k a b a n a t a 0 0
k a b a n a t a o o
Tumakas ang espiritu
mula sa bote, parang genie.
Pero walang tinupad
isa man sa hiling:
pag-ibig, pag-ibig, pag-ibig.
- Tatlong Hiling by Romulo Baquiran, Jr.
PUMASOK SA CLASSROOM ang babaeng naka-vintage tee shirt at granny jeans. Nakasuot siya ng lumang kulay itim na converse shoes at may nakataling red checkered polo sa kanyang bewang.
Bagong kulay ang buhok niyang lagpas balikat—kulay brown—na umaalon kasabay ng bawat galaw niya. Bagay ito sa kanya. Ang dati niyang kulay itim na buhok ay ibinagay niya na sa kulay brown niya na mata. Bagay sa kanya.
Maganda siya.
Sinubukan kong ikurap ang aking mga mata ngunit masyado siyang maganda para magawa ko ito.
Masyadong maganda si Caroline – masyado siyang maganda at hindi bagay sa kanya ang mga hagulgol niya sa CR ng Mendel Building, building na malayo sa classroom namin, sa mga oras na aakalain mong wala ng 3CW sa campus.
Hindi bagay sa kanya ang mga tinatago niyang peklat sa likod na galing sa mga sugat ng nakaraan at maaaring sugat ng kasalukuyan – wala lang nakakahalata o walang gustong makahalata.
Sabi nga niya dati, mahirap siyang intindihin. Kahit mga kaibigan niya ay hindi siya gaanong naiintindihan – meron kasi siyang lalim na hindi kayang suungin ninuman.
Gusto kong sabihin sa kanyang mali siya. Mali na iniisip niyang walang magtatangkang suungin ang lalim niya.
Kasi nandito ako.
Medyo duwag. Medyo takot.
Inosente, ika nga niya.
Pero masyado siyang maganda.
Masyadong maganda si Caroline at sapat na dahilan na 'yun para palakasin ang loob ko at subukan siyang abutin.
"Ang tagal mo, para kang VIP palagi," tumatawang saad ni Erika, isa sa tatlong kaibigan ni Caroline.
"Gusto ko naman talagang maging VIP." Tumawa rin siya, kumindat sa mga kaibigan niya. Sumasakit na ang leeg ko, gusto na nitong ibaling ang tingin sa kung saan man.
Pero masyadong maganda si Caroline, dalawang buwan ding walang pasok at ngayon ko pa lang siya muling nakita. Ayaw pa siyang pakawalan ng aking mga mata.
"Wala akong dalang mga gamit. Pahingi na lang ng papel at ballpen."
Umirap si Haley. "Ano bang bago, Callie?"
Nagtatawanan sila. Dalawang buwan ang bakasyon at wala naman masyadong naiba bukod sa nagpa-tan skin sina Haley at Thomas, panay rin ang IG posts nila sa beach. Si Erika naman ay nangibang bansa raw, mas straight na ang buhok pero ganun pa rin ang kulay ng balat.
Nahagip ako ng tingin ni Caroline – mali, Callie pala. Napakaganda ng pangalan niyang Caroline pero ayaw niya itong gamitin. Hindi raw kasi bagay. Masyadong sosyal.
Wala pa sigurong dalawang segundo. Ang daya naman.
Ang daya niya talaga. Laging mailap. Laging hindi maabot.
Nanatili akong nakatitig sa kanya – nagbabakasakaling lumingon siya muli at magtagal ng kahit ilang segundo lang ang pananatili ng mga tingin niya sa akin.
Tingin ka naman. Isa lang, Callie.
Isa lang ulit.
Hindi kami malapit sa isa't isa. Pero – bukod siguro sa mga kaibigan niya – ay alam ko rin, malalim ang lungkot niya.
Alam kong ang pagpasok araw-araw o kahit ang simpleng pagbangon lang sa higaan ay isang laban para sa kanya.
Alam kong dalawang taon na ang nakalilipas, namatay ang ina niya at naiwan silang pitong magkakapatid.
Siya ang pangalawa, pero tila siya na rin ang panganay.
Yung kuya niya raw kasi nag-asawa na, iniwan na rin sila. Wala rin naman siyang ama, hindi nila nakilala.
Iba-iba rin raw ang mga ama nilang magkakapatid.
Bukod dun, wala na talagang alam na kwento tungkol kay Callie. Wala na akong madiskubre pa, hindi rin kasi siya palakwento.
Tila nagtayo siya ng mga matatayog na pader sa paligid ng puso niya – at nagkukunwaring wala na siyang puso o meron man, pero matigas na ito.
Pero alam ko. Batid ko. Hindi ko maririnig ang mga itinatago niyang hagulgol kung wala na siyang puso o matigas na ito.
Tinakasan ako ng hangin nang bigla . . . pinagbigyan ako ng langit . . . lumapit siya sa'kin. Umupo siya sa upuang nasa harapan ko.
Hinawi niya ang bagong kulay niyang buhok.
Hindi ako makahinga. Masyado kasi siyang maganda . . .
Inilapag niya sa lamesa ko ang pinahiram ko sa kanyang libro ng mga tula ni Baquiran bago magbakasyon noon.
"Hindi ko natapos, masyadong malalim." Nakasingkit ang kanyang mga mata at nakakunot ang noo. Ngumiti siya ng kaunti. "Pero maganda, feeling ko maganda."
Pabiro akong tumawa – hindi pinapansin ang kumakabog na dibdib. "Paano mo nasabing maganda kung hindi mo pala natapos?"
Humalakhak ulit siya at umayo na, muling naghawi ng buhok. "Feeling ko nga lang! Naniniwala ako sa taste mo tsaka mahilig kang magsulat ng mga tula, diba?"
Tumango ako.
Ngumiti siya. "Ibig sabihin magaling yang writer, kasi napabasa niya ng mga tula niya ang isang nagsusulat rin ng tula." Kinindatan niya ako.
Siguro nung oras ding 'yun, hindi man alak si Callie, ay malakas na ang tama ko sa kanya. Ang baduy. Kasing baduy ng mga alcoholic drinks na may flavor.
Gusto kong hampasin ang sarili ko . . . dahil nung paalis na sa inuupuan niya si Callie ay inabot ko ang kamay niya, hinawakan ko ito.
"Gusto mo gawan kita ng mga tula?"
Nakatitig lang siya sa'kin, saglit na nabigla. "Bakit? Para saan?"
"Wala lang," utal ko, "yung mga simpleng salita lang gagamitin ko . . . para maintindihan mo."
Marahan niya akong hinampas pero halata – ginawa niya lang 'yun para mabitawan ko na ang kamay niya. "Joker ka? Wag na, mababagot lang ako, ayoko ngang nagbabasa."
"Gagawan pa rin kita," parang tangang pagpupumilit ko.
"Bahala ka. Pwede rin para kahit minsan, feeling special ako," biro niya. Tumawa siya para mahalata ko na nagbibiro siya – kahit ang totoo ay marami rin naman talagang nanliligaw sa kanya, pero lahat hinihindian niya.
Nakagagaan ng pakiramdam na wala siyang sinasagot sa kanila.
Pero nakababahala rin, kasi sabi niya nga ay ayaw niya ng commitment, magastos at hindi convenient para sa kanya.
Tinanong ko nga siya dati kung ibig ba sabihin nun ay isa siyang anti sa love.
Sabi niya hindi raw. Gusto niyang umibig lahat ng tao kasi minsan lang naman mabuhay. Kaya dapat magmahal ng magmahal pero excempted siya.
Bawal siyang magmahal.
Hindi ko maintindihan.
Gusto raw niyang magmahal ang lahat bukod sa kanya. /
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro