7. The Plot
"But, I... don't want to run! If I keep running, I won't win! I definitely won't!"
-Ayumi Yoshida
----------
Chapter 7:
The Plot
· · ────── ·𖥸· ────── · ·
ZANE
Naunang bumaba sa akin ang lalaking drayber at saka binuksan ang pinto ng kotse kung saan ako nakaupo. “Salamat po,” wika ko rito habang bumababa.
Pagkaalis ko sa loob ay bumalik na ito sa sasakyan at saka agad na umandar paalis na hindi man lang umikot.
Nasaan ka na?
Isa na namang mensahe ang nakita ko sa aking selpon na nanggaling sa kung sino mang nagmamay-ari ng numerong iyon.
“Ano ba ang gusto mo?” reklamo ko habang naglalakad papasok sa pintuan.
Pag-akyat ko pa lamang ng hagdan, narinig ko na ang mga kuwartong puno ng mahimbing na natutulog na mga tao. Pagdating ko sa pasilyo, patay na ang ilaw ng mga apartment maliban na lamang sa unit kung saan ako napunta.
220. 221. Nang dahil sa nakalimutan ko ang susi ay kumatok na lamang ako.
Hindi nagtagal, isang mukhang seryoso ang sumalubong sa akin. “Sa wakas!” bulalas niya. “Akala ko nawala ka na. Anong nangyari?”
Dumiretso na lamang ako sa loob – hindi gustong kausapin siya nang dahil sa pag-iwan sa akin sa hindi ko kabisadong lugar.
“Ang tagal mong nawala. May kumuha ba sa iyo?” kalmadong tanong pa nito bago umupo sa sofa sa sala namin.
“Actually, yes,” sagot ko na lamang upang tumigil na ito. Dumiretso lang ako sa paglalakad at pumunta sa kusina.
“Ay, meron ba? Hindi ko inasahang tama ang hinala ko. Mabuti naman at nakabalik ka matapos ang maraming minuto,” sarkastiko niyang wika sa akin.
Sa kusina ay naroon na nga ang cake na hinahanap-hanap ko. Nakatakip ito sa isang clear na pantakip at saka nakalagay sa loob ng ref na sinabi ni Tita.
“Bakit mo ako pinapauwi agad? Akala ko may nangyaring masama, pero ngayon nandiyan ka lang at kalmado. Hindi mo nga kinain ang cake mo," tanong ko. Kumuha ako ng kutsara at saka hinayaang umupo ang sarili sa tabi ng pagkain.
“Ah, cake! Oo nga!” bulalas nito bigla.
“Bakit anong meron sa cake?” tanong ko na nagpatigil sa muntik nang pagkain sa dessert na hindi ko nakain kanina dahil sa kaniya.
“‘Yan na cake? Wala naman, pwede mo yang kainin. Huwag mong kakainin ang sa akin kasi mamaya ko pa yan gagalawin,” sagot nito.
“Ano naman ang kinalaman ng sinabi mo sa cake?” sambit ko na lang sa aking sarili kasabay ng pagsubo ng maliit na pirasong pagkain sa aking bibig. “Ang sarap talagang magluto ni Tita!” Lasap na lasap ko ang lasa ng mocha sabayan pa ng lambot ng tinapay ng cake.
“Ano ang kinalaman?” tanong niya. “Nothing, it's just the murderer will be on his next target tonight. Dito sa siya gusaling ito aatake.”
Muntik na akong mabulunan sa mga salitang aking narinig. “A-Anong sinasabi mo? Sino naman ang papatayin niya?”
Mula sa kinauupuan ko ay nakita ko siyang tumayo. Humarap siya sa dingding, at doon ko lamang napansin ang mga papel na nakadikit, na wala naman kanina bago kami umalis.
“Kinausap ulit ako ni Detective Ferrer kanina at nalaman kong parte pala ng isang aksidente ang biktima. Isa siya sa mga nakaligtas–” Atentibo akong nakikinig sa kaniya nang bigla na lamang siyang napatigil.
“Nakaligtas? Saan?” Agad kong inubos ang natitirang piraso ng aking cake at saka tumayo na mula sa upuan.
Pupunta na sana ako sa kaniya nang mapansin kong napapikit siya, para bang pinipigilan ang nanginginig na sarili.
“A-Ayos ka lang?” Hahawakan ko na sana siya nang isang mahigpit na paghawak ang naramdaman ko sa aking braso.
“Ayos lang ako,” sagot nito na nakaharap na sa akin. Binitiwan niya rin naman ako agad subalit nag-iwan ng kaunting pulang marka ang kaniyang kamay sa akin.
“Sorry,” mahinahong wika niya na hindi tumitingin sa akin. Bumalik na ang tingin nito sa pader kung saan naroon ang mga litratong kung hindi sketch ay mga printed sa black and white.
“Anyways, vehicular accident!” pagpapatuloy nito. “Sa aksidenteng iyon, may anim na nakaligtas. Apat sa kanila ay iyong mga unang namatay na. Sabi pa ni Detective Ferrer ay ang mga biktima ay sina: Andrea Rivera, Antonio Reyes, Carmela dela Cruz, at saka ang naunang si Gabriel Santos.”
Nasa pader ang mga sketch ng mga mukha nila. “Ikaw ba ang gumuhit niyan?” tanong ko.
“Oo, bakit?”
“Ang galing,” puri ko rito.
“Salamat, pero makinig ka kasi may nakasalalay na buhay rito,” sagot niya. “Now, where was I? Ah, sa mga pangalan nila! May dalawa pang nakaligtas at sa ngayon, isa sa kanila ang mamamatay muli.”
“Paano mo naman nalaman na ngayon mangyayari ang sunod na pagpatay at dito pa sa building natin?” tanong ko.
“Ang isa sa mga nakaligtas ay nakatira rito,” sagot niya na napaturo ang kamay sa isang sketch ng kamukha ni Tita. “Tini-trace na ngayon ng mga pulis ang kinalalagyan ng isa pang nakaligtas kaya naman maaaring mabilisan niya nang gawin ang plano bago pa man siya mahuli.”
“Is that–?”
“Clara Nuñez, yes. Isang taon na ang nakararaan noong nagkaroon ng banggaan. Nakaligtas ang Tita mo at mabuting ang kamay lang ang nabalian,” pagpapaliwanag niya.
“Kaya naman pala hindi niya kayang buhatin ang bag ko. Siguro ay masakit pa rin iyon,” sambit ko.
“Sabi rin niya ay may bisitang darating sa kaniyang mamaya,” wika niya.
“Sinabi niya iyon?”
“Kanina, habang kumakain tayo,” sagot ni Raine. “Ang ibig sabihin lang noon ay ang suspek ang maaaring pupunta sa kaniya.”
"Alam ba ni Tita?” tanong ko. “Hindi naman siya basta-basta na lang magpapatuloy ng hindi niya kilala sa bahay niya.”
“Maliban na lang kung ang alam niya ay nagpakamatay lang ang ibang nakaligtas sana. Nang dahil sa dalawa na lang silang natitira ay kakailanganin niya ng suporta upang pigilin ang sarili na baka matulad din,” dagdag pa ni Raine.
“Kung ganun ay tara na, sabihan natin si Tita! Baka dumating na ang taong iyon!” Agad kong hinila ang kamay niya at saka naglakad papunta sa pinto.
Kalmado lamang siyang sumunod sa akin kahit na binitawan ko na ito. Pagdiretso namin sa pasilyo ay nakita ko ang hagdan papuntang ikatlong palapag sa gilid ng mga apartment na nasa gilid namin. Nakita kong mas malapit kami sa 222 kaya naman ay doon na lang kami umakyat.
Sa itaas ay mayroon pang ibang mga silid na may numerong hanggang 225. Sa pagkakaalam ko ay nasa parteng iyon ang pwesto nina Ate.
“Nasaan ang bahay ni Tita? Alam mo ba?” tanong ko rito.
“225C, obviously,” sagot nito.
Mabilis akong naglakad papunta roon subalit noong hindi ko narinig ang kaniyang mga yabag ay napatigil akong muli.
“Ano ba? Tara na!” Kinuha kong muli ang braso niya at saka hinila ito papunta sa silid. Nasa tapat na kami ng apartment nang maalala kong wala pala akong susi para mabuksan ito.
“Tita?” Kinatok-katok ko na lamang ang pinto upang makuha ko lamang ang atensiyon niya. “Tita!” Napuno nang pangamba ang aking puso, umaasang ayos lamang siya.
Pinaurong lamang ako ni Raine nang buksan niya ang walang kandado pa lang pintuan. Imbes na mamangha ay para bang inis na ang nararamdaman ko sa mga pinaggagagawa niya.
“Wala ba yang lock o may nakapasok na sa loob bago tayo?” tanong ko na tinatago ang inis na namumuo sa aking puso.
“Iniwan ko talaga iyan kanina noong bumisita ako. Siyempre alam kong wala tayong susi kaya pagkatapos kong ibigay ang natitira kong manok para idagdag niya sa handa ay sinadya kong hindi ito i-lock,” sagot niya.
“At paano mo naman nasiguro na hindi na niya ito ila-lock pag-alis mo?” tanong ko pa.
Pagbukas niya ng pinto ay bumulantang sa akin ang Tita ko na nakababa ang ulo sa mesa. Nakapikit ito at para bang walang malay. Sa tabi niya ay naroon ang tira ng adobong manok na kinain namin kanina kasama pa ng niluto niyang bagong cake.
Para bang huminto ang pagtibok ng puso ko nang makita ko siya. Kakaripas na sana ako nang takbo papunta rito nang hinarangan ako ni Raine.
“Huwag kang maingay!” sita nito.
“Ano ba sa tingin mo–”
“Hinaan mo ang boses mo!” pagputol niya.
“Ano ba sa tingin mo ang ginagawa mo? Sinabi mo pa lang kanina na delikado ang buhay niya pero bakit ngayon ay hinaharangan mo ako?” pabulong na tanong ko rito na unti-unti na ngang lumalabas ang pagkainis kahit ano ang pigil ko rito.
“May nakita kang bala sa kaniya? Wala, hindi ba?” pabulong din niyang wika.
“E bakit siya walang malay?” tanong ko pa.
Nanahimik siya bigla.
“Bakit?” dagdag ko.
“Linagyan ko ng pampatulog ang natira sa adobong manok na kinain natin kanina,” sagot niya na hindi makatingin sa akin ng harapan.
“Ano?! Kaya naman pala alam mong hindi na niya ila-lock pa ang pintuan,” wika kong mas lalo pang nag-init.
“Ilagay mo na siya sa apartment natin. Huwag mo siyang gigisingin, patulugin mo lang siya sa sofa o sa kung saan man basta doon lang kayo,” utos niya sa akin.
“At ano naman ang gagawin mo rito?” tanong ko pa. “Ano ito, ako ang kailangang magbuhat sa kaniya tapos ikaw naman susunod lang sa akin habang nagsasalita ng kung ano-anong utos sa akin?”
“Ganun na nga. Ngayon ay bilisan mo na dahil hindi mo gustong maabutan tayo rito ng isang mamamatay-tao.
Wala na akong nagawa kaya kinuha ko na si Tita. Kahit na mabigat man ay kailangan ko pa rin siyang iligtas.
Binuksan niya ang pintuan at saka na ako nakalabas papunta sa pasilyo. “Isirado mo ang pinto at sa pagkakataong ito ay i-lock mo na!” utos ko naman dito.
Dali-dali akong pumunta sa ibaba ng hagdan, dala-dala ang para bang napakabigat na sako ng bigas. Nang dahil sa hindi ko na nakayanan pa ay sa sofa ko na lang siya hinayaang mahimlay.
“Ang bigat mo, Tita,” biro ko rito sabay unat ng aking mga kamay.
“Tara, matulog na tayo. Papatayin ko na ang ilaw para kung pumunta man dito ang salarin ay hindi niya pasukin ang apartment natin,” wika ni Raine na nakasunod nga sa akin. Ang tanging maling akala ko lang ay ang mag-iingay siya habang naglalakad.
Pagtingin ko sa orasan sa dingding ay alas-nueve y medya pa lamang naman. “Ang aga pa, ah,” sambit ko.
“Walang maaga kung nasa delikadong buhay ang Tita mo,” seryoso niyang sagot sa akin habang nakahawak na sa switch ng ilaw ng sala.
“Teka lang, kukunin ko muna ang kumot tsaka unan ko. Dito na lang ako matutulog katabi ni Tita,” wika ko rito sabay karipas nang takbo papunta sa kama.
“Bilis!” diin niya.
Pagkakuha ko ng mga gamit ay bumalik na ako sa sala. Kinumutan ko si Tita at saka nananitili akong nakaupo sa maliit na sofa na nasa gilid ng mahabang sofa kung saan nakahiga si Tita.
“Diyan ka talaga matutulog?” tanong niya.
“Babantayan ko na lang si Tita,” sagot ko.
“Suit yourself,” sambit niya sabay pagpatay ng ilaw.
Nabalot ng kadiliman ang buong kuwarto, ang tanging liwanag ay mula sa buwan na lumulusot sa bintanang nasa kaliwang bahagi ng silid.
Napakatahimik. Ang huli kong narinig na ingay ay ang pagsara ng pinto at ang mabilis na paglalakad mula sa labas ng silid namin.
“Raine? Nasaan ka?”
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro