Kapitulo - VII
NANG marating nila Dolorosa ang mansyon ni Alcalde Timoteo ay naroroon pa rin ang ama at ina pero sa pakiwari niya'y uuwi na ang mga ito. Agad naman na napatakbo si Luna sa kaniyang mga magulang. Kahit na si Immaculada ay napayakap sa ama.
"Bakit? Anong problema, Dolor?" Tanong ni Don Xavier sa anak.
"Nagkakagulo ngayon sa perya, ama! Sila kuya Adrian at kuya Marco ay naroroon, hinaharap ang babaeng alupihan."
Halos hindi maipinta ang mukha ni Don Xavier sa narinig.
Nagsimula na rin ang bulongan ng mga bisita.
"Baka mapaano si Adrian at Marco, mahal!" Pag-aaalalang saad ni Doña Araceli.
SAMANTALA, si Marco at Adrian ay kaharap na ang babaeng alupihan. Nakakadiri ang mukha ng babae, napakaitim ng balintataw at maraming kamay.
"Ubi est monile lunae rubrae?" (saan ang kwintas ng pulang buwan?) Saad ng babaeng alupihan na halos magdikit ang mukha ni Marco sa sobrang lapit. Nakakakilabot ang boses nito na parang tatlong tao ang nagsasabay sa boses. May halong boses matanda, boses lalaki, at boses bata.
Matalim lamang na nakatingin si Marco sa mga mata nitong ubod ng itim.
Si Adrian naman ay agad na sinugod ang babaeng alupihan ngunit mabilis na winaksi ng kalaban ang buntot nito na tumama sa dibdib ni Adrian.
Tumilapon si Adrian at napaigik sa sakit na naramdaman, nag marka sa kaniyang dibdib ang buntot na tila isang bakas ng latigo.
Si Marco naman ay hindi na nag atubili pa na hawakan sa magkabilang sungay ang babaeng alupihan. Hinila niya ito ng sobrang lakas na ikinasigaw ng kalaban.
"Put*ng*na! Saan ka ba galing hayop ka?" Inis na saad ni Marco sa babaeng alupihan.
Nang mahimasmasan si Adrian ay nakikita niya na ngayon ang kuya na nakikipaglaban sa babaeng alupihan. Sinikap niyang makatayo at agad na pinuntirya na hilahin ang buntot nito.
"Kuya, hilain mo ang kaniyang sungay, hihilain ko rin ang kaniyang buntot. Sabay nating hilain nang humiwalay ang katawan ng demonyong 'to!" Wika ni Adrian sa kaniyang isipan na nababasa ngayon ni Marco.
Hinila nila sa magkabilaan ang babaeng alupihan. Halos mawalan ng lakas ang dalawa dahil sa lakas ng pagkisi ng katawan nito.
Hanggang sa nakarinig sila ng putukan ng baril mula sa labas.
"Ang alupihan ang tamaan! Fuego!" Sigaw ni Heneral Fortalejo sa mga gwardiya sibil na ngayon ay pumapasok na sa loob.
Pinaulanan nila ito ng bala. Nabitawan naman ni Marco at Adrian ang babaeng alupihan na nangingisay at halos mapunit na ang katawan nito sa kakahila. Hanggang sa natigil at nawalan ng buhay ang kalaban.
Agad naman na nagbago ang anyo ng dalawa. Pinagmasdan nila ang babaeng alupihan.
"Sa tingin ko ay nasa sampung talapakan ang taas ng alupihan." Saad ni Heneral Fortalejo.
Hinahanap naman ni Adrian sa kaniyang paningin si Aina. Kinakabahan na siya kung may nangyari ba sa dalaga.
NAIS man umalis ni Don Xavier sa piging at tumungo sa perya ngunit pinigilan na siya ng alcalde dahil naroroon na rin daw ang mga gwardiya sibil sa pangunguna ni Heneral Fortalejo.
"May tiwala rin ako sa mga anak mo, Don Xavier. Alam kong kaya nila puksain ang nilalang na iyon." Saad ng Alcalde.
Napahinga ng malalim ang Don sabay hawak sa sintido nito. Napapaisip na siya ng konklusyon sa mga pangyayari.
Habang nasa silid ni Immaculada si Dolorosa ay panay ang kaniyang palakad-lakad sa loob na tila hindi mapakali sa iisang pwesto.
"Kumalma ka na, Dolor. Nahihilo ako sa ginagawa mo." Pakli ni Immaculada na nakaupo sa dulo ng kaniyang higaan.
Napahinto si Dolorosa. "Napansin ko lamang kasi na sunod sunod ang mga hindi pangkaraniwang nilalang na lumulusob dito sa ating lugar."
Inabot ni Immaculada ang kamay ni Dolorosa. "Ang masasabi ko lamang ay sa huli, walang masama ang mananaig."
Napangiti si Dolorosa sa naging litanya ng kaibigan.
"Tabihan mo na lamang ako---"
"Shhh..." Pigil ni Dolorosa kay Immaculada. Napapansin niyang may nakamasid sa kanila. "Mas mainam na lumabas na muna tayo."
"B-bakit?" Pabulong na tanong ni Immaculada kay Dolorosa.
"May nakamasid..." Inilibot ni Dolorosa ang kaniyang paningin sa paligid.
Napasigaw na lamang si Immaculada nang makita ang isang ulo na dumungaw sa kaniyang kisame. Naglalaway ito ng itim na likido, maging ang balintataw nito ay itim din.
"Lumabas ka na!" Ani Dolorosa at agad na nagpalit ng anyo.
"P-paano ka?" Nag-aalalang saad ni Immaculada.
"Lumabas ka muna. Pakiusap."
Agad na lumabas si Immaculada at nagsisigaw.
Kaharap niya ngayon ang isang lalaking alupihan.
"Da mihi monile!" (Akin na ang kwintas!)
Napatingala si Dolorosa sa malaking nilalang. "Anong pinagsasabi mo? Damuho!" Inapakan agad niya ang buntot nito ng sobrang lakas.
Agad na nahawakan ng lalaking alupihan ang buhok ni Dolorosa at hinila. Tumilapon ang dalaga.
Matalim na napatingin si Dolorosa sa alupihan. Napatayo at sumugod siya ulit at kasing-bilis ng kidlat na dinukot niya ang laman ng kalaban. Nanunuot ang kaniyang matalim na kuko sa tiyan nito. Bumulwak ang itim na likido.
Napahawak sa tiyan ang lalaking alupihan at unti-unting nanunumbalik ang mga laman nito sa tiyan na parang walang nangyari. Akmang lalabas na sana ito nang dinambahan ni Dolorosa ang likuran nito.
"Hindi ka pwedeng umalis hangga't hindi pa kita napapatay!" Galit na galit na wika ni Dolorosa, kumapit siya sa likuran nito. Parang bumabaliktad ang sikmura niya nang gumapang ito pabaliktad sa kisame at lumabas sa bintana ang lalaking alupihan. Pilit niyang abutin ang sungay nito habang nasa likuran siya.
Nakita ni Don Xavier at Doña Araceli si Dolorosa na hirap sa pagpatay ng nakakadiring nilalang. Napasugod sila at nagpalit ng anyo.
Dinambahan ni Don Xavier ang kalahati ng katawan ng lalaking alupihan.
"Ama, kaya ko na po ito!" Ani Dolorosa.
Bigla na lamang nangisay ang lalaking alupihan at nagpagulong-gulong sa lupa. Nasugatan pa si Doña Araceli sa braso dahil sa mga kamay ng nilalang na sobrang dami.
Galit na galit si Dolorosa sa nakita at walang anu-ano ay tinanggalan niya ito ng isang sungay.
Napasigaw nang malakas ang lalaking alupihan. Pilit niyang sinusuksok ang sarili sa ilalim ng lupa.
Napapaubo sila sa alikabok. Tila isang ipo-ipong bumulusok sa ilalim ng lupa ang lalaking alupihan at nawala ng parang bula.
Napahiga si Dolorosa sa hilo. Ang huling nakita na lamang niya ay ang kalangitan na napupuno ng bituin. Bigla siyang nawalan ng ulirat. Unti-unti na rin siyang bumalik sa dating anyo.
KINABUKASAN maagang nakarating si Adrian sa paaralan. Wala na ang kaniyang sugat dahil ginamot na ito ng kaniyang ama. Kahit saan siya makatingin ay panay ang pag-uusap ng ibang kalalakihan patungkol sa dalawang alupihan.
"Binibining Aina!" Tawag ni Adrian nang makita si Aina na tila wala sa kaloobang nagwawalis ng mga tuyong dahon sa ilalim ng punong akasya.
Napalingon sa kaniya si Aina at agad na iniwas ang paningin at nagmamadaling kunin ang mga walis at timba.
"Binibini, hintay! Ayos ka lang ba kagabi?" Tanong ni Adrian. Lakad-takbo siyang sinundan si Aina.
"Lumayo ka na sa akin, Ginoong Adrian." Biglang sabi ni Aina nang marating nila ang isang silid na naglalaman ng mga gamit panglinis.
"B-bakit? May problema ba?" Tanong ni Adrian sa dalaga na ngayon ay seryoso lamang na nakatingin sa kaniya. "Binibini?"
Napahinga ng malalim si Aina at napapunas ng pisngi. Napapahikbi siya sa hiya. "Kung hindi kita inaya na manood sa perya, hindi ka masasaktan ng babaeng alupihan." Saad niya habang nakayuko. "Paumanhin."
Walang nagawa si Adrian nang umalis si Aina sa kaniyang harapan. Pinagmasdan niya lamang itong naglakad papasok ng pasilyo.
Buong oras na wala sa huwisyo si Adrian na nakikinig sa kaniyang magtuturo. Naiisip niya si Aina.
Pagkatapos ng klase ay agad niyang pinuntahan ang dalaga na abalang abala sa paglilinis ng sahig. Pinagmamasdan niya lamang ito. May dala dala rin siyang pagkain para sa dalaga.
Habang abala si Aina ay may nakita niya lamang siyang isang tinapay sa harapan. Napatingala siya nang makita kung sino ang may bitbit nito. "Hindi ka na sana nag abala, Ginoo. Ako yung may kasalanan." Wika niya at patuloy na tinanggalan ng dumi ang sahig.
"Wala kang kasalanan. Hindi nga ako nasaktan." Ani Adrian.
"Sigurado ka? Hindi na rin kita nahagilap kagabi dahil panay takbo na kami kahit saan."
"Oo, hindi ako nasaktan."
Napatayo si Aina at tinanggap ang pagkaing inalok ng binata sa kaniya. "Pasensya na."
Napangisi na lang si Adrian. "Wala ka ngang kasalanan."
"Salamat sa tinapay. Hindi pa ako nag-agahan. Nalugi kami. Kaninang umaga, sinugod kami ng mga tao, kinuha ang kanilang salaping naibayad kagabi." Malungkot na saad ni Aina.
"Ganoon ba, Binibini? Nakakalungkot nga. Samahan mo na lamang ako sa merkado, bilhin mo ang lahat ng pangangailangan niyo sa inyong tahanan."
Nagulat naman si Aina sa winika ni Adrian.
"Seryoso ako." Saad pa ng binata.
NAGISING si Dolorosa sa sariling silid. Ngayon niya lamang napagtanto na dadating ang kaniyang maestra na si Binibining Emilia Echeverria. Pinakilala ito ni Alcalde Timoteo kay Don Xavier noon na pwedeng maging maestra ito ni Dolorosa.
Napabalikwas agad ng bangon si Dolorosa at nagtungo sa sala kung saan naroroon ang ina nito na may kausap na isang balingkinitang babae. Sa kaniyang palagay ay ito na si Binibining Emilia.
Pinandilatan siya ng kaniyang ina. Agad siyang nagtungo sa palikuran at naligo.
Pagkatapos ay nagpakita na siya sa kaniyang ina at sa kaniyang maestra.
"Ito pala ang aking anak na si Via Dolorosa." Pakilala ni Doña Araceli sa anak.
"Magandang araw, Binibining Via." Nagagalak na saad ni Binibining Emilia.
Sa nakikita ni Dolorosa ay napakaputi nito na parang nabibilang sa mataas na antas ng pamilya. Maitim ang matuwid nitong buhok at nahahalintulad ang kaniyang mukha sa isang birheng Maria. Nasa dalawang pút tatlong taong gulang na ang dalaga.
"Ang puti niyo po, ano po ang iyong ginagamit sa inyong balat?" Wala sa sariling tanong ni Dolorosa.
Nakita niya namang napatawa ng mahinhin ang kaniyang maestra samantalang si Doña Araceli naman ay napailing na lamang sa katanungan ng anak.
"Halos sa Europa na ako lumaki, hindi rin ako palalabas kung kaya ay ganito ka puti ang aking kutis." Ani Binibining Emilia.
Napangiti na lamang si Dolorosa sa kaniyang maestra.
Lumipas ang oras ay sinasanay na siya ngayon ni Binibining Emilia paano magpinta.
"Alam mo, Binibini, nakakatuwa palang mag-aral."
"Bakit hindi ka pinag-aral ng iyong mga magulang sa isang skwelahan na ang mag-aaral ay puro babae?"
"Pilya ho raw kasi ako. Hindi naman, 'di ba?" Reklamo pa ni Dolorosa.
"Hindi ko pa alam." Sabay tawa ng mahinhin ni Binibining Emilia sa dalaga.
"Ang ganda niyo po, may kabiyak na po ba kayo?"
Natigilan si Binibining Emilia sa tanong, napangiti siya sabay iling.
"Ano? Ang ganda niyo pa naman."
"Ikaw? May ate ka ba?"
Napailing si Dolorosa, "Puro kuya lang ang mayroon ako."
"Ahh, kaya pala ang gaslaw mong kumilos." Natatawang saad ni Binibining Emilia.
"Palabiro ka po pala, Binibini." Saad ni Dolorosa at sinabayan ang tawa ng maestra. Nagsimula na siyang gumuhit sa isang blankong lonta.
Pinagmasdan ni Binibining Emilia ang kabuuang hitsura ni Dolorosa. Hindi niya akalaing ito ang sanggol na nakikita niya mula sa kalayuan noon na laging kalong ni Don Xavier.
Malapit na ang itinikdang oras.
HALOS hindi makapagsalita ng maayos si Aina sa kabutihan ni Adrian. Kasalukuyan sila ngayong nasa pamilihan ng mga prutas at gulay.
"Mamili ka na. Piliin mo kahit ano." Ani Adrian kay Aina.
Para silang bagong mag-asawa na namamalengke sa mataong merkado ng San Fernando.
"Sigurado ka ba rito, Ginoo? Hindi mo ako sisingilin? Wala pa akong salapi, hindi pa ako binigyan ng punong-guro ng paaralan." Nahihiyang sambit ni Aina.
"Walang bayad iyan."
Napatango na lamang si Aina.
"May ganoon pala? Sumasama yung lalaking amo sa isang kasambahay?" Ani isang dalaga na nabibilang sa mataas na antas.
"Naku! Sinamahan 'yan dahil baka nakawin ang mga pinamili." Pakli pa ng kasama nito.
Yumuko si Aina at napakagat sa labi. "Umalis na lang tayo rito, Ginoo."
Narinig naman ni Adrian ang pangungutya ng dalawang Binibini. "Huwag mo silang pansinin."
"Tingnan mo naman, kung magkasintahan sila dapat magarbo ang kasuotan ng Binibini na iyan."
Natigilan sila nang makita si Adrian na seryosong nakatingin sa kanila.
"Magandang tanghali, Ginoo."
"Walang maganda sa tanghali kung kayo ang aking kaharap."
Napahawak sa dibdib ang dalaga sa sinabi ni Adrian.
"Pasensya na."
"Ayaw kong marinig na may nangungutya sa aking kasintahan. Alam kong simple lamang ang kaniyang suot pero siya'y may busilak na kalooban." Seryosong saad ni Adrian sa kanila.
Napayuko na lamang ang dalawa at dali daling umalis.
Halos nanuyo ang lalamunan ni Aina sa narinig. Hindi na niya alintana ang lakas ng kabog sa kaniyang dibdib.
Napangiti na lamang si Adrian sa kaniya at nakita niya pa itong napahimas ng batok.
"Pumili ka lang." Ani Adrian kay Aina.
Halos matunaw na si Aina sa kaniyang kinaroroonan.
-----
Talaan ng salita:
Lonta: Board Canvas
Lalaking Alupihan:
(Ang litrato ay hindi ko pagmamay-ari)
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro