Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kapitulo - III

TAHIMIK lamang si Dolorosa habang kumakain ng hapunan. Tinitingnan na rin siya ni Adrian dahil alam nito na nagtatampo pa rin ang kapatid sa ama.

"Bukas na pala ang unang pasok ninyo sa paaralan." Ani Doña Araceli kay Adrian at Marco.

"Opo." Ikling tugon ni Adrian.

Samantalang si Marco naman ay patuloy lamang na kumakain.

"Kayo ay magtino, huwag bigyan ng sakit sa ulo ang inyong maestro. Malapit ka na rin magtapos, Marco." Pakli ng Doña.

Pagkatapos ay bumalik sa tahimik ang pagitan nila.

Napatikhim si Don Xavier dahil hindi niya matiis ang anak na si Dolorosa na hindi kausapin. "Patungkol kanina, anak..."

Dinampi ni Doña Araceli ang kaniyang palad sa kamay ni Dolorosa, senyales na kinakausap siya ng ama. Napatingin naman agad si Dolorosa sa gawi ng ama na nasa dulong gitna ng mesa.

"...ipagpaumanhin mo kung ika'y aking napagalitan. Sana sa susunod ay huwag na kayo pumunta sa gubat."

Napatango ng marahan na lamang si Dolorosa sa sinabi ng ama.

"Hindi maiiwasan ang mga galang engkanto na nais mag hasik ng sakit sa bawat tao." Saad pa ni Don Xavier. "May kakayahan ang mga engkanto na gayahin ang iyong replika."

Napangisi naman si Marco sa narinig. "Ang swerte naman ng engkanto kung gagayahin niya ang aking mukha."

"Hindi iyan biro. Paano kung isang araw gayahin ka nga? Tapos mag-aakala kaming ikaw 'yon." Seryosong tugon ni Adrian.

Napailing na lang si Don Xavier sa nasabi ni Marco. Kung pilyo siya noon, mas pilyo ang kaniyang ikalawang anak ngayon.

Si Dolorosa naman ay naaalala ulit ang hindi magandang asal ng kaniyang Kuya Marco kaninang umaga ngunit pinagsawalang bahala na lamang niya iyon dahil kahit anong pangaral ang sabihin ng kaniyang mga magulang ay hindi pa rin ito makikinig.

HINDI makatulog si Dolorosa dahil sa pagkabagabag sa naging pangyayari kanina. Hindi niya rin nakausap si Immaculada dahil na rin sa nakatulog siya.

Binuksan na lamang niya ang bintana at sumalubong sa kaniya ang malamig na simoy ng hangin. Marami ring huni ng kuliglig ang kaniyang naririnig.

"Haaay...napakaaliwalas ng kalangitan." Ani Dolorosa sa sarili.

Napapikit lamang siya at pinakinggan ang bawat huni sa paligid.

Nang iminulat niya ang kaniyang mata ay bahagya siyang nagulat nang makita si Joaquin sa ilalim ng puno.

"Magandang gabi, binibini!"

Nagtataka man si Dolorosa ay pinilit niyang ngumiti at bumati rin sa binata pabalik. "Bakit ka pa nasa labas? Gabi na." Halos pabulong na sabi ni Dolorosa.

"Hindi ako makatulog. Nakita rin kita, kaya binalak ko na lamang na puntahan ka."

"Baka kung ano ang mangyari sa'yo, madilim pa naman ang daanan."

"Hindi 'yan. Nais ko lang magliwaliw. Mas maaliwalas, walang sagabal."

"Mag hunus-dili ka, Ginoo. Kakasabi lang ng aking ama ay may engkanto raw. Si Immaculada kasi kanina, biglang nawalan ng malay. Kagagawan daw iyon ng engkanto."

Ngumiti si Joaquin. "Naririnig ko na 'yan. Hindi naman sila totoo, baka may sakit talaga iyan si Immaculada."

"Manggagamot ang aking ama, alam niya ang pinagkaiba ng sakit galing sa elemento at ang sakit na pangkaraniwan."

Ngumiti ulit si Joaquin. "Tama, naririnig ko na isang magaling na manggagamot ang iyong ama."

"Alam mo, palangiti ka pala." Ani Dolorosa. Hindi na niya pinahalata na naiinis siya kay Joaquin dahil nakangiti pa rin kahit may masama siyang balita na sinabi.

"Mas magiging masaya siguro ako kapag sinamahan mo ako rito."

Biglang kinabahan si Dolorosa sa sinabi ni Joaquin. Alam naman niya makisig ang binata pero hindi siya pwede palinlang. Isa sa mga itinuro ng kaniyang ama na hindi dapat maging malambot ang ilong, ibig sabihin ay iwasan ang pagiging marupok.

"Naku! Ah---haaay..." Pagkukunwaring hikab ni Dolorosa. "Inaantok na ako, Ginoo. Pwede naman siguro bukas na lang?"

"Sige, aasahan ko 'yan." Ani Joaquin at ngumiti ulit.

"Isasara ko na ang aking bintana, Ginoo."

Napatango si Joaquin at napangiti.

Agad naman na isinara ni Dolorosa ang bintana at napahawak sa kaniyang dibdib sa kaba. Pinatay na rin niya ang aranya sa kaniyang kwarto at napahiga.

Sino ka ba talaga, Joaquin?

Tanong ni Dolorosa sa sarili. Nakahiga na siya sa kaniyang kama at ganoon pa rin, hindi siya makatulog.

ARAW ng lunes at kasalukuyang nasa kalesa si Marco at Adrian para sa unang pasok ng eskwela.

Si Adrian ay baguhan sa kolehiyo sa kursong medisina. Si Marco naman ay patapos na sa kursong Arkitektura.

Pumapasok sila sa Colegio de San Fernando na kung saan lahat ng lalaking anak ng mayayaman ay naroroon. Tinatawag silang mga 'eruditus'.

"Narito na ho tayo mga Señor." Saad ng kutsero nang makarating sila sa nasabing paaralan.

"Maraming salamat po, Manong." Wika ni Adrian. Bago bumaba.

Bumaba rin si Marco sa kalesa at walang pakialam sa paligid.

"Kuya, dito na lang ako." Saad ni Adrian nang makita ang silid para sa medisina.

"Sige, mag-ingat ka." Ani Marco.

Napatango na lamang si Adrian at pinagmasdan ang kuya na paakyat sa ikalawang palapag.

"Kaibigan!" Salubong ng isa sa mga kaibigan ni Marco na si Isaac Zamora.

Nagkamayan silang dalawa at napaupo si Marco sa silya.

"Ano na ang kaganapan sa buhay mo?" Tanong ni Isaac kay Marco.

"Wala, ganoon pa rin."

"Matinik ka pa rin ba sa mga binibini?"

Napangisi si Marco sa tanong "Malamang." Tugon niya.

"Ayos 'yan kaibigan. Eh ako, nagkamali, nabuntis ko. Kaya sa susunod na buwan, ikakasal na kami."

Napahalakhak si Marco.

"Nahulog ako sa kaniya. Iniibig ko siya."

"Pag-ibig? Para lang 'yan sa mga mahihina ang puso." Saad ni Marco, natatawa pa rin siya sa sinabi ng kaibigan.

"Kapag ikaw natamaan ng sinasabi nating pag-ibig, tatawan din kita ng ganiyan." Tugon ni Isaac.

Napaismid si Marco, "Mag pustahanan man tayo."

Napailing si Isaac sa sinabi ni Marco.

TANGHALI na nang magising si Dolorosa. Pinakiramdaman niya muna ang paligid dahil sa sobrang tahimik.

Lumabas siya ng silid at nakita ang ina na mag-isang umiinom ng tsaa sa labas ng hardin.

"Ina? Saan si Ama?"

"Gising ka na pala, anak. Ang iyong ama ay kasama ngayon si Don Mateo, dahil may pagpupulong sila."

Napatango na lamang si Dolorosa.

"Samahan mo na lang ako ngayon sa bayan. May bibilhin tayo." Ani Doña Araceli.

"Maliligo na po ako." Sabik na sabi ni Dolorosa.

"Mag agahan ka muna."

Agad na napatango si Dolorosa sa ina.

Kasalukuyan na nasa pamilihan ang mag-ina at namimili ng mga tela at abaniko.

"Anong gusto mo, Dolor?" Tanong ni Doña Araceli sa anak.

"Wala po."

Napangiti si Doña Araceli, "Anong wala? Kailangan mong mamili, dalaga ka na, Dolor."

"Payneta na lang po."

Habang abala ang ina sa pamimili ay nakita niya na naman si Joaquin.

"Ina, m-may titingnan lang muna ako saglit."

"Sige, hihintayin kita dito."

Napatakbo naman si Dolorosa sa gawi ni Joaquin.

Ngunit sa kalagitnaan ng pagtakbo ay may nabangga siyang tao, napaupo siya sa lupa.

Sa palagay niya ay isa itong lalaki. Balot na balot ang buong katawan nito ng itim na damit. Sa palagay ng dalaga ay may nakakahawa itong sakit.

"Perdón." (Sorry) Saad ng lalaki at inilahad ang kaniyang palad kay Dolorosa upang tulungan itong makatayo.

Nabigla si Dolorosa sa kulay ng kamay ng lalaki. Sobrang putla na nakikita na ang mga ugat nito.

Nang makatayo si Dolorosa ay agad na umalis ang lalaki. Sinundan pa niya ito ng tingin.

"Sino kayang pangkaraniwang tao ang magsusuot ng ganoon, kahit tirik na tirik ang araw?"

Natigilan si Dolorosa nang mapagtanto niyang nasa tabi niya na si Joaquin.

"Nariyan ka pala, para kang kabute!"

Ngumiti si Joaquin, "Hindi ba't sabi mo sa akin kagabi na umaga tayo magkikita? Tanghali na, kung kaya ay sinundan na lamang kita."

"Sinama ako ni ina rito sa bayan. Halika, ipakilala kita sa kaniya."

"Ah, ano...binibini, may pupuntahan pa pala ako. Pupuntahan na lang kita mamaya sa inyong tahanan."

Agad na umalis si Joaquin at nakihalo sa ibang tao at naglaho.
Napailing na lamang si Dolorosa at bumalik sa tindahan.


NAGLALAKAD si Adrian mag-isa sa pasilyo at papauwi na.

"Sa susunod, ayusin mo ang iyong trabaho! Stupida! Nakabasag ka pa talaga ng paso!" Sigaw na sabi ng isang madre.

Nagulat si Adrian at napatago sa isang pader. Naririnig niya ang bawat paghikbi ng dalaga.

"Linisin mo 'yan! Kapag nakabalik ako rito dapat malinis na!"

Nakita ni Adrian ang madre na papasok sa isang pribadong silid.  Agad naman niya nilapitan ang dalaga na humihikbi habang naglilinis ng sahig malapit sa lagayan ng mga paso ng halaman.

"Tulungan na kita. Itipon natin ang mga nabasag."

"H-huwag na, Ginoo. Trabaho ko po ito, hindi pwedeng madungisan ang iyong mga kamay."

"Hindi ba't kadalasan na taga-linis rito ay mga lalaki?" Takang tanong ni Adrian sa dalaga.

"Dahil sa kahirapan ay sinikap ko na makapasok dito, ayaw kong magbenta ng laman."

Pinagmasdan ni Adrian ang dalaga, kulot ang buhok nito at makinis ang balat kahit morena.

"Mabuti ang iyong naisip... Hindi rin makatarungan ang sigawan ka ng ganoon na lamang ng isang madre. Paso lang 'yan, hinulma galing sa lupa." Ani Adrian sa dalaga.

"Hindi na bago, malamang sa malamang, kami'y mahirap lang... kung gaano kababa ang aming pamilya sa lipunan ay ganoon din ang kanilang pakikitungo sa amin."

Nalungkot si Adrian sa narinig. "Akin na ang mga nabasag."

"Naku! Nakakahiya po."

Tinitigan ng mabuti ni Adrian ang paso at unti-unting nabubuo ulit ang mga basag na bahagi ng paso. Bumalik ito sa dati.

Nanlaki ang mga mata ng dalaga sa nakita. "P-paano mo iyon nagawa?"

"Mahika." Pagsisinungaling ni Adrian.

"I-ikaw ay salamangkero?"

Ngumiti na lamang si Adrian. "Tiyak na hindi ka na papagalitan ng madre na 'yon."

"Salamat..."

"Tawagin mo lamang akong Adrian."

"A-ako si Aina. Maraming salamat, Ginoong Adrian. Paano ba ako makakabawi sa'yo?"

"Kailangan pa ba ng ganiyan? Huwag na, Bunibini. Tulong ko lamang 'yan sa'yo. Basta ba'y sekreto lamang natin iyon ha." Saad ni Adrian at kinindatan ang dalaga sabay talikod nito sa kaniya.

Halos malusaw si Aina sa ginawa  ni Adrian. Para siyang nililipad sa hangin at tila may mga paru-parong nagsisiliparan sa kaniyang tiyan.

"ANO ba ang lugar na 'to?" Tanong ni Dolorosa kay Joaquin.

Pagkauwi nila galing sa pamilihan ay agad na nagpaalam si Dolorosa sa ina na maligo sa ilog. Pero hindi ganoon ang totoong pakay niya. Habang papauwi kasi sila ay nakita niya si Joaquin na nasa ilalim ng puno na pinagsilungan nito kagabi.

"Dito ang aking tahanan."

Napataas ang isang kilay ni Dolorosa. "Sa puno ka nakatira?"

"Oo, may mali ba doon?"

"Ba't hindi mo sinabi na isa ka pa  lang unggoy?" Pabirong tugon ni Dolorosa kay Joaquin.

"Hindi naman kasi sa taas ng puno kami nakatira, may pintuan." Ani Joaquin. Binuksan niya ang pintuan sa puno. Nakita niya naman ang reaksiyon ni Dolorosa. Nababakasan ito ng pagkamangha.

"Saan ba mga magulang mo?" Tanong ni Dolorosa habang manghang-mangha na nakatingin sa paligid ng tahanan. May mga umiilaw sa hangin na parang mga kuliglig.

"Makikita mo sila kapag kumain ka muna nito." Ani Joaquin sabay lahad ng dalawang kulay gintong pinggan na may prutas at may tsokolate.

"Kakainin ko 'yan bago ko sila makita? Aba'y kakaiba pala ang pamilya mo, Ginoo?"

"Oo, mamili ka lang."

Kinuha ni Dolorosa ang hinog na mangga. "Heto, masarap 'to. Sabayan mo ako rito."

"Marami kami niyan dito." Ani Joaquin at ngumiti.

"Alam mo, kahit hinog ito ay masarap kapag may kasama itong asin. May asin ba kayo?"

Halos nabingi si Joaquin sa narinig sa naging katanungan ni Dolorosa.

"W-wala..."

"Ah, ganoon ba. Maari ko ba itong dalhin sa bahay? Gusto ko talaga na isawsaw 'to sa asin."

Walang magawa si Joaquin kundi ang tumango na lamang.

"PAPALUBOG na ang araw ngunit hindi pa nakarating si Dolorosa." Nag-aalalang sabi ni Doña Araceli. "Anak, pwede mo bang suyurin ang batis? Baka na paano na 'yong kapatid mo."

"Sige po, ina." Tugon ni Adrian. Lumabas na siya ng tahanan at tinahak ang daan papuntang batis.

"Kuya!"

Nakita ni Adrian na basang-basa si Dolorosa habang papalapit sa kaniya.

"May mangga ako!"

"Saan?"

Nang makalapit si Dolorosa kay Adrian ay agad na inilahad niya ang mga mangga.

Halos maduwal si Adrian nang makita ang mga mangga. "Inu-uod na 'yan Dolor!"

Nanlaki ang mga mata ni Dolorosa nang makita sa kaniyang mga kamay ang nabubulok na mangga na pinamumugaran na ng mga malalaking uod.

Biglang napatili si Dolorosa at agad na nabitawan ang mga mangga. Napatakbo siya pauwi.

"Dolor! Saan 'yon galing?"

Hindi na lumingon si Dolorosa sa kaniyang kuya dahil sa kahihiyan. Doon niya napagtanto na mali ang kaibiganin ang isang estranghero.

Alam ko na sekreto mo, Joaquin! Isa kang engkanto! Humanda ka!

Galit na saad ni Dolorosa sa sarili.
-----------

Talaan ng Kahulugan:

Eruditus
: Salitang latin na ang ibig-sabihin ay "Edukado".

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro