Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kapitulo - II

NAPAUNAT ng katawan si Marco bago lumabas sa kaniyang silid. Naabutan niya sa mesa na si Dolorosa lamang ang mag-isa na kumakain.

"Nasaan sila ama?" Tanong ni Marco sa kapatid.

"Naroroon silang lahat sa silid-pagamutan, kuya. Isinugod na naman dito si Luna." Tugon ni Dolorosa.

Hindi na lamang sumagot si Marco at kumuha na lamang ng pinggan at nilagyan ng maraming pagkain.

"Bakit ang dami niyan? Ikaw ba talaga kakain?" Usisa ni Dolorosa sa kaniyang kuya.

"Oo, Bakit?"

"Ang dami."

Napaismid si Marco. "Gutom ako." At tumalikod na upang pumasok sa kaniyang silid.

"Bakit ka sa iyong kuwarto kakain? Kapag nalaman ni ina 'yan tiyak magagalit 'yon!" Saad ni Dolorosa.

"Huwag ka na lang kasi magsalita. Sekreto lang natin ito!"

"Kuya---"

"Sshhh!" Pigil pa ni Marco sa kapatid at tumuloy na sa silid.

Nainis si Dolorosa sa inasal ng kuya niya sa kaniya. "Mamaya ka kay ina." Bulong niya pa sa sarili sabay ngiti ng nakakaloko.

Pagpasok ni Marco sa silid ay nilapag niya agad ang pagkain sa mesa at napalingon sa isang binibini na nakahiga ngayon habang pinagmamasdan siya. "Nilagay mo na ba iyong ibinigay kong likido sa iyong katawan?"

Napatango ng marahan ang dalaga. "Marco... P-para saan ang likido?" Tanong nito at napaupo na ngayon sa higaan.

"Para hindi ka nila maamoy. Malakas pa naman makiramdam at makaamoy ang aking bunsong kapatid."

"Ganoon ba? K-kailan mo ba ako ipapakilala sa kanila?"

"Sa tamang panahon, Corazon." Tugon ni Marco, ibinigay na rin niya ang pagkain sa dalaga.

"Alam ko naman na kagabi lamang tayo nagkakilala pero, nais ko na ako ay iyong seryosohin." Pakli ni Corazon.

Napahinga ng malalim si Marco sa naging litanya ni Corazon.

Si Corazon Ruiz ay isang anak ng isang don sa bayan ng San Fernando. Maganda ito at balingkinitan ang pangangatawan.

"I-ikaw ang unang ginoo na kumuha ng aking puri, sana ay may hustisya ang pagbigay ko sa'yo nito. Alam kong kasalanan pero ako'y nahulog sa bitag mo."

"Hindi ka ba natatakot sa pamilya ko?" Tanong ni Marco kay Corazon na ngayon ay nakakitaan ng kalungkutan sa mga mata.

"Ba't pa ba ako matatakot? May koneksyon kayo sa amin na mga pangkaraniwang tao."

"Kumain ka na muna. Ihahatid kita sa inyo mamaya kapag wala ng tao rito sa aming tahanan." Ani Marco sabay subo ng kanin.

Napatango na lang si Corazon at kumain. "Marco..."

Napatingin ulit si Marco kay Corazon at hinihintay ang susunod na sasabihin ng dalaga.

"Ako ba ang unang binibini na nakasama mo rito sa iyong silid?"

Napangisi si Marco sa naging katanungan ni Corazon. Hindi na bago sa kaniya ang ganitong tanong. Sa katunayan ay pang-pito na si Corazon sa mga binibini na nadala niya sa kaniyang silid at na siping. "Oo, naman." Sagot ni Marco at diretsong napatitig sa mga mata ni Corazon upang magmukhang totoo ang kaniyang sinasabi.

Napangiti naman ng marahan si Corazon kay Marco. Hindi niya mapagkakailang makisig talaga ang binata at hindi siyang magsasawang titigan ito kahit hibang man kung tutuusin.

KASALUKUYANG nakaupo si Dolorosa sa isang sanga ng punong santol at kumakain ng matatamis na bunga nito. Kanina pa niya hinihintay si Immaculada na makarating sa kanilang baryo. Alam naman ni Dolorosa na abala ang kaibigan sa pag e-ensayo ng kanta sa papalapit na kapistahan ng San Fernando.

"Dolor!"

"Immaculada!" Galak na sabi ni Dolorosa nang makita ang kaibigan na may dala-dala na dalawang pluta.

Nang makalapit ito sa puno ng santol ay agad na napataas ng kilay si Immaculada. "Paano naman ako?"

"Umakyat ka." Ani Dolorosa.

"Binibiro mo naman ako, Dolor eh!"

Napatawa na lamang si Dolorosa at binulungan ang punong santol na ibaba ang kaniyang sanga para kunin si Immaculada.

Nang makaupo na si Immaculada sa tabi niya ay agad na ibinigay nito ang isang pluta.

"Aanhin ko 'to?"

"Tuturuan kitang magpatugtog ng pluta. At isa pa, regalo ko iyan sa'yo."

"Ang dami mo ng regalo sa akin kahapon."

"Sus, wala 'yan! Sa susunod ikaw naman ang dapat may regalo sa akin."

"Oo naman." Tugon ni Dolorosa at napangiti.

"Sige na, tuturuan na kita."

Si Immaculada De Legazpi ay ang anak ng encomendero na si Don Urbano De Legazpi na isang Insulares at ang ina naman nito na si Doña Esperanza ay ang ikalawang apo ni Doña Catalina Santa Mesa- Cabrera at Don Mateo Cabrera. Si Immaculada ay hindi man pinagkalooban ng kakayahan maging taong-lobo dahil na rin sa hindi pinasa ng kaniyang lolo Mateo ang sumpa sa kanila, maliban na lang sa mga anak nila at sa lola nitong si Doña Catalina.

Habang tinuturuan si Dolorosa ng pluta ni Immaculada ay nakita na naman niya ang misteryosong binata. Nakaupo ito sa malaking bato paharap sa ilog.

"Dolor? Nakuha mo na ba ang tono?" Tanong ni Immaculada ngunit napansin niya itong nakatingin sa may ilog. Napansin din niya ang binata na naroroon. "Dolorosa?"

"Ha? Ano nga iyon?"

"Wala, anong mayroon sa binatang iyan at titig na titig ka?"

"Puntahan natin!" Saad ni Dolorosa at inutusan ang puno ng santol na ibaba sila.

Walang nagawa si Immaculada at sumunod na lamang.

NAKATITIG lamang ang binata sa rumaragasang tubig sa ilog habang may malalim na iniisip.

"Ginoo!"

Napapikit na lamang siya nang marinig ang pamilyar na boses.

"Sigurado ka ba rito, Dolor?" Nag-aalanganin na tanong ni Immaculada.

"Oo. Ginoo! A-ako ito, si Via!"

Walang magawa ang binata at napalingon.

"Via... mabuti at narito ka."

"Mag-isa ka lang kasi, halika, akyat tayo sa puno ng santol!"

Sinagi naman ni Immaculada ang kaibigan dahil sa tingin niya ay suplado ito.

"Sige."

"Teka, ano nga ang pangalan mo, Ginoo?"

Ngumiti naman ang binata at nagsalita. "Ang ngalan ko ay Joaquin."

"Ginoong Joaquin, sa wakas at nasambit mo ang iyong ngalan... Siya nga pala, si Immaculada, matalik kong kaibigan."

Inilahad ni Joaquin ang kaniyang kamay sa harapan ni Immaculada.

Nag da-dalawang isip si Immaculada kung tatanggapin niya ba ang kamay ng binata.

"Ah---Immaculada." Pagpakilala niya ulit. Tinanggap niya ang kamay ng binata.

Pagkatapos ay bumalik sila sa puno ng santol.

Doon, nakilala nila ang binata na mabuti naman pala ito at  may pagka-mahiyain lang talaga.

"Kaninang umaga, nakita kita na nakahiga sa damuhan at pinalilibutan ka ng mga tangkay ng sanga."

Napahimas ng batok si Joaquin. "Gawain ko 'yan kapag bagot na ako sa bahay, binibini."

Napatango na lang si Dolorosa at binigyan ng santol si Joaquin.

Naging masaya ang araw nilang tatlo dahil sa samu't-saring kwento nila.

"Uuwi na pala ako, binibini." Ani Joaquin at naglakad na ito papalayo.

"Mag-iingat ka, Ginoong Joaquin!"

Napatango si Joaquin at kumaway na sa kanila.

Habang si Immaculada naman ay biglang natahimik.

"Immaculada? Ayos ka lang ba?"

"Nahihilo ako, Dolor." Tugon ni Immaculada.

Nagulat na lamang si Dolorosa nang biglang nawalan ng malay ang kaibigan. Mabuti na lang at agad niya itong nasalo. "Immaculada!" Tarantang sabi ni Dolorosa. Napansin niya ang mga  lumitaw na mga pasa sa balat ni Immaculada.

NAANINAG ni Adrian mula sa hindi kalayuan ang kapatid nito na hirap na hirap akayin ang isang binibini.

"Kuya, tulong!"

Napatakbo si Adrian sa gawi ni Dolorosa. "Si Immaculada? Anong nangyari sa kaniya?"

"Biglang nawalan ng malay!" Mangiyak-ngiyak na saad ni Dolorosa.

"Akin na." Binuhat ni Adrian ang walang malay na si Immaculada.

"Kuya, natatakot ako... hindi ko alam kung bakit bigla na lamang siya nawalan ng malay." Saad ni Dolorosa.

Pumasok naman sila sa silid-pagamutan ng ama. Naabutan nila itong may binabasang makapal na libro patungkol sa mga hiyas na bato.

"Ama!"

Napakunot-noo si Don Xavier sa natunghayan.

"Si Immaculada ba 'yan?" Usisa ni Don Xavier.

"O-opo, ama." Kinakabahang sambit ni Dolorosa.

Agad na pinahiga ni Adrian ang dalaga sa kama.

Nilapitan agad at pinisil ni Don Xavier ang kamay ng dalaga at napansin na hindi pangkaraniwan ang tekstura ng balat nito. Napansin din niya na maraming pasa ang dalaga.

"Dolorosa? May kalokohan ba kayong ginawa sa gubat?" Seryosong tanong ni Don Xavier sa anak.

Napayuko si Dolorosa."W-wala po, ama."

"Sigurado ka ba?"

Nanginginig ang kamay ni Dolorosa dahil ayaw niyang magalit ang ama dahil kakaiba ito kung magalit.

"O-opo..." Nangingilid na ang luha ni Dolorosa dahil kahit siya ay walang ideya sa naging kalagayan ng kaibigan.

Hinawakan naman ni Adrian ang kamay ng kapatid dahil kahit anong oras ay pwede itong manghina sa takot sa ama.

"Hindi ba't sinabi ko na sa'yo Dolor na huwag papuntahin ang kaibigan sa masukal na lugar dito sa Querrencia? Hindi siya katulad mo, Dolor! Pangkaraniwang tao lamang si Immaculada!" Seryosong saad ni Don Xavier. "Ayos lamang kung dito kayo sa tahanan mag-usap o ano man ang gawin ninyo basta't huwag sa gubat! Napakatigas pa rin ng iyong ulo!"

Hindi na napigilan ni Dolorosa ang mapaiyak. Lumabas siya ng silid.

Napakagat-labi na lamang si Adrian sa pangyayari, kahit siya ay nasindak sa malaking boses ng ama.

Dumiretso si Dolorosa sa kaniyang silid. Doon ay umiyak siya nang umiyak.

Mayamaya ay pumasok si Doña Araceli sa silid ng anak dahil naririnig niya ang paghikbi nito sa kabilang kwarto.

"Anak?" Agad na nilapitan ni Doña Araceli ang anak at hinimas ang likod nito. "Bakit? Pinagalitan ka na naman ba ng iyong ama?"

Hindi sumagot si Dolorosa at patuloy ang paghikbi nito.

"Hayaan mo na ang iyong ama, aburido ang isipan niya. Alam mo naman na sinisikap niya na maghanap ng gamot para kay Luna. Kawawa naman."

"Si-sinigawan niya ako... Hindi ko naman kasalanan na mawalan ng malay si Immaculada..."

"Ganoon ba, hayaan mo na. Gagaling din ang iyong kaibigan at ihahatid na lamang siya ni Kuya Adrian mo sa bayan kapag nagkaroon na siya ng malay. Hayaan mo na lang din ang iyong ama, lilipas din 'yan. Kita mo, magpapalambing din iyan sa'yo."

Napayakap na lamang si Dolorosa sa ina nito.


"PINAGLARUAN ng engkanto ang iyong apo." Ani Don Xavier kay Don Mateo na kakarating lamang.

Natanggap ni Don Mateo ang liham ng kaibigan na sunduin nito si Immaculada. Hindi na maaring mahatid ni Adrian ang dalaga dahil lubog na ang araw nang magkaroon ito ng malay.

Napahinga muna ng malalim si Don Mateo bago magsalita, "Pagsasabihan ko na lang si Esperanza nito. Pero salamat, kaibigan, dahil napagaling mo si Immaculada. Dati pa man ay magaling ka na talaga."

"Walang anuman, at kung bumalik man ang pasa sa katawan ng dalaga ay ipainom lamang ito." Ani Don Xavier sabay abot ng maliit na bote na may pulang likido sa loob.

"Magkano ba 'to?"

"Hunghang, hindi ako nagpapabayad."

Tumawa na lamang si Don Mateo at tinapik ang balikat ng kaibigan. "Maraming salamat. Kami'y aalis na, kaibigan."

Samantala si Immaculada ay tulala lamang sa loob ng kalesa. Hindi na sila nagkausap ni Dolorosa dahil nakatulog ito.

Iniisip niya pa rin ang kakaibang presensya ni Joaquin. Alam niyang may mali sa katauhan ng binata kung kaya ay binabantayan niya ang bawat kilos nito.

Bakit hindi man lang alam ni Dolor na may kakaiba sa katangian ni Joaquin? Ako lang ba ang makakaramdam dahil isa lamang akong pangkaraniwang tao? Hindi nararamdaman iyon ni Dolor dahil parehas sila ng mundong kinagagalawan?

Napansin ni Immaculada na palabas na ang kaniyang lolo sa tahanan ng Sarmiento. Napatingin din siya sa gawi ni Adrian, nagkangitian silang dalawa.

Naramdaman na lamang niya na umalog ang kalesa nang umupo sa kaniyang tabi ang kaniyang lolo. Napasandal na lamang siya sa balikat nito.

Nagsimula nang umandar ang kalesa at habang ganoon ang posisyon ni Immaculada ay napatingin siya sa labas ng bintana. Nahagip ng kaniyang paningin si Joaquin na nakatayo sa gitna ng palayan. Nakaputi ito.

Napadungaw siya sa bintana. Kahit malayo na ay nakikita niya itong ngumingiti ng nakakaloko.

Kailangan ko na sabihan nito si Dolor!

Kinakabahan siya para sa kaibigan ngunit naiisip niya na kaya siyang talunin ni Dolorosa kung magkaroon ng gulo sa kanilang dalawa. Mabigat na mabigat ang kalooban niya sa misteryosong binata.

-----------------

Talaan ng Kahulugan

Encomendero
(en•co•mén•de•ro)
:Ang encomendero ay isang mayamang tao na nagmamay-ari ng encomienda.

Insulares
(in•su•la•res)
:Ang insulares ay tumutukoy sa mga ipinanganak sa Pilipinas na may dugong purong Kastila ang mga magulang. Ito ay itinuturing na pangalawang pinakamataas na antas.

Larawan ng mga karakter:

Immaculada De Legazpi

Joaquin

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro