Kabanata 4
NATANGGAP ako sa convenience store. Maswerte lang na hindi na humingi pa ng birth certificate si Kuya Joseph—ang nag-interview sa akin na napag-alaman kong anak ng may-ari ng convenience store, para kumpirmahin na disi-otso na nga ako. Basta niya lamang binasa ang resumé na ipinasa ko noong araw din na ginawa ko iyon at tiningnan niya lamang ang School I.D. ko patunay na working student nga ako.
"Okay, start ka na bukas."
Nanlaki ang mga mata ko sa tuwa. "Maraming salamat po," yumuyuko pang ani ko.
Nakangiti niyang ikinaway ang kamay niya. Naging hudyat iyon para umalis na ako roon. Agad naman akong sinalubong ni Olivia.
"Ano? Ano'ng sabi?" Bakas ang tuwa sa boses niya. Alam kong alam na niya ang resulta at gusto lamang kumpirmahan. Sa lapad ba naman ng ngiti ko.
"Tanggap ako."
Magkahawak-kamay kaming nagtatalon sa tuwa.
"Kapag nahuli ka ng mga kapatid mo, lagot ka talaga," aniya habang patuloy kami sa pagtalon.
"Hindi ako mahuhuli."
Agad nga akong nag-umpisa kinabukasan. Dahil bakasyon pa ay buo kong pinapasukan ang eight-hour shift. Mula alas otso hanggang alas kwatro iyon. Ako na ang gumagawa ng lahat kapag duty ko: ang pagkakahera, ang pag-aayos at pagre-refill ng mga tinda, ang pagtitingin kung may expired ba at ang paglilinis ng store. Ang unang naging sahod ko roon ay naipambili ko ng mga school supplies ko. Pinagtakhan pa nila nanay iyon pero sinabi ko na lang na may ipon ako mula sa pagta-trabaho noon sa church mate. Wala kasi silang alam sa pagta-trabaho ko rito. Mabuti na nga lang na may mga trabaho rin sila kaya nakakatakas ako at hindi nila nalalaman na nagta-trabaho rin ako.
Nang makapag-enrol naman at nagkaroon ako ng schedule ng mga klase ko ay sinabi ko iyon kay Kuya Joseph tulad ng utos niya. Alas siyete hanggang alas tres ng hapon ang klase ko tuwing Lunes, Miyerkules, at Biyernes kaya naman simula alas tres y media hanggang alas siyete y media ang pasok ko sa convenience store. Tuwing Martes at Huwebes naman ay half day lang ako sa school kaya naman ala una hanggang alas siyete ang pasok ko sa tindahan. Weekends ay pumapasok ako ng alas otso hanggang alas kwatro.
Sa mga oras at araw naman na hindi ako duty ay si Joseph ang tumatao roon. Isa siyang home based graphic designer. Kung tutuusin ay hindi na nila kailangan ng part timer dahil pwedeng pwede niya namang dalhin ang trabaho niya sa convenience store, katulad ng minsang ginagawa niya. Kahit man lang daw sa paglilinis doon ay may makatulong siya.
Kahit pa maraming ginagawa ay magaan lang naman ang trabaho ko roon. Isa pa, madalas tumambay doon si Olivia. Pero ang ikinakatakot niya na malalaman ng mga kapatid ko ang tungkol sa pagta-trabaho ko roon ay hindi ko inaasahang agad na mangyayari. Sa panahon pang hindi ko na iyon ikinababahala nang husto.
"Ano'ng ginagawa mo rito?" tanong ni Ate George na pinasadahan pa ako ng tingin habang salubong na salubong ang mga kilay. Tumagal ang tingin niya sa suot kong kulay blue-green na vest. May hawak siyang isang energy drink at ilalapag na sana niya iyon kanina sa counter pero natigilan nang makita ako roon.
"Huwag kang maingay kina kuya, ate. Please?" agad na pakikiusap ko. Ngumuso pa ako at pinalamlam ang mga mata.
"Huwag mo akong daanin sa kaartehan mo."
Tuluyan akong napasimangot.
Tumingala siya, nakanganga siyang bumuga ng hangin. "Kailan ka pa nagta-trabaho rito?"
"No'ng May pa."
"Magdadalawang buwan na?" halos maisigaw niya iyon. Mabuti na lamang at walang ibang customer nang mga oras na iyon. "Ang tibay mo rin, 'no?"
Galit talaga siya base sa boses niya at hindi basta nag gagalit-galitan lang kaya naman napatungo ako at nakagat ang ibabang labi ko. Tahimik akong humiling na hindi niya ako uutusang umalis doon at umuwi. Malilintikan talaga.
"S-Sorry na, ate."
Nag-angat ako ng tingin nang wala na akong marinig sa kanya. Nasalubong ko ang mariing tingin niya sa akin. Nailing siya at parang hindi makapaniwala.
"Mag-uusap tayo mamaya," may pagbabantang aniya saka ibinaba ang energy drink.
May pag-aatubili pa ng kunin ko iyon at pi-nuch. "It's thirty five point fifty." Pabagsak niya pang inilapag ang papel na singkwenta.
"Ano'ng oras ang tapos mo rito?" Hanggang doon ay may diin pa rin ang pananalita niya.
"Seven thirty," halos maibulong ko lang iyon dahil sa kaba.
"Sabay tayong uuwi. Pupuntahan kita rito."
Alas sais pa lang. At alas siyete ang tapos ng huling klase niya ngayon.
Tumango ako. Binigyan niya pa ako ng nagbabantang tingin bago siya lumabas. Sinundan ko siya ng tingin hanggang makaliko siya at nang mawala siya sa paningin ko ay nanlalambot akong napaupo sa stool na naroon.
"Jusko." Napabuga ako ng hangin at naipaypay ang mga kamay sa mukha ko kahit hindi naman ako paiwasan. Dahil sa nangyari ay hindi ako napakali buong natitirang oras na naka-duty ako. At ilang minuto lang makalipas ang alas siyete ay nasa labas na si Ate.
"Oh, nagmamadali ka?" sita ni Kuya Joseph.
Hindi pa man kasi siya nakakapagsuot ng blazer na uniporme namin doon ay lumabas na ako ng counter.
"Oo. Hinihintay ako ni ate." Itinuro ko ang labas gamit ang paglingon doon at nilingon naman niya iyon. Nakatingin sa amin si Ate. Wala man lang ibang emosyon na makikita sa mukha niya kung 'di ang kaseryosohan. Bumalik na tuloy ang kaba ko.
"Parang ang sungit ng ate mo?" aniya na bahagyang nakangiwi.
"Loko. Hindi, ah! Mauna na ako, ha, Kuya?"
Tumango lang siya at inisang tingin pa ang gawi ni ate. Lumabas na ako. Agad naman naunang maglakad si Ate. Pero nang makalayo sa tindahan ay bumagal ang paglalakad niya hanggang sa nagkapanabay na kami.
"Paano ka nakapasok doon?"
Mariin akong napapikit. Ilang beses kong inensayo kung paano ako magpapaliwanag kapag nahuli niya ako, maski kanina. Ilang beses kong sinabi sa hangin ang mga ipapaliwanag ko pero hindi ko alam na kakabahan pala ako ng ganito oras na makaharap ko na siya.
"Sagot, Gianna."
Nakagat ko ang ibabang labi nang marinig ang buong pangalan ko sa kanya. Hindi istrikto si Ate George, laking pagkakaiba kay kuya. Pero kapag nainis 'yan, hindi mo na talaga magagawang umimik dahil doon lalabas ang pagiging maldita niya.
"Tumatanggap sila ng under eighteen?"
"Hindi. D-Dinaya ko 'yong edad ko sa resumé," sagot ko na hindi man lang siya nililingon dahil sa takot. Nakatungo ako at mahigpit ang pagkakakapit sa strap ng backpack ko. Parang batang paslit na kinagagalitan ng nanay.
"Ano? Tanga ka ba?"
Napangiwi ako sa lutong ng pagkakasabi niya niyon. Natigil siya sa paglalakad kaya naman tumigil din ako. Nanatili ang pagkakatungo ko kahit pa nakita ko ang pagharap niya sa akin.
"Paano kung malaman ng may-ari 'yang kalokohan mo, ha? Hindi ka nag-iisip, eh, 'no? 'Di ka man lang natatakot, ha? Eh, kung ipakulong ka no'n dahil sa pandaraya mo?"
Namimilog ang mga mata kong mabilis na napatunghay. "Naipapakulong ba ang gano'n?
Saglit siyang natigilan. "Aba malay ko," aniya pagkadaka.
Nawala ang kaba ko at naiikot ang mga mata at napabuga ng hininga.
"Huwag mo akong ma-irap-irapan diyan, Gianna!" Bumalik ang tapang sa boses niya kaya napatungo akong muli.
"Sorry na, ate. Sayang kasi. Humahanap naman ako ng iba na hindi ko kailangan manloko ng edad pero hindi ko alam kung bakit wala akong makita. Kaya no'ng nakita kong hiring sila naisip ko na baka para sa akin 'yon. Sorry na, ate."
Tiningala ko siya. Naroon pa rin ang talim ng tingin niya pero mas hindi ko na maramdaman ang galit mula sa kanya. Ilang segundo ang lumipas ay narinig ko ang marahas na pagbuga niya ng hangin.
"Hindi mo naman kailangang magtrabaho. Bakit ba atat na atat ka laging magtrabaho? Huwag ka na kayang mag-aral at magtrabaho ka na lang."
Naroon pa rin ang diin sa pananalita niya pero ramdam ko na ang gaan ng emosyon.
May gaan man ngunit malalim ang naibuga kong hangin.
"Gusto ko lang namang makatulong kahit man lang sa pang-allowance ko. Para sa akin din naman 'tong ginagawa ko."
"Hindi ka aalis doon kapag sinabi kong umalis ka?"
Umiling lang ako. Naiiling siyang napabuga ng hangin.
"Hindi ka pwedeng magtagal diyan. Malalagot ka kay kuya kapag nalaman niya 'tong kalokohan mong 'to lalo kapag nahuli ka ng may-ari."
Alam kong hahayaan na niya akong magpatuloy sa pagta-trabaho sa convenience store kaya naman bahagyang nawala ang kaba ko. Pero naisip ko rin ang sinabi niya. Hindi nga ako pwedeng magtagal doon. Panloloko pa rin ang ginagawa ko kahit pa sabihing nagpapanggap lang akong disi-otso na.
Tsaka nako-konsensya rin naman ako, 'no. Kaya naman binigyan ko ng palugit ang sarili ko. Dalawang buwan lang at aalis na ako roon at habang naghihintay na matapos ang dalawang buwan na iyon ay maghahanap ako ng ibang mapagkakakitaan. Kung may mahanap agad, eh, 'di mas maganda.
"Ilang buwan lang, ate, aalis na rin ako roon. Promise."
"Mapagtatakpan kita sa ngayon pero huwag mong mabanggit-banggit ang pangalan ko kapag nahuli ka ni kuya. Bahala ka sa buhay mo."
Nakangiti ko siyang sinaluduhan. "Yes, ma'am."
Nakangiwi niya akong inirapan.
Nag-abang na kami ng dyip. May kalayuan ang bahay sa unibersidad kaya naman kailangan pang sumakay ng dyip pero mura lang naman ang pamaseho. Trese pesos lang.
"Huwag mong masyadong ipatong sa balikat mo ang problema, Gi. Nandito naman si Ate. May trabaho naman ako at handa akong tumulong sa 'yo. I-enjoy mo ang pagiging teenager, 'yon ang gusto kong gawin mo."
Nag-init ang mga mata ko dahil sa mga sinabi niya at sa ginawa niyang pag-akbay sa akin. Hindi ko napigilang yakapin siya. Hindi maluwag ang pamumuhay namin, pero napakalaking swerte ko sa pamilyang mayroon ako. Ito ang bagay na hindi ko maipagpapalit kahit sa ano'ng bagay, kahit sa karangyaan pa.
Nang makauwi kami ay naroon na sila Nanay. Nagliligpit si Nanay ng mga ginamit niya sa pagluluto, samantalang si Kuya ay nasa sala at may kaharap na makakapal na libro at ilang pad paper. Nakapantalon at T-shirt pa siya kaya baka kagagaling lang niya sa review center. Para namang walang nadiskubreng sikreto si Ate. Natural lang ang kilos niya. Pagkauwi ay nagbihis lang at nag-asikaso na ng lamesa para sa hapunan. Samantalang ako'y kabado at panay ang sulyap sa kanya at kina kuya.
"Ano ka ba, Gi. Hindi naman sasabihin ni Ate George 'yan. Tiwala lang."
Napatango ako at ilang ulit na nagpakawala ng hangin. Nakita ko pa ang tingin ni ate sa akin. Kunot ang noo niya. Mukhang nakita ang ginawa ko at natitiyak kong alam niya ang kabang nararamdaman ko sa mga sandaling iyon. Baka nga sinasabi na niyan sa isip niya na, "Ayan kasi. Gagawa-gawa ng kalokohan, kabado naman pala."
Nginiwian ko si ate nang naiiling niya akong inirapan at nagpatuloy sa ginagawa niya. Lumapit naman ako roon at tumulong sa paglalagay ng mga pinggay at mga baso at ng tubig sa pitcher.
Nang sumunod na araw ay madaling madali ako sa paglalakad, halos takbuhin ko na nga ang kahabaan ng pathway sa university. Dalawang minuto na lang kasi at male-late na ako. Paano ba nama'y naipit na nga kami sa trapiko, tumigil pa ang driver sa gasulinahan at nasiraan pa ng sinasakyang jeep kung kailan malapit na sa university. Bumaba na tuloy ako't naghintay ng mapaglilipatang jeep. Nagkataon namang mga puno ang mga dumadaan na papunta rito kaya nilakad ko na lang mula roon hanggang dito. Naliligo na tuloy ako sa pawis. Pakiramdam ko nga ay ang angot-angot ko na. Nagkataon pang nasa dulo pa ng kabihasnan ang classroom namin ngayon araw. Kaunti na lang talaga maiisip ko ng minamalas ako sa araw na 'to.
Pero mukhang ako nga yata ang nilapitan ng malas ngayong araw. Napatunayan ko iton nang may isang nakabu-bwisit na pangyayari na naman ang dumagdag.
Liliko na sana ako sa High School department para makatawid sa daan papunta sa extension room nang mabangga ako ng kung sinong tumatakbo. Nakanganga at namimilog ang mga mata ko nang mawalan ako ng balanse at matumba. Kasabay niyon ay ang pagtilapon ng mga libro ko na tumama pa sa ulo ko ang isa. Rinig ko ang ilang tawanan pero hindi ko na nakuhang mahiya roon dahil natuon ang atensyon ko sa ulo kong nasaktan at sa pagkakabunggo sa kung sino.
"Oops, hindi ko kasalanan."
Ganoon pa rin ang itsura ko nang mag-angat ako ng tingin sa nakabangga sa akin. Mabilis na nagngitngit ang mga ngipin ko nang makita ang nakataas niyang mga kamay na parang sumusuko. Pero ang ikinainis ko nang lubusan ay wala man lang itong ginawa. Hindi man lang niya nagawang humingi ng sorry at basta lamang akong kinibitan ng balikat. Nakalabi pa at inosenteng inosente ang itsura ng mukha!
Napasinghap ako at natatawang naibuga iyon. "Wow! Napaka-gentleman," pagpaparinig ko at dinampot ang mga libro ko. Nakatayo na ako't lahat ay hindi man lang talaga bumubukas ang bibig niya para mag sorry.
"Tara na, p're. Late na tayo." Rinig ko ang nagmamadaling pagyayaya ng kasama niya.
Tumango ito sa kasama at lalampasan na sana ako pero agad kong hinuli ang laylayan ng uniporme niya. "Hoy, lalaking saksakan ng pagiging gentleman. Baka may nakakalimutan ka?
Salubong na ang kilay niya nang lingunin ako. Bumaba ang tingin niya sa kamay kong mahigpit ang pagkakakapit sa damit niya saka niya ako tiningnan na ang mga mata lang ang inililikot.
"Ginugusot mo ang damit ko," may riin na aniya.
Mabilis ko naman 'yong binitawan nang makitang nagugusot na nga iyon. Muntik ko pang masabi ang sorry pero agad akong natauhan. Teka, bakit ako magso-sorry? Dapat siya ang magsabi niyon dahil siya ang may kasalanan. Nabangga niya ako!
"Wala ka man lang bang sasabihin, ha?" yamot at may kalakasang sabi ko nang talikuran niya ako at akmang aalis na muli. Napalingon sa akin ang ilang dumadaan pero wala akong pakialam. Nasa orange na at kaunti na lang ay magiging red na ang color-code ng inis ko.
"Bakit? Gusto mong magsorry ako? Patas na tayo, " aniya habang nakaturo sa laylayan ng damit niyang nagusot.
Napanganga ako at hindi makapaniwalang napatitig sa kanya. Nang-uuyam ang ngisi na lumabas sa kanyang labi bago niya ako muling tinalikuran. Umawas ang inis na kanina ko pa nararamdaman doon pa lang sa pagkakaipit ng traffic at pagkasira ng dyip an sinasakyan, isama na ang pagpapagasulina pa ng driver na kung bakit sa ganoong pagkakataon pa tyume-tyempo. At ang nagpapalala ay ang pagkaintipatiko ng lalaking iyon!
Sa lala ng inis na nararamdaman ko ay mabilis ang lakad na sinundan ko ang lalaki. At nang makalapit na ako sa likuran niya ay saka ko sinipa ang alak-alakan niya. Dahil hindi niya iyon inaasahan ay napaluhod siya.
May mga napasinghap sa gulat dahil sa ginawa ko at hindi nawalan ang malakas na halakhakan. Para naman akong nanalo sa pustahan nang makita ang galit sa mukha niya nang lingunin ako.
"Tayo na agad, p're. Nakakahiya." Nakangiwi at lumilingang ani ng kasama niya. Sinunod niya ang sinabi nito nang hindi inaalis sa akin ang matalas na tingin.
"Oops, hindi ko kasalanan," sarkastikong panggagaya ko sa sinabi niya kanina habang nakataas din ang mga kamay. Mas dumilim naman ang mukha niya dahil doon. Kumibot-kibot pa ang bibig niyang nakasara. Gusto na siguro nitong singhalan o sakmalin ako pero hindi lang niya magawa. Sige, gawin niya. Siya naman ang mapapahiya, eh. "Ngayon, patas na tayo," sabi ko pa at inirapan siya saka ko lamang siya tinalikuran.
Nang maalalang late na late na nga pala ako ay tinakbo ko na ang papunta sa classroom habang napapangibit dahil sa masakit na balakang na niyon ko lang naramdaman.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro