Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kapitulo - XIII

"PASENSYA na ho talaga, binibini." Pakli ni Kahimanawari, hindi niya pinahalatang may napansin siya sa palad ng maestra.

Napangiti si Emilia at napatingin na ngayon kay Luna. May naaamoy siyang kakaiba sa bata na tila gusto niyang usisain kung ano ngunit hindi niya magawa dahil nasa balwarte siya ng mga taong-lobo. "Ayos lang, binibini."

"Binibining Emilia?"

Napangiti si Emilia sa presensya ni Dolorosa, sumunod din si Adrian at Don Xavier sa likuran. Nagbigay galang ang maestra, "Magandang umaga sa inyo. Pagpasensyahan niyo po at bigla ang aking pagdalaw dito..."

"Ayos lang naman, binibini. Nang dahil sa'yo ay nabuo ang aking araw," Hirit ni Marco.

Napaismid si Adrian at napairap lang naman si Dolorosa.

"Ah- nais ko lamang na ibigay ang mga kagamitan sa pag ga-gansilyo. Nais kong matuto ka,  Dolor habang wala pa ako. Ako'y hindi makakaturo sa iyo sa lunes hanggang sa miyerkules." Paliwanag ni Emilia.

"Ikaw ba ay magiging abala, binibini?" Tanong ni Don Xavier sa maestra.

Napatango si Emilia at napangiti, "Opo, kaarawan ho kasi ng aking kuya. Nais kong surpresahin at paghandaan. Siya'y nagiging abala na sa pagiging gobernadorcillo---"

Napakunot-noo  si Don Xavier nang marinig ang sinabi ng dalaga, "Isang gobernadorcillo ang iyong kuya? Hindi ba't ang sinabi mo sa akin ay isa kang anak ng haciendero sa San Fernando?"

Napakagat ng labi si Emilia at napahinga ng malalim, "Paumanhin kung ako'y nagsinungaling, Don Xavier, sapagkat kinakailangan kong itago ang tunay na kalagayan ko sa buhay."

"Bakit mo naman kailangan na itago, binibini? Ang iyong kuya ba ay iyong misteryosong gobernadorcillo na namumuno ngayon sa San Fernando? Sa aking pagkakaalam ay siya ang may mas pinakamataas na termino,"

Napatango si Emilia, "Siyang tunay, Don Xavier. Kailangan ho namin na itago ang aming mga sarili at hindi magsasabi kung ano ang antas namin sa buhay, dahil iyon ang patakaran ng aking kuya. Ngayon ay batid na ninyo, nawa'y maunawaan niyo po. Nais namin na mamuhay ng pangkaraniwan lamang, kung makikita niyo ho akong nakikihalubilo sa ibang tao ay alam niyo na po," paliwanag pa niya kay Don Xavier.

Napangiti si Don Xavier, "Naintindihan ko, binibini. Nawa'y makilala ko rin ang iyong kuya na si Alfonso,"

Napalunok ng laway si Emilia at napangiti na lamang sabay tango.

"SA lunes ay babalik na muna kami sa Europa ng aking asawa upang kuhanin ang ibang kagamitan. Nais kong maiwan na dito sina Kalayaan at Kahimanawari, ama." Ani Agustin kay Don Xavier.

Kasalukuyan silang umiinom ng mainit na tsokolate kasama si Adrian, Oliver, at Marco.

Napatango si Don Xavier bilang tugon, "Paano na ang naiwang pag-aaral ni Kalayaan sa Europa?"

Napahinga muna ng malalim si Agustin sa katanungan ng amain, "Alam kong sayang, ama. Ngunit nais ko lamang ang kaligtasan ng aking anak sapagkat hindi namin mawari kung nakakasalamuha pala niya ang mga bampira,"

"Bampira?" Sabay na bigkas ni Marco at Oliver. Nagkatinginan silang dalawa dahil parehas silang nagulat.

"Akala ko ay sa libro ko lamang iyan mababasa," Singit pa ni Adrian.

Ibinababa ni Don Xavier ang tasa na kanina'y hawak-hawak niya at inilagay sa maliit na mesa. "Totoo ang sinasaad sa libro, kahit na sa propesiya at sa almanaki ay naroroon ang mga nilalang na iyan, sila ay ating mga kaaway." Seryosong saad ng Don.

Napabuntong-hininga si Oliver sa narinig, "Sila ba ay nagiging mabangis na hayop? Nag-aanyong hayop? May matatalas na pangil?" Hindi mapigilang katanungan nito sa kanila.

"Sila ay parang pangkaraniwang tao lamang. Ngunit, nagiging pula ang kanilang balintataw at tumatalas ang ngipin kung nais nilang pumatay at sumipsip ng dugo lalo na sa mga kababaihang dalaga pa. Nais nila ng birhen na dalaga, iyong hindi pa nakakatikim ng..." Napahinto si Agustin nang mapansin na ang tatlong kinakapatid ay tila nag-aabang ng isang paliwanag. "...alam na ninyo ang aking nais sabihin. Kung kaya ay pagaingatan ninyo si Dolorosa. Katulad din sa atin ay---"

"Hindi sila tumatanda," Putol ni Don Xavier.

"Sí, ama." (Oo, ama) Ani Agustin.

Napangisi na lamang si Marco sa narinig, "Kung gayo'y kaming walang asawa ay malaya kaming sipingin ang bawat dalagang binibini sa bayan upang sila ay mailigtas." Pilyong saad ng binata. Napansin niyang kumunot-noo ang kaniyang ama.

"Umiiral na naman ang iyong pagiging tonto, Marco! Ako'y binibigyan mo ng sakit sa ulo! Hindi ka nag-iisip. Alam naming dalawa ang iyong ulo, huwag parati sa ibaba ang paiiralin! Kundi dito!" Sermon ni Don Xavier habang tinuturo ang sariling sintido.

Napakagat ng labi si Adrian at pinipigilang matawa sa reaksiyon ng kaniyang kuya na ngayon ay namumula na sa hiya.

"Pilyo," Pakli ni Oliver.

Napailing na lang din si Agustin sabay ngisi at tinapik ang balikat ni Marco.

"Maiba tayo," Saad ni Don Xavier at napaayos ng upo na kanina ay naka de-kwatro. "Sa lunes ay ang kauna-unahang bilog na buwan ngayong pebrero. Ang unang pag epekto ng kwintas na buwan na naroroon kay Luna, maaring kaya na nitong panatilihin ang buwan kahit na umaga. Sa ngayon ay nagbibigay na ito ng senyales ng halimuyak. Ikaw Oliver ay ingatan mo ang iyong anak lalo na at mainit sa mata ng ibang nilalang ang kwintas."

Napatango si Oliver bilang tugon, "Ama, wala na bang ibang paraan para maigamot si Luna? Oo nga't hindi na siya nagkakasakit pero malapit naman sa peligro,"

"Ako'y naghahanap pa rin ng paraan para makagawa ng gamot para kay Luna. Kung buhay pa sana ang pangkat ng mga hukluban, marahil ay hindi na tayo nahihirapan pa." Saad ni Don Xavier. Nababakas pa rin sa kaniyang mukha ang pag-aalala sa kaniyang apo na si Luna.

ABALA sa pag gagansilyo si Dolorosa at Kahimanawari sa sala kasama si Luna na abala rin sa pag-hehele ng kaniyang munting manika.

"Magsasama na talaga tayo araw-araw, Dolor. Hindi na ako mababagot," Ani Kahimanawari kay Dolorosa na kanina pa nahihirapan sa pag gagansilyo.

"Siyang tunay, mag-uusap na tayo ng matagalan. Pero sa ngayon ay naiinis na ako sa pag gagansilyo. Tingnan mo naman ang aking mga kamay ay puro tusok na ng karayom. Nais kung maglibot at magliwaliw. Hindi ko maarok kung bakit tayong mga babae ay nasa bahay lamang? Itong oras na ating nasasayang ay mahalaga," Tugon ni Dolorosa, tagaktak na ang kaniyang pawis sa noo at hindi na mawari kung ano ang kaniyang ginagawa.

"Iyong hinaan ang boses baka marinig ka ni lolo," Sabay tawa ng mahinhin ni Kahimanawari.

Napangiti si Dolorosa sa kaniyang pamangkin. Natatawa siya minsan kung tinatawag ng dalawang pamangkin ang kaniyang ama at ina ng lolo at lola, dahil parang hindi angkop lalo na at hindi pa matanda ang mga mukha ng kaniyang mga magulang.

"M-magandang umaga, mga binibini..."

Sabay na napalingon ang dalawa nang makita ang isang binata na nakasuot ng sombrerong buri at may dalang liham.

Napatayo si Dolorosa at nilapitan ang binata, "Ano ang iyong pakay, ginoo?"

Ibinaba ng binata ang sombrero at inilagay sa dibdib para magbigay galang. "Nagpadala ho ng liham ang kaibigan ni Don Xavier na si ginoong Himala ng isang liham. Patungkol po ito sa nangyari kanina lamang sa kanilang baryo,"

Nagtaka naman si Dolorosa, kahit na si Kahimanawari ay napalapit din sa dalawa.

"Kung nais niyo pong malaman ay ibigay niyo na lamang sa iyong ama ang liham at maari naman siguro kayong makibasa, binibini." Ani estrangherong binata.

Napatango si Dolorosa, "Sí. Salamat, ginoo."

Isinuot muli ng estrangherong binata ang kaniyang sombrerong buri at ngumiti sa kanila, "Walang anuman, binibini. Ako'y lilisan na po, paalam."

"Adios," Tugon ni Dolorosa.

Agad na tumungo silang dalawa ni Kahimanawari sa sala mayor kung saan naroroon sila Don Xavier.

"Ama, nagpadala ang isang binatang estranghero ng liham. Galing daw po iyan kay ginoong Himala." Saad ni Dolorosa sabay abot ng liham sa ama.

Tinanggap naman ni Don Xavier ang liham at agad na binuksan ito.

Don Xavier,

Nais kong makahingi ng tulong hinggil sa nangyari sa aming baryo kaninang umaga. Limang bata po ang nalunod sa aming ilog at isa lamang ang nakaligtas. Kahindik-hindik po ang nangyari sa mga bata sapagkat sila'y wala ng mata at may kalmot pa sa leeg na tila kawangis ng isang hasang. Ang sabi nila'y kagagawan ito ng mga kataw o mga sirenang naninirahan sa ilog. Gusto kong ikaw mismo ang makakapagsiyasat nito dahil kahit na ang cabesa de baranggay ay nabigla sa pangyayari at siya rin ay naguguluhan.

                                 Nangangamba,
                             Himala

Agad na naitiklop ni Don Xavier ang papel, "Nagsisimula na ang mga kakaibang nilalang na maghasik ng kasamaan sa ating bayan,"

"Pobreng mga bata iyon, ama. Sa tingin ko'y mababagsik ang mga kataw!" Pag-aalalang sambit ni Dolorosa.

"Kataw? A-ano iyon?" Pagtatakang tanong ni Adrian sa ama.

Napahinga ng malalim si Don Xavier at napatayo, "Mga sirenang nakatira sa ilog. Hindi nga nagkakamali ang propesiya at orakulo," Seryosong saad pa ng Don. "Pupuntahan ko muna ang Barrio Ruiz,"

"Ama, maaari ba akong sumama?" Pagbabakasakali ni Dolorosa. Tiningnan siya ng seryoso ng ama, "Maari po ba?"

"MABUTI na lamang at nakarating kayo rito, Don Xavier." Bungad ni Himala sa bagong dating na si Don Xavier at Dolorosa.

"Ako'y lubos na nagdadalamhati sa mga magulang na nawalan ng mga anak," Saad ni Don Xavier kay Himala.

Nalungkot din si Dolorosa sa nangyari, lalo na at may naririnig siyang palahaw ng isang ina sa isang kubo.

"Palagi na akong nagbibigay ng babala sa mga magulang dito na hindi dapat pinapaliguan ang ilog, kahit na si Giovanni na aking apo ay hindi ko pinapahintulutan na pumunta roon." Malungkot na saad ni Himala.

"Maari bang makita ko ang mga bangkay ng mga bata?" Tanong ni Don Xavier.

Agad na napatango si Himala at sinamahan sila na tumungo sa isang kubo na kung saan naroroon ang mga bangkay.

Napansin naman ni Dolorosa ang biglang paghawak ng isang batang lalaki sa kaniyang kamay, napangiti na lamang siya dahil alam niyang ito si Giovanni na apo sa kaibigan ng ama.

"Ginoong Himala, sino po iyong binata na naghatid ng sulat?" Hindi mapigilang tanong ni Dolorosa sa matanda.

Napangiti si Himala ng matipid bago tumugon, "Siya ang panganay kong apo, si Julian. Inatasan ko rin iyon na pumunta sa tahanan ni Heneral Fortalejo para magsiyasat din at para na rin maisara ang ilog."

"Kung gayon ay kinakailangan na bawal na ang mangisda sa ilog na ito o maligo, Himala. Sa aking pagkakaalam ay ang mga kataw ang pinuno ng lahat na nilalang na nabubuhay sa tubig," Seryosong sambit ni Don Xavier.

Napahigpit na lamang ang hawak ni Dolorosa sa bisig ng ama nang makita ang mga batang namatay sa pagkakalunod. Natatabunan sila ng mga puting kumot.

"Don Sarmiento! Kami'y tulungan mo!" Iyak ng isang ale habang nakaupo sa lupa na tila nawawalan na ng pag-asa.

Agad naman na binuksan ng Don ang dala-dalang kahon na naglalaman ng mga boteng may pormalina at isang maliit na metal na ginagamit niya pangkuha ng mga laman ng sugat para pag-aralan ito.

Napapikit na lamang si Dolorosa nang tanggalin ng kaniyang ama ang kumot ng isang bata.

Lasog na ang katawan nito at ang mga kuko ay nangingitim na. Agad na dinapuan ng bangaw ang sariwang sugat ng kawawang bata sa leeg.

Kumuha ng kakaunting laman si Don Xavier at isinilid ito sa maliit na bote. "Aking susuriin ang laman na ito upang makagawa ako ng mabisang gamot para sa mga mabibiktima ng kataw, alam kong hindi lamang sa ilog na ito nagmula ang mga kataw kundi sa iba pang ilog na nandirito sa bayan ng San Fernando,"

"K-kung sa gayon ay... aking ipagkakaloob sa iyo ang aking anak na lalaki na suriin mo. Alam kong kaya mo siyang buhayin! Ibabayad ko ang aking mga kalabaw, maawa ka..." Pagmamakaaawa pa ng isang lalaking naghihinagpis, "Hindi naligo ang aking anak, isa siyang mangingisda na biktima ng masamang nilalang!"

Itinaas ni Himala ang isang kamay na tila ba hindi siya sang-ayon sa naisip ng lalaki, "Mawalang galang na po, Mang Celso ngunit pag-aaralan pa ni Don Xavier ang laman,"

Napaluhod na lang bigla si Mang Celso at napahawak sa laylayan ng tsaleko ni Don Xavier, "Maawa ka na po, Don Sarmiento! Hindi ko kayang mawala sa akin ang aking anak! Siya lamang ang aking mapagkakatiwalaan sapagkat ako'y matanda na, marami pa siyang pangarap sa buhay!"

Halos madurog ang puso ni Dolorosa sa narinig, "Kung iyong pahintulutan, ama, ay paano na lang ang ibang namatayan? Hangad din nila na mabuhay ang kanilang mga anak, paano kung mabuhay mo ang lalaking iyan? Kargo de konsensya mo iyan, ama. Sapagkat, sa limang namatay ay isa lang ang iyong nailigtas" mahinang sambit ni Dolorosa sa ama nitong nakatingin sa matandang nagmamakaawa.

Sasagot na sana si Don Xavier ngunit dumating si Heneral Fortalejo kasama ang apat na gwardiya-sibil.

"Buenas tardes, Don Sarmiento," (Magandang Tanghali, Don Sarmiento,)

"Buenas tardes, Heneral." Tugon ni Don Xavier.

Napabitaw na rin sa pagkakahawak sa laylayan ng damit ni Don Xavier si Mang Celso nang makita niya ang papalapit sa kanilang Heneral.

Pagkatapos ay masinsinang nag-usap si Heneral Fortalejo at Don Xavier, samantalang si Dolorosa naman ay nakatitig lamang sa malawak na ilog ng Barrio Ruiz. Sa katunayan ay maganda ang ilog na tila nang-aakit ng panauhin na mag tampisaw.

"Heto, mainit na tsaa, binibini."

Napatingin si Dolorosa sa binatang nagbigay sa kaniya ng liham kanina, "Salamat, ginoong Julian,"

"Alam mo ang aking ngalan, binibini?" Tanong ni Julian kay Dolorosa.

"Nabanggit ka ng iyong lolo kanina."

Napatango si Julian at napangiti. Ngayon niya lamang napagtanto na maganda nga talagang tunay ang unica hija ni Don Sarmiento.

Mula sa malayo ay nakamasid lamang ang kakaibang nilalang habang nakalubog sa tubig at tanging matalas kung makatingin na puting mata lamang ang nakikita sa masukal na parte ng ilog.

"Maghaharap din tayo, taong lobo!"

-----

Talaan ng mga larawan:

Ganito ang nasa isipan kong ilog ng Barrio Ruiz.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro