Prologue
Tumatakbo ako sa hagdan patungong third floor. Hingal na hingal na ako nang makarating sa aking apartment room. Dali-dali kong isinilid ang gamit ko sa maleta. Nang matapos na, mabilis akong naglakad pababa ng hagdan.
"Huwag ka munang umulan please," tarantang sambit ko nang makarating ako sa first floor.
Lumabas na ako ng apartment at nag-abang ng taxi sa kalsada.
Kinakabahan na ako. Ayaw ko pang mamatay. Nang maaninagan ko ang isang taxi sa malayo, tinaas ko na ang aking kamay at winagayway.
Nang malapit na ito, naramdaman ko ang mga butil ng tubig na dumampi sa pisngi ko. Wrong timing! Uulan na!
Taranta akong tumakbo sa apartment. Ngunit kasabay ng takbo ko ang pagbuhos nang malakas na ulan.
"Naku nabasa ako! Badtrip bakit ngayon pa!" inis kong wika
"George okay ka lang? Aalis ka?" takang tanong sa akin ni Niño na kababa lang sa hagdan.
Hindi ko siya binalikan ng sagot, dahil abala ako sa pagpunas ng tubig-ulan na nasa braso ko.
Hindi ako mapalagay, bigla na lamang ako nakaramdam ng takot.
Lumaki ang mata ko nang paglingon ko sa labas, doon na ang babaeng nakapayong. Kahit madilim sa labas dahil sa malakas na ulan at nasa malayo siyang distansiya. Alam kong siya 'yon. Kinilabutan na ako nang nagsimula na itong maglakad patungo sa apartment building.
"Diyan na siya!" taranta akong pumanhik papuntang third floor. Nang nakarating na ako sa third floor bilgla na lang akong nadulas sa sahig.
"Aray!" hinawakan ko ang puwet ko dahil sa sakit.
Napansin ko ang tubig na nasa sahig. Tumingala ako upang malaman kung saan galing ito.
Nagulat ako at natakot sa nakita. Napahawak pa ako sa dibdib sa matinding kaba.
Napasigaw ako nang makita siya. "Huwag!" Nakita ko ang babae na nasa kisame at agad na nagpahulog sa sahig.
"P-Please! Maawa ka!" Nanginginig na ako sa takot. Napasandal pa ako sa pader nang tumayo ito nang dahan-dahan. Tabon ng basang buhok ang mukha nito. Binuksan niya ang payong na dala. Lumapit ito sa akin, at inilahad niya ang kanyang kanang kamay. Tumakbo ako sa dulo ng hallway ngunit napaatras ako dahil sa mga tumatalsik na tubig ulan sa open area.
Napahinto ako sa pag-atras nang marinig ko ang isang nakakatakot na boses ng babae sa aking likuran.
"Sinusundo na kita George!"
Napatingin ako sa likuran ko. Nakita kong hinawi niya ang kanyang mahabang buhok at pinakita sa akin ang kanyang nakakakilabot na mukha. Bigla niya akong sinukob ng payong na pula.
Dumilim ang paligid ko. Nang mawala ang dilim. Nakita ko ang aking sarili na nakatayo sa gitna ng kalsada. Nanlaki ang aking mata nang paglingon ko, isang truck na mabilis ang patakbo ang bumungad sa aking harapan.
☔☂️🌂
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro