Kapitulo - VIII
KANINA pa pabalik-balik sa pagtugtog ng piano si Dolorosa. Lubos siyang nahihirapan sa pag pi-piyano ng Fur Elise ni Beethoven.
"Kaya mo 'yan. Ang bilis mo ngang matuto." Saad ni Binibining Emilia.
"Wala po bang mas madali?" Tanong ni Dolorosa. Namamawis na ang kaniyang mga kamay sa pagtipa sa piyano.
"Sa katunayan ay 'yan ang pinakamadali... Ganito, sundan mo ako."
Napatingin si Dolorosa sa mga mapilantik na mga daliri ng kaniyang maestra. Napansin din niyang walang guhit ang palad nito.
"Binibini, maari ba akong magtanong?" Pagbakasakali niya pa pero nahihiya siyang magtanong kung bakit walang guhit ang palad ng babae.
"Ano 'yon, Dolor?"
"W-wala lang."
"Dolor? Magtanong ka na."
Napabuntong-hininga si Dolorosa. "B-bakit po walang guhit ang iyong palad?"
Nagulat ng bahagya si Binibining Emilia sa tanong ni Dolorosa. "Ah, ito... Sa katunayan ay ito ang aking mali sa katawan. Sa pamilya ko, ako lang ang walang guhit sa palad."
"Nakakamangha."
"Bakit? Lagi akong napagtatawanan nito."
"Ang mga tao talaga, hinahanapan ka ng mali para maging lamang sila." Saad ni Dolorosa. "Ako nga, namangha ako sa palad mo, Binibini. Hindi naman iyan kapintasan. Ang kahulugan lamang niyan ay naiiba ka sa lahat."
Napangiti ng tipid si Binibining Emilia. "Salamat, Dolor. Ikaw lamang ang nakapagsabi sa akin ng ganiyan."
Napangiti na rin si Dolorosa. Nagpatuloy na siya sa pagpi-piyano.
"GINOO, bakit mo sinabi sa kanila na t-tayo ay m-magkasintahan?" Nauutal na tanong ni Aina kay Adrian.
Kasalukuyan sila ngayong naglalakad sa maalikabok na daan ng San Fernando. Pabalik na silang dalawa sa Unibersidad.
"Para kapag nakita ka nila ulit, hindi ka na nila pagpipintasan." Sagot ni Adrian sa dalaga.
"Ganoon ba, salamat nga pala rito." Ani Aina, tinutukoy ang mga nabiling pagkain at pangangailangan sa kanilang tahanan.
"Walang problema, Binibini. Tulong ko 'yan sa'yo." Tugon ni Adrian.
Alam niyang may kasalanan din siya. Nang dahil sa pagiging taong-lobo nila ay sinusundan sila ng gulo o mga kakaibang nilalang.
Nang makapasok sila sa paaralan ay nakasulubong nila ang isang prayle na tila namumutla na. Nagtama ang paningin ni Adrian at ng prayle.
"Alam mo, yung madreng pinagsisigawan ako ay wala na."
Napatingin si Adrian kay Aina ng may halong pagtataka. "Anong ibig mong sabihin sa wala na?"
"Natagpuang patay sa sarili nitong silid. May bakas ng pagkasunog ang katawan."
Parang bumagal ang takbo ng mundo ni Adrian sa narinig. "K-kailan pa?"
"Kaninang madaling araw. Nakalimutan kong ikwento. Ngayon lamang sumagi sa aking isipan, nakakita kasi tayo ng prayle." Saad ni Aina.
Pilit inaarok ni Adrian ang mga pangyayari. Nakukutuban na siyang may kinalaman ito sa babaeng alupihan. Pero hindi niya pa maarok ang pangyayari.
"Nakakatakot na talaga rito manirahan sa San Fernando. Hindi naman ganito dati, hindi ba?"
Natauhan si Adrian sa katanungan ni Aina.
"Ang lalim ng iniisip mo, Ginoo."
"Ha? Ah, pasensya na. Papasok na ako. Mag-ingat ka." Ani Adrian.
"Sige. Ikaw din, salamat ulit Ginoong Adrian."
Pumasok na agad si Adrian sa silid-aralan niya. Huling asignatura na lamang niya ito at mayamaya pa ay uwian na. Tutunog na naman ang nakakakilabot na batingaw sa kanilang paaralan.
NATAPOS na rin si Binibining Emilia sa pagtuturo kay Dolorosa. Alam na alam niya na pamilya sila ng taong-lobo.
"Maari ka bang magkwento sa sarili mo, Dolor?"
Napangiti si Dolorosa sa kaniya. Binigyan muna siya nito ng tsaa bago magsalita.
"Nag-iisa akong anak na babae tapos may kakayahan akong makipag-usap sa mga halaman o puno."
Napatango si Binibining Emilia. "Kwentuhan mo naman ako sa kakayahan niyong magpalit bilang isang taong-lobo."
Napansin naman ni Binibining Emilia ang pag ngiti ni Dolorosa.
"Kaya namin magpalit ng anyo kahit umaga o kahit hindi bilog ang buwan, pero hindi lubos na taong-lobo. Yung tipong tutubuan lamang kami ng pangil at hahaba ang tenga namin. Mag-iiba rin ang kulay ng aming balintataw."
Napatango si Binibining Emilia. "Kakaiba. Paano nangyayari 'yon?"
"Sekreto po lamang namin iyon. Kami lang ho ang nakakaalam."
"Ganoon ba. Sabagay, misteryoso ang pamilya niyo." Ani Binibining Emilia. Nais niya pang malaman ang katotohanan sa likod ng pamilyang Sarmiento.
Hindi malabo na nasa inyo ang mga kwintas.
"BALITA ko, namatay na yaong madre." Saad ni Alexander sa mga kaibigan.
Naglalakad na sila palabas ng paaralan at magpapalipas ng oras sa bahay nila Enrico dahil sa sarado pa ang bahay-aliwan.
"Nakalimutang huminga." Natatawang sabi ni Crisantimo.
"Baliw!" Suway pa ni Enrico.
Si Marco naman ay tahimik lang at nagmamasid sa paligid. May naaamoy na naman siyang parang patay na daga.
"Hoy, Marco! Ang tahimik ah? Nanghihina na ba dahil wala ng Binibining maikama?"
Napatingin ng seryoso si Marco kay Crisantimo na ikinatigil nito.
"Hindi muna ako sasama." Pakli ni Marco. Nag-iba siya ng daan.
"Ano kaya problema ng lalaking 'yon?" Saad ni Enrico at napakamot pa ng ulo.
Sinusundan ni Marco ang nakakasulasok na amoy.
Napatago na lamang siya sa isang pader nang makita ang isang prayle na nagsusuka ng itim na likido sa makahoy na parte ng paaralan. Kahit malayo ay tanaw na tanaw ni Marco ang pagsuka nito. Nakikita niya pa ang paglabas ng mga litid nito sa sintido. Mga nababakas na ugat sa ulo na parang uod sa lupa.
"Kuya..." Mahinang sambit ni Adrian nang makita ang kapatid na parang may sinisiyasat na pangyayari.
"Bakit ka narito?"
"Naaamoy ko."
"Pamilyar na pamilyar ano?"
Napatango ng marahan si Adrian.
"Sa palagay ko ay ito 'yung kinikuwento sa atin ni Dolor kagabi patungkol sa lalaking alupihan." Bulong na wika ni Marco.
"Kailangan natin na magsaliksik ukol dito. Paano kung mali ang ating hinala?" Saad pa ni Adrian.
"Anong mali? Ang amoy ng babaeng alupihan ay magkasing-amoy ng prayle na 'yan." Pakli ni Marco at napasilip ulit sa prayleng nagsusuka kanina. Ngunit nawala na lamang ito bigla. "Nawala siya."
"Anong ginagawa niyo riyan? Takipsilim na, umuwi na kayo."
Inagbayan agad ni Marco ang kapatid. "Sinundo ko lamang ang aking kapatid, kagalang-galang na prayle."
"O-opo..." Sabay pa ni Adrian.
"Sige. Mag-ingat kayo, delikado pa naman ngayon." Ani Prayle.
Agad na napatakbo palabas ang dalawa.
"Siya 'yun, kuya. Hindi ba? Nakita ko rin siya kanina na putlang putla at nanghihina."
"Simula bukas ay manmanan na natin ang prayle na 'yon."
Nakita naman ni Adrian si Aina na naglilinis pa ng silid-aralan.
"Si Aina..."
"Ano?"
"Saglit lamang at lalapitan ko kuya."
Napahinga ng malalim si Marco. Pinagmasdan niya ang dalawa na nag-uusap. Nababasa niya sa kilos ng kapatid na may gusto siya sa Binibini.
"Bakit hindi ka pa umuuwi?" Tanong ni Adrian kay Aina nang makalapit ito.
"Lilinisan ko na lamang ito."
"Tutulungan na kita."
"Bakit?"
"Para mapadali ang pag-uwi mo. May hindi tama rito sa paaralan na 'to."
Walang nagawa si Aina, hinayaan niyang makita si Adrian na ginagamit ang kakayahan nito na pakilusin ang mga walis tambo.
Pumasok na rin si Marco sa silid at tinulungan si Adrian.
Walang pang isang minuto ay natapos na agad ang gawain.
"Lumabas na tayo rito." Ani Adrian. Siya na rin ang nagbitbit ng mga pinalengke kanina.
Halos wala ng katao-tao ang paaralan. Tumunog na ulit ang batingaw, hudyat na alas sais na ng hapon at mag no-novena na ang mga madre.
Habang naglalakad sila ay nakarinig si Marco at Adrian ng tunog ng mga kalansing.
"Bilisan natin." Saad ni Marco.
Hanggang sa nakita na lamang nila ang lalaking alupihan na nakapulupot sa isang poste. Naglalaway ito ng itim na likido, matatalim ang ngipin nito. Ang napansin lamang nila ay iisa na lamang ang sungay nito.
Parang natuod si Aina sa nakita. Kumikinang ang kulay lupa nitong buntot na may maraming kamay. Maputla ang katawan nito at nababakasan ng mga ugat.
Mas lalong natuod siya nang makita sila Adrian at Marco na tumaas ang mga tenga at lumitaw ang kanilang dilaw na balintataw. Tumaas din ang kanilang mga kuko sa kamay at ang kanilang mga pangil. Naririnig din niya ang pag-angil ng dalawa na tila mga asong galit na galit sa kaharap.
"Pinatay ninyo ang aking kapatid!" Saad ng lalaking alupihan. Ang boses nito ay parang nanggaling sa lupa sa sobrang lalim.
Palakas nang palakas din ang pagtunog ng batingaw. Mas nakakakilabot ang nililikha nitong tunog.
Napatabon si Aina ng kaniyang tenga at napaupo sa sulok.
Agad na sinugod ni Marco ang lalaking alupihan, lumundag siya at agad na naabot ang mukha ng kalaban at kinalmot. Napabagsak agad sa sahig si Marco.
Napasigaw ang alupihan at kumuwala sa pagkakapulupot. Unti-unting nagbabalik ang kaniyang mukha.
Nagulat si Marco at Adrian sa nakita.
"Hindi natatablan ng sugat, kuya!"
"T*nginang 'yan!"
Gumapang ang lalaking alupihan sa sahiga at sinugod silang dalawa. Pinagsasampal niya ng kaniyang buntot ang katawan ni Marco.
Si Adrian naman ay sinakyan ang likuran ng lalaking alupihan. Pinipilit na abutin ang sungay nito. Sa sobrang liksi nito ay tumilapon siya sa pader, gumuhit ang bitak dito.
Habang si Aina ay nagulat sa pagkatilapon ni Adrian.
"MALAPIT nang lumubog ang araw at wala pa rin si Adrian." Nag-aalalang sambit ni Doña Araceli.
"Nakakapanibago, puntahan ko na lang sa kanilang paaralan. May bibilhin din ako sa bayan" Ani Don Xavier.
"Sige, mabuti pa."
Kinukutuban na si Don Xavier kay Adrian. Hindi pa lumulubog ang araw ay nakauwi na ito, maliban kay Marco. Hindi na bago sa kanila.
"Ama, maaari ba akong sumama?" Tanong ni Dolorosa.
"Huwag na muna, anak."
Napasimangot si Dolorosa sa tugon ng kaniyang ama.
Hindi na nagsayang pa ng oras si Don Xavier at agad na lumabas ng tahanan at nagtungo sa kalesa. Pinagsabihan niya ang kutsero na siya'y ihatid sa unibersidad.
Hindi namalayan ni Doña Araceli na sinundan ni Dolorosa ang sinakyang kalesa ng ama, pumunta siya sa kwadra ng mga kabayo.
"Ikaw muna, Maharlika ah?" Ani Dolorosa at sinakyan ang itim na kabayo.
Hindi pa man nakakarating si Dolorosa ay naririnig na niya ang pagtunog ng batingaw na inakala niyang galing sa simbahan.
Sa likuran siya ng paaralan dumaan. Nadaanan pa niya ang itim na likido na nagkalat sa mga dahon. Bumaba siya sa kabayo. "Dito ka lang muna, Maharlika."
Nakarating na rin si Don Xavier at agad na nagtungo sa loob ng paaaralan.
Doon, nadatnan niya ang dalawang anak na nakahandusay na sa sahig at maraming sugat. Nakita niya rin ang isang Binibini na nakaupo sa sulok. Nakatakip ito ng bunganga.
"HOY!"
Napalingon ang lalaking alupihan sa gawi ni Don Xavier. Napangisi ito nang makita ang Don.
"Subukan mo pang saktan ang aking mga anak, alam mo na ang kalalagyan mo!"
"Xavier Sarmiento..." Sambit ng lalaking alupihan na may halong nakakaloko ang boses.
Hindi na nagdalawang-isip si Don Xavier, nagbago agad siya ng anyo.
Magkaharap na sila ngayon ng lalaking alupihan. Sumigaw pa ito sa harapan ni Don Xavier, tumalsik ang itim na laway sa mukha ng Don.
Hindi natinag si Don Xavier at napangisi lamang ito. Walang anu-ano ay agad na hinila ng Don ang sungay nito at pinilipit pa. Tinadyakan pa niya ito sa dibdib.
Nakita ni Dolorosa ang dalawang kuya na hinang-hina na. Hinila niya ang mga ito ng dahan-dahan papunta sa gilid.
"Dolor..." Ani Adrian at napaubo pa ng dugo.
Pinunit ni Dolorosa ang tsaleko ni Adrian. Tumambad ang bakas ng sugat sa dibdib hanggang tiyan. Naiiyak na siya sa kalagayan ng kuya. Nakita niya rin ang kuya niyang si Marco na may dugo sa ulo na walang malay.
Sa pagkakataong iyon ay parang nawala sa sarili si Dolorosa. Nagbago ang kaniyang anyo at wala sa sariling sinugod ang lalaking alupihan na ngayon ay sinasakal ang ama.
Dinambahan niya ito sa likod at ginapos ang bisig nito sa leeg ng kalaban at biglang sinakmal ang ulo nito. Bumaon ang pangil ni Dolorosa at tumalsik ang itim na likido. Natuklap pa ang balat at bungo nito sa ulo. Kitang-kita ang utak sa loob.
Wala rin sa sarili na inikot ni Dolorosa ang ulo ng lalaking alupihan. Narinig pa ang pagkabali ng buto nito sa leeg. Lumabas ang masaganang itim na likido. May mga malilit na alupihan din ang lumabas sa katawan nito.
Hanggang sa natanggal ang ulo nito at tumilapon patungo sa harapan ni Aina.
Kumisi ang lalaking alupihan at parang hinahanap pa nito ang ulo at agad na bumulagta sa sahig.
Kinuha pa ni Dolor ang ulo ng kalaban at inapakan ito nang inapakan hanggang madurog at bumulwak ang utak nito.
Naramdaman na lamang niyang may pumigil sa kaniya. Ang ama.
Halos hindi makakurap si Aina sa nakita. Natalsikan ang kaniyang saya ng itim na likido.
Unti-unting kumalma ang sistema ni Dolorosa.
Huminto na rin ang pagkalimbang ng batingaw.
----------
Kaalaman:
Ang Fur Elise ni Ginoong Beethoven ay na composed noong 1810.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro