Kabanata 2
DAHIL sa naging pag-uusap namin ni kuya ay mas naging positibo ako. Agad kong inasikaso kinabukasan ang mga papel na kakailangan para makapag-apply ng scholarship. Sa tulong ng suporta ng mga pamilya ko at ng panalangin ay mas lalong lumago ang tiwala ko sa sarili. At hindi nga ako nabigo, nakapag-apply nga ako ng full scholarship bagay na labis naming ipinagpasalamat dahil kaming magkakapatid ay biniyayaan niyon.
Ang takot na baka hindi ko iyon mapanghawakan nang matagal ay pinaglabanan ko. Napagtanto ko na nasa akin pala ang sagot niyon. Kung pagbubutihan ko ang pag-aaral, malamang na magtatagal iyon sa akin. Kaya naman pinaglabanan ko ang lahat ng takot na paminsan-minsa'y dumadalaw sa isipan ko at sa halip ay mas pinagbubutihan pa ang pag-aaral ko.
Naging inspirasyon pa ang mga pangamba at naging katatagan pa ang takot. At sa awa ng Diyos nagawa kong itaguyod ang unang taon ko sa kolehiyo bilang President's Lister. Pero ngayon ay hindi lamang iyon ang ikinasasaya ko, kung 'di lalo na ang pagtatapos ni Kuya Gerald sa kolehiyo.
"Congratulations, Kuya Gerald!" Iniabot ko sa kanya ang isang punpon ng crochet flowers na ako mismo ang gumawa, at saka siya niyakap nang mahigpit na mahigpit. "Congratulations! Sobrang galing mo, kuya Nakaya mo ang limang taon."
"Thank you, Gi."
Ang tagal ko siyang niyakap. Naluluha na ako sa saya dahil nakatapos na siya pero nasira ang moments kong iyon nang sirain iyon ni Ate George.
"Kami naman. Kami naman," ani ate habang hinihila ako palayo at saka niyakap si Kuya. "Congratulations, kuya!"
"Hindi pa ako tapos, eh." Nanghahaba ang ngusong maktol ko.
Tinawanan iyon ni kuya saka inilahad ang isang braso sa akin. Napangiti naman ako, lumapit at niyakap sila ni ate.
"Nay," tawag ni kuya kay nanay na nasa likuran ko na kanina pa umiiyak. Mayamaya lang ay naramdaman ko ang pagyakap sa amin ni nanay. Nag-init ang ilong ko, kasunod ang mga mata at saka nagpatakan ang mga luha roon.
Ilang minutong nagtagal ang yakap namin. Hindi alintana ang mga naroon. Rinig ko na ang ilang singhutan namin at ang natatawang pananaway ni kuya na huwag kaming umiyaw.
Nang kumalas kami sa yakap ay pare-pareho na kaming nagpupunas ng mga mata. Kaya nang magkatinginan ay pare-pareho na lamang kaming natawa sa isa't isa.
"Kuya Gerald!"
Sabay-sabay ang pag-ikot ng mga ulo namin sa pinanggalingan ng boses na iyon. Nakangiwi akong napailing nang makita ang tumatakbong si Olivia palapit sa amin. May bitbit itong isang may kalakihang itim na paper bag. Classmate ko iyan dito sa university at kalaunan ay naging kaibigan.
"Congratulations, kuya!" Iniabot nito ang paper bag kay kuya.
"Salamat, Liv. Sana hindi ka na nag-abala."
"Pwede mo namang ibalik mamaya, kuya. Props lang iyan," biro niya na ikinatawa naman ni kuya.
Muli kaming napalingon sa likuran ko nang makarinig ng pamilyar na boses ng isa muling babae na tumawag kay Kuya Gerald. Agad na umangat ang gilid ng mga labi ko nang makita kung sino iyon. Si Ate Samantha na kaibigan ni kuya. Kasama niya ang limang kaibigan nila ni Kuya Ge mula sa kanilang probinsiya.
Malapad ang ngiti ko habang kinakawayan sila. Nang makalapit sa amin ay bumati muna sila kay nanay ng magandang hapon bago nila nilapitan si Kuya at binati ito. Huling huling lumapit si Ate Samantha kay kuya at yumakap. Mukhang nag-usap pa ang dalawa habang magkayakap dahil panay ang pagtango ni kuya at ilang pag-iling habang natatawa.
"The who?" bulong ni Olivia sa akin.
"Friends ni kuya."
"Hindi. 'Yang girl."
"Friend nga ni kuya."
"Ang ganda niya. Model?"
"Hindi, ah," natatawa kong ani. "Dati siyang nag-aaral dito pero lumipat na sa Santa Clara."
"Really?" Nanlalaki ang mga mata niya. "Akala ko model. Ang ganda, eh. Ang tangkad pa. Bagay sila ni Kuya Ge."
"Talaga?" mangha kong ani dahil sa huling sinabi niya saka tiningnan si Kuya at Ate Sam na magkahiwalay na at nag-uusap na kasama ang iba nilang kaibigan. Napangiti ako at agad sumang-ayon kay Nicole. "Hm. Bagay nga."
Hindi ko naiisip ang tungkol sa ganoong bagay kapag nakikita kong magkasama noon si Kuya Gerald at Ate Sam. Magkaibigan lang kasi sila sa paningin ko pero ngayong nabanggit iyon ni Olivia ay nagawa kong sumang-ayon agad. Dahil oo, bagay talaga sila. Parehong maganda at gwapo. Parehong nagsusumikap na maabot ang mga pangarap sa kabila ng mga problema at kahirapan. Parehong nagsusumikap na maitaguyod ang pamilya nila. Parehong matatag.
"Kaso hindi na pwede."
"Bakit naman?"
"Kasi may boyfriend na si Ate Sam. Iyon, oh." Turo ko kay Kuya Xander na nasa gilid lang ni Ate Sam.
"Ow. Kaya pala. Grabe ang gwapo din, ha. Wala bang panget sa barkada ng mga 'to? Kahit si Kuya Gerald hindi nagpatatalo sa looks."
"Syempre," proud kong ani at napangisi pa.
Nagpaalam muna si Olivia nang makakita ng kakilala na nagtapos din noong hapong iyon. Ako naman ay nanatiling nakatayo roon at panaka-nakang kumukuha ng litrato gamit ang cell phone ni kuya. Napapangiti ako nang makakuha ng magagandang litrato. Mayroong magkayakap si Ate George at Ate Sam, kayakap ni Ate Sam si Nanay, nakikipagtawanan si Ate George kina Ate Erika at Ate Bianca, nakikipag-usap si Kuya Gerald kina Kuya Troy, Kuya Xander at Kuya Tristan, magkayakap si Ate Sam at Kuya Xander, at ang paborito ko ay 'yong nakapabilog sila Kuya Gerald at ang mga kaibigan niya. Nagmistulang background ang mga taong abala rin sa pagyakap sa mga mahal na nagtapos. Hindi ko napigilang mangiti. Nakakatuwang makita ang masasaya nilang mukha.
Patuloy ako sa pagkuha ng litrato. Mas magandang marami para nang sa ganoon maraming babalikan at ngingitian. Pero sa gitna ng pagiging abala sa pagkuha ng litrato ay nangunot ang noo ko nang may lumapit kay Kuya Xander na isang payat at matangkad na lalaki. Pinanood ko iyon mula sa screen ng cell phone. Nakaputi itong T-shirt at dark blue denim at puting converse. Kumulbit ito kay Kuya Xander at nang nilingon siya ay naglahad naman ng kamay.
"Car key. I'll go back to our hotel." Naulinigan kong sabi ng lalaki. Baritono ang boses. Pero parang babago pa lamang nagbibinata. At may pagkainip akong nahimigan sa boses nito.
"Bakit sumama ka pa dito kung babalik ka rin pala agad?" Naulinigan ko ang naiinis na boses ni Kuya Xander kahit halatang sinusubukan niyang hinaan iyon.
"I forgot my phone," sabi ng kaharap.
Umangat ang kilay ko. Pakiramdam ko kasi ay nagdadahilan lang siya.
Agad namang iniabot ni Kuya Xander ang susi ng kotse habang naiiling. May sinabi pa siya rito at agad namang lumapit ang lalaki kay Kuya Gerald at binati ito. Nag-apir ang mga ito saka nagyakap. Sunod na hinarap ng lalaki sina Ate Sam at nagpaalam.
Patuloy ang panonood ko mula sa cell phone kahit noong makaharap ang lalaki. Nanlaki ang mga mata ko nang wala sa sariling napindot ko ang camera button kaya nakuhanan iyon ng picture at kung bakit ba naman kasi may mahinang tunog pala iyon na rinig na rinig nang mga sandaling iyon.
Tumikhim ako at iniiwas ang cell phone sa lalaki nang makita ang pagkunot ng noo niya at nagkunwari akong kinukuhanan ng litrato si Nanay at Ate George. Nang makita ko sa gilid ng mga mata ang paglalakad nito patungo sa gawi ko ay umikot ako. Itinaas ko ang mga kamay na may hawak na cellphone at nagkunwaring kinukuhanan ng litrato ang mga puno.
"Please, delete my picture." Narinig kong ani ng baritong boses ng lalaking mukhang babago pa lamang nagbibinata.
Nakakunot na ang noo ko nang lingunin ko iyon pero wala na iyon sa likuran ko at nakalampas na. Naglalakad na ito patungo sa parking lot ng university.
Napangiwi ako. "Feeling artista. Eh, 'di buburahin." Napairap ako at saka hinanap ang litrato ng lalaking iyon. Pero bago ko pa man mapindot ang delete ay napatitig na ako sa screen. Infairness gwapo.
Gwapo talaga. Napakatangos ng ilong, ang kakapal ng mga kilay, hugis pusong labi na may kanipisan. Hulmadong hulmado ang panga. Maputi. Payat nga lang pero hindi naman sobra. Sakto lang at bumagay naman sa pagiging matangkad niya. Kaso mukhang bata pa. Halata naman sa itsura nito. Pero ang point dito ay gwapo talaga. Papasa nga 'tong modelo o artista, eh.
"Kaso feeling artista nga," nakangiwi ko muling bulong. "Delete my picture," pangaggaya ko pa sa boses niya. "Arte," himutok ko at diretso ang hinlalaking daliri ko sa pagpindot ng delete. "Oh, ayan. Okay na?" sabi ko pa habang nasa daan papuntang parking lot ang tingin ko kahit pa wala na roon ang lalaki. Ngumiwi pa ako at umirap saka na hinarap muli ang pamilya ko.
Dahil tapos na ang picture taking ng mga estudyante ay nagkayayaan na sila Kuya Ge na magpunta sa restaurant kung saan gaganapin ang celebration niya. Pinaghandaan talaga nila iyon. Ako naman ay hindi pinayagan ni Kuya Ge na mag-ambag pa kahit may kaunti naman akong ipon mula sa pagta-trabaho bilang house helper sa aming churchmate, kaya naman 'yong crochet flowers na lang ang pinaggastusan ko.
Kasama namin si Olivia, si Ate Samantha at ang mga kaibigan niya sa restaurant. Maingay at naging masaya ang celebration doon ni kuya. Nagkaroon pa si Kuya ng libreng cake mula sa restaurant bilang congratulatory.
Ilang taon na rin na hindi kami nakapagcelebrate ng kahit ano, maski birthday, kahit man lang sa mga tulad ng fast food. Siguro ang huling beses ay nandito pa si Tatay at mga bata pa kami. Sadyang inilalaan namin ang lahat sa pang araw-araw na pangkain. At dahil nga mga dalaga't binata na kaya hindi na sabik sa ganoong celebration. Nakuntento na kami sa mga bati na lamang. Kahit walang cake ayos na, sapat na minsan ang kaunting napakasarap na pansit na lulutuin ni nanay.
Kaya naman ngayon, para akong bumalik sa pagkabata. Sabik na sabik at sayang saya. Magtatagal pa siguro ulit bago maulit ang ganito kaya susulutin ko na, kakain na ako nang madami.
Syempre biro lang iyon na may kaunting katotohanan.
Susulitin ko na ang saya. Itinatak ko sa isip ang tuwang nababasa ko sa mukha ng bawat isa. At higit sa lahat, ipinanta ko sa isip ang ngiting nakapaskil at hindi naalis sa mukha ni Kuya Gerald.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro