Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 13

Kabanata 13: Clingy Vesper 



“Ano ang problema, hija?”


Nabalik ako sa wisyo. Nilingon ko si mama Veivian na umupo sa tabi ko. Nanunuri ang mga mata niya. 


“Ah…wala po,” ngumiti ako at umiling. 


“Kanina ko pa kasi napapansin na ang tahimik mo. Sumama ba ang loob mo roon sa sinabi ng Mama mo no'ng nalaglag mo ang baso niya? Sabi ko naman sa kaniya ay papalitan ko na lang iyon.” 


Hindi naman nanggulo sa isipan ko ‘yong sinabi ni Mama no'ng nabasag ko ang baso niya kanina. Kundi iyong lalaking manliligaw ni ate. Iyon kasi ‘yong lalaking nakita ko–si Valdimer. Nangangamba ako na baka ginagawa niya ito kay ate dahil may masama siyang balak. Kaya pinag-iisipan ko kung ano ang maaari kong gawin para ilayo sa kaniya si ate. 

Nilibot namin ang bahay. Sa second floor ay may isang master's bedroom, kwarto namin ni ate at isang guest room. Ngunit hindi natutuon sa bahay ang atensyion ko kundi sa paligid. Panay ang sulyap ko sa labas. 

“A-Ako na po ang bahala, ‘Ma. Ako na lang po ang magpapabili ng bago.”

“Lalabas kami ng bansa ng Papa mo next week, ako na ang bibili,” pagpupumilit niya. 

Pareho kaming napalingon ni Mama kina ate nang tawagin ako. 

“Lavina, nandito na si Vesper. Kasama si Tito, Tita.”

Napaayos ako ng upo at iwinaksi muna ang bumabagabag sa dibdib para hindi mapansin ni Vesper. Hindi ko alam kung paano ko sasabihin sa kaniya ang nakita. Gusto ko munang alamin kung iyong lalaking manliligaw ni ate at si Valdimer, o ginagamit lang ni Valdimer ang katawan ng lalaki. 

“Naku, dito na kayo maghapunan. Magluluto na rin ako!” ani Mama na agad humarap sa kasambahay para ipahanda ang mga kailanganin niya. 

“Sure! Sa kabilang bayan lang naman ang lakad namin bukas,” ani Tito. “Pupuntahan namin iyong lote na pagtatayuan namin ng hospital.”

“Sasama ako?” tanong ni Mama Veivian.

Humalik si Vesper sa pisngi at kinuha si Vyo bago umupo sa tabi ko.

“Hindi na. Magpahinga ka sa kabyabyahe.”

“Okay! Maglalaro na lang kami ni Vyo. Teka, tutulong ako sa kusina.”

Sumunod si Papa kay Mama nang tumayo ito para pumuntang kusina. Si ate ay kinikilig na nakatingin sa mag-asawa. Alam ko kung ano ang tumatakbo sa isip niya. At kailangan kong tanggalin ang lalaking iyon sa isipan niya! Ipapahamak siya niyon!

“Ikaw, kasama ka ba ni Papa bukas?” baling ko kay Vesper.

“Yeah. Kasama rin namin sila Tito at Enzo.” 

Sumandal siya sa balikat ko habang pinatatayo si Vyo sa mga hita niya. Gayunpaman, hindi niya binibigay sa akin ang bigat niya. Para lang siyang unan na nakasandal sa akin. 

“Nagugutom ka ba?” tanong ko. “Kaunti lang ang kinain mo kanina sa bahay.”

“Hayaan mo na, maghahapunan na naman.” 

Tumango ako pero parang hindi ako nakuntento. “Igagawa na lang muna kita ng sandwich.” 

“‘Wag na, maghahapunan na naman…”

Magsasalita pa sana ako pero tumunog ang cellphone niya sa bulsa ng pants niya. Inaabangan niya rin yata ‘yong tawag kasi dali-dali niya iyong kinuha at agad sinagot. 

“Si Kuya Rohan, kausapin ko lang,” aniya, pagtango ko ay binigay niya si Vyo sa akin at naglakad palabas. 

“Lavina.”

Binalingan ko si ate. 

“‘Yong Rohan ba single pa rin?” malawak ang ngiti nito sa akin. 

“Hindi ko alam, Ate.” 

“Hayaan mo na nga! May Marlon na pala ako,” aniya at muling kinilig. 

Pumihit ako upang mas maharap si ate. “‘Yon ba ‘yong manliligaw mo na tinutukoy ni Mama kanina?”

“Oo! Patay na patay iyon sa akin.”

Kumalabog ang dibdib ko. “Ate…sa tingin ko kailangan mong layuan ang lalaking iyon.” 

Nawala ang ngiti sa labi niya nang sinabi ko iyon. Nagsalubong ang kilay niya sa akin at matalim akong tiningnan. Napalunok ako.

“At bakit ko naman gagawin iyang gusto mo? Ang selfish mo naman! Gusto mo ikaw lang?” 

“Ate,” huminga ako nang malalim. “Ano kasi…hindi mo pa kilala nang lubusan iyong lalaking iyon. Malay mo…may masama palang balak iyon sa'yo.”

“Tigilan mo nga ako, Lavina! Sinasabi mo lang ‘yan kasi ayaw mo akong maging masaya. ‘Tsaka teka lang, ha. ‘Wag mong pinapakialaman ang ginagawa ko, intindihin mo ‘yang buhay mo.” 

Naiintindihan ko ang nararamdaman niya ngayon. Hindi ko alam kung paano siya kumbinsihin na layuan ang lalaki. 

“Ate–”

“Shut up, Lavina. Wala kang karapatang sabihan ako kung para sa akin o hindi, ang lalaking papapasukin ko sa buhay ko.”

Gusto lang kitang protektahan, ate.

“Hindi ko na nga pinakikialaman ‘yang anak mo–na hindi mo naman talaga anak. Kaya ‘wag mo rin pakikialaman ang buhay ko kung ayaw mong ako ang bumalik kay Vyo sa tunay niyang ina!” mariin niyang pagbabanta. 

Napapikit na lang ako nang mariin at napailing iling. 

Pagkatapos ng pagbabangayan naming iyon ni ate ay hindi na niya ako kinakausap pa. Ni lapitan ay hindi na niya ginagawa. Kapag pumupunta si Mama sa bahay nila Vesper ay hindi na siya sumasama.

“Abala sa trabaho ang ate mo kaya hindi siya makasama. Palaging maaga ang alis no'n sa trabaho ‘tapos ay gabing-gabi na umuuwi.”

Na-alerto ako roon. “Po? Bakit daw po siya gabing-gabi na umuuwi?”

Ngumiti si Mama sa naisip nito. “Eh kasi, nagdi-date pa raw sila ni Marlon. Naku! Mukhang natagpuan na ng ate mo ang lalaking para sa kaniya. Akala ko ay tatanda na siyang dalaga!”

Matutuwa sana ako kung hindi ang Marlon na iyon ang lalaki. Ano ang balak ni Valdimer! Kukunin niya ba ang loob ni ate pagkatapos ay dadalhin niya sa kaharian na tinutukoy niya no'ng tinangka niya kaming kunin ni Vyo?! 

Hindi maaari. Kailangan hangga't maaga pa ay mapigilan ko na ang plano niya! 

“Mga anong oras po umuuwi si ate, ‘Ma?” 

“Palaging alas nuwebe iyon hinahatid ni Marlon.” 

Kami ni Vyo at ng mga kasambahay ang muling naiwan sa bahay nang umuwi na si Mama. Hindi na ako mapakali na gumabi. Sila Vesper ay baka gabing-gabi na rin umuwi dahil naroon sila sa pinatatayuan ng hospital, abala roon sila ni Mama. 

“Hi, baby Vyo…iiwan ka ni Mama mamaya kina ate ha?” 

Bumubuka-buka lang ang bibig ni Vyo, nakatitig sa akin. Napangiti ako. Mabilis lang naman ang gagawin ko. Gusto ko lang alamin ang binabalak ng Valdimer na iyon sa ate ko. 

“Where's my pamangkin?” 

Napalingon ako sa pintuan nang marinig ang boses ni Arcturus. Kasunod nito si Enzo at Mattius. Tumayo ako sa couch para babain sila. 

“Oh…naghapunan na ba kayo?” tanong ko habang bumababa ng hagdan. 

“Bukas pa,” tipid na sagot ni Enzo at binaba ang tingin kay Vyo. 

“Tapos na.”

Nag-unahan sila sa pagkuha kay Vyo mula sa akin. Si Arc ang nauna at agad nilayo sa dalawa. Wala na namang nagawa ang dalawa kundi tingnan na lang ang pamangkin.

“Uh…mamaya pa yata ang uwi nila Vesper.”

“Oo kaya nga pinapunta kami rito,” sagot ni Mattius. “Baka raw kasi may gagawin ka, kami na muna ang magbabantay kay Vyo.” 

Ha? Alam kaya ni Vesper na may gagawin ako?

“Uh…wala naman masyado. Lilinisan ko lang ‘yong kwarto namin. ‘Yon lang ‘yong pagkakaabalahan ko mamaya,” sabi ko. 

Nakapamulsang naglakad si Enzo patungo sa kusina. Si Arcturus naman ay nilalaro si Vyo habang kinakantahan ng nursery rhyme. Binalingan ni Mattius ang dalawa at nakisali. 

“Ang pangit ng boses mo, Mattius, ‘wag ka ng sumabay!”

“Ikaw nga mabaho hininga!”

“Gag–kapal mo!”

Napakamot na lang ako sa ulo at awkward na nginitian ang dalawa. Ang daldal nila. Mabuti na lang hindi galit si Vyo sa ingay. 

“Uhm, okay lang ba. Maiwan ko muna kayo rito. Lilinisin ko na ‘yong kwarto para kapag nakatulog na si Vyo–”

“Sige lang, Therese. Kami na ang bahala muna kay Vyo.” 

“Sige…uh, salamat.” Tinalikuran ko na sila.

Alas otso y medya na nang masulyapan ko ang orasan sa pasilyo. Tama lang ang oras. Mabuti na lang at dumating ang magpipinsan, malilibang si Vyo sa kanila. 

Tinali ko ang buhok at nagsuot ng sombrero. Sinaklob ko rin sa ulo ko ang hood ng kulay itim na hoodie na suot ko. Sa likuran ako ng bahay dumaan. Tinalon ko ang mataas na pader na nakapalibot sa mansion. Sinipat ko muna ang dadaanan ko kung may kapamilya ni Vesper ang makakasalubong ko. Mula sa pwesto ko ay kaya kong tingnan ang nasa malayo. 

Dinama ko ang malamig na simoy ng hanging gabi bago tinungo ang lugar namin. Hindi ako kilala ng mga aso sa mga bahay na nadadaanan namin. Pero hindi naman nila ako sinusugod kapag pinapakita ko ang pangil ko. Nagiging mabait sila at umaatras palayo.

Umakyat ako sa sanga ng puno kung saan ko nakita iyong manliligaw ni Ate na nakatingin sa amin. Nasisiguro kong hindi pa umuuwi si ate dahil hindi ko pa naririnig ang boses niya, tanging kay Mama lang.

Napaayos ako ng tayo nang dumaan ang motor kung saan nakasakay si ate. Tumigil iyon sa harap ng gate namin.

“Thank you, Marlon!”

“Thank you rin, Levine. So…do you want to come to me na?” 

Pigil na ngumiti si ate. “Ano kasi…saan ba?” 

“Sa probinsya namin. Gusto kitang ipakilala sa angkan ko,” nakangising sabi ni Marlon.

Napataas ang isang kilay ko. Sinasabi ko na nga ba, may masamang binabalak ang Valdimer na ito. Nanggamit pa talaga ng katawan ng tao. At kung hindi ako nagkakamali, ‘yan si Marlon, ‘yong naaalala kong crush ni ate no'ng high school sila. Siya iyong lalaking inaasar sa kaniya ng mga kaibigan niya. 

“Ano…magpapaalam pa ako kay Mama.”

“Gusto mong samahan kita? Para makapagpaalam na rin ako.” 

Alam kong agad papayag iyon si Mama. Kaya dapat, bago pa sila makapagpaalam ay mapigilan ko na. 

“S-Sige…uh pero p'wedeng bukas na lang? Rest day ko bukas para…makapag-impake na rin ako ng mga dadalhin ko sa probinsya niyo.”

“Sure, no problem.”

Tumango si ate at binigay kay Marlon iyong helmet. Sumandal ako sa katawan ng puno nang maghalikan pa sila. 

Lalo mo lang binabaliw ang kapatid ko, Valdimer. Alam kong masasaktan si ate kapag nagising sa katutuhanan si Marlon. Hindi naman kasi nito gusto si ate noon pa, kahit pinagtutulakan siya ng mga kaibigan niya. Pero mas masasaktan si ate kung malalaman niya na ginagamit lang ng ibang nilalang si Marlon para laruan siya. 

Hindi muna umalis ang lalaki hangga't hindi namakapasok si ate sa bahay. Nang nawala si ate sa paningin namin ay inikot na ni Marlon ang motor para umalis. Nang tumapad ang motor sa puno ay tumalon ako para umangkas.

Hindi man lang nagulat ang lalaki. Nakita ko pa ang pagngisi nito sa salamin ng motor.

“Magaling ba akong humalik?” aniya pa. 

Nang makalampas kami sa kabahayan at tumapat sa mapunong lugar ay sinakal ko ang leeg niya. Gumulong kaming pareho sa damuhan nang bumangga ang motor. 

Susugurin ko na sana ang lalaki ngunit natigilan ako nang makita ang grabeng takot sa mga mata nito. Dumudugo ang braso nito at nagkaroon ng gasgas sa mukha. 

“L-Lavina?” 

Kilala niya ako? Teka?!

Napalinga-linga ako. Gusto kong sumigaw. Litek na Valdimer at natakasan ako! 

Narinig ko ang halakhak ni Valdimer. “Bago ko pa gamitin ang katawan ng lalaking ‘yan, nanliligaw na siya sa kapatid mo.”

Nag-igting ang panga ko. 

Pagbaling ko kay Marlon ay nanginginig na ang katawan nito habang umaatras.

“L-Lavina, ‘wag mo akong sasaktan, please. H-Hindi ko pinaglalaruan ang ate mo…”

Pero kung hindi ko sila paglalayuin ni ate, magpapatuloy si Valdimer na gamitin ang katawan niya. Hanggang sa makuha nito si ate! 

“Layuan mo ang ate ko kung ayaw mong matuluyan, Marlon,” malamig na saad ko. 

“‘Wag mong lalayuan, Marlon. Kukunin ko pa siya,” nang-aasar na sabi ni Valdimer sabay halakhak. 

Hindi naman iyon naririnig ni Marlon. Nang-aasar lang siya sa akin. 

“G-Gusto ko si Levine, Lavina…”

“Layuan mo siya kung ayaw mong mapahamak!” 

Nanginig sa takot ang lalaki at sunod-sunod na tumango. Tinalikuran niya ako para takbuhin ang motor niya. Pagsulyap sulyap pa siya sa akin habang pinaandar iyon. 

Napabuntonghininga ako. “Ang duwag mo naman, Valdimer,” saad ko. “Ni hindi ka makaharap sa kaaway mo.” 

“Hinahamon mo ba ako, Miss Therese?”

“Hindi naman ako nanghahamon sa duwag.” 

Narinig ko ang pagtawa nito. “Kung gano'n, hintayin mo ako. Tutal hindi ko pa mahagilap ang mga babaeng iniingatan ng mga pinsan ni Vesper, ikaw muna ang uunahin ko.” 

“Puro salita…”

Mukhang napikon ko siya roon. Naging marahas sa pandinig ko ang hininga niya at pagmumura. 

“Magkikita rin tayo, Therese. At sisiguraduhin kong pagsisisihan mong hinamon mo ako.” 

“Hindi ako natatakot. ‘Wag ka lang madaya.”

Isang malakas ang narinig kong halakhak hanggang sa pahina iyon ng pahina sa pandinig ko. Naramdaman ko ang panghihina ng katawan ko pagkatapos lubayan ni Valdimer ang isipan ko. Nagawa ko pa namang umuwi at umaktong walang nangyari. 

Nanonood ang magpipinsan sa sala ng nursery songs nang babain ko. Para namang naiintindihan ni Vyo ang pinanonood nila dahil tutok na tutok din ito habang nakasubo ang daliri sa bibig. 

Si Vyo ang lumingon sa akin na para bang nararamdaman niya na palapit ako sa kanila. Kumawala siya kay Mattius na kumakarga sa kaniya ngayon, dahilan para mapalingon na rin sa akin ang tatlo. 

“Tapos ka na? Mukhang inaantok na si Vyo. Kanina pa humihikab.” 

Tumayo si Mattius para ibigay sa akin si Vyo. Agad hiniga ni Vyo ang ulo sa dibdib ko, kasabay ngpaghikab nito. 

“Mukhang nalibang,” sabi ko natatawa. 

“Kahit mga Tito niya nalibang.”

“Where's my apo?!” 

Lahat kami ay nabaling sa pintuan. Sa likuran ni Mama Veivian ay sina Papa at Vesper. Hindi ko matingnan si Vesper sa mga mata sa takot na mabasa niya sa mga mata ko na may ginawa ako. Wala akong balak banggitin iyon sa kaniya 

May kakayahan naman akong protektahan si Mama at si ate, kaya hangga't kaya ko ay hindi ako aasa sa kaniya. 

“Maayos naman naming nabantayan ang baby ni Vesper,” ani Mattius. 

Pumulupot ang braso ni Vesper sa baywang ko sabay yuko upang halikan si Vyo na natutulog na. Nagtama ang mata namin.

“Here's my baby,” namumungay na ang mga mata nito, halata na ang pagod. 

Bumuntonghininga ako. Nginitian ko siya at ako na ang lumapit ng mukha sa kaniya para halikan siya sa panga. 

“Uwi na tayo, sumakit mata ko. Antok na rin yata,” wika ni Arcturus ay nagpaalam na. 

“Aw…tulog ang baby Vyo. Mukhang napagod sa mga pasaway niyang Tito ah.”

“Si Arcturus Tita pinakapasaway,” pahabol pa ni Mattius bago sumunod sa mga pinsan niya. 

Kaibigan ni Vesper ang engineer ng hospital na pinapatayo nila. Inimbita raw sila nito sa bahay para sa salu-salo, birthday raw ng asawa. Kaya pala halata sa itsura nila na napagod sila. Halos buong araw din kasi silang naroon sa site. 

Hindi ako pinapatulog ng mga nangyari. Tulog na tulog na ang mag-ama ko sa tabi ko habang ako ay dilat na dilat pa. Pakiramdam ko, pagpumikit ako ay dadalhin ako sa kung saan; at pagdilat ay tatambad ang mukha ni Valdimer o di kaya naman ay magigisingan ko na lang na nasa panganib na si Mama at si ate. 

Malalim na hininga ang pinakawalan ko; na magpapagising kay Vesper. 

“Hey…why are you still awake?” antok niyang sambit at halos umibabaw na sa akin sa sobrang pagsisiksik. 

Hanggang pagtulog ay sobrang clingy.

“Matutulog na rin ako,” sambit ko at pumikit na. 

Pinagsiklop niya ang mga daliri namin na nakapatong sa ibabaw ng tiyan ko. Dumampi pa ang labi niya sa pisngi ko. 

“Whatever you're thinking…everything will going to be okay, hmm? Good night, Therese…I love you.” 

Hinehele ako ng boses niya ngunit tila naman lalong nagising ang diwa ko sa comforting words niya. Gayunpaman, pinanghawakan ko iyon…na magiging okay rin ang lahat. Ano mang kaguluhan ang mga iniisip ko…maayos pa rin ang kalalabasan niyon. 

Tuluyan akong tinangay ng antok nang kantahan niya ako ng mahina habang marahang tinatapik ang baywang ko.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro