Ang pagbukod
“KAAALIS lang ng dating umupa rito kaya hindi ko pa ito masyadong nalilinisan.”
Inilibot ni Jake ang tingin sa maliit na studio-type apartment na kinaroroonan nila ngayon. Nang matapos mag-usisa ay ibinalik niya ang tingin sa landlady na nasa sisenta ang edad. “Ayos na ho ito. Ang mahalaga ay mayroon po kaming matutuluyan ng...asawa ko.”
Hinawakan niya nang mahigpit ang kanang kamay ni Regine, bagay na nagpapayapa sa huli.
“Kung gayon ay maiwan ko na muna kayo. Isarado n’yo nang mabuti ang pinto. Maraming loko sa labas, baka mapagdiskitahan kayo.”
“Salamat po,” sabay na tugon nina Regine at Jake. Sinundan nila ng tingin ang matanda hanggang sa makalabas ito sa kanilang unit.
“Ouch!” Napahawak si Jake sa tagiliran na siniko ni Regine. “Bakit, ‘hal?”
“Bakit sinabi mo kay lola na asawa mo ako? Kasal ba tayo, Jake?”
“Parito ka nga.” Pigil na napangiti ang lalaki sabay kabig sa nobya. “Parang gano’n din naman ’yon. Magsasama na rin naman tayo sa iisang bubong... kasama si baby.” Parehas silang napatingin sa humpis na tiyan ni Regine.
Bumuga ng hangin si Regine. Tinungo niya ang isang monoblock chair at umupo roon. “Paano na tayo ngayon, mahal? Kakayanin ba natin ito? Paano kung... kung subukan ulit nating bumalik sa magulang natin? Baka hupa na ’yong galit nila ngayo—”
“Magtiwala ka lang sa akin, mahal. Hindi ko kayo pababayaan. Pangako iyan.”
Sa puntong iyon ay mahigpit na yakap ang pinakawalan nilang dalawa sa isa’t isa.
MAGKATABING nakahiga sina Regine at Jake sa single-bed mattress foam. Malalim na ang gabi at tahimik na ang paligid. Mahimbing nang natutulog ang lalaki ngunit si Regine ay gising na gising pa rin. Kanina pa siya pabiling-biling sa kama.
Parehas ng unibersidad na pinapasukan ang dalawa. Nagkakilala sila apat na taon ang nakaraan. Una silang nagtagpo sa pila sa Registrar’s Office para sa kanilang registration stub.
Bachelor of Science in Office Administration ang kinuha ni Regine. Kay Jake naman ay Bachelor of Entrepreneurship.
Regine overheard Jake's conversation with his mom when the latter asked for a food to be delivered where he is. Hindi kasi makaalis sa pila ang sinuman sa takot na maagawan ng puwesto. Narinig ng dalaga ang pag-angil ni Jake nang malamang aabutin ng tatlumpung minuto bago siya mahatiran ng pagkain. May ekstrang sandwich si Regine sa bag kaya inialok niya iyon sa binata.
Doon nagsimula ang lahat. Naging magkaibigan sila na humantong sa pagiging magkasintahan ilang buwan lamang matapos silang magkakilala.
Dalawang buwan ang nakaraan nang may mangyari na magdudulot ng pagbabago sa buhay nila. What happened between them that one fateful night was unexpected and unplanned. Kagagaling lang nila sa acquiantance party ng kanilang pamantasan. Parehas silang hindi makauwi dahil sa napakalakas na buhos ng ulan kaya nagkasundo silang magpalipas muna ng gabi sa inn sa ’di kalayuan. It was both temptation and desire that lead them to do that thing that they never tried before because they never crossed each other's boundaries.
Nagbalik-tanaw si Regine sa nangyari mula pa kaninang umaga.
“Mahal, natatakot ako,” aniya habang hawak-hawak ang isang pregnancy kit na hindi pa nabubuksan.
Kinuha ni Jake ang isang kamay ng kasintahan at ikinulong iyon sa sariling palad. “Nandito ako, ’hal. Ano man ang mangyari, I will always stand by your side.” Binigyan niya ng reassuring smile si Regine.
Wala nang pinalipas na sandali ang dalawa. Agad nang pumasok si Regine sa cubicle sa CR ng mall na kanilang pinuntahan. Ilang minuto lang ang lumipas ay lumabas na siya na parang pinanawan ng dugo ang mukha sa sobrang putla.
“Positive,” may tamlay na sabi ni Regine habang inaabot ang kit sa nobyo.
Ilang segundong prinoseso ni Jake ang lahat. Mayamaya pa, isang ngiti ang sumilay sa kaniyang mga labi. Isang mahigpit na yakap ang iginawad niya kay Regine habang paulit-ulit na sinasambit ang mga katagang, ‘Magiging tatay na ako.’
“HUWAG na lang kaya tayo muna tumuloy,” may pangambang saad ni Regine kay Jake. Nasa harap sila ngayon ng malaking bahay ng lalaki na nahaharangan ng ginto at itim na tarangkahang gawa sa metal panel.
Nang malaman nila ang pagbubuntis ni Regine ay nagkasundo ang dalawa na sabihin na agad iyon sa kani-kanilang mga magulang, bitbit ang pag-asang mauunawaan sila ng mga ito. Ngayo'y napagdesisyunan nilang unahin muna ang mga magulang ni Jake.
“Let's do it, mahal. It would hurt them more if they will hear the news from other people.”
Walang nagawa si Regine kundi ang magpatianod sa kaniyang minamahal.
TUMAGINTING ang tunog ng sampal na iginawad ni Mrs. Alcantara sa pisngi ni Jake.
“Jake!” Hinaplos ni Regine ang namumulang pisngi ng nobyo.
“You’re nothing but a disgrace to this family! Mula ngayon, wala ka nang mga magulang.” Itinulak ni Mrs. Alcantara ang anak patungo sa pinto. “Lumayas ka. Wag na wag ka nang babalik dito!”
“Dad... ” usal ni Jake habang nakatingin sa ama na nasa likod lamang ng ina. Walang isinagot si Mr. Alcantara. Gayunman ay halata pa rin sa kilos nito ang pagkadismaya.
Pinigil ng binata ang namumuong luha sa mga mata. Marahan niyang inalis ang mga kamay ng inang tumutulak sa kaniya. “You don’t have to turn me away, Mom, Dad. Aalis po ako nang kusa.” Mabibigat na tingin ang pinaglipat-lipat ni Jake sa mga magulang bago niya tuluyang talikuran ang mga ito. Hawak ang isang kamay ni Regine ay walang lingon-likod nilang nilisan ang bahay ng mga Alcantara.
SUNOD nilang pinuntahan ang tahanan ng mga Gonzales, ang pamilya ni Regine. Payak lamang ang pamumuhay ng pamilya ng dalaga. Panganay siya sa limang magkakapatid. Binubuhay sila ng mga magulang nila sa paglalako ng potholder at basahan. Iyon ang dahilan kaya labis ang pangamba ni Regine sa magiging reaksiyon ng mga magulang. Alam niyang labis na malulungkot ang mga ito lalo pa at siya ang inaasahang unang makatapos sa pamilya nila. Ngayo’y tila mauunsyami pa dahil sa kaniyang pagbubuntis.
“Papa!” Napasigaw si Regine nang mapahawak sa dibdib ang ama. Tila ba nahihirapan itong huminga.
“H-Huwag kang... l-lalapit.” Pilit na itinaas ni Mang Panfilo ang kamay upang pigilin ang anak sa balak nitong paglapit. “U-Umalis na kayo dahil baka matuluyan ako kapag natagalan ko pang makita kayo.”
“P-Papa...” Basag ang tinig ni Regine nang tawagin niya ang ama sa pangalawang beses.
Lalong dumaing si Mang Panfilo.
“Maawa ka sa ama mo, Regine. Baka lalong lumala ang kondisyon niya sa puso kapag tumagal pa kayo rito. Umalis na kayo,” ani Aling Melissa na hindi rin naitago ang hinanakit sa tinig.
“Mama...”
Hinawakan ni Jake ang magkabilang balikat ni Regine. “Mahal, tara na.”
Nais pa sanang manatili ng dalaga ngunit nang makita niyang lalong dumaraing ang ama ay sumama na rin siya sa nobyo.
Dahil parehas silang ipinagtabuyan ng mga magulang, walang choice ang dalawa kundi ang asahan na lamang ang isa't isa sa panahong iyon. Dala ang kaunting pera, gamit, at ang motorbike ni Jake ay nilisan nila ang kanilang lugar. Ilang oras ang kanilang nilakbay hanggang sa mapadpad sila sa lugar ng San Ambrosio kung nasaan sila ngayon.
Naputol ang pagbabalik-alaala ni Regine nang isang makapangyarihang kamay ang humapit sa kaniyang baywang.
“Mahal, hindi ka pa natutulog?” ani Jake na halatang inaantok pa.
Umiling si Regine. “Marami lang akong iniisip, mahal.” Napatingin siya sa electric fan na umiikot sa kisame. “Paano na tayo? ’Yung baby? 'Yung pang-araw araw natin?” Kumiling siya paharap kay Jake. “Hindi ko alam kung handa na ba tayo sa pinili nating buhay na ito. Parehas tayong hilaw pa sa karanasan sa buhay. Hindi ko alam kung ano ang kahihinatnan natin sa mga susunod na araw.”
Kinuha ni Jake ang ATM Card na nakasuksok sa wallet niya. “My parents already cut my credit cards. Little did they know, I have a debit card with twenty thousand pesos savings in it.” Ibinigay niya iyon kay Regine. “Ikaw na ang mag-manage niyan, mahal. Hindi pa iyan sapat pero makatutulong na rin iyan sa pagsisimula natin. Huwag kang mag-alala, bukas na bukas, hahanap agad ako ng trabaho para sa iyo at kay baby.”
Sumiksik si Regine sa dibdib ng nobyo. “Paano 'yong pag-aaral natin, mahal?”
Nagpakawala ng isang malalim na paghinga si Jake. Binalingan niya ang nobya at hinalikan ang tuktok ng ulo nito. “Okay lang bang tumigil muna tayo, mahal? Isang semestre na lang naman at makaka-graduate na tayo. Pangako, pagkapanganak mo, muli nating itutuloy 'yon.”
Inangat ni Regine ang ulo para salubungin ang tingin ng nobyo. May kislap sa mga mata na nginitian niya ito. “Talaga? Okay lang na mag-aral pa rin ako kahit may baby na tayo?”
“Bakit naman hindi, mahal? Kahit naman mag-asawa na tayo, gusto ko pa ring abutin mo ang mga pangarap mo... natin.”
“Ayan ka na naman sa asa-asawa na iyan, ah? Medyo awkward pakinggan pero nakakakilig at the same time!”
"Pasasaan ba at hahantong din tayo riyan? Pakakasalan naman talaga kita kapag malaki-laki na si baby at may stable job na tayo parehas. Just give me more time, mahal.”
Hindi maitago ni Regine ang pamumula ng mukha dahil sa narinig sa nobyo. Natutuwa siyang malaman na malayo na ang hantong ng pangarap nito at kabilang siya roon. Tumango-tango siya at niyakap niya si Jake nang buong pagmamahal.
“Matulog na tayo, mahal.” Isang halik sa may leeg ang iginawad ni Jake sa nobya.
“Naku, ’yang halik na 'yan parang halik ng hindi pa matutulog, ah!” Kinurot ni Regine ang tagiliran ng kasintahan kaya napadaing ang huli.
Sunod ay napuno ng halakhakan ang maliit na silid na kanilang kinaroroonan. Mayamaya ay natulog na rin sila nang magkayakapan at may ngiti sa kanilang mga labi.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro