Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Ang pag-a-apply

Hindi pa sumisikat ang araw ay umalis na sa apartment si Jake. Maghahanap siya ng trabaho. Iniwan niya ang motorsiklo sa maliit na garahe para makatipid. Kung gagamitin niya kasi iyon ay gagastos pa siya sa panggas at pambayad sa parking fee. Bago siya umalis ay humingi lamang siya ng one hundred fifty pesos kay Regine para sa kaniyang pangkain sa maghapon.

Una niyang sinubukan ang pag-a-apply sa isang kumpanya ng softdrinks bilang office staff. Screening palang ay hindi na siya tinanggap dahil graduate ng kolehiyo ang hinahanap ng management. Bigo man, muli siyang nagpatuloy sa paghahanap ng trabaho. Inisa-isa niya ang mga establisyimento sa pook kung saan siya unang nag-apply. Inabot siya ng tanghali ngunit hindi pa rin niya natatagpuan ang kapalaran.

Nang makaramdam ng gutom ay pumunta siya sa isang fastfood chain para mananghalian. Binilang niya ang dalang pera. Sapat pa iyon para sa isang order ng ala carte at saka pamasahe pauwi.

Kauupo palang niya hawak ang in-order nang makatanggap siya ng chat mula kay Regine. Nangungumusta.

Napangiti siya. Tila ba lahat ng pagod niya sa buong maghapon ay nawala dahil sa chat ng nobya. Bago siya tumipa ng sagot ay napatingin siya sa isang dako ng kainan kung nasaan ang isang pamilya na ine-enjoy ang pagkain.

“Balang-araw, magiging ganiyan din kami ni Regine at ng magiging anak namin.” Ngumiti siya. Muli niyang binalingan ang cellphone para mag-reply na sa kaniyang nobya.

MAS ginanahan sa pag-a-apply si Jake matapos kumain.

"Dapat may trabaho na ako bago umuwi,” usal niya sa sarili.

Sa kaniyang pag-iikot ay muli siyang bumalik sa fastfood na kinainan. Noon lang niya napansin ang poster sa labas nito kung saan nakalagay na naghahanap ng kitchen crew ang naturang kainan. Hindi na siya nagdalawang-isip pa. Hawak-hawak ang resume ay tinalunton niya ang daan patungo sa manager's station.

“MAHAL, may trabaho na ako!” Sabik na sinalubong ni Jake ang nobya pagkapasok niya sa pinto ng apartment.

“Wow!” Ginantihan ni Regine ng yakap ang nobyo at iginiya ito patungo sa monoblock chair. Nang makaupo ay hinubaran niya si Jake ng sapatos at medyas. “Expected ko na 'yon. Ikaw pa ba, eh, napakamadiskarte mo.”

“Ayaw ko kasing magutom at mapabayaan ang mag-ina ko.” Inilibot ni Jake ang tingin sa apartment. Kakaunti lamang ang gamit doon. Ang kanilang mattress na tulugan, isang monoblock chair, single burner, at sapatusan. “Bukas, pupunta tayo sa pamilihan ng gamit. I-priority natin ’yong maayos at malambot na kutson para maginhawa 'yong pagtulog natin. Ibawas na natin doon sa twenty thousand pesos. Then sa unang sahod ko, bibili na rin tayo ng mga gamit ni baby at ng vitamins mo.”

Tumayo si Jake at humakbang nang ilan sa may harap nila. “Kung may matitira sa pera, bibili tayo kahit maliit na TV para may mapaglibangan ka habang nasa trabaho ako, mahal.”

Napatalon nang bahagya si Jake nang puluputan siya ng yakap ni Regine mula sa likod. Napangiti siya at ipinatong ang isang kamay sa mga kamay nito. Umikot siya para makaharap niya ang nobya. “At saka palagyan natin ng aircon ito para kapag lumabas na si baby, eh, komportable kayong mag-ina ko.”

Parang inilulutang sa alapaap si Regine habang pinagmamasdan si Jake. Sa puntong iyon ay mas lalo siyang nahulog sa nobyo. Kampante siya na magiging mabuti ang lagay nila ng anak sa piling ni Jake. Ngayon palang kasi ay kita na niya ang pagiging responsable ng nobyo bilang maybahay at magulang ng kanilang magiging anak.

“YOU have a high-risk pregnancy, Ms. Gonzales. Reresetahan kita ng gamot at vitamins pampakapit sa bata,” ani Doktora Tardecilla, ang gynecologist ni Regine. “Meet me every 12th and 28th of the month so we can monitor your baby’s condition.”

Mahigpit na hinawakan nina Regine at Jake ang kamay ng isa't isa nang marinig ang sinabi ng doktora. Hindi man sila nag-uusap ngunit alam na nila ang nais nilang iparating sa bawat isa sa pamamagitan ng mga mata.

Laglag ang mga balikat nilang nilisan ang klinika ng doktora.



“Mahal, paano na 'yong plano kong pag-o-online selling kung limitado lang ang puwede kong ikilos?” dismayadong saad ni Regine. “Gustong-gusto pa naman kitang tulungan sa pagpapasok ng income sa bank account natin. Paano na?”

Masuyong kinuha ni Jake ang kamay ni Regine. “Don’t worry about that, mahal. Ako na ang bahala sa part na 'yon.” Kinindatan niya ang kasintahan.

Itinulis ni Regine ang nguso. “Eh, gustong-gusto talaga kitang tulungan, mahal.”

“How about taking in your pre-natal vitamins every day? Ayun, malaking tulong na 'yon.” Ginulo ni Jake ang buhok ng nobya sabay kabig patungo sa kaniyang dibdib. “...at saka bonus na mag-quick shower ka bago ako umuwi from work para ano... alam mo na. Hehe.”

Pinandilatan ni Regine ng tingin ang nobyo nang makuha ang ibig ipahiwatig nito. “Hoy, anong alam ko na? Gusto mo ng kurot?”

Peace sign ang isinagot ni Jake.

KATATAPOS lang ng walong oras na shift ni Jake sa fastfood chain. Panggabi ang shift niya kaya alas sais na ng umaga siya nakalalabas sa trabaho.

Mas matindi ang pagod niya ngayon kumpara sa mga nakalipas na araw. Naglinis kasi siya ng grease trap. Medyo matrabaho iyong gawin kaya gusto na sana niyang humilata sa higaan. Ganunpaman, nilabanan pa rin niya ang pagod. May balak pa kasi siyang puntahan.

Usually, kapag ganitong uwian ay diretso na agad siya sa kanto para mag-abang ng jeep. Ngayon kasi, eh, hindi muna siya pupunta roon. Maghahanap pa siya ng extrang trabaho pandagdag sa gastusin nila.

Sa paglalakad ni Jake ay naparaan siya sa isang building na ginagawa. Sa bungad ay may nakadikit doong karton na may nakasulat na 'Wanted: Construction worker. Full time or part time'. Hindi na siya nagdalawang-isip. Pumasok na siya para mag-inquire.

“MAHAL, natanggap ako sa construction site. Mag-i-start na ako tomorrow,” ani Jake habang inaalis ang buhol ng plastic ng calamares na pasalubong niya kay Regine. Kumuha siya ng platito at ibinuhos doon ang suka na maraming sibuyas.

“Hala. Baka kaaalaga mo sa amin ni baby, ikaw naman ang magkasakit niyan.” Naglapag si Regine ng pitsel at dalawang baso sa lamesa. “Huwag mo na kayang ituloy ’yong construction, mahal? Sapat pa naman ang kinikita mo sa fastfood. At saka nakakakain naman tayo three times a d—”

Hindi naituloy ni Regine ang sasabihin dahil sinalpakan na siya ng calamares sa bibig ng kinakasama.

Tumawa nang malaki si Jake dahil sa naging reaksiyon ng nobya. Nang nakahuma ay pinisil-pisil niya ang ilong ng huli. “Kaya ko pa naman, mahal. Pakikiramdaman ko ang sarili ko. Kapag feeling ko ay overworked na ako, ida-drop ko na ang pagiging construction worker.”

“Sure ka, ha?”

“Oo naman. Sure na sure ako, mahal. Gusto mo, tatluhin ko pa 'yong work ko, eh. Parang nakukulangan pa ako.”

“Heh! Magtigil ka nga, Jake Russel Alcantara. Hindi ako natutuwa.”

“Naku, tinawag na ako sa buong pangalan. Galit na ’to,” kunwa’y bulong ni Jake sa sarili pero naririnig pa rin naman iyon ni Regine.

“De joke lang. Hindi na po. Hanggang dalawang trabaho lang talaga ang kukuhanin ko. Promise.” Pinagdikit ng lalaki ang dalawang hintuturo at nagpa-cute. “Sorry na. Uwu.”

Tinakpan ni Regine ang mukha para itago ang pagpipigil ng tawa. Madali talaga siyang masuyo ni Jake kaya hindi tumatagal ang anumang hindi pagkakaunawaan nila.

ANG totoo niya'y may hindi sinasabi si Jake sa nobya. May pagkakataon na dinadaig ng pagod at antok ang katawan niya pero pilit niyang nilalabanan. Kahit nga masama ang pakiramdam ay pinipilit pa rin niyang pumasok. Bawat sentimo kasi na kinikita niya ay binibigyan niya ng pahalaga. Para kay Regine at sa magiging anak nila.

Ayaw niyang mag-fail bilang haligi ng tahanan. Gagawin niya ang lahat para maitaguyod ang binubuong pamilya. Itatago niya ang mga idinadaing huwag lamang bigyan ng karagdagang pag-aalala ang nobya.

“Wait, is that Jake?”

Napatigil sa pagpapala ng buhangin at semento si Jake nang marinig ang isang pamilyar na tinig. Inignora niya iyon at itinuloy-tuloy lang ang paghahalo.

“Dude, si Jake nga!”

Nagpunas ng pawis si Jake at hinarap ang mga nakakilala sa kaniya.

Sina Edward, Stephen, at Devin. Blockmates niya sa university na pinasukan. Teammates din niya sa varsity at kasama niya sa paglalaro ng DoTA 2 sa Internet Cafe. Close friends din ang kani-kanilang mga magulang.

“SO the rumors are true. Nakipagtanan ka nga talaga,” ani Stephen. Nasa Vikings sila ngayon.

“Yup.” Sunod-sunod na pagsubo ang ginawa ni Jake. Tila ba noon lang ulit siya nakakain nang ganoon. “Paano kayo napadpad dito? Ang layo na nito sa atin, ah?”

“Dumayo lang ng tournament ng DoTA 2. Sayang nga, eh. Kung kasama ka sana, sure win na 'yon. Talo kami. Wala kasing pangmalakasang tank,” saad ni Devin.

Napatawa nang marahan si Jake sabay lagok ng juice. “Pasensiya na, mga dude. Iba na ang priority ko ngayon. Daddy's duties muna.”

“Iba ka na talaga, dude. Parang ilang buwan ka lang naming hindi nakita, eh, anlaki na ng ikina-mature mo. Bumuntis na rin kaya ako so that I can finally be a man?” ani Edward.

“Gago. Wag gano'n, dude. Hindi naman doon nasusukat ang pagiging matured. That is being measured how you're able to face your obligations and responsibility,” sansala ni Jake sa kaibigan.

“Lalim naman. Aristotle is shaking!”

Napatawa si Jake sa sinabi ng kabarkada.

He parted ways with his friends. Mahigpit ang bilin niya sa mga ito na huwag babanggitin kaninoman ang kinaroroonan niya, lalo na sa kaniyang mga magulang. He doesn't want to give them any single clue of his whereabouts. Hindi naman siya galit sa mga ito. Nagtatampo? Siguro. Sinabi niya sa sarili na magpapakita lang muli siya sa mga magulang sa sandaling mapatutunayan niya na kaya niyang itaguyod ang sariling pamilya.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro