Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kapitulo - V

ABALA sa pag-uusap si Dolorosa at Immaculada sa sala. Hinihintay ni Immaculada ang ama na sunduin siya at hanggang ngayon na papalubog na ang araw ay hindi pa nakakarating.

"Ang tagal naman ni ama, akala ko ba may kukunin lang sa kabilang baryo," Saad ni Immaculada na nakikitaan na ng pagkadismaya.

"Baka mahaba ang pinag-usapan nila ng iyong ama sa kaniyang kaalyansa?"

Nagkibit-balikat na lamang si Immaculada.

Mayamaya pa ay dumating na si Adrian at nilagpasan lamang sila nito. Sinundan naman ito ng tingin ni Dolorosa.

"Mukhang may problema ang iyong kuya." Ani Immaculada.

Napabuntong-hininga na lamang si Dolor. "Siguro? Iba pa naman iyan mawalan ng gana o magalit."

Napasulyap si Immaculada sa pintuan ng silid ni Adrian. Matagal na siyang may nararamdaman sa binata pero nahihiya lamang siyang lumapit o kausapin ng matagal.

"Hija? Dito ka na lang maghapunan." Ani Doña Araceli nang makalapit sa dalawa.

"Po? Nakakahiya na po Doña. Baka mamaya ay dadating na si ama."

Napangiti si Doña Araceli. "Huwag ka ng mahiya, pamilya tayo rito. Alam mo, nakikita ko sa'yo ang lola Catalina mo, para bang nanunumbalik ako sa nakaraan kapag nakita kong magkasama kayo ni Dolor."

"Iyon din po ang sabi sa akin ni Lola Catalina."

"Siya nga pala, ba't hindi ka bumisita kay Lola Catalina mo?"

"Ina, bago po siya nagawi rito ay pumunta siya roon." Ani Dolorosa.

Napatango na lamang si Doña Araceli. "Ganoon ba, pagpasensyahan mo na at hindi ko napansin ang iyong pagdating. Naging abala kami kanina dahil sa mga na engkanto."

Nagkatinginan naman si Immaculada at Dolorosa.

HABANG nasa bahay-aliwan sila ay panay ang salita ni Crisantimo patungkol kay Adrian. Hindi niya akalain na ganoon ka tapang ang kapatid ni Marco.

"Minsan kasi, matuto kang dumahan-dahan sa iyong pananalita." Pakli ni Enrico.

"Iba kasi ang mga tahimik kapag nagalit." Ani Alexander.

"Sino ba talaga ang kinakampihan niyo? Ako na nga ang napuruhan sa mukha!"

"Wala naman, pero mali rin ang pagsabihan mo ng ganoon si Adrian." Giit pa ni Enrico.

Napansin naman nila na kanina pa tahimik si Marco at abala sa paglalagok ng mga serbesa.

"Marco! Ano? Ayos ka lang?" Pagtapik pa ni Alexander sa balikat ni Marco.

"O-oo naman." Ikling tugon ni Marco.

Umabot ng isang oras ang ganoong eksena hanggang si Alexander ay may nakuha ng babaeng bayaran at iniakyat na sa taas ng bahay-aliwan.

"Marco, balak mo ba?" Tanong ni Enrico kay Marco dahil nasa entablado na ang mga walang saplot na babaeng bayaran.

Sasagot na sana si Marco nang may narinig silang bulahaw ng isang lalaki na pababa ng hagdan. Wala itong saplot sa pang-itaas at may bakas ng sugat sa mukha. Halos mapunit ang gilid ng bunganga nito.

"May ahas! May ahas! Maraming kamay!" Takot na takot na sabi ng lalaki.

Agad na nagkaroon ng kaguluhan sa loob ng bahay-aliwan. Halos magiba na ang pintuan ng bahay-aliwan dahil na rin sa pagpupumilit ng iba na makaalis.

"Marco!" Tawag ni Alexander na napalundag pa galing sa taas sa sobrang taranta. Wala na siyang saplot pang itaas at bukas pa ang butones ng kaniyang karsones.

Halos panawan din ng ulirat ang mosang sa pangyayari, hindi niya maarok kung bakit may ganoong nilalang ang nakapasok, hindi man niya nakita ang sinasabing babaeng ahas ay nababakas sa lalaki ang takot at pandidiri kanina bago mawalan ng malay.

"Lumabas na tayo, Marco!" Saad pa ni Enrico, ngunit hindi siya pinakinggan nito.

Agad na inakyat ni Marco ang hagdanan at sinuri ang mga kwarto ng bahay-aliwan. Nababakas sa alpombra ang patak ng itim na likido.

Pinasok niya ang nakabukas na silid at doon ay nakita niyang sobrang kalat at may dugo pang nakabakas sa kumot.

Ahas na maraming kamay? Impusible!

Saad ni Marco sa sarili.

Mayamaya pa ay naramdaman na ni Marco ang mga maraming yapak. Napasilip siya.

"Ano ang ginagawa mo rito? At sino ka?"

Napakunot-noo si Marco sa seryosong tanong sa kaniya ng lalaki na sa palagay niya ay punong heneral ng mga gwardiya-sibil ng San Fernando.

"Nais ko lamang mag siyasat. Ako si Marco Sarmiento."

Sandaling nabigla ang punong heneral. "Kung hindi ako nagkakamali ay anak ka ni Don Xavier?" Tanong ni Heneral Fortalejo, sinenyasan na niya ang tatlong gwardiya-sibil na pumasok sa silid upang mag-siyasat.

Napatango si Marco, "Ako nga po."

"Ako'y nagagalak na makilala ka. Ngunit maari ka ng umuwi, hijo sapagkat kami na ang bahala rito."

Marahang napatango si Marco.

"Mag-ingat ka, maaaring makasulubong mo ang kakaibang nilalang." Babala ni Heneral Fortalejo.

Sandaling napaisip si Marco, dahil sa kwento ng kaniyang mga magulang noon ay ang pagkaroon ng paghati ng balwarte ang sanhi ng kaguluhan at hindi pagkaintindihan, isali na roon na hindi pag tanggap ng mga tao sa mga taong-lobo. Pero ngayon ay nagpatanto niyang may higit pang mabangis na mga nilalang ang maaring lumusob sa San Fernando.


KINABUKASAN, tumpulan ng kwento ang bahay-aliwan. Maging si Don Xavier ay nasagap ang balita patungkol daw sa babaeng ahas.

"Ang sabi raw ay pinasara na muna ang bahay-aliwan dahil sa pangyayari kagabi." Ani Don Mateo kay Don Xavier.

Napatitig na lamang si Don Xavier sa labas ng bintana. Halos sa tatlong dekadang dumaan,  nagkaroon ng matiwasay na pamumuhay ang bayan ng San Fernando at ang Barrio Querrencia, ngunit ngayon ay muling manunumbalik na naman ang madugo at marahas na mga pangyayari. 

"Saan kaya nanggaling ang ahas? Hindi na raw natanong ng punong heneral ang biktima dahil mukhang nawala na ito sa katinuan."

"Sa tingin ko ay ang kwintas ng pulang buwan ang kanilang hanap." Seryosong saad ni Don Xavier.

Napakunot-noo naman si Don Mateo sa sinabi ng kaibigan.

[Bagong taon ng 1856]

Masaya ang lahat sa pagdiriwang ng bagong taon. Naroroon ang mga putukan ng kwitis at ang masasayang tugtog galing sa bandurria at mga tambol.

Inimbitahan ni Don Lorenzo si Xavier at Mateo, maging ang mga asawa nila na sa loob ng kongregasyon sila magdiriwang ng bagong taon.

Nang humupa na ang kasiyahan ay hindi na nag atubili si Xavier na magtanong kay Don Lorenzo patungkol sa kwintas ng pulang buwan.

"Pagkatapos ng kaguluhan ay nakita namin na nakasabit ito sa espada na iyong binigay. Ang espada ay bumulusok na lamang sa lupa."

Napahawak si Don Lorenzo sa bigote at iniisip ang mga pangyayari. "Kaya pala wala akong nakita na kwintas pagkatapos ng kaguluhan. Tama, sinundan ng kwintas kung saan naroroon ang espada. Natatangi ang espada na yaon..."

"...bukod sa inyong kaalaman ay mayrooon ding kwintas ng asul na buwan." Ani Don Lorenzo at kinuha mula sa kahon ang kwintas.

May dalawang kwintas ang naroroon, ang kwintas ng unang pulang buwan at ang kwintas ng asul na buwan.

"Ibig sabihin, noong sumapit ang asul na buwan ay may kwintas pala?"

"Oo, at ipinagkakaloob ko sa'yo ang mga kwintas na 'to, Xavier. Ingatan mo." Saad ni Don Lorenzo at ibinigay ang dalawang maliit na kahon ng kwintas. "Ang kwintas na sinusuot ngayon ni Araceli ang mainit sa mga mata ng iba't-ibang uri ng nilalang. Nariyan ang kapangyarihan ng cambiador oscuro, o ang kakayahan na palitan ang umaga ng gabi."

Napatingin si Xavier sa mga kahon.

"Darating ang panahon na may magbabalak na kukunin ang lahat ng kwintas."

"P-paano po ang labing tatlong libro?"

Napahinga ng malalim si Don Lorenzo at napangiti. "Hindi ko alam kung saan na iyon pinagkaloob ng sansinukob. Kaya sa bawat araw na ating natutunghayan ay may nakatagong misteryo." Saad ni Don Lorenzo at tinapik ang balikat ni Xavier. Malaki ang tiwala niya rito dahil nakikita niyang maging maayos siyang pinuno ng barrio.

"Kailangan na rin natin na maging mapagmatyag, baka nga ang puntirya ng babaeng ahas na 'yon ay ang mga kwintas." Ani Don Mateo

"Tiyak na maraming mabibiktima ang nilalang na 'yon sapagkat nalalapit na ang kapistahan ng San Fernando." Tugon ni Don Xavier.

SINUSUKLAYAN ni Dolorosa ang buhok ni Luna ngayon sa loob ng silid. Nakapasyal ang bata dahil nababagot na siya sa kanilang tahanan, hinatid na lamang siya ng kaniyang ina na si Señorita Luisita.

"Ate Dolor, sana makapasyal na ako sa San Fernando. Sabi sa akin ni ama, malapit na raw ang kapistahan doon tapos may perya raw!" Nasasabik na saad ni Luna.

"Naku! Tiyak na hindi papayag ang iyong lolo niyan." Pakli ni Dolorosa. Napansin naman niya sa replika ng salamin ang pagsimangot ni Luna. Napahinga siya ng malalim. "Sabihan ko na lamang ang iyong lolo, magpapaalam tayo tapos isasama natin si Kuya Adrian."

Napatalon si Luna sa tuwa at napayakap at napahalik pa sa pisngi ni Dolorosa. "Salamat ate, minsanan lang naman tayo makapagliwaliw."

"Nga pala, ingatan mo ang kwintas na ibinigay namin sa iyo, Luna ha?"

"Opo."

"Kahit anong mangyari, huwag mong huhubarin at ibigay kahit kanino kahit sasabihing hiramin lang. Huwag na huwag." Pagpapaalala pa ni Dolorosa.

Napatango naman ng iilang ulit si Luna.

"Pangako?"

"Pangako po, ate." Tugon ni Luna sabay taas ng kamay na tila nanunumpa sa harapan ni Dolorosa.

Napangiti si Dolorosa. Ngunit sa kabila ng kaniyang pag ngiti ay may nakatagong pangamba, dahil na rin sa naririnig niyang pangyayari sa bahay-aliwan.

-------------------------

Talaan ng Kahulugan

Alpombra
:Na ang ibig sabihin sa salitang ingles ay carpet.

[Ang kapitulo V ay hinahandog ko kay Senyor_Nephesh]

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro