Kabanata 1
Her Unyielding Heart
"NAKAKAMISS. maglaro ng patintero. Nakakamiss maging bata."
Tumango ako bilang pagsang-ayon sa sinabing iyon ni Ate George. "At kung paano ka makakalampas sa mga kalaban ang tangi mo lang pinoproblema," sabi ko naman.
"Pero ngayon iba na ang kalaban natin, ang mga dapat nating lampasan."
Sabay kaming matunog at malalim na napabuntong-hininga. Ito na naman kaming dalawa, kumukuha ng hugot sa mga bagay na nakikita namin. Maski nga ang ibong palipad-lipad kanina ay kinainggitan ni ate, anito'y mabuti pa raw ang ibon na palipad-lipad lang at parang walang ibang pinoproblema.
Ngayon ay nakaupo kaming dalawa rito sa gilid ng kalsada para magpahinga saglit. Sa kabilang gilid ng kalsada ay naroon ang nasa sampung bata, halo sa babae at lalaki na naglalaro ng patintero.
Habang nanonood sa mga iyon, hindi naiwasang mapagkwentuhan naming dalawa noong panahon na mga bata pa kami. Mga batang wala ibang inaalala at pinoproblema kung 'di paano kami makatatakas kina nanay at tatay para lang makapaglaro ng patintero. At kung paano makakalampas sa mga humaharang sa amin sa larong iyon. Pero hindi na kami mga bata ngayon. Hindi na tulad noon, ang hirap na ng buhay ang kailangan naming paglabanan at ang dapat naming malampasan.
"Sana pwedeng maging bata ulit," nakapangalumbabang sabi ko.
"Pwede naman. Laro tayo ng patintero nila Kuya Ge kapag wala siyang work."
Napairap ako. "Maging bata, hindi feeling bata."
"Kung pwede nga lang matagal na akong bumalik sa pagkabata." Tumayo siya at pinagpag ang likuran ng suot niyang itim na leggins. "Tara na. Hapon na."
Tumayo na rin ako at pinagpag din ang likuran ng maong kong shorts. "Ako na niyan. Ikaw na nagbitbit kanina, eh." Kinuha ko sa kanya ang plastic na basket na kanina ay pinaglagyan ng banana cue.
"Thanks!" aniya. "Thank you po, Papa God, nakaubos ulit kami!" Pareho kaming tumingala sa asul na kalangitan at ngumiti.
"Thank you, Papa G!" malapad ang ngiting sabi ko.
"Tara," aya niya pang muli.
Paglalako ng banana cue ang pinagkakaabalahan namin ni Ate George tuwing bakasyon bilang tulong kay mama at kay Kuya Gerald na parehong nagta-trabaho. Katulad ng palaging ginagawa ni Ate George, mula sa nagiging ipon niya kapag may pasok sa school ay nagkakaroon siya ng kaunting puhunan. Kapag Sabado at Linggo at tuwing bakasyon ay ibinibili niya iyon ng ilang piling na saging, ginagawa niya 'yong banana cue o 'di kaya naman ay turon o 'di naman kaya ay kamote para sa kamote cue. Alas nuwebe ng umaga at alas tres ng hapon naman namin itinitinda ang mga iyon.
Ako naman minsan ay nagbibigay rin. Pero madalas na hindi tinatanggap ni ate. Palagi niyang sinasabi na ibili ko na lang iyon ng kailangan ko. Pero sa halip na sundin siya, ibinibili ko na lang iyon ng ilang kailangan sa bahay lalo pa kung wala naman akong mahalagang paggagamitan niyon para sa sarili ko.
Maaga akong namulat sa kung gaano talaga kahirap ang buhay namin. Isang construction worker si Tatay pero pitong taon ako noong magkasakit siya ng lung cancer at hindi na nakapagta-trabaho pa. Si Nanay na lang ang tanging nagta-trabaho nang mga panahong iyon. Isa siyang katulong noon sa isang malaking bahay na naroon lang din sa barangay namin at naging tagapaglabada ng mga kakilala.
Hindi naman ganoong kalaki ang kinikita ni nanay kaya naman may araw na naranasan naming kumain na tubig at asin lang ang ulam. At noon basta may bigas ay okay na. Mabubuhay na kami niyon. At basta nalamanan ang tiyan. Syempre kapag may sardinas ay mas masaya.
Pero dahil nga bata pa ako noon, naalala ko pa ang ilang beses na iniyakan ko iyon. Ayaw pang kumain dahil ganoon lang ang ulam at gusto ng chicken joy na katulad ng ulam ng kalaro ko. Idinadaan na lang sa iyak kapag hindi mapagbigyan dahil wala namang maipambibili kaya minsan ay makakaranas pa ako ng palo mula kay nanay para lang kumain.
Noong hindi pa nagkakasakit ang tatay ko, hindi ko pa masyadong ramdam ang kahirapan. Kumakain naman kasi kami ng tatlong beses sa isang araw at kapag may gusto ako at hiningi ay naibibigay niya. Pero hindi pala ganoon. Noon pa man kasama na pala kami sa tinatawag nila na isang kahig, isang tuka. Ginagawaan lang ng paraan nila tatay na maibigay ang gusto namin noon para hindi namin masyadong maramdaman ang hirap ng buhay.
Onse anyos ako nang tuluyang natalo si Tatay ng sakit niya. Simula noong mawala siya, naging katulong na ni nanay si Kuya Gerald sa pagta-trabaho. Disi-otso anyos pa lang siya noong mga panahong iyon, kung tutuusin kahit nasa legal ng edad, ay bata pa rin para magtrabaho. Pero kumayod siya para makatulong kay nanay. Ginagawa niya iyon habang nag-aaral ng Civil Engineering sa tulong ng maraming scholarships.
Alam namin ang hirap nilang dalawa ni nanay. Hindi sila nagsasalita pero nakikita at nararamdaman namin sa bawat mabigat nilang buntong-hininga at ilang daing ng masakit sa katawan. Kahit nakangiti sila, mababakas pa rin iyon sa kanilang mukha. Kaya naman natuto rin kami ni Ate George na maging praktikal. Hindi na namin bibilhin kung hindi naman kailangan. At natuto ring mag-ipon. Mas natutong maging tipid. Sa ganoong paraan nakakatulong kami kahit papaano.
Pagkarating namin ni ate sa bahay ay niligpit ko ang pinaglutuan kanina ng banana cue. Nagsaing na rin ako. Si Ate naman ay nagtungo sa palengke para bumili ng maiiulam para sa hapunan. Nang matapos sa pagliligpit ay nagwalis naman ako. Maliit lamang ang aming bahay. Makikita mo ang kusina mula sa sala dahil walang dibisyon. Iisa ang kwarto na inoukupa namin nila Nanay at ni Ate George. Sakto lamang ang double size na kama sa sahig at ang nasa gilid niyon na dalawang lumang durabox, sa itaas niyon ay isang gawa sa kahoy na kabinet na pinaglalagyan ng ilang damit. Sa flywood na dingding ay nakadikit ang mga litrato naming pamilya. Si Kuya Gerald naman ay sa sala natutulog gamit ang pang-isahan at may kanipisan na kama.
Hindi nagtagal ay dumating na muli si Ate George. Tumulong ako sa pagluluto ng sinigang na galunggong. Pagsapit ng alas sais y media at eksaktong kaluluto ng ulam ay magkasunod na dumating si Kuya at si Nanay. Agad kaming naghain ni Ate George. At habang kumakain ay binuksan ni nanay ang usapin tungkol sa pag-aaral ko sa kolehiyo.
"Okay lang ba, Gianna, anak, kung titigil ka muna at sa isang taon na magkolehiyo?" malumanay at ingat na ingat na ani nanay.
"Nay," saway ni Kuya Gerald. "Hindi ba sabi ko naman po na walang titigil?"
"Pero, anak. Huling taon mo na sa kolehiyo. Alam mo namang mahirap na magkakasabay-sabay kayong tatlo sa pag-aaral. Maiintindihan naman iyon ni Gigi." Lumipat sa akin ang tingin ni nanay na para bang hinihingi ang sagot ko sa huli niyang tinuran.
"Oo naman po. Okay lang sa akin, nay," sagot ko.
Mahigpit akong napakapit sa suot kong short. Dahil sa totoo lang kabaligtaran ng totoong nararamdaman ko ang naging sagot ko. Dahil... aaminin ko na ayaw kong tumigil. Natatakot ako na kapag tumigil ako ngayon ay mahirapan na akong humabol. Natatakot akong mapag-iwanan.
Isa 'yong takot na nabuo sa puso ko dahil may ilang kaibigan ang hindi nakakapag-aral dahil sa kahirapan ng buhay. Kaya pinipili nilang magtrabaho muna at saka na lang daw mag-aaral. Pero kalaunan, mas ginusto na lang ang kumita ng pera. Ayokong dumating sa punto na kapag tumigil ako ay aayawan ko an rin ang pag-aaral.
"Okay lang naman na ako na lang muna ang titigil, 'nay."
Mabilis ang naging paglingon ko kay Ate George dahil sa sinabi niyang iyon. Rinig ko rin ang pagpalatak ni kuya kaya nalipat sa kanya ang tingin ko. Nang malalim na nagpakawala ng buntong-hininga si Nanay ay sa kanya naman nabaling ang tingin ko.
"Pasensya na kayo mga anak kung mahirap lang tayo at kailangan pang magsakripisyo ng pag-aaral ninyo. Hiyang hiya na ako sa inyo. Pasensya na talaga mga anak ko."
Walang nakaimik dahil sa mga sinabi ni nanay at sa pagpiyok niya. Lahat ay tuluyang natigil sa pagkain. Nakatungo si Nanay at Kuya na parehong bakas ang lungkot sa mga mukha. Si Ate ay nakatuon ang tingin sa pagkain niya at nginangatngat ang ibabang labi. Dahil sa nakikita ay parang nilamukos ang puso ko sa lungkot. Hindi na iyon ang unang beses na humingi ng tawad si Nanay dahil mahirap lang kami. At hindi na iyon ang unang beses na humiling ako na sana balang araw ay makaahon kami sa kahirapang ito.
"Okay lang naman sa akin na tumigil muna, 'Nay." Sa kabila ng mga takot ko ay alam kong kailangan kong magsakripisyo. Huling taon na ni Kuya Gerald sa kolehiyo sa darating na pasukan, samantalang si Ate George ay third year college at ilang taon na lang ay magtatapos na rin. Habang ako ay first year college pa lang kung sakali, at okay lang na magpaliban muna. "Wala pa rin naman po akong naiisip na course na kukunin ko kaya okay lang talaga," dagdag ko pa habang kay Kuya Gerald na nakatuon ang tingin ko, na sana ay nakumbinsi ko siya gamit ang sinabi kong iyon.
Pero nababasa ko sa mga mata niya ang pagkaayaw sa ideyang may titigil sa amin sa pag-aaral. Dahil para sa kanya ay hindi hadlang ang kahirapan para makapag-aral. Kaya nga niya nagawang itaguyod ang pag-aaral niya sa tulong ng scholarships at mga part time jobs niya, bagay na labis kong hinahangaan.
"May isang buwan pa bago ang pasukan. Sumama ka kay Ate George mo kapag nag-apply ng scholarship at mag apply ka rin. Maraming paraan para makapag-aral," pinal na ani Kuya saka muling nagpatuloy sa pagkain.
Tiningnan ko si Nanay. Nakita ko ang pag-iling niya, hudyat na wala na siyang magagawa pa at katulad ni Kuya ay nagpatuloy na rin sa pagkain. Habang may kung ano'ng nabuhay sa puso ko sa kaalamang hindi ako matitigil sa pag-aaral. Gayunpaman, iniisip ko na agad kung paano kaming lahat makakaraos. Tatlo na kaming magko-kolehiyo. Sapat ba ang scholarship? Siguradong napakaraming gastos na hindi masasakop ng scholarship katulad ng palaging idinadaing ni ate. Pero tama si Kuya, maraming paraan. Pwede akong tumulad kay ate na nagtu-tutor o katulad ni Kuya na nagta-trabaho sa café.
Nakaramdam ako ng excitement dahil sa mga naisip kong iyon. Alam kong mahirap iyon, ang mag-aral at magtrabaho nang sabay. Pero gusto kong maging katulad ni Kuya na gagawin ang lahat para makapag-aral at maabot ang pangarap.
❋❋❋
SA KABILA ng pagtanggi ni Kuya Gerald sa pagtigil ko sa pag-aaral at sa mga naisip ko kung paano ko mairaraos ang kolehiyo, naisip ko ring hindi pala magiging madali.
Nang makahiga ako nang gabing iyon ay ang mga bagay na iyon ang laman ng isip ko. Apat na taon ako sa kolehiyo. Kung sakaling mag-a-apply ako ng scholarship, may makukuha kaya ako? Matalino naman ako at palaging salutatorian buong elementarya hanggang sekundarya. Pero marami rin siguro ang katulad namin na hindi kayang makapag-aral at sa scholarship lang kumakapit at nangangarap na makakuha, maiisingit kaya ako sa kanila? Kung sakaling makakuha ako, sa buong taon kaya ay makapitan ko iyon?
Magagawa ko kaya, na katulad ni Kuya Gerald, ay makapagpatuloy sa kabila ng lahat ng pinagdadaanan niyang hirap? Gigising ng maaga para mag-aral, papasok sa unibersidad, at pagkatapos ng pag-aaral ay papasok naman sa trabaho. At hindi iisang trabaho lang ang nagawa niya. Nagtu-tutor siya, may mga araw na rumerelyebo sa isang burger shop. Minsan ay makikita mo iyon sa iced tea shop, o 'di kaya naman ay nasa kalsada at namimigay ng mga flyers o nasa mall o fast food restaurant bilang service crew.
Madalas din siyang tumatanggap ng paglalako ng kung ano mang ipinatitinda sa kanya ng mga ka-barangay namin. At ang bagong trabaho niya ay isang waiter sa isang coffee shop na naroon lamang sa tapat ng university. At si Ate George, na maliban sa pag-tu-tutor, madalas din siyang tumanggap na labahin sa mga kakilala, o hindi naman kaya ay nag-aalaga ng bata.
Nahahaluan ng takot at pangamba ang kagustuhan kong makapag-aral. Takot at pangamba na baka hindi ako maging kasingtatag ng mga kapatid ko. Na baka hindi ko kayanin ang mga nagawa nila. Iba naman kasi sila sa akin. Likas ng matatag ang kalooban nila. Samantalang ako, idinadaan lahat sa iyak. Kapag napagod, iiyak. Kapag nasaktan, iiyak. Kapag pinanghinaan ng loob, iiyak. Baka isang buwan pa lang sa kolehiyo umiiyak na ako.
Bumangon ako nang makaramdam ng uhaw. Mukhang kahit lalamunan ko ay natutuyo dahil sa mga naiisip ko. Dahan-dahan ang paglalakad ko sa kama at paglabas ng kwarto dahil mahimbing ng natutulog si Nanay at Ate. Ayokong maabala sila lalo na si Nanay na hirap ng makahanap ng tulog kapag nabulabog.
Pagkalabas ko ay pinagtak'han ko nang hindi makita si Kuya sa higaan niya. Tiningnan ko ang bilog na orasan na nakasabit sa itaas ng ilang family picture namin. Alas onse na.
Nilingon ko ang kusina at agad nakita roon si Kuya Gerald. May ilang papel sa kanyang harapan. Hula ko'y nagtutuos na naman iyan ng mga gastusin at bayarin.
Napaangat ang tingin niya sa akin nang mamataan ang paglapit ko.
"Bakit gising ka pa?" usisa niya.
"Hindi po ako makatulog."
Dumiretso ako sa lababo at kumuha ng baso sa pabilog na tauban niyon. Saka ako lumapit sa lamesa dahil naroon ang pitcher na naglalaman ng tubig. Habang nagsasalin ng tubig ay pasulyap-sulyap ako sa ginagawa ni kuya at tama nga ako sa hula kong ginagawa niya. Malungkot akong napahinga ng malalim.
"Hindi ka pa matutulog?" tanong niya nang maangatan ng tingin ang pag-upo ko.
"Kuya," dahan-dahang tawag ko na inangatan niya ng kilay. Malalim akong napabuntong-hininga, nakagat ko pa ang ibabang labi ko bago muling nagpakawala ng hangin saka nagsalita, "Okay lang naman talaga sa akin na tumigil muna sa pag-aaral."
Napatuwid si Kuya sa pagkakaupo at ibinaba ang ballpen na hawak. "Bakit?" Nangungunot na ang noo niya.
"Wala pa kasi talaga akong naiisip na kurso," muling sinabi ko.
"Sinungaling. Alam kong gusto mong mag-aral ng Mass Comm, Gi."
Napanguso ako. Wala pala akong lusot sa bagay na iyon dahil alam niya
"Magsabi ka ng totoo. Ayaw mo ba talagang mag-aral muna o dahil lang 'yan sa sinabi ni nanay kanina?"
"Naisip ko lang kasi na..." Napatingin ako sa mga papel na nasa harapan niya. "Naisip ko na baka mahirapan tayo, Kuya, kung sabay-sabay tayong magko-kolehiyo. Naisip ko rin na mabuting tumigil muna ngayon kaysa titigil kapag may naumpisahan na ako. Mas mahirap kasi iyon."
"Hindi mo naman kailangang tumigil. Magagawan natin ito ng paraan."
"Ayoko lang kasi na dumating sa punto na magdadagdag ka na naman ng trabaho para lang may maibigay sa amin. Alam kong pagod ka na, kuya—""
"Gusto ko naman ang tumulong, Gi. At makita lang na nakakapag-aral kayo ay mas ginaganahan ako at hindi ko gano'ng ramdam ang pagod."
Hindi ako nakaimik. Napatungo lang ako at nilikot ang laylayan ng kupas na mantel ng lamesa. Narinig ko ang malalim at matunog na paghinga ni kuya pero nanatili ako sa pagkakatungo.
"Ano pang ibang dahilan? Iyon lang ba?"
Tiningnan ko siya. Inangatan niya ako ng kilay na parang nanghuhudyat na magsalita ako. Hindi ko napigilan ang pangilidan ng luha.
Umiling ako. "Natatakot ako, kuya," garalgal ang boses na ani ko. "S-Sa totoo lang gustong gusto kong mag-aral at makapagtapos at abutin ang lahat ng pangarap ko pero natatakot ako sa mga prosesong mangyayari."
Napatungo ako. Nakararamdam ng hiya, sa totoo lang. Katulad ni kuya, ayokong maging hadlang ang kahirapan para matupad ang mga pangarap ko. Pero kapag pala iisipin mo ang bukas, hindi mo mapipigilan ang dapuan ng takot. Dahil sa totoo lang, hadlang talaga ang kahirapan sa mga pangarap. Lalong lalo na para sa mga katulad namin. Dahil maraming pangarap ang hindi maabot dahil kulang sa pinansyal. Dahil sa panahon ngayon, kung wala kang pera ay kawawa ka. Kawawa ang pangarap mo.
Natingnan ko ang kaliwang balikat ko nang maramdaman doon ang pagpatong ng kamay ni kuya. Bahagyang humahaplos iyon.
"Naiintindihan ko ang nararamdaman mo, Gi. Dahil kahit naman ako, hanggang ngayon ay may takot pa ring nararamdaman. Pero alam mo kung bakit nagagawa kong magpatuloy?" Umiling ako. Ngumiti naman siya. "Dahil alam kong hindi tayo pababayaan ng Diyos. Magtiwala lang tayo sa Kanya, Gi. Hindi ba't sa bawat araw na halos nasasaid na tayo, may dumarating na biyaya? Sa bawat araw na kumukulo ang tiyan natin, nagagawa pa rin nating lamnan? Hindi nauubos ang biyaya, Gi. Kailangan mo lang magtiwala sa Kanya."
"K-Kuya." Hindi ko na napigilan ang sunud-sunod na pagpatak ng mga luha ko at aaminin kong sa pag-uusap namin ni kuya ay unti-unting nauubos ang takot na nararamdaman ko kanina lang.
"Makakapag-aral tayong lahat, makakapagtapos at matutupad ang lahat ng pangarap natin. Makakaahon tayo sa hirap. Magtiwala ka lang din kay kuya, Gi. Magtiwala ka sa sarili mo at lalong higit sa Kanya."
Hindi ko napigilan ang mapatayo at yakapin si Kuya Gerald. Napahagulgol ako. Simula nang mawala si Tatay, siya na ang tumayong ama para sa amin. Napaka-positibong tao ni kuya. Sa mga araw na iiyak na lang kami dahil halos walang wala na, nagagawa niya pa kaming patawanin at palaging sasabihin na magtiwala lang sa Diyos.
Sobra kong iniidolo si Kuya. Siya ang isa sa inspirasyon ko. Palagi kong ipinagpapasalamat na naging kapatid ko ang isang katulad niya. Dahil kung hindi katulad niya ang naging kuya ko, baka noon pa man maski ang mangarap ay hindi ko na magawa.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro