Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Kabanata 3

"SIGURADO ka ba riyan sa binabalak mong 'yan, ha, Gianna?"

Hindi ko pinansin si Olivia at ipinagpatuloy lang ang mabilis na pagtitipa ko sa laptop niya. Panaka-naka akong napapatigil para mag-isip ng dapat i-type saka muling magtitipa.

"Kapag nalaman ng mga kapatid mo 'yan lalo na ni Kuya Gerald, malalagot ka talaga."

"Hindi nila malalaman kung hindi ka maingay."

"Paanong hindi nila malalaman? Katulad niyan, imposibleng hindi mapapadaan si Ate George rito? Oh, sige nga paano?"

Matalim ang mga mata ko nang tingalain ko siya. Nakapamewang pa siya habang nakatayo sa gilid ko. Narito kami sa isa sa mga lamesa sa labas ng isang convenience store na malapit sa university. Hindi naman ganoong kalapitan. Ilang establisyimento rin ang pagitan nito roon.

"Bakit ba parang mas takot ka pa sa gagawin ko?"

Umupo siya sa harapan ko. "Hindi ko lang kasi nagugustuhan 'yang iniisip mo." Lumingon siya sa loob ng tindahan at saka ako hinarap muli. Bahagya pang inilapit ang katawan. "Magpapanggap kang eighteen years old para lang makapagtrabaho ka rito?" may halong gulat pa ang pagkakasabi niya niyon.

"Sayang kasi, Liv. Hiring sila, oh." Turo ko sa papel na nakapaskil sa pinto. "Baka maunahan pa ako."

"Bakit kasi atat na atat ka na namang maghanap ng trabaho?" problemadong aniya.

Malalim akong napabuntong-hininga. "Sinabi ko na sa 'yo 'yan, ' di ba?"

Natitigan niya ako. Mayamaya ay napapabuntong-hininga na napailing. "Sure ka na ba riyan?" Determinado akong tumango. "Paano kung mahuli ka?" mahinang dagdag niya.

"Hindi ako mahuhuli," ani ko at kumindat.

Umirap siya. "Eh, paano ang mga kapatid mo?"

Tumungo ako sa laptop at nagtipa na muli. "Huwag mong alalahanin ang mga 'yon. Ako'ng bahala."

"Yabang mo, ah! Kapag nahuli ka tatawanan talaga kita."

Nginisian ko lang ang sinabi niyang iyon at saka nagpatuloy sa pagtatapos ng aking resumé. Oo, balak kong mag-apply dito sa KH convenience store. Nga lang ay may kaunting pandadaya akong gagawin dahil sa halip na seventeen ay eighteen ang inilagay kong edad ko roon para lamang matanggap ako... Sana.

Iyon kasi ang edad nakalagay na hinahanap nila sa mga mag-a-apply: eighteen years old and above. Nakokonsensya rin naman ako at kinakabahan pero kasi kailangan ko 'to. Ilang araw na kasi akong namo-mroblema dahil hindi pa ulit ako nakakahanap ng bagong trabaho. Umuwi na kasi noong isang araw lang sa probinsiya ang pinagta-trabahuhah ko bilang house helper.

Mag-uumpisa pa naman ang pasukan kaya kailangan ko talaga ng bagong trabaho. Idagdag pa na umalis na kasi si Kuya Gerald sa mga part time jobs niya dahil magpo-focus muna siya sa pagre-review para sa board exam niya. Kaya kailangan ko talagang tumulong kahit man lang sa pang-allowance ko para sa gano'n hindi na ako hihingi kay nanay. Si Ate naman kasi ay naroon pa rin sa fast food.

Hindi naman kami ino-obliga ni nanay at kuya, eh. Ang totoo nga niyan nang malaman ni kuya na nagta-trabaho ako bilang house helper ay nagalit siya, kahit si Nanay. Masyado pa raw akong bata para magtrabaho. Kahit noong malaman nila na nagta-trabaho si Ate sa fast food. Ilang ulit pa nila kaming sinaway pero sa huli wala na rin silang nagawa dahil gusto talaga naming tumulong din lalo pa't medyo hirap na si Nanay sa paglalabada. Pero ngayon, itong pag-a-apply ko rito ay wala silang alam.

"Oh."

Napangisi ako nang makita ang mogu mogu na inilapag ni Olivia sa lamesa. Iniwan ng mga kamay ko ang keyboard at dinampot ang inumin. Napangisi ako habang nginunguya ang nata doon. "Thank you so much," sabi ko kay Olivia at kinindatan siya. Umirap naman ito.

"Bakit ba ang sipag-sipag mo?"

"Kapag po kasi hindi ako nagsipag, mas mahihirapan ako." Kami.

"Alam mo kung ano'ng hinahangaan ko sa 'yo? 'Yong hindi ko man lang narinig na nagreklamo ka kahit isang beses."

"Bakit naman ako magrereklamo?"

"Kasi..." Nagkibit ito ng balikat. Parang nag-aalinlangan pang ituloy ang sasabihin.

"Sabihin mo na," sabi ko.

"Kasi alam mo 'yon... mahirap ang buhay."

"Wala namang magyayari kung magrereklamo ako. Tsaka kapag nagreklamo ako, masasaktan lang si Kuya at Nanay at iyon ang ayaw kong mangyari."

Ayokong maramdaman nilang hirap na hirap na kami. Oo, alam kong alam nila iyon. Hindi naman maiiwasan iyon pero ayokong maramdaman nilang kailangan nilang kumilos nang kumilos para matugunan ang pangangailangan namin. Hindi na rin naman bata si Nanay. Nasa 50's na siya. Hirap at pagod na ang ibang katawan dahil sa pagta-trabaho. Samantalang si Kuya, abala sa pag-abot ng pangarap niya. Sabi pa nga niya, kaunti na lang.

"Hindi nga sila nagrereklamo kaya bakit magrereklamo ako? Kaysa gawin iyon, gusto ko na lang ipakita sa kanila na kaya namin ito basta tulong-tulong," dagdag ko pa.

"Kaya nga hinahangaan ko 'yon sa 'yo. Kasi kung sa iba 'yan tiyak na bago pa man gumawa ng paraan ay baka nakailang reklamo na. Ikaw hindi. Puro kilos ka lang, zero reklamo. Ang tatag mo kaya. Kung ako siguro 'yan hinang hina na ang kalooban ko."

Napangiti na lamang ako. Kung alam mo lang, Liv, kung gaanong kadaming beses akong pinanghihinaan ng loob. Pero kailangan kong lumaban dahil marami pa akong pangarap.

Malaki ang pagkakaiba ng estado ng buhay namin ni Olivia. May kaya ang pamilya nila. Kayang kaya niyang makapag-aral sa kahit saang unibersidad kung gugustuhin niya. Nabibili niya ang lahat ng gusto at kailangan niya. Naalala ko nang minsang magpunta ako sa bahay nila noong first year college kami. Doon niya nalaman ang sitwasyon namin sa buhay.

"Acquiantance lang naman pero bakit kailangang nakaganyan pa?" nakangiwing ani ko.

"Why? May problema ba?" si Olivia na nasa tabi ko.

Hinarap ko siya na nakasimangot. "Wala akong ganyang damit."

"Eh, 'di bibili?" Kibit-balikat na aniya.

"Huwag na 'no. Sayang sa pera para ipambili ko lang ng damit na isang beses lang naman magagamit," ani ko na may halong paghihimutok habang naglalakad na palabas ng department building. "Bakit ba kasi ganoon pa ang isusuot. Samantalang sila Kuya Ge at Ate George noon simpleng jeans at shirt lang naman daw ang suot."

"Eh, nagbago nga raw kasi ang nag-organize ng party at hindi na 'yong nag-o-organize noong mga nakaraang taon."

Ngumiwi lang ako. Pero totoong nalungkot ako. Excited pa naman ako dahil sobrang enjoy daw iyon sabi ni Ate George pero umurong ang excitement ko nang mabasa ang dress code: cocktail dress for ladies and suit and tie for gentlemen.

"Gusto mong pahiramin na lang kita? Marami akong cocktail dress sa bahay."

Nabuhayan ako ng loob at mabilis na napalingon kay Olivia nanng marinig ang alok niya. Ang nakasimangot kong mukha ay lumiwanag pero agad ding bumagsak iyon nang makaramdam ng hiya.

"Huwag na, Liv. N-Nakakahiya naman."

Malakas niyang hinampas ang braso ko. "Lokang 'to. Sa akin pa ba naman mahihiya? Para kang others," aniya at inikutan ako ng mga mata. "Pahihiramin na lang kita ng gown para hindi ka na ma-mroblema. At hindi pwedeng hindi ka a-attend dahil hindi ako mag-eenjoy roon kung wala ka."

Natawa ako. "Ah, so, iyon pala ang dahilan?"

"Oo, 'no." Kumunyapit siya sa braso ko. "Ikaw lang naman friend ko, eh."

"Yabang! Dami-dami mo ngang friends."

"I mean real friend. Tsaka gusto ko talaga na naroon ka. Kapag hindi ka um-attend, hindi na rin ako pupunta."

Malakas akong natawa. "Loka! Bakit sa akin nakasalalay ang pagpunta mo?"

"Eh, boring nga kasi kung wala ka," nakanguso at nakasimangot na aniya. Mabilis na lumiwanag ang mukha niya at excited siyang nagtungo sa harapan ko. "So, ano? Tara sa bahay?"

"Ngayon na? Last Friday of the month pa ang party, Liv. May dalawang linggo pang dadaan. Huwag kang excited.

"Okay nga iyan para makapamili ka na ng maaga. Mamaya niyan ipaarkila pa ni mommy ang mga 'yon, eh. Tara na bilis."

Akma niya akong hihilahin pero agad ko siyang pinigilan.

"T-Teka naman. Magpapaalam muna ako kay kuya."

Nagtungo kami sa Mara's Café kung saan nagpa-part time si Kuya Gerald. Agad naman akong pinayagan ni kuya nang magsabi akong pupunta lang saglit kina Olivia. Sakay kami ng dyip nang magtungo ni Olivia sa kanila.

Para akong bata na nakakita ng magandang laruan nang makita ko ang bahay nila. Dalawang palapag ang bahay na may kulay light purple na pintura sa labas. Ganoon din sa loob pero mas light kumpara sa nasa labas. May kalakihan ang kanilang bahay at hindi ko naiwasang ilibot ang aking tingin nang makapasok kami habang abala sa pagsusuot ng pambahay na tsinelas na ipinapasuot ni Olivia. Sa isang malaking flat screen T.V. na nakadikit sa dingding agad tumama ang mga mata ko. Namangha pa ako sa laki niyon. Sumunod na tinapunan ng tingin ko ang isang pa-curved na white sofa. Na-imagine ko ang sariling nagtatatalon doon. Sa dingding sa taas ng T.V. nila ay may mga nakasabit na family pictures, pictures nila ng kuya niya nang gumraduate at mayroon ding mga certificates at medalya.

"Nasaan sila Mama mo?" tanong ko nang mapansing parang walang ibang tao roon.

"Baka pauwi na 'yon si Mommy. Si Daddy naman baka nasa ospital pa."

Isang high school principal ang mama niya at high school teacher naman ang daddy niya. Dalawa silang magkakapatid at sa ibang unibersidad nag-aaral ang Kuya Mason niya.

"Dito tayo, Gi."

Sumunod ako kay Olivia nang umakyat siya. Patuloy naman akong namamangha. Maski sa dingding sa pagitan ng hagdan ay may mga litratong nakasabit. At mayroon pang Christmas tree na nababalutan ng plastic doon. Sa second floor ay may tatlong silid.

Isa ito sa pangarap ko. Ang magkaroon kami ng mas maayos na bahay. Ang magkakaroon kami ng kanya-kanyang silid at mas maayos na higaan. O kahit magkakasama pa rin kami nila nanay at ate sa isang kwarto, okay lang iyon basta ba hindi na ganoong siksikan. At sana magkaroon si Kuya ng sarili niyang kwarto at hindi na lang sa sala natutulog. Gusto kong magkaroon kami ng  bahay na hindi na kami makakaramdam ng sobrang lamig kapag malamig ang panahon at sobrang init naman kapag tag-init. Isang tahanan na mas kumportable.

"Ito, oh. Pumili ka na lang dito."

Binuksan ni Olivia ang isa sa dalawang cabinet sa kwarto niya at ipinaglalabas ang mga dress na nakahanger at basta na lamang ipinatong ang mga iyon sa kama niya. Nilapitan ko naman iyon at isa-isang itinapat sa akin.

"Mas matangkad ka ng kaunti sa akin kaya baka mas maikli nang kaunti ang mga 'yan sa 'yo," aniya.

"Sakto lang. Angat lang naman ng kaunti sa tuhod ko."

Iba-iba ang kulay ng mga iyon. Orange, blue, white, red, pink, purple, dark blue, at may floral din. At kalimitan ay balloon style.. Pero nakaagaw pansin sa akin ang isang light yellow tube dress. Simple lamang iyon kumpara sa iba. Walang beads o kung ano pa mang disenyo. Hindi ganoong maumbok pero bahagyang maalon ang laylayan na mas nakapagpaganda roon.

"Ito na lang, Liv. Okay lang?"

Natigil siya sa pagkakalkal sa isa pang cabinet at nilingon ako. Ngumiwi siya nang makita ang hawak ko. "Sure ka?"

"Oo. Ang ganda kaya nito." Itinapat ko iyon sa sarili ko at humarap sa whole body mirroe niya na nasa paanan ng kama. Napangiti ako. Pumusyaw ang kulay ko dahil sa kulay ng damit. Morena kasi ako.

"May iba pa ako rito, Gi. Mas maganda." Kinalkal niya ang mga nasa kama. "Ito kaya?" Angat niya sa kulay asul. Sobrang lobo ng laylayan niyon at punong puno ng beads ang ibabaw.

Hindi ako nakasagot. Nahihiya at hindi alam kung paano tatanggi.

"Or ito? Suot ko ito noong JS Prom last year."

Napatitig ako sa bagong inangat niya. Kulay pula iyon. Halos nagkakapareho lang iyon at ang asul sa disenyo. One shoulder nga lang ang strap niyon.

Doon ako napailing. "Hindi ko mahihiram 'yan, Liv."

"Bakit naman?"

"Isinuot mo iyan no'ng JS Prom mo, eh."

"So?"

"Syempre mahalaga at memorable sa 'yo ang damit na 'yan."

Bahagya siyang natawa. "Ang O.A. Pinang-JS lang, memorable agad?"

Napatungo ako. Hindi ako nakaimik at bahagyang nakaramdam ng hiya kahit hindi naman dapat. Nailayo ko ang tingin ko sa kanya at tumingin na lamang sa salamin. Ilang segundong namayani ang katahimikan bago ko narinig si Olivia.

"Hindi mo... naranasan ang ganoon?"

Nang tingnan ko siya mula sa salamin ay hindi na mabakas ang tuwa sa kanyang mukha, sa halip ay lungkot at gulat ang naroon.

Tumango ako at ngumiti. "Sabi ko naman sa 'yo mahirap lang kami, eh. Hindi ko afford maski ganoong bagay." May pagbibiro sa tono ko. "Hindi ba nga na noong first day ay nasungitan mo ako pagkatapos kitang tanungin kung kailangan mo ng tutor?" natatawa kong ani. "What made you think that I'm not smart and I need a tutor?" pang-gagaya ko sa sinabi niya noon at sa boses niya. "Sungit," dagdag ko pa at natatawang inirapan siya.

"Paano ba naman nagulat talaga ako nang lapitan mo ako no'n. Tsaka at least tumulong ako sa paghahanap ng matuturuan mo."

Totoo iyon. Nagkaroon ako tutoree dahil sa kanya. Nilapitan niya ako isang araw at sinabing kailangan ng pinsan niya ng tutor. Doon din nagsimula ang pagkakaibigan namin.

Pareho na lang kaming natahimik habang parehong may malapad na ngiti. Binasag niya ang katahimikang iyon ilang minuto.

"Pero... hindi naman magastos ang prom, 'di ba? Need mo lang magprepare ng susuotin mo?"

Ramdam ko sa paraan ng pananalita niya ang pag-iingat. Hindi niya gustong masaktan ako o ma-offend, bagay na na-appreciate ko.

"Nandiyan ka pa rin?" natatawang biro ko.

Nakanguso siyang bumuntong-hininga. "Nakakalungkot lang na hindi mo pala naranasan iyon. Once in a lifetime lang kasi ang ganoon."

"Mahirap lang kasi kami, Liv. Kung gaano kahirap, siguro maswerte lang kami nang kaunti sa mga taong nakatira sa kalsada. Dahil may tirahan pa kami at may masipag akong nanay at kuya kaya nakakain pa kami ng tatlong beses sa isang araw. Pero sa ibang bagay, mahirap na. 'Yang JS Prom, hindi ko na pinangarap na maranasan ko 'yan dahil hindi 'yon naranasan ng mga kapatid ko dahil noong panahon nila ay may sakit ang tatay ko. Ayokong makaranas ng isang masayang bagay na hindi nila naranasan."

"Feeling mo ba ang unfair kapag ganoon?"

Malungkot akong napatango. "Dahil gusto ko na kung ano'ng pagkain ang matitikman ko ay matitikman din nila. Gusto ko na kung may mararanasan akong magandang bagay ay mararanasan din nila. Gusto ko na kapag nakaramdam ako ng saya ay ganoon din sila. Oo, pakiramdam ko na unfair kung ako lang ang makakaranas ng lahat ng magandang bagay lalo pagdating sa kuya ko na halos hindi na na-e-enjoy ang pagiging teenager dahil siya na ang nagsilbing tatay namin."

"Si Kuya Gerald?"

Tumango ako at iki-n-wento sa kanya kung paanong nagsimula si Kuya sa pagta-trabaho noong mawala si Tatay. At habang nakikinig ay nakita ko ang unti-unting pagbakas ng gulat sa mukha niya.

"I didn't know," aniya.

"Syempre nito lang naman tayo nagkakilala kaya paano mo malalaman," biro ko.

Nakanguso niya akong inirapan na ikinatawa ko. Nanatili naman ang malungkot niyang mukha.

"Nakokonsensya ako."

Bagsak ang balikat niya. Nahuli ko pa siyang kinukutkot ang beeds ng dress na gianmit niya sa JS. Pinigilan ko ang kamay niya dahil baka tuluyan 'yong masira sa kagagano'n niya niyon.

"Bakit naman?"

"Kasi during our JS Prom, nag-iinarte pa ako na hindi ko bet 'yong susuotin ko kahit pa alam ko kung gaanong kamahal ang pagawa diyan. Na dapat pala ipinagpapasalamat ko dahil mayroon akong ganyan."

Napangiti ako. Hindi ko alam na magkakaroon siya ng ganoong realization pagkatapos kong magkwento ng tungkol sa akin.

Magkaiba man kami ng katayuan sa buhay nitong si Olivia. Ipinagpapasalamat ko na lang sa kanya na hindi niya sinisilip ang estado ng buhay na mayroon ako para maging kaibigan niya.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro