Kabanata 16
NANG sumunod na linggo ay agad na binawi ang naging pagsasaya namin sa nagdaang intramurals. Review week naman iyon dahil sa susunod na linggo ay final examination na.
Nakakatawa nga lang na noong preliminary exam ay roon sa convenience store ako nagta-trabaho. Noong midterm exam naman ay nasa hardware store ako at ngayong finals ay narito kay antipatiko. Huwag naman sana na sa susunod na examination ay sa iba na naman ako nagta-trabaho. Talagang hindi na 'yon nakakatuwa, 'no!
Anyway, dahil review week ay hindi ko maiwasang dalhin din ang pagre-review sa trabaho. Ako 'yong tipo ng estudyante na kahit saan ay nagre-review at hindi ko na iyon maaalis sa akin. Pero syempre, inuuna ko pa rin gawin ang trabaho ko. Naglilinis muna ako at nagluluto para pwede na akong tumunganga sa review sheets ko after. Pero ngayon kasi maaga akong natapos sa paglilinis. Nagsalang na ako ng kanin sa rice cooker. At habang hinihintay sa pagdefrost ang inilabas kong karne ay nagbabasa-basa muna ako ng notes sa sala habang nakalupagi rito sa carpented floor.
Limang minuto pa lang yata akong nakakaupo roon ay parang hinihila na pababa ang mga talukap ko. Wala na rin akong naiintindihan sa binabasa ko. Maalimpungatan ang diwa ko at ilang beses na ipipilig ang ulo para takasan akong muli ng antok pero ilang saglit lang ay ganoon na naman. Ilang gabi na rin kasi na late na ako nakakatulog at maaga namang nagigising. Madalas na inaabot lang ng apat o limang oras ang tulog ko. Ganyan naman ako basta may paparating na examination. Bumabawi lang ako ng tulog kapag tapos na.
Pero sa ngayon, hindi na yata makapaghihintay ang mga mata ko no'n dahil kahit ano'ng panlalaban ang gawin ko para huwag makatulog ay natatalo pa rin ako. Kusa na akong napasubsob sa braso ko na nakapatong sa center table. Hindi ko na nagawang labanan pa ang antok na tuluyang sinakop ang sistema ko.
Sige, iidlip lang ako. Fifteen minutes lang, sabi ko pa sa isip at nagpaubaya na sa dilim.
Hindi ko alam kung gaanong katagal akong nakatulog pero nagising ang diwa ko nang may maramdaman akong parang humaplos sa noo ko. Nasa diwa ko pa ang antok at namumungay ang mga mata nang magmulat ako. Sa pagmulat ay mayroon akong nakitang bulto sa sofa. Isa 'yong lalaking nakaupo at nakapangalumbaba habang matamang nakatingin sa akin. Madilim na ang paligid at tanging nakikita kong may liwanag ay nagmumula sa likuran ng lalaki na nagbibigay ng kaunting liwanag sa kinaroroanan namin.
Bumagsak muli ang mga talukap ko, ngunit sumilay ang ngiti sa labi ko dahil parang napangalanan sa isip ko ang nakita kong nakaupo roon.
"Antipatiko," inaantok na nasambit ko pa bago ako tinalo muli ng kadiliman ngunit habang nakapikit ay naproseso ng aking isip ang nakita. Mabilis na umalpas sa akin ang antok at agad na nabura ang ngiti ko nang mapagtantong si antipatiko nga iyon, kasabay ng mabilis na pagbangon mula sa pagkakasubsob sa braso ko.
"A-Antipatiko." Nanlaki ang mga mata ko nang makita nga roon si antipatiko. Parang nagulat pa ito sa naging kilos ko dahil nanlalaki ang mga mata nito at naalis sa pangangalumbaba at parang nanigas sa kinauupuan.
"What’s wrong?"
"K-Kanina ka pa? S-Sorry nakatulog ako."
Hiyang hiyang naigilid ko ang mukha at doon napangiwi. Inayos ko pa ang buhok ko. Pinasadahan ko rin ng kamay ang gilid ng labi ko. Mamaya niyan may tumutulo na pala roon.
"Akala ko kung ano," aniya na umayos ng upo. "It's okay. Kararating-rating ko lang din naman."
Iyon na nga, eh. Naabutan mo 'kong tulog!
Dumaplis ang tingin ko sa balkonahe. Nanlaki ang mga mata ko nang makitang madilim na sa labas. Mabilis ang naging paglapit ko kay antipatiko at tiningnan ang oras sa kanyang relo. Halos isubsob ko ang mukha ko roon dahil sa dilim at hindi ko halos makita 'yon. Itinaas ko pa ang kamay niya at doon lang naliwanagan.
"Alas siyete na? Shemay! Hindi pa ako nakakapagluto!" hindi ko napigilang isigaw kasabay ng mabilis na pagtayo.
Ano ba 'yan, Gianna! Tiyak na hindi na maipinta ang mukha ko sa labis na hiya. Papunta sana ako sa kusina nang pigilan niya ako sa braso.
"Huwag ka na lang munang magluto. It's okay. May vegetables salad pa naman sa ref. Iyon na lang muna ang kakainin ko."
"Hindi pwede. Baka magutom ka sa kalagitnaan ng gabi."
"I can just order anything."
"Bakit o-order ka pa, eh, ang daming pagkain sa ref. Ipagpi-prito na lang kita kahit isda."
Wala na siyang nagawa nang magtungo ako sa kusina. Napangiwi pa ako nang makita ang karne ng baboy sa lababo na balak kong i-adobo sana pero nakatulog naman ako. Inamoy ko 'yon. Buti na lang hindi nasira. Sabagay isang oras pa lang naman.
"Ito na lang ang ipi-prito ko," tukoy ko sa baboy.
Isang sulyap sa kanya na nakatayo sa gilid ko ay nakita ko ang pagtango niya.
"I'll just change my clothes," paalam niya.
"Sige lang."
Inumpusahan kong gayatin ang karne, binudburan ng asin at paminta saka ipi-nrito. Hindi ako gumagamit ng flour o kahit ano'ng breading mix dahil ayaw 'yon ni antipatiko.
Nakasandal ako sa kitchen island sa tapat ng stove nang maamoy ko ang naghahalong tamis at tapang na perfume ni antipatiko. Nalingunan ko ang paglapit niya, pum’westo siya sa malayong gilid ko. Namamasa-masa pa nga ang buhok.
Ibinalik ko ang tingin sa kawali. Saglit na tanging sagitsit na animo'y may mahihinang fireworks sa ilalim ng takip niyon ang pumuno sa pandinig ko.
"Are you tired?"
"Ha?" Mabilis kong nilingon si Antipatiko. "Hindi naman. Bakit?"
Nakagat ko ang loob ng ibabang labi nang lamunin muli ng hiya. Tiyak na kaya niya 'yon naitanong ay dahil nakatulog ako kanina. Mas nakakahiya dahil naabutan niya ako!
Idlip lang kasi, Gianna. Idlip! Pero bakit inabot ng isang oras!
Hindi ko maiwasang mapangiwi at pagalitan nang paulit-ulit ang sarili.
"I mean sa pagre-review."
"Ah! Hindi rin naman."
"Huwag ka na lang munang magwork bukas. You can use your time to review. Don't worry bayad iyon."
Nagsalubong ang kilay ko't nanghaba ang nguso. "What? Ayoko nga! Hindi ako papayag na babayaran mo ako nang hindi ko nagagawa ang trabaho ko."
Napahinga siya nang malalim. "Okay, fine. Pumasok ka pero huwag ka na lang munang maglinis. Tutal hindi rin naman madumi dahil araw-araw ka namang naglilinis. Magreview ka na lang muna habang nandito and then magluto for my dinner."
Napatitig ako sa kanya. Napakaseryoso ulit ng mukha niya. Nagmumukha na siyang binatang binata sa itsura niya kapag ganito siya. Hindi ko mahagilap 'yong batang mahilig mang-asar at manakot.
Simula kasi no'ng araw na sinabi niyang hindi na niya ako aasarin at palagi na siyang magiging seryoso, palagi ko ng nakikita ang ganitong side niya. Minsan darating siya at malambing na babati ng hi o good evening. May mga pagkakataon naman na kapag may ginagawa ako, magugulat na lang ako dahil hindi ko namamalayang nakarating na siya. Makikita ko na lang na nakatayo na siya sa malayo, madalas nakahalukipkip at seryosong nakatingin sa akin. But not in a creepy or alarming stare naman. It seems like he's immersed in thought. At kapag gano'n, nakukuryoso ako sa kung ano kayang tumatakbo sa isip niya.
Minsan nga tinatawanan ko siya at binibiro na hindi bagay sa kanya ang seryoso. Sasabihin niya naman, "I want to prove to you that I can be serious." Lokong bata!
Pero aaminin ko, hindi maipagkakailang bagay sa kanya ang mature look. Para siyang hindi sixteen. Baby face pa rin pero dahil sa kulot at hanggang balikat niyang buhok at sa tangkad na naglalaro sa six-foot, kung hindi ko alam ang totoong edad niya, iisipin kong ka-edaran siya ni Kuya Gerald.
"Okay lang na... gawin ko 'yon?"
Umalis siya sa pagkakasandal sa lababo. Itinukod ang isang kamay sa ibabaw ng sink at ang isa ay namulsa sa black cotton short niya. "Oo naman. Why not?"
"Eh, kasi—"
"It's really fine. Ngayon lang naman na may exam. Please... Gianna."
Natitigan ko siyang muli habang ang tenga ko ay para bang paulit-ulit na naririnig ang pagtawag niya sa pangalan ko. Iyon ang pangalawang beses.... hindi, pangatlong beses na. Iyon ang pangatlong beses na tinawag niya ako sa pangalan ko.
Hindi niya ako tinatawag sa pangalan ko kapag kinukuha niya ang atensyon ko. Minsan na hey lang o madalas na wala. Idinadaan na lang sa mga pagbati. At ngayon na lang ulit pagkatapos ng gabing iyon niya nasambit ulit ang pangalan mo. Pero bakit pakiramdam ko, hindi man niya maya't mayang binabanggit, pero sa tuwing siya ang nagsasabi niyon para bang ang ganda-ganda niyon.
Wait... What!
Para akong nahipnotismo at may pumitik kaya nagising. Napangiwi ako kalaunan.
Kung anu-ano'ng naiisip mo, Gianna. Kulang ka sa tulog? Konyatan kita, eh! ani ng isang bahagi ng isip ko at ilang ulit akong dismayadong napailing.
"What's wrong?"
"Ha?" may bahid ng gulat kong sabu. Naroon ang pagkalito sa itsura niya. Dahil siguro sa ginawa kong pag-iling. "Ah, w-wala. May naalala lang ako," pagdadahilan ko.
Ngumiti pa ako. Parang namang hindi pa siya nakumbinsi roon kahit tumatango siya dahil nanatili ang pagkakasalubong ng mga kilay niya. Pasimple akong napahinga nang malalim. Nilapitan ko ang kawali para makatakas sa nanunuri niyang tingin.
Nang mabaliktad ang karne ay nagsandok na ako ng kanin. Mabuti na lang mainit-init pa iyon nang kaunti kaya hindi ko na ininit kanina. Nagsasalin ako ng tubig sa baso nang makita ang paglapit niya sa stove. Dinampot niya ang tong at nililikot-likot ang karne roon. Tinitingnan siguro kung luto na.
Binitawan niya ang tong at lumapit sa kinaroroonan ko. Tiningnan niya ang mga nasa countertop saka lumapit sa refrigerator. Kinuha niya roon ang vegetable salad: it's a mixture of cucumber, carrots, lettuce and apple. Dinala niya iyon dito.
Nangingiti man pero hindi ko maiwasang pangunutan siya ng noo. "Ano'ng nakain mo?"
"What do you mean?" Nakatuon ang atensyon niya roon. Mukhang hindi pa sila magkasundo ng sarili kung sa gitna o sa gilid ba ilalagay ang salad.
"You're helping me."
Nagkibit siya ng balikat. "You're already tired. I want to help you, even in a simple way."
Unti-unting nawala ang ngiti ko, pero siya namang pag-angat ng kakaibang saya sa puso ko. Gusto kong itanggi na dahil iyon sa na-touch ako at isipin na lang na dahil hindi ko inaasahang sasabihin niya iyon. Pero sino bang lolokohin ko kung 'di sarili ko lang. Kaya ayaw ko man aminin pero sobra talaga akong na-touch doon. Pero hindi ko maintindihan kung bakit kasabay niyon ay tila nagagalit ang puso ko.
"I... I'm not tired," umiiling kong ani.
"You are," mababa ang boses na aniya kasabay ng pagharap sa akin. Mukhang nagkasundo rin sila ng sarili niya na roon niya ilalagay ang salad sa gilid ng plato niya.
Rinig ko ang paghinga niya nang malalim bago siya humakbang palapit sa akin. Nabubuhay ang kagustuhan kong umatras pero parang ipinako naman ang mga paa ko sa kinatatayuan.
Napatingala ako nang tuluyan siyang makalapit. Hindi ko alam kung bakit nagwawala ang puso ko. Hindi naman ako kinakabahan o natatakot. Kaya hindi ko masabi kung bakit ganoon ang reaksyon niyon.
"Look oh," aniya.
Napakapit ako sa gilid ng counter at pakiramdam ko'y natigil saglit sa paghinga nang umangat ang kamay niya. Muli akong napamulat nang marahang humaplos ang hinlalaki niya sa ilalim ng kanang mata ko. Ramdam ko ang init niyon na kumapit sa balat ko at tila naiiwan doon.
"Sumisilay na 'yang eye bags mo," may tono pa ng pagbibiro na aniya pero hindi ko magawang sakyan iyon lalo pa't sobrang lapit niya. Nanunuot sa ilong ko ang bango niya. At nakakaadik ang amoy na iyon. Amoy na parang gugustuhin mong samyuhin nang samyuhin.
Umangat ang tingin niya. Tuluyang nablangko ang utak ko nang magkatagpo ang mga mata namin at walang nagawa kung 'di ang tumitig din sa mga mata niya na para akong hinihipnotismo.
Brown eyes, nasambit ko pa sa isip ko.
Ugali kong makipag-eye contact lalo kapag may interesanteng sinasabi sa akin ang kaharap ko o kung ako man ang may sinasabi, lalo na during class. Pero ngayon ko lang nalaman, sa mga sandaling ito, na mas interesante pala na tumitig lang sa mga mata kahit walang sinasabi o walang pinakikinggan. At ni walang nakapagsabi sa akin na pwede palang makapagpatigil sa pagdaloy ng utak ang mga titig.
"But still beautiful," mababa ang boses na aniya.
Doon na ginising ang diwa ko. Napapalunok na nag-iwas ako ng tingin. Nag ngingit-ngit ang mga ngipin ko at mariing napakapit sa skirt ko. Hindi makapaniwalang saglit akong nawala sa ulirat dahil lang sa tinginan naming iyon.
Luminga ako, naghahanap ng dahilan para makaalis doon. Para naman akong nakahinga nang maluwag nang tumama ang tingin ko sa kawali. "Sunog na ang ulam," sabi ko at malalaki ang mga hakbang na nilapitan ang niluluto. At napangiwi ako nang makita iyin. Dahil muntik na ngang masunog 'yon.
Pinatay ko na ang stove at hinango na iyon pero hindi ko agad nagawang umalis doon. Gusto kong pagalitan ang sarili ko pero hindi ko alam kung para saan. Hindi ko alam kung bakit nagkakaganito ako bigla. Bakit ganoon ang mga naiisip ko. Bakit... bakit parang ang sarap lang na tumitig sa mga mata niya.
Ilang ulit akong napailing habang kinagagalutan ang sarili sa isip. Hindi ko na nagugustuhan ang nangyayari sa akin. Dala kaya ito ng pagod?
Oo nga, marahil tama si antipatiko. Pagod nga ako.
Muli akong napahinga nang malalim at pilit pa akong ngumiti bago bumalik sa counter.
"Kumain ka na. Gabi na, o. I’m sure na gutom ka na."
"Kumain ka na rin."
"Hindi na—"
Humawak siya sa kamay ko nang tangkang aalis ako roon.
"Please?"
Hay nako! Ito na naman po tayo! Alam na alam niyang hindi ko siya matatanggihan kapag ganitong maamo at nakikiusap na ang boses niya.
At hindi mo naman talaga matanggihan? bulong ng isang bahagi ng isip ko.
Parte lang 'to ng trabaho ko at kung ako ang nasa katayuan niya, I'm sure na malulungkot din akong kumain nang mag-isa, pagtatanggol ko sa sarili.
Ngumiti ako at tumango. "Okay."
Lumabas ang matamis na ngiti sa labi niya At umupo lang nang makaupo ako.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro