mga maalipustang gwardiya sibil.

"Ah, ang tinta nga pala, binibini" Ani Adrian at inilabas ang isang maliit na babasaging korteng kahon na naglalaman ng tinta, "Tumalikod ka muna, Kalayaan. Para may magsilbing mesa ang dalaga,"

Napangisi na lamang si Kalayaan at tumalikod na at kinorte ang katawan na parang isang kuba, "Ako pa ba'y tatanggi sa isang marikit na dalaga?"

Nahihiya na ilagay ng dalaga ang papel sa likod ng binata.

"Huwag ka nang mahiya. Sige na, binibini, para malaman na namin ang iyong ngalan" Saad pa ni Adrian.

Inilatag ng dalaga ang papel sa likod ng binata at isinawsaw ang pluma sa tinta na hawak ngayon ni Adrian.

Nang matapos ay agad na tumindig nang matuwid si Kalayaan at napahawak sa balakang, nakita niya naman na pasimpleng ngumingiti ang dalaga.

"M-musika ang iyong ngalan?" Manghang tanong ni Adrian, "Musika ang kaniyang ngalan"

"Nababagay sa iyo ang iyong ngalan," Puri ni Kalayaan, "Bueno, binibining Musika... ikaw ay aming ihahatid na sa iyo na tahanan,"

"Tayo'y humayo na," Saad ni Adrian sa dalawa.

SA isang masukal na kagubatan ang narating nila. Maraming mga matatandang puno ng balete at akasya ang naroroon. Ang nagsisilbing lupa na ngayon ay ang mga libo-libong tuyo na dahon. Papalabog na rin ang araw nang marating ang kalagitnaan ng gubat.

"Ikaw ba'y nakakasiguro, binibini na dito tayo dadaan?" Tanong ni Kalayaan.

Marahang tumango si Musika. Samantala, si Adrian ay pilit na iwaksi ang kutob na isang masamang nilalang ang dalaga.

Agad na itinuro ni Musika ang malaking puno na may malapad na katawan. Napapalibutan ito ng parang isang ulap na bumaba mula sa kalangitan. Hinawi iyon ng dalaga at tumambad sa kanila ang isang pintuan sa puno at dalawang bintana sa mataas na bahagi nito.

"Kakaiba inyong bahay, tila isang bahay ng mga diwata" Ani Kalayaan sa dalaga.

Ngumiti si Musika at napatango nang kaunti. Ilang segundo pa ay bumukas ang pintuan at tumambad sa kanila ang isang babaeng may mataas at maputing buhok, ang kaniyang balat ay kasing puti ng isang porselana. May mala-tsokolate siyang mata na kahit hindi masinagan ng araw ay mapapansin na. Nakasuot ito ng puting damit na mahahalintulad sa diwata. Sa kabila ng ganitong presensya ay wala itong emosyon sa mukha.

"Magandang hapon, binibini" Sabay na bati ni Adrian at Kalayaan. Ngunit wala silang natanggap na tugon.

"Ikaw ay ipinagtanggol ng mga estrangherong ginoo na iyan?" Kalmadong tugon ng dalaga.

Tumango si Musika habang nakatitig sa mga mata ng kaniyang kaibigan na nagsisilbing boses niya.

"Ikaw ay naligaw sa bayan at ikaw inalipusta ng mga gwardiya sibil." Basa pa ng dalaga sa mga mata ni Musika, "Sinabi ko naman sa'yo na magpasama ka sa mga buwitreng puti,"

Ngumiti si Musika at niyakap ang kaibigan pagkatapos ay muling nagbigay ng mensahe ang kaniyang mga mata.

"Ako ay magpapakilala sa kanila?"

Mabilis na napatango si Musika at ngumiti nang malapad sanhi ng paglabas ng kaniyang biloy sa kanang bahagi ng pisngi. Nakita niyang huminga nang malalim ang kaibigan.

Si Adrian at Kalayaan naman ay nagkatinginan dahil sa kanilang palagay ay tila kinikilatis ang kanilang pagkatao.

"Ako si Alindogan. Ang nagsisilbing boses ni Musika. Nawala ang kaniyang boses noong bata pa lamang siya dahil ang mensaheng nilalabas sa kaniyang bibig ay nagbibigay ng buhay at kamatayan o swerte at sumpa" Panimula ng dalaga.

Bahagyang napayuko si Musika. Alam niyang bihag na ngayon ang kaniyang boses sa mga kamay ni Oryol--- ang kalaban ng mga taga Kongregasyon.

"Salamat sa inyong pagtulong sa aking kaibigan. Kayo'y pwede nang umalis, magtatakip-silim na" Seryosong saad ni Alindogan.

Hindi alam ni Adrian at Kalayaan ay ang kanilang kaharap na babae na kaibigan ni Musika ay isang lampong. Ang lampong ay maihahalintulad sa isang usa pero ito ay kulay puti. Ito ang nagsisilbing bantay sa lahat ng hayop na matatagpuan sa kagubatan.

"Bueno, hanggang sa muli nating pagkikita, mga binibini," Ani Kalayaan. Ngumiti siya kay Musika na ngayon ay nakatingin sa kaniya na punong-puno ng kagalakan ang mga mata.

"Paalam sa inyo, nawa'y magkrus ang ating mga landas" Pakli ni Adrian at tumalikod na silang dalawa ng kaniyang pamangkin para umalis.

Sinigurado muna ni Alindogan na makalayo ang dalawang binata bago magsalita kay Musika, "Ang mga binatang iyon ay mula sa angkan ng mga mababangis, ngunit hindi sila mga kaaway. Pasalamat na lang din ako na sila ang naghatid sa iyo,"

Tumango-tango lamang si Musika ngunit sa kaniyang kalooban ay may nararamdaman siyang kakaiba kay Kalayaan. Sa unang pagkakataon ay nakaramdam ng paghanga ang puso niyang mailap.

------------

Senyor_Nephesh salamat sa iyong pagpapahiram ng karakter sa akin na sila Alindogan at Musika. Nawa'y nabigyan ko ng hustisya ang iyong karakter.

Talaan ng mga larawan:

Lampong


Alindogan

Musika

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro