Kabanata 12
"THIS is where I'm staying."
Iniharap sa akin ni antipatiko ang cell phone niya at ipinakita ang isang picture ng condo. Sa picture ay nababalutan pa ng plastic ang mga sofa, may nakakalat na tatlong itim na maleta sa harapan niyon, at mga nakakahon din ng mga electronic appliances.
Inangatan ko siya ng kilay. "So?"
"Anong so? That's where you're going to work."
"Ah!" Tumango-tango ako. "Paano naman ako makakasiguro na sa 'yo nga 'yan?"
Napabuga siya ng hangin. Nakita kong naghanap pa siya ng ibang picture bago muling iniharap iyon sa akin. Picture niya iyon sa condo na iyon. Nakasalampak siya ng upo sa sofa at seryosong seryoso ang mukha.
"Okay na?"
Tumango ako. Pero nanatili ang tingin ko sa litrato. Natitigan ko siya roon. Hindi pa kasing-haba ng buhok niya doon sa buhok niya ngayon. Natatakpan na rin niyon ang tenga niya pero hindi pa iyon umaabot sa leeg tulad ngayon. Habang nakatitig sa picture niyang iyon tumatakbo sa isip ko na, parang nakita ko na siya noon pero hindi ko lang maalala kung saan.
"Hey," pukaw niya sa atensyon ko.
"Pero hindi 'yan ang gusto kong makita," agad kong bawi sa pagkatulala. Baka kung ano pang isipin niyan sa pagtitig ko sa picture niya, eh. "Gusto kong malaman kung may ipapasweldo ka ba sa akin. Baka mamaya niyan trabaho ako nang trabaho—"
"Ano'ng gusto mo, ipakita ko pa sa 'yo ang bank account ko?" putol niya sa sinasabi ko.
"Bakit ang hindi?"
"Are you serious?"
Umingos ako. "So, katulong ang trabaho ko? Maglilinis, maglalaba—"
"Is that... okay with you?" may pag-aalinlangan pang tanong niya.
"Bakit hindi?"
"Kaya mo ang mga iyon?" Naroon pa rin sa tinig niya ang pag-aalinlangan.
"Don't worry, sir. Sanay po ako sa mga gawaing bahay. Nagtrabaho na rin po ako bilang house helper dati at wala pa naman silang naging reklamo."
"Really?"
Hindi ko malaman kung namamangha ba siya sa nalaman o hindi makapaniwala. O baka pareho. Para bang ngayon lang siya nakakita ng ka-edad ko na marunong na sa mga gawaing bahay. Siguro hindi niya alam gawin ang mga 'yon.
Baka buhay prinsipe sa kanila? Ito nga't kukuha pa ng katulong, ke laki ng katawan.
"Opo, sir. Kaya makakasigurado kang maayos akong magtrabaho."
Tumango-tango lang siya.
"Eh, kailan naman ako pwedeng mag-umpisa?"
"You can start tomorrow or anytime you want."
"Kakaiba ka rin. Dapat ikaw ang magdesisyon dahil ikaw ang boss."
"Eh, 'di sige, you can start tomorrow."
"Oo nga. Bukas na lang dahil kailangan ko na ng trabaho. Kung hindi mo kasi ako ipinatanggal doon kina Sir Eadan, eh, 'di hindi sana ako na-mo-mroblema sa trabaho at hindi sana tayo nag-uusap ngayon dito." At hindi sana ako magta-trabaho sa 'yo!
Kung hindi nga lang ako parang pinagkakaitan kapag naghahanap ng trabaho nungka kong tanggapin ang alok niya. Tsaka baka nga rin kaya niya lang naisip na mag-alok ng trabaho sa 'kin dahil rinding rindi na siya sa akin kanina. Kung ano mang dahilan niya, labas na ako roon. Ang mahalaga sa akin ay may trabaho ako.
Tumitig siya sa akin, ilang segundo pa'y naiiling na naman siya at napabuga ng hangin.
Magdusa siya! Araw-araw kong ipapaalala sa kanya ang kasalanan niyang iyon!
"Tapos na kayong mag-usap?" si Olivia na kalalapit lang kasama si de Silva. Kanina'y naroon sila sa isang tabi at seryosong nag-uusap.
Kami na lamang din apat ang naroon. Ang mga nakiki-usyuso kanina, nang wala ng mahita na drama ay nagsilayasan na.
"Tapos na," sabi ko at tumayo na mula sa pagkakaupo.
"Wait, that's it?" si antipatiko na tumayo na rin sa pagkakaupo sa katabing upuan.
"Ano'ng that's it? May sasabihin ka pa ba?"
"Aren't we going to sign some contract?"
"Bakit, may kontrata ka na bang hawak?" tanong ko at naglahad pa ng kamay.
"Ganyan ka ba makipag-usap sa soon employer mo?" nagsusungit ng tanong niya.
"Hindi. Sa 'yo lang," walang pangbabalat-sibuyas at masungit na sagot ko.
Nailing na lang siya.
"I'll prepare the contract later."
Tumango lang ako.
"Pwede nang umuwi?" si Olivia ulit kay antipatiko.
"Wait," sagot niya kay Olivia bago ako binalingan ulit. "What time is your last subject tomorrow?"
"Three?" Pinagtatakhan ko pa kung bakit niya kailangang itanong iyon pero agad ding nakuha kung bakit.
"I have class until five."
Napaisip naman ako roon. Kung hanggang five pa ang klase niya paano ako makakapag-umpisa bukas sa trabaho? Ayoko namang pumunta sa bahay niya nang mag-isa. Mamaya niyan mapagbintangan pa akong magnanakaw doon.
"What about your lunch break?"
"Eleven forty to one."
"Okay. Let's just discuss the contract tomorrow during lunch?" Dumukot siya ng cell phone sa bulsa ng pants niya at inilahad iyon sa akin. "Let me have your cell phone number."
"Wala akong cell phone."
Napatitig siya sa akin. Parang naghihintay pang sabihin ko na joke lang.
"Seriously?"
"Ngayon ka lang nakakita ng taong walang cell phone?" masungit kong tanong.
"No," umiiling na aniya. Tumikhim siya at muli na niyang ibinulsa ang cell phone. "Let me see your class schedule na lang."
Kinalkal ko ang bag ko at kinuha ang isang notebook kung saan nakadikit ang class schedule ko. Inabot ko iyon sa kanya. Seryoso niya naman 'yong tiningnan, habang nag-aabang naman ako sa kung ano mang sasabihin niya. Nakanguso pa itong napapatango.
"Hindi nagkakatugma ang class schedule natin. Malapit lang naman ang condo. You can just go there alone na lang after you class."
Umangat ang kaliwang kilay ko. "Hindi ka natatakot na baka magnakaw ako roon?"
"Wala ka namang nanakawin doon, eh," aniya at ibinalik sa akin ang notebook ko. "Kung kaya mong buhatin ang mga gamit doon, go ahead."
Ngumiwi ako. "Eh, 'di sige. Ganoon na lang ang gagawin ko."
"Pwede na pong umuwi?" si Olivia ulit.
"Ah, yeah."
Ikinawit na ni Olivia ang braso sa akin. "Mauna na kami, ha," paalam niya kay de Silva.
"Sabay-sabay na tayong bumaba," sabi naman ni de Silva.
"Sure."
Nauna na kami at sumunod naman ang dalawa. Nagpahila lang ako kay Olivia. Parang niyon ko naramdaman ang pagod sa pakikipagsagutan kay antipatiko kanina.
"Sinusungit-sungitan mo lang si antipatiko kanina, ah," natatawang bulong niya sa akin.
"Hayaan mo siya," maktol ko.
"Pero sure ka na bang magta-trabaho ka sa kanya? Baka nabibigla ka lang?"
Pang-ilang pangungumpirma na niya iyon simula noong tanggapin ko ang alok ni antipatiko pero iisa lang ang nagiging sagot ko, "Kailangan ko ng trabaho, Liv."
Napahinga na lamang siya ng malalim at marahang hinaplos ang likod ko. Nang makarating kami sa labas ng building ay nagpaalam na si de Silva na pupunta pa sa parking lot. Dumiretso naman na kami ni Olivia sa labas ng gate. Si antipatiko ay hindi ko na nakita kung saan nagsuot.
"Bye!" Yumakap si Olivia at humalik sa pisngi ko.
"Ingat, ha," sabi ko at gumanti ng yakap sa kanya.
"Ikaw rin."
Tumawid na siya at agad na umalis ang nasakyan niyang jeep. Ang jeep naman na sinakyan ko ay nanatili pa roon at nagpupuno pa. Nakasilip ako sa bintana nang makita ang pagtawid ni antipatiko sa kabilang kalsada. Ilang minuto ito roon na nakatayo at nakaharap sa cell phone niya, minsa'y mamumulsa at panaka-nakang naghe-headbang.
Naramdaman ko na ang pag-andar ng jeep nang makita ang pagtigil ng isang itim na kotse sa harap ni antipatiko at ang pagsakay niya roon.
"TARA NA?" Kalalabas ng intructor namin nang lapitan ako ni de Silva. "Sasamahan ko kayo kung nasaan si Elion. Nagtext siya sa akin," agad na dugtong niya bago pa ako makapagtanong.
"Nako tamang tama, namo-mroblema pa ako kanina kung saan ko siya hahagilapin, eh."
Nakita ko ang paglampas ng tingin ni de Silva sa likuran ko. Ngumiti ito at tumango.
"Tara na?" yakag ko rito.
"Yeah. Tara."
Nauna siyang naglakad. Hinintay ko naman si Olivia at nang makalapit ito sa akin ay binuggo ko ang tagiliran niya.
"Inutusan mo siyang i-text si antipatiko, 'no?"
Nang makauwi kasi kahapon ay saka ko lang naalala na hindi namin napag-usapan ni antipatiko kung saan ba kami dapat mag-uusap ngayong lunch break kaya naman kanina ay panay ang maktol ko kung saan ba siya hahanapin kung sakali. Ang dami pa namang food stall sa loob ng university bukod pa sa cafeteria. Malay ko ba kung saan kumakain ang isang iyon. Kami kasi ni Olivia ay sa carenderia sa labas ng university. Minsan ay sa canteen kapag may baon ako, at doon naman siya bumibili.
"Hindi, ah," nakangusong maang-maangan niya.
"Huwag ako, Manalang. Kahapon ko pa napapansin, ha. May number ka na niya at first name basis na rin kayo. Mukhang close na kayo, ha. Ano namang namamagitan sa inyo niyan ni de Silva, ha?"
"Wala, ha!" mariing tanggi niya at lumayo pa sa akin.
Muntik na akong matawa sa reaksyon niya. "Eh, 'di wala. Bakit nagagalit ka?"
"Bilis na nga. Ayun na si Gio."
Kumapit siyang muli sa braso ko at hinila na ako. Naroon na si de Silva sa tapat ng parking lot, may kausap pa itong lalaki. Nang malingunan kami ay nakipag fist bump na ito roon.
"Nasaan raw ba kasi si antipatiko?"
"Nasa tapat."
"Saang tapat?" May sinabi itong pangalan ng fast food restaurant. "Ano? Doon pa kami mag-uusap? Paano kami makakapag-lunch?"
Parang nagulat si de Silva sa naging reaksyon ko. Nagpalipat-lipat ang tingin niya sa amin ni Olivia na para bang hindi malaman ang gagawin.
"Easy ka nga lang," saway ni Olivia sa akin.
"Sorry," mahinahong sabi ko kay de Silva. Tumango naman ito. "Makikitawagan naman si antipatiko. Pakisabi na mamaya na lang kami mag-usap."
Tumango ito at mabilis na bumunot ng cell phone. Ilang saglit lang ay nagdial na siya at ini-loud speaker pa iyon.
"Hello?"
"P're, si Giovanni 'to. Ipinasasabi ni Gianna na mamaya na kayo mag-usap."
"What? Why?"
Tumingin sa akin si de Silva. Hindi yata malaman ang sasabihin kaya ako na ang nagsalita.
"Magla-lunch pa kami."
Walang umimik.
"Hoy, antipatiko."
"Is that you... Gianna?"
"Ako nga. Kako mamaya na tayo mag-usap dahil magla-lunch pa kami."
"That's why I'm here and waiting for you because it's lunch time already."
"Hindi ako kakain diyan. Walang akong pangkain diyan.
"Eh, 'di treat ko na."
"Ayoko nga. Sige na. Mauubos ang oras namin, eh. Kumain ka na. Kami rin at pagkatapos saka tayo mag-usap. Bye."
"Wait. Saan ba kayo magla-lunch? Pupuntahan ko kayo."
"Sure ka?"
"Of course."
"K. Bilisan mo. Hihintayin ka namin sa labas ng gate."
Ako na ang nag-end ng call.
"Sasabay ka ba sa amin mag lunch?" tanong ko kay de Silva.
"Can I?" tanong niya na sumulyap pa kay Olivia.
"Eh, kumakain ka naman ba sa carinderia?"
"Oo naman," natatawa nitong ani.
"S'ya, tara."
Lumabas na kami. Hindi naman nagtagal ang paghihintay namin ay dumating na rin si antipatiko. Hindi pa ito tuluyang nakakalapit sa amin ay naglakad na kami.
"Sure kang sasabay ka sa amin?" tanong ni Olivia kay antipatiko.
"Yeah. Hindi tugma ang vacant namin kaya mawawalan kami ng time na mag-usap after this."
"Okidoki."
Sa tapat ng pangalawang gate ng university, sa gitna ng mga naglalakihang mga tindahan doon ay may daan papasok. Maliit lang iyon pero kakasya naman siguro ang isang kotse roon. May ilang tindahan doon pero sa dulo ng daan na iyon ay may isang apartment building at sa ibaba ng apartment na iyon ang isang carinderia.
Nilingon ko si antipatiko. "Dito kami kumakain." Turo ko sa carinderia.
"What?"
Nakikita ko na ang unti-unting pag ngiwi niya.
"Ilang beses ka naming tinanong kanina kung sasabay ka sa amin, ha. Huwag kang mag-inarte." Hinawakan ko ang sleeve niya at hinila siya. Nagpapabigat pa nga at mukhang ayaw talagang sumama. "Don't worry, malinis diyan."
Kasalukuyang maraming tao sa loob. May mga nakapila sa tapat ng mahabang lamesa kung nasaan ang mga ulam. Ilang parisukat na plastic na lamesa ang nakakalat sa tapat niyon at puno na iyon ng mga kumakain. May mga lamesa rin sa labas at bakante pa naman ang mga iyon. Marami kasi talaga kumakain dito dahil bukod sa masarap na, affordable pa.
"Later na lang siguro tayo mag-usap."
Aalis na sana siya sa pila pero hinarang ko siya. Niyon ko lang napansin na ang liit ko pala kapag siya ang kaharap ko. Halos hanggang dibdib niya lang ako kaya naman nakatingala na ako ngayon.
"Nandito ka na rin lang. Bakit hindi mo muna subukan?"
Sumegunda sina Olivia at de Silva pero hindi siya nakuha roon.
"Arte mo naman. Akala mo yata lalasunin ka," mahinang sabi ko dahil nakakahiya kung maririnig 'yon ng may-ari ng tindahan pero naroon ang diin sa boses ko at saka ako bumalik na sa pila.
Pasimple ko siyang tiningnan. Nakita ko pa siyang napahinga ng malalim at ilang saglit lang ay bumalik na pila, sa unahan ko. Nilingon ko si Olivia. Parehong pigil ang tawa namin. Kahit si de Silva.
Mabilis na umusad ang pila. Nadaanan na ni antipatiko ang mga pinggan pero hindi pa siya kumuha doon kaya ako na ang kumuha para sa kanya. Pinalagyan ko na rin iyon ng kanin.
"Aba, hanga na talaga ako, Gigi. Dala-dalawa na ang pinggan mo ngayon, ah," tukso ni Mang Johnny na may-ari nitong carinderia habang sinasandukan ang isang pinggan.
"Hala hindi po sa akin 'tong isa, kuya," natatawa kong ani. "Kunin mo nga 'to," sabi ko kay antipatiko na abala sa pagtitingin ng ulam at iniabot ang pinggan na may kanin na.
"Extra rice?" alok ni Kuya Johnny nang sandukan ng isang cup ang isa pang pinggan na hawak ko.
"Mamaya na po. Baka hindi ko maubos."
"Hindi raw," sabay nilang sabi ni Olivia na ikinatawa ko.
"Ano'ng uulamin mo?" tanong ko kay antipatiko na hanggang ngayon ay tumitingin pa rin ng mga ulam.
Hindi siya sumagot. Hinayaan ko na muna at itinuro kay Nanay Ema ang giniling na uulamin ko. Agad naman siyang sumandok niyon sa isang mangkok.
"Kumakain ka ba ng maanghang? Try mo 'tong caldereta nila. Masarap." Rinig kong ani Olivia.
"Sige. I'll try it," sagot ni de Silva.
"Yan! Patikim mamaya, ha?"
"Sure. Walang problema."
"Magbo-bopis ako. Pwede ka rin humingi."
Nangingiti ako dahil sa dalawang nag-uusap sa likod ko. Napasimangot naman nang makita ang nasa unahan ko na hindi yata malaman kung ano'ng pipiliing ulam.
"Ano na? Nakapili ka na ba?" untag ko kay antipatiko.
"Iyan na lang din." Turo niya sa ulam ko.
"Sure ka. Ayaw mo ng iba?" Tiningnan ko ang mga ulam. "Itong menudo?"
Umiling siya. "May carrots."
"Arte mo naman."
Matalim ang tingin na nilingon niya ako.
"Eh, may carrots din naman 'to."
Tinitigan niya ang ulam ko. Napahinga siya nang malalim.
"Una na kami sa labas, ha. Baka maubusan tayo ng lamesa, eh," ani Olivia na tinanguan ko lang.
"Umisod ka nga muna doon. Nakaharang na tayo dito."
Naglakad naman si antipatiko pauna.
"Ano na? May napili ka na ba? Ubos na oras ko."
"Can you please wait?"
Parang aburido na ang boses niya. Naawa naman ako bigla lalo na nang makita siyang panay ang pagpupunas ng panyo sa mukha. May mga electric fan naman pero mukhang banas na banas na siya. Tsaka mukhang first time niya nga yatang kumain sa ganitong lugar.
"Eh, may sabaw, gusto mo?" mahinahon ko ng tanong.
"May sabaw?"
Itinuro ko ang malaking kaldero. "Nay, ano po 'yan?"
"Sinigang pa rin, Gi."
"Sinigang daw."
"Oh, yeah. 'Yong maasim? Sige, gusto ko niyon."
"Isa nga po niyan, nay."
Sa wakas ay nakalabas na rin kami.
Tahimik sa lamesa namin nang saglit na minuto dahil nakatuon ang atensyon ng lahat sa pagkain. Nang tingnan ko si antipatiko ay muntik na akong matawa dahil halos isubsob na niya ang mukha niya sa pinggan at ganang ganang kumakain.
"Ano, masarap?"
Tumango lang ito dahil puno ang bibig.
Paayaw-ayaw pa kanina.
"Try mo rin 'to, ano..." si Olivia kay antipatiko at iginitna ang ulam niya.
"May carrots. Hindi siya kumakain no'n," sabi ko.
Namilog ang bibig ni Olivia, mayamaya'y may sinusupil ng ngiti.
"Medyo maarte ka pala, 'no?"
Natawa kami pareho ni de Silva sa itinuran na 'yon ni Olivia. Napasimangot naman si antipatiko.
"Extra rice?" tanong ko.
"Ako," sabay-sabay na sagot no'ng tatlo.
"Eh, 'di kumuha kayo," sabi ko at natatawang tumayo.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro