Kapitulo - XII
"IKAW ho ba si ginoong Andrus?" Tanong ni Luna at agad na hinawakan ang kamay ni Andrus.
"O-oo, b-bakit?" Nauutal na tugon ni Andrus, sa pakiwari niya'y may kakaiba sa bata dahil sa amoy nito. Magkasing halimuyak sa rosas kung tutuusin.
"Hinahanap ka na ni kuya Marco,"
Napangiti si Andrus, "Ano ang iyong ngalan, munting binibini?"
"Ako po si Luna, ngayon lang po ba kayo nagawi rito?" Tanong nito kay Andrus.
Bago tumugon si Andrus ay napatingin pa siya sa kamay ng bata na nakahawak sa kaniyang hintuturo at hinihila siya patungo sa piging. "Oo, ngayon lang ako nagawi sa lugar niyo,"
"Saan ka ba nanggaling? Halika na at sisimulan na natin ang tagay!"
Natauhan na lamang si Andrus sa boses ni Marco, tila na hipnotismo siya sa halimuyak na dala ng bata. Bumitaw na si Luna sa kaniya at patakbong bumalik sa loob ng mansyon. Napaupo na lamang siya at napangiti ng matipid. "Pasensya na amigo, sapagkat malapit ako naligaw. Mabuti na lamang at nariyan ang iyong pamangkin na si Luna,"
Ngumisi Marco at napailing-iling pa sa sinabi ni Andrus, "Tunay ngang matalas ang paningin ng aking pamangkin, kasing talas ng ibong agila na handang lapain ang kaniyang bihag sa lupa."
"Mabuti pa'y simulan na natin ang pag inom ng serbesa," Hirit pa ni Enrico.
Agad na binuksan ni Marco ang vino na galing pa sa Espanya. "Salud, mga amigo!" Saad niya pa at itinaas ang bote. Pagkatapos ay sinalinan na niya ang bawat baso ng kaniyang mga kaibigan.
"Mi amigo, kung hindi ako nagkakamali ay ang binibining iyon..." Sabay turo ni Alexander sa binibining nakaupo malapit sa gawi ng hagdan sa loob. "Ay ang binibining pinagpustahan natin na mahuhulog sa'yo?"
Napakunot-noo si Marco at nabigla nang makita si binibining Corazon. "Bakit kaya siya naririto?" Pabulong na tanong niya kay Alexander.
"Aba'y lapitan mo, wala naman sigurong mawawala" Ani Alexander sabay inom ng vino sa babasagin nitong baso.
Napatingin pa si Marco sa mga kaibigan na ngayon ay masayang nag ku-kuwentuhan. Tumayo siya at nagpaalam muna saglit.
Si Corazon naman ay nagmamasid lamang sa paligid, kanina pa niya gustong kausapin si Marco. Ngunit hindi niya magawa iyon sapagkat kasama niya ang kaniyang ina na kumare ni Doña Araceli.
Nang makapasok si Marcos sa mansyon ay agad niyang nilapitan si binibining Corazon. "Binibini, nais ko lamang na makausap ka."
Medyo napaigtad naman ang dalaga sa boses ni Marco, "Saan mo nais na mag-usap?" Pabulong na tanong niya.
"Sa likod ng bahay, mauuna lamang ako. Tapos ay sumunod ka na."
Napatango si Corazon at napatabon ng payapay. Ilang segundo pa ang nakalipas ay sinundan na niya ang binata.
Pabalik-balik ang paglalakad ni Marco na tila hindi siya mapakali sa isang pwesto.
"Bakit nais mo akong makausap? Akala ko ba ay pinutol mo na ang ugnayan natin?" Tanong ni Corazon, bakas sa kaniyang boses ang lungkot at pagsisisi na makilala ang binata.
Napasinghap ng hangin si Marco at humarap sa dalaga. "Paumanhin-"
"Paumanhin? Iyan lang ba ang iyong masasabi pagkatapos mong yurakan at kunin ang aking pagkababae?" Saad ni Corazon na ngayon ay nangingilid na ang luha, "Hindi mo alam kung ano ang epekto nito sa aking katauhan, Marco! Ako'y umasa... at higit sa lahat ay nagkaroon ako ng pag-ibig sa'yo!"
Hindi makasagot si Marco habang pinagmamasdan lamang niya na umiyak si Corazon, "Patawad... ako'y nadala lamang sa bugso ng damdamin, para sa akin ay walang kahulugan ang nangyari sa atin. Nagsisisi ako, binibini, sapagkat hindi ko dapat nagawa sa'yo,"
Napailing si Corazon, "Huli na ang lahat, Marco. Darating din ang panahon na magbabayad ka sa iyong mga kasalanan!" Giit niya at sinampal sa pisngi ang binata sabay alis.
Naiwan si Marco at napapikit na lamang sa pangyayari.
Samantala, si Adrian at Kalayaan ay nasa taas lamang at nakadungaw sa bintana habang nakikinig sa pag-uusap ni Marco at ni Corazon.
"Pobreng babae. Sa kamay pa talaga ni kuya Marco nabihag," Pakli ni Adrian.
Napahinga nang malalim si Kalayaan at nilagok ang vino sa kaniyang baso, "¿Hay alguna razón por la que Marco es así?" (May rason ba kung bakit nagkaganiyan si Marco?)
Marahang napatango si Adrian, "Sí, mi sobrino." (Oo, aking pamangkin.)
"quiero escuchar la historia," (Nais kong marinig ang kuwento,)
[1889]
Noon pa man ay lagi ng dinadala ni Don Xavier si Marco sa tahanan ni Doña Amanda dahil nagigiliw ang anak nitong binata na si Marcelo. Ubod ng daldal kasi si Marco noong bata pa.
Nang magbinata si Marco ay tinuturuan siya ni Señor Marcelo na humawak ng baril kahit na si Adrian ay nasali rin.
"Nais ko sana sa susunod ay isa sa inyo ay magiging alperes." Saad ni Señor Marcelo sa dalawa.
Napangiti lamang si Marco at Adrian at nagsimulang mag kumpuni ng mga baril.
"Señor, isasauli na ho ni ama ang nahiram namin na regadera. Ngayon lamang kami nakabili. Pasensya na po,"
Sabay na napalingon si Marco at Adrian sa gawi ng isang binibini na ngayon ay bitbit ang regadera.
"Walang problema iyon, binibini. Kahit manghiram kayo ng anong gamit ay ayos lamang," Saad ni Señor Marcelo at sumenyas sa isang katulong na kunin ang regadera.
Napangiti ang dalaga sa señor, "Salamat po, señor."
"Kuya, hindi ba't siya ang ating kalaro dati? Si binibining Abril!"
"Siyang tunay. Matagal ko na rin tinatago ang pagtingin ko sa kaniya, kung iyong napapansin noon na lagi ko siyang binibigyan ng mangga at ipinagtatanggol sa nang-aaway sa kaniya." Saad ni Marco habang nakatingin pa rin kay Abril.
"Natatangi talaga ang kagandahan ng mga mestiza de sangley," Pakli ni Adrian.
Bigla na lamang napakaway ng kamay si Marco nang magtama ang paningin nila ni Abril. Ngumiti ang dalaga sa binata.
Hindi naglaon ay niligawan ni Marco si Abril at ilang buwan lamang ay sinagot na siya ng dalaga. Naging masaya si Marco sa piling ni Abril. Kapag uuwi galing sa skwela ang binata ay walang palya ang pagdalaw nito kahit sekreto pa lamang at si Adrian lamang ang nakakaalam.
Ngunit isang araw, nagtaka na lamang si Marco na wala ng tao sa tahanan ng nobya, kung kaya ay nagtungo siya sa tahanan ng pinsan.
"Kuya Marcelo, b-bakit wala ng tao sa bahay ng pamilya Yao?" Kinakabahang tanong ni Marco. Maraming katanungan na ang nalalatay sa kaniyang isipan, kahit isang liham man lang ng pamamaalam galing kay Abril ay wala siyang natanggap.
"Nakausap ko ang ama ng iyong kababata, lilipat sila sa Santa Maria. Ikakasal na kasi si Abril sa isang mayamang anak ng cabeza de barangay doon," Wika pa ni Señor Marcelo sa pinsan.
Parang binuhusan ng malamig na tubig si Marco sa narinig, "A-ano? Hi-hindi magandang biro iyan, kuya."
Napakunot-noo si Señor Marcelo, "Bakit? Hindi ka ba masaya na ikakasal na ang iyong kababata?"
Walang naisagot si Marco, nagpalaam na lamang siya at matamlay na umuwi. Buong gabi siyang umiyak at halos isang linggo itong nagkulong sa kwarto.
Si Adrian naman ay panay rason sa mga magulang na nag-aaral nang mabuti sa silid ang kapatid at ayaw magpadisturbo, ngunit batid niya ang lungkot ni Marco at pagtatangis nito, alam na alam niya sapagkat naglabas at nagsabi ng sama ng loob si Marco patungkol sa nangyari sa nobya.
Lumipas ang isang linggo ay hindi napigilan ni Marco na puntahan ang Santa Maria, kahit bilog ang buwan at kahit naka anyong lobo siya ay hindi niya napigilan ang sarili, ginamit niya ang kakayahan para makapunta sa nasabing nayon.
Nakikita ni Marco na nakadungaw si Abril sa bintana at pinagmamasdan ang bilog na buwan.
Alam ng dalaga ang totoong katauhan ni Marco, kahit na masakit sa kaniyang kalooban na lumayo sa nobyo ay hindi niya nagawang ipaglaban ang sarili. Lubog na sa utang ang kanilang pamilya at ang tanging kabayaran lamang ay ipakasal siya sa anak ng cabeza de barangay bilang kabayaran.
"A-abril, mi amor..." Mahinang sambit ni Marco.
Narinig naman ni Abril iyon at walan ano-ano'y lumandas sa kaniyang pisngi ang maraming luha na galing sa kaniyang mga mata na puno ng paghihinagpis at pagsisisi. "M-marco..." Sambit niya.
Nagkasundo ang dalawa na magkita sa isang puno ng balete.
"Patawarin mo ako, Marco." Umiiyak na saad ni Abril habang nakayakap sa nobyo.
"M-masaya ka ba sa kaniya?" Tanong ni Marco.
"H-hindi, nais kong lumayo ngunit hawak nila ang buhay ng aking mga magulang."
Napahinga nang malalim si Marco at kahit ang kaniyang mga mata ay lumuha sa sakit na naramdaman.
"Hindi kita malilimutan, Marco. Ikaw lamang ang aking mamahalin kahit sa kabilang buhay,"
Napatitig lamang si Marco sa mga mata ng dating nobya. Umuurong ang kaniyang dila para tumugon sa mga salita ni Abril.
Hinalikan na lamang bigla ni Abril ang mga labi ni Marco, "Hinahanap na ako. Paalam, Marco. Masaya akong naging bahagi ka ng buhay ko."
Walang magawa si Marco nang talikuran siya ni Abril. Tiningnan niya lamang itong lumayo sa kaniya.
"Mahal na mahal kita, Abril."
"Nakakalungkot ang sinapit ng aking kapatid kung kaya ay ganoon na lamang ang hindi niya pagse-seryoso sa pag-ibig," Ani Adrian.
Napatango si Kalayaan at inagbayan na lamang si Adrian.
HATINGGABI na nang matapos ang piging.
Si Dolorosa ay nakatingin na ngayon sa papel na nakalagay sa pader. Kaya pala ay masyadong pamilyar sa kaniya ang binubulong na salita. Napahinga siya nang malalim at naisipan na bukas ay itatanong niya sa kaniyang Kuya Oliver o sa kaniyang ama ang kahulugan ng salita.
"Hindi ka pa ba inaantok, Dolor?" Tanong ni Kahimanawari.
Nagulat si Dolorosa nang marinig ang pamangkin na nagsasalita ng tagalog. "A-akala ko ba ay h-hindi na kayo marunong magsalita ng Tagalog?"
Napatawa nang mahina si Kahimanawari, "Kanina'y nagkaroon kami ng pag-uusap ni kuya na hindi kami magsasalita ng tagalog. Kami talaga'y nagbibiro lamang,"
Napatabi si Dolorosa sa pamangkin at natawa na lamang sa kalokohan ng magkapatid. "Tunay nga't mga pilya at pilyo pa rin kayo."
"Kumusta ka naman, Dolor?"
Napahinga nang malalim si Dolorosa at bakas sa kaniyang mga mata ang pagkabahala, "Hay, ganito pa rin, laging nakaabang sa mga nilalang na kahit anong oras ay maaaring lumusob." Saad ng dalaga at sabay higa.
"Parehas pala tayo, sa Europa maraming bampira. Kami lang ang mga taong-lobo roon. Kami ay lugi kung sakaling malaman nila na kami ay kakaiba rin," Litanya ni Kahimanawari at napahiga na rin sa kama ni Dolorosa.
Gulat na napatingin si Dolorosa sa pamangkin, "Mga bampira?"
Napatango si Kahimanawari bilang tugon.
"Hindi malabo na may mga bampira rin dito sa Filipinas," Nababahalang sambit ni Dolorosa.
"Hindi malabo iyon, kahit na mainit ay kaya nilang lumabas. Sa tingin ko ay may ginagamit sila sa kanilang katawan para hindi masunog ang kanilang mga balat."
Napatitig na lamang si Dolorosa sa nakabukas na bintana kung saan natatanaw nila ang kalahating buwan at marami ring mga bituin na nagbibigay ng kaginhawaan sa masalimuot na mundo.
"Isa sa mga senyales na bampira ang isang tao ay walang guhit ito sa palad," Biglang saad ni Kahimanawari.
Napatingin si Dolorosa sa pamangkin, pilit niyang inaarok ang sinasabi nito. Parang nakita na niya kasi ang ganoong palad, nalimutan niya lamang kung saan at kanino.
"Bakit, Dolor? Tila may bumabagabag sa iyong isipan?"
Napailing ng marahan si Dolorosa at ngumiti ng matipid. Tumayo na lamang siya at tumungo sa bintana at isinara ito. "Matulog na tayo, Wari. Bukas na tayo mag-usap nang mag-usap. Batid ko'y pagod ka sa inyong biyahe."
"Salamat, Dolor at pinatabi mo ako rito sa iyong silid." Tugon ni Kahimanawari.
"Sus, huwag ka ngang ganiyan, parang ibang tao ah? Matulog na tayo." Tugon ni Dolor at tumabi na sa kaniyang pamangkin.
KINABUKASAN, araw ng sabado. Sa isang mahabang mesa ay naroroon ang pamilya Sarmiento na kumakain ng agahan. Hindi nakauwi kagabi si Oliver at ang asawa't anak nito dahil na rin sa sinabi ni Don Xavier na mas ikakabuti kung dito sa mansyon na lang matutulog.
"Sa haba ng panahon, ngayon pa lamang tayo naging kompleto sa hapag," Masayang sabi ni Doña Araceli sa mga anak at apo.
Sa gitna, kung saan nakaupo si Don Xavier ay lubos na nasisiyahan din sa pangyayari. "Agustin, hindi na ba kayo bubukod dito sa barrio Querrencia?"
Napapunas muna ng bibig si Agustin bago magsalita, "Iyon ang plano namin, ama. Nais namin na lumipat na kami rito, gusto kong ilipat ang aming negosyo rito."
Napatango-tango naman ang Don. "Bueno, tutulungan kitang magsimula muli."
Napangiti naman si Agustin, "Salamat ama, nais ko rin na ayusin at ipagawa ang dating mansyon ng aking lolo at lola... nais ko rin na gunitain ang alaala ng aking namayapang ama,"
"Mas mainam na kompleto tayo rito sa iisang balwarte," Singit ni Oliver sa usapan.
Napatango muli si Don Xavier bilang pag sang-ayon. Nagkangitian naman si Dolorosa at Kahimanawari.
Pagkatapos ng agahan ay nilapitan ni Dolorosa ang ama na ngayon ay nasa loob ng sariling silid-pagamutan. Nakatitig si Don Xavier sa isang malaking kalendaryo na kung saan makikita ang mga yugto ng bawat buwan.
"Ama?"
Napatingin si Don Xavier sa anak. "Aking unica hija, anong iyong nais, anak?"
Inilibas ni Dolorosa ang isang papel na may nakalagay na salita. Inilagay niya iyon sa mesa ng ama. "Alam niyo ho ba ang salitang iyan, ama? Kagabi pa ako binabagabag. May bumubulong din sa akin ng ganiyan, sa aking pakiwari'y sinusundan ako ng hindi nakikitang nilalang."
"Ikaw ba ay may manliligaw?" Diretsong tanong ni Don Xavier sa anak.
Halos natuod si Dolorosa sa katanungan ng ama.
"Ang salitang ito ay mula sa wikang leviathan, na ang ibig sabihin ay sinusundan kita o ako'y nakamasid lamang sa'yo." Ani Don Xavier.
Kinilabutan ang dalaga nang marinig ang naging litanya ng ama.
"Uulitin ko, anak... may nanliligaw ba sa'yo? O baka naman may nagambala ka na namang mga engkanto?"
Napalunok na lamang si Dolorosa ng laway dahil sa biglang sumeryoso ang mukha ng ama. Napahawak pa siya sa kaniyang saya ng mahigpit.
"Ama, nariyan ho ang maestra ni Dolor,"
Nagulat nang bahagya si Dolorosa sa presensya ni Adrian.
"O? Ba't parang nakakita ka ng multo?" Tanong pa ni Adrian.
"Ah- wala kuya, nabigla ako dahil sabado naman ngayon, bakit naririto si binibining Emilia?" Pagtatakang tanong ni Dolorosa. Gumawa na lamang ang dalaga ng rason sa pagkagulat.
"Mabuti pa ay puntahan mo ang iyong maestra, nang sa gayon ay malaman mo kung ano ang nais." Singit pa ni Don Xavier.
Samantala, lumabas ng silid si Marco para kumuha ng tubig pero napahinto siya nang makita ang isang binibini na nakaupo sa isang silya sa kanilang sala. Sumilay ang ngiti ng binata sa kaniyang labi.
Bago pa lapitan ni Marco ay binuksan niya ng bahagya ang kaniyang puting polo para maging kaakit-akit tingnan, "Magandang umaga, binibini. Ikaw ba ay bisita ng aking ina?"
Napailing nang marahan si Emilia sabay ngiti, "Ako ay maestra ni Dolorosa. Kung hindi ako nagkakamali ay kapatid ka niya? Sapagkat kayo'y magkawangis,"
"Siyang tunay, binibini. Hindi nag ku-kwento ang aking kapatid na may isang marikit na maestra pala ito," Saad pa ni Marco. "Ang ngalan ko ay Marco, maaari ko bang malaman ang iyong ngalan?"
"Ako si---"
Nabigla na lang sila nang mabangga ni Luna si Emilia. Nagtatakbo ang bata dahil sa nilalaro siya ni Kahimanawari. Nahulog ang kaniyang manika sa paanan ng maestra.
"Pasensya na ho," Ani Kahimanawari dahil biglang napatago si Luna sa likuran niya.
"Pasensya na, binibini. Ubod ng likot ang aking pamangkin na si Luna," Pakli ni Marco.
"Ayos lamang, walang problema iyon. Heto, binibini" Sabay abot ni Emilia sa manika kay Kahimanawari.
Nanlaki na lamang ang mata ni Kahimanawari nang makita ang palad ng panauhin.
-----
Featured Song:
(Para kay Abril at Marco na pinagkaitan ng tadhana, hahaha!)
Talaan ng kahulugan:
Alperes- head of guardia-civil.
Mestiza/Mestizo de sangley- Half blooded Chinese.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro