Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

k a b a n a t a 0 8

kabanata 08

e n t r y 1 6 

Handa akong magkunwaring matapang 

Mapunan lang kung ano ang isasagot sa patlang 

Ikaw ang sagot sa blangkong papel 

Ang salitang kukumpleto sa mga parirala 

Upang maging pangungusap na 

Upang mailimbag at ang manunulat, maging masaya 

Magkukunwari akong matapang 

Hanggang sa matapang na nga 

- Si Caroline, Ang Hindi Maabot 


"TUMAYO KA NA. Tumatakbo ang oras ko, Luke, malapit na mag-alas kwatro. Ala-syete ang trabaho ko."

Nagpunas ako ng luha . . . paulit-ulit na naghabol ng hininga . . . bago sinunod siya at tumayo.

"Tumigil ka na sa kabaliwan mo, Luke. Ikaka-proud mo ba na umiyak ka ngayon?"

Nakayuko lang ako. "Ayokong isiping hopeless 'to." Hinawakan ko ng mahigpit ang kwaderno.

"Anong gusto mong gawin ko?" mahina niyang tanong.

"Gusto kong sabihin mong hindi hopeless 'to."

Umiwas siya ng tingin. "Gusto mong magsabi ako ng imposible."

Mabagal akong tumango. "Oo, baliw na nga siguro ako . . . hindi naman ako nagdedemand na gustuhin mo ako ngayon . . . agad . . . kasi alam ko namang wala kang oras at hindi convenient sa'yo, pero mas nababaliw ako ngayon . . . hindi pa nagsisimula, tinutuldukan mo na."

"Gusto mo bang simulan natin?"

Napatingin ako sa kanya.

"Tapos magpusta tayo ng oras, effort, emosyon . . . tapos maghiwalay . . . kasi nga hopeless naman talaga" –bahagya siyang tumawa– "tapos umiyak . . . tapos mawala sa mga sarili natin? Gusto mo ba ng ganu'n?"

Pinagmasdan ko ang langit – nalulungkot ng sobra, gumuguho sa loob. Hindi ko alam kung ano ang gusto, basta siya. Hindi ko alam.

"Kasi ako, Luke, ayoko."

Basag ko siyang tiningnan.

Umiwas siya ng tingin. "Nakakaawa ka na, seryoso."

e n t r y 1 7 

Masyado kang matapang 

Para hindi mangailangan 

Masyado akong duwag 

Para pangarapin ang hindi nangangarap 

Hindi mapagbigay ang mga bituin 

Pero muli, ayokong walang pag-asa 'to 

Ayokong malunod at walang sumagip 

Pero tumalon na ako sa bangin 

Kailangan mo akong sagipin 

Upang ika'y masagip ko rin 

- Si Caroline, Ang Hindi Maabot 


LUMUNOK AKO – nilunok ko ang habag na nararamdaman ko para sa sarili ko. Ang desperado ko.

"Hindi lang pala kita gusto," pagsisimula ko muli, "mahal na rin kita." Tiningnan ko siya. "Hindi ako luluhod, magmamakaawang parang tanga . . . na para bang ikamamatay ko kung hindi mo tatanggapin ang kwaderno . . . kung gusto lang kita. Mahal kita, Callie."

Hinilot niya ang sentido niya at tumingin sa langit. "Tumigil ka."

Napalunok muli ako – inabante ang isang paa. "Last year of senior high. Nakatambay ako sa Macao Imperial Tea sa Katipunan. Bago ako umalis, dumating ka – hindi kita kilala at hindi mo rin siguro ako nakita. May kasama ka. Habang naghihintay ng order ay kinwento mo sa kanya kung gaano mo kagusto magsulat. Sinabi mong kukuha ka ng kursong Creative Writing sa college."

Nakatitig lang siya sa mga mata ko – may lungkot, pait, at mga tanong.

Nagpatuloy ako. "Tapos first day of freshman year. Late ka dumating sa classroom. Unang beses, kakaiba – hindi ako makahinga ng maayos pero natutuwa ako. Sinabi mong Callie ang pangalan mo, kahit Caroline naman talaga – nakita ko nung nagpasa tayo ng index card. Tinanong kita kung bakit Callie, sabi mo hindi mo kasi nakita ang nagpangalan sa'yo ng Caroline at Callie kasi Calliegayahan."

Bumuntong-hininga ako nang umiwas siya ng tingin.

"Hindi mo alam pero unang beses pa lang na tumapak ka sa mundo ko, gusto na kita. Oo, hiwaga ka. At maganda ka. Magandang hiwaga."

Umirap siya. "Gago."

"Caroline. Gustong-gusto kitang tawaging Caroline. Gustong-gusto kong umalis sa classroom at hanapin ka na lang tuwing absent ka. Gustong-gusto kong lumipat sa kabilang row kapag pumapasok ka. Gustong-gusto kong doblehin ang mga ginagawa kong notes at ibigay sa'yo ang isa. Gustong-gusto kong laging sikretong basahin ang mga assignment at paperworks mo – gustong-gusto kong malaman kung ano ang mga tumatakbo sa isip mo . . . bakit sobrang lalim mo . . . sino ang mga nananakit sa'yo . . . sino ang mga nagpapahirap sa'yo . . . paano ka papangitiin – kelan ko makikita ang mga totoong ngiti mo . . . kelan ko maririnig ang mga totoong tawa mo . . . kelan ko mabubuksan ang puso mo . . . nababaliw na ako."

Mahigpit niyang hinawakan ang strap ng bag niya at umayos ng tayo – paharap sa'kin.

"Gustong-gusto kong maging matapang at katukin ang pinto ng CR sa Mendel Building tuwing naririnig kita noong umiyak – paulit-ulit kitang naririnig umiyak, hanggang sa napagtanto kong umiiyak ka tuwing may mga requirements, may mga bayarin, may mga dapat puntahan. Pero bukod dun, gusto kong malaman . . . ano pa ba ang mga nagpapaiyak sa'yo . . . ano pa ba ang mga nagpapahina sa'yo . . . ano pa ba ang mga nananakit sa'yo . . . gustong-gusto kitang yakapin at sigawan lahat ng tao na 'wag kang piliting pangitiin, 'wag silang magbiro para hindi ka mapilitang tumawa, 'wag silang umakto na parang normal lang ang lahat – ayos lang ang lahat – kasi hindi, hindi sa'yo ayos ang lahat. Gusto kong patigilin ang pag-ikot ng mundo at paggalaw na para ba . . . hindi ka nahihirapan . . . ayokong normal lang ang lahat, at wala man lang dumadamay sa'yo."

Ibinuka niya ang bibig niya, paulit-ulit na humihinga – nahihirapan – pinipilit wag umiyak. Hindi siya nakatingin sa akin – ayaw niyang tumingin.

Para akong batang nagpunas ng luha at tumitig sa kanya. "Ayaw mo ba talagang umiyak?"

Tiningnan niya lang ako ng masama.

Lumunok ako. "Nasasaktan ako ng sobra kasi ayaw mong umiyak. Madaling araw naman. Tayong dalawa lang naman. Bakit ayaw mo pa rin umiyak? Bakit ayaw mo pa rin magpakatotoo? Pwede bang wag ka munang maging matapang?"

Matigas siyang umiling. "Umuwi ka na."

Huling bala. Huling tyansa ng pagiging desperado. Tinitigan ko siya. "Isang beses. Walang tao sa classroom kasi lahat nagpalit ng costume sa CR. Tapos aksidente, nakita kitang nagbibihis. Nakita ko ang mga peklat mo sa likod," mahina . . . mabagal . . . nag-iingat kong saad.

Isang patak ng luha ang hindi niya napigilang kumawala habang nagmamatigas pa rin siya – nakatingin lang sa akin ng masama, tila ba may sikreto akong nadiskubre . . . may kahinaan akong nakita.

"Saan galing ang mga peklat mo? Sino ang may gawa?" nahihirapan kong tanong.

"Anong karapatan mong itago sa'kin at tanungin ang mga yan?" pigil niyang sigaw.

Gusto ko siyang hawakan. "Caroline, nandito ako."

Umatras siya – hinablot ang kwadernong naglalaman ng mga tula ko para sa kanya.

Itinaas niya ito sa ere at itinapon sa aspalto. Walang pag-iisip, mas mabilis pa sa segundo – tinapakan niya ito.

Naghahabol siya ng hininga at tinitigan ako ng masama – tila ba galit na galit siyang nalaman ko ang itinatago niya. "Basura."

May dumating na taxi at wala na siyang kaagaw dahil kami na lang ang tao sa labas. Mabilis siyang sumakay, iniwan ang puso ko – nanghihingalo – sa aspalto.

Paulit-ulit, bumabalik sa tenga ko.

Basura. /

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro