Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kapitulo - X

PAGKATAPOS ng klase ni Adrian ay nagpasya kaagad siya na puntahan ang nasabing maliit na panciteria na sinabi ng matanda kanina.

Habang siya'y naglalakad palabas ay may biglang tumapik sa balikat niya mula sa likuran.

"Andrus?"

"Ako nga,"

"B-bakit hindi mo kasama sila?" Tanong ni Adrian.

"Pupunta raw sila ng bahay-aliwan, hindi naman ako pwede makapasok doon dahil hindi pa husto ang aking edad."

Napangisi si Adrian at napailing na lang, "Naku! Huwag kang sasama sa kanila baka mahawa ka sa kanilang kalokohan."

"Saan nga pala ang tungo mo ngayon?" Pag-iiba ni Andrus.

"Sa panciteria, may bibisitahin lamang ako."

"Ganoon ba, ay, malapit kong nakalimutan... May nagpapabigay ng liham sa kapatid mo." Ani Andrus, agad na kinuha ang liham sa bulsa. "Para kay Dolorosa."

Kinuha ni Adrian ang inabot na liham ni Andrus.

"Huwag muna buksan, hayaan mong ang iyong kapatid ang magbukas."

Napatango si Adrian at isinilid sa bulsa ang liham.

"Una na ako," paalam ni Andrus.

Tumango naman si Adrian at tinapik ang braso ni Andrus. "Ingat."

Binagtas lamang ni Adrian patungo sa maliit na panciteria. Pero bago pa niya marating ito ay huminto muna siya sa simbahan kung saan maraming sariwang bulaklak ang nakaparada.

"Pabili po ako ng mirasol, manang."

"Ilang piraso, Ginoo?"

"Tatlo,"

"Ito ba ay handog mo sa iyong nobya?" Tanong ng tindera sabay ngiti.

"Hmm, s-sa kaibigan lang po"

"Kaibigan o ka-ibigan?"

Ngumiti na lamang si Adrian at hindi na tumugon.

Mula sa bukana ng simbahan ay natatanaw ni Immaculada si Adrian na abala sa pamimili ng mga bulaklak.

Napaayos siya ng talukbong at sinundan niya ng tingin kung saan ito tutungo. Kusang humahakbang din ang kaniyang mga paa para sundan ang binata.

Napahinga ng malalim si Adrian nang makita si Aina na abalang-abala sa loob ng panciteria.

"Ginoo? Nais niyong kumain dito?"

Natauhan na lamang si Adrian nang may magtanong sa kaniyang isang ale.

"O-opo,"

"Halika, bukod sa mga espesyal na pansit may mga panghimagas din tayo."

Nilibot ni Adrian ang kabuuan ng panciteria. Sa likod ng tindahan ay may malawak na lawa na makikita lamang ng mga kumakain. Maraming halamang nakasabit sa bawat sulok ng panciteria.

"Aina, pakidalhan ng isang platong espesyal na pansit dito."

Nang marinig ni Aina ang boses ng kaniyang tiyahin ay agad siyang nagitla nang makita si Adrian, napangiti ito sa kaniya. Ngumiti rin siya pabalik.

"Para sa'yo," Saad ni Aina nang maihatid ang pagkain kay Adrian

"Salamat, Binibini."

Nagkaroon ng katahimikan sa kanilang dalawa kung kaya ay binasag na iyon ni Adrian.

"Binibini, para sa'yo."

"Mirasol? "

"Nalaman kong dito ka naninilbihan. Binisita lang kita,"

"Pagpasensyahan mo na kung hindi ko nasabi agad sa'yo, hindi ko naman talaga masasabi dahil isang linggo kang nawala."

"Akala ko'y tuluyan mo na akong nilisan, alam mo na, hindi kaaya-aya ang iyong nakita."

Napahinga ng malalim si Aina at napangiti, "Walang problema 'yun. Hindi na siguro ako maninibago."

"Pasensyahan mo na kung nadamay ka pa."

"Buhay pa naman ako, Ginoo. Nga pala, salamat sa mirasol. Nag-abala ka pa." Wika ni Aina pero sa katunayan ay abot hanggang langit ang kaniyang saya nang makita si Adrian.

"Hindi ko man alam ang paborito mong bulaklak pero nagbabakasakali ako," nahihiyang tugon ni Adrian.

"Ito na ang magiging paborito ko, simula ngayon." Saad ni Aina.

Si Immaculada naman ay napatingin sa kanila, nalulungkot siya sa kaniyang nakikita.

NAUNA nang lumabas si Dolorosa sa mansyon ng kaniyang Tiya Ariana. Samantalang si Luna naman ay hawak hawak ni Doña Araceli.

Napapangiti si Dolorosa sa mga batang naghahabulan sa gitna ng kalsada. Pumapagitna sila at naglalaro ng patintero kapag walang kalesa o mga taong sakay ng kabayo.

Ngunit sa kalagitnaan ng kaniyang pagtingin sa mga bata ay humangin ng malakas at nag siliparan ang mga alikabok sa daan dahilan para mapuwing siya.

"Tae naman, o" inis na saad ni Dolorosa habang napapikit-pikit ng mata sabay punas ng panyo.

"Ikaw ba ay ayos lang, Binibini? Gusto mo bang hipan ko ang iyong mata?"

Medyo nanlabo ang mga mata ni Dolorosa ngunit namumukhaan niya ang binata, isa ito sa kasama ng kaniyang Kuya Marco sa panciteria kanina.

"Huwag na, Ginoo. A-ayos lang," ani Dolorosa sa binatang kaharap niya ngayon.

"Ganon ba, sige. Mag-ingat ka, Binibini."

"S-salamat"

Pagkatapos ay tumalikod na si Andrus at lumayo.

Nagkibit-balikat na lamang si Dolorosa at nabaling ang paningin sa ina nitong nagtataka.

"Sino ang binatang iyon?"

"H-hindi ko po kakilala, ina. Pero ako po ay sigurado na isa iyon sa mga kaibigan ni Kuya Marco."

"Ano ang nais niya sa'yo?"

"W-wala ho, ina. Nag-aalala lang po siya sa aking pagkakapuwing,"

"Aking sasabihin sa'yo, Dolor, na hindi ka dapat makikipag-usap sa mga estranghero, sapagkat hindi natin nababatid kung may dinadala silang kasamaan."

"Ipagpaumanhin niyo po ang aking kapahangasang ginawa, ina." Saad ni Dolorosa at napayuko.

Napahinga ng malalim si Doña Araceli at hinaplos ang pisngi ng anak. "Bueno, tayo'y humayo na at malapit na magtakipsilim."

"EMILIA, kumusta ang iyong kalagayan sa balwarte ng mga taong lobo?" Tanong ng Gobernadorcillo sa kapatid.

"Aking nababatid kuya na sila'y nakakapag palit ng anyo kahit hindi lumilitaw ang buwan."

Napabuga ng usok galing sa tabako ang Gobernadorcillo at napahalakhak ng mahina. "Mabuti na lamang at hindi ka nila naaamoy. Malakas pa naman ang kanilang pang-amoy, pero kahit ganoon ay mas tuso tayo sa kanila,"

"Bakit hinintay natin na tumuntong ng labing-walo ang unica hija ni Don Sarmiento?" Tanong ni Emilia sa kapatid.

"Dahil, lahat ng mga anak niya ay unti-unti ng sumisibol. Lalo na ang unica hija niyang si Via Dolorosa! Noon pa man ay may ipinakita na sa akin ang bato ng orakulo na may isang batang babae na nabibilang sa mga taong-lobo na isisilang at maaaring makakalupig sa ating lahi, ayaw kong mangyari iyon!" Wika ng Gobernadorcillo, umaalingawngaw ang kaniyang boses sa loob ng malaking silid.

"Hindi rin pwede na wala tayong madadalang hiyas ng mga buwan sa Europa. Kapag nadala natin lahat ng iyon ay hamak na mas magiging makapangyarihan ang ating balwarte,"  Saad pa ni Emilia.

"Kapatid nga kita, Emilia. Tayo tayo lang din naman ang nagkakampihan dito!"

Napayuko ang mga tauhan ng Gobernadorcillo na tila ba isa itong hari sa lahat.

"Darating ang panahon na maghaharap kami ng Don Xavier na iyon! Ilang siglo rin akong nanahimik sa kanilang kahibangan na parang sila na ang pinakamalakas sa lahat!" Nanggagalaiting sambit ng Gobernadorcillo.

NAPAHILATA na lamang sa higaan si Dolorosa nang matapos ang pagbibihis. Ipipikit na sana niya ang kaniyang mata nang may kumatok sa kaniyang silid. Napabangon siya sa inis.

"Ano ang iyong pakay, kapatid?" Tanong agad ni Dolorosa kay Adrian nang mabuksan ang pintuan.

"May nagpapaabot ng liham sa'yo. Isa sa mga kaibigan ni Kuya Marco,"

Napataas ng kilay si Dolorosa at kinuha ang ang liham sa kamay ni Adrian. Pinagmasdan pa niya ang kabuuan ng sobre.

"Buksan mo na,"

"Sa akin patungkol ang liham at hindi para sa ating dalawa, bakit ko ipapabasa sa'yo?"

"Para malaman ko kung ano ang pakay nila. Malay natin, paano kung hindi maganda ang kanilang nais sa iyo? Paano kung umaakyat ng ligaw? Lagot ka kay Ama kapag ika'y nag lihim,"

"Sige na nga!"

Pumasok si Adrian sa silid ng kapatid. Napasandal siya sa poste ng higaan ni Dolorosa.

Binuksan na agad ni Dolorosa ang liham, "Kay Andrus pala ito nanggaling, aba'y bakit kaya?"

"Basahin mo nang malaman natin."

Binibining Via Dolorosa,

    Aking nabatid ang iyong pangalan mula sa iyong kapatid. Hindi ko alam kung saan ako humugot ng lakas ng loob para isulat at ituran ang mga katagang ito.

   Sa una kong sulyap sa iyong alindog ay tila ako'y dinala sa ibang parte ng mundo. Ako'y humahanga sa'yo, Binibini. Huwag ka sanang matakot o umiwas kung tayo'y pagtagpuin ng landas.

   Hindi ito ang magiging huling liham ko, iyong aasahan na may darating pa. Nais kong ilahad lahat ang kakaibang bugso mula sa kabituoran ng aking puso. Nawa'y ikaw ay mag-iingat, Binibini.

    Andrus

"Nakita ka lang niya ay may pagtingin agad siya sa'yo? Isang kalokohan kung maituturing," Ani Adrian.

Itinupi ni Dolorosa ang liham at ibinalik sa kaniyang kuya, "Kalokohan nga, kung magbibigay man ang estrangherong iyon ulit ng liham ay huwag mong ibigay sa akin. Hindi ako interesado." Walang ganang sabi niya kay Adrian.

"Ibibigay ko pa rin." Tugon niya sa kapatid at lumabas na ng silid.

Sinarado naman ni Dolorosa ang pintuan at napahinga ng malalim. Bumalik siya sa kaniyang higaan ngunit may napansin siyang isa pang papel na maliit. Agad niya yung binuksan.

'Es vienmēr tevi vēroju'

Napakunot-noo si Dolorosa sa nabasa, agad niya itong idinikit sa pader gamit ang isang matalim at maliit na bronze.

Sa pagkakataong iyon ay may kung anong kaba ang namutawi sa puso ni Dolorosa.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro