41. Going Home
"I am one of those who never knows the direction of my journey until I have almost arrived."
‒ Anna Louise Strong
-----
Chapter 41:
Going Home
· · ────── ·𖥸· ────── · ·
ZANE
"Maya-maya po, darating na ang mga pulis para imbestigahan ka kaya naman kinuha mo na ang tasang ginamit mo na hindi mo nakuha dahil natakot kang makita ka rito ng kapatid mo sa bahay niya," ani pa ng kasama ko. "Kahit na hugasan mo pa po iyan at itapon ay may matitira pa rin diyan, dagdagan pa po ng DNA ng magiging bayaw mo."
"Does that mean that he doesn't like John for her sister?" pabulong na tanong ko.
"Younger sister," sagot nito.
"Hindi ko naman sinasadya ang nangyari," sagot nito.
"Nilason niyo po siya pero hindi sinasadya?" tanong ko.
"Oo, nilagyan ko ng lason ang inumin niya pero matapos niyang sabihin sa akin ang tungkol sa USB ay hindi ko na iyon itinuloy," sagot nito. "Pero aksidente niya pala iyong nainom noong nagmadali na ako dahil parating na ang kapatid ko."
"Bakit hindi niyo pa po tinapon man lang?" tanong ko pa.
"Nataranta na nga ako!" pasigaw nitong sagot.
"Sinabi niya po ba sa iyo ang tungkol sa bagay na iyon? Bakit hindi niyo siya sinundan?" wika ni Raine.
"Sinabihan niya akong ayaw niya na raw iyon makita. Bahala na raw ako kung ano ang gagawin ko roon dahil milyon daw ang halaga ng bagay na iyon–"
"Pero alam niyo po ba kung ano ang mga nasa loob ng bagay na iyon? Nasaan na po?" agad na pagputol ni Raine.
"Bakit ko naman sasabihin sa inyo? Marami na kayong nalalaman," sagot nito.
"Maaari ka pong kasuhan ng Attempted Murder kahit na sabihin mo pang aksidente mo pong nalason ang magiging bayaw mo," babala rito ni Raine. "Pero sabagay, may karapatan ka nga pong manahimik."
Nakatutok pa rin sa lalaking iginapos namin ang baril nang nahagip ng aking mata ang pagtayo ni Raine. Tumalikod ito at saka naglakad palayo kasabay ng pagsuot niya ng kaniyang guwantes.
"Bakit nga ba galit ka po sa kaniya? Dahil ba sa nangyari sa kanila o dahil po ba hindi nabuhay ang anak nila ng kapatid mo at sinisisi mo iyon sa kaniya?" tanong niya na binuksan ang isa pang silid sa katabi ng kusina.
Namatay? Wala nga ba talaga ang sinasabing anak nila?
"Hindi niyo naiintindihan!" wika pa ng lalaki.
"Akin na po ang USB. Hindi po sa inyo iyan," ani Raine na naglakad pabalik sa harapan ng lalaki. Hinawakan niya ang nakataling braso nito at saka hinayaan itong makawala mula sa itinaling kulay asul na lace.
"Raine, bakit mo naman–" Napaatras siya nang bahagya subalit nanatili ako sa aking puwesto na nakahawak pa rin sa dart gun.
"Ang USB lang po ang kailangan ko, sir," dagdag pa ni Raine. "O kung gusto mo po ay padaragdagan ko ang kaso niyo dahil sa pagnanakaw niyo. Plus, baka mabawasan ka rin po ng puntos sa langit."
Ang mga huling salitang iyon ang kumiliti sa akin. Kahit na napatawa ay pinigilan ko na lamang iyon upang hindi mapasama ang sitwasyon.
"Bakit ko ito ibibigay sa inyo at paano ka nakakasiguradong hindi ko kayo patatahimikin?" Agad nitong itinayo ang sarili at saka kumaripas ng takbo papunta sa amin.
Bago pa man makahakbang pa ay binitiwan kong muli ang pangalawang bala ng dart gun ni Raine na naging dahilan ng pagbagsak nito sa sahig.
Pinuntahan ito ni Raine at saka napaluhod sa tabi niya. "Nasaan po ang USB?" tanong ni Raine sa hindi pa masyadong nakakatulog na lalaki. "Ang USB po!"
Gamit ang natitirang lakas ay dinukot nito mula sa bulsa ng kaniyang itim na pantalon ang isang kulay itim at maliit na USB. Pagkaabot nito kay Raine ay nawalan na ito ng malay.
"Tara na," aniya at saka hinawakan ang aking braso pababa ng balkonahe para bumaba ulit sa bakal na hagdanan.
Nauna siyang bumaba mula roon at noong nakalapag na rin ay hinayaan ko ang aking mga mata na maghanap ng mga maaaring nakakita sa paligid.
Mabuti na lamang ay abala sa kani-kanilang ginagawa ang mga tao sa labas sabayan pa ng mga sasakyang maingay na dumaraan sa kalsada.
Pagbalik ko ng tingin sa aking kasama, nakita ko ang kaniyang anino na tuluyan nang naglalakad palayo. Para bang hinila ako ng aking sarili at napasunod na lamang ako rito nang patakbo.
"Sa wakas!" bulalas ko kasabay ng pagtapik ko sa kaniyang balikat.
"Uy, imbes walang pumapansin sa atin, ang ingay mo riyan," pabulong na wika niya sa akin. Sa kaniyang bulsa ay nilagay niya ang USB at saka napatingin sa likuran.
Bigla na lamang sumagi sa isip ko ang drayber ng kapatid ni Raine na iniwan pala namin doon. Pagtingin ko rin sa likod ay pansin kong wala sa mga nakaparada ang itim na kotseng iyon.
"Paano yung–" Isang paghawak sa braso ang nagpatigil sa akin na agad namang humila sa akin pakaliwa.
"Bilisan mo!" sigaw niya na may ngiti sa kaniyang mga labi.
Sumunod na lamang ako at saka hindi na rin napigilan ang sayang nararamdaman. Sa wakas ay makakapahinga na talaga kami!
Tumakbo lamang kami nang tumakbo hanggang sa mapahinto kami sa isang tawiran na kami lamang ang tatawid.
Tatawid na sana ako nang napaatras ako nang dahil sa kaniyang boses. "Sandali!" Isang motorsiklo ang dumaan sa aking harapan.
Muntik na iyon a.
Lalakad na rin sana siya patawid nang mapabalik din ito.
"Ito pala ang kahinaan mo, a," pabiro kong sabi rito.
"Bakit? Says the one who cannot cross either," sagot naman nito.
"A–" Magdaragdag pa sana ako ng biro upang mapikon ko man lang ito nang naputol ako ng paglingon niya.
Pagsunod ko sa kaniyang tingin ay naroon ang isang babaeng nakapayong. Tumingin-tingin ito sa kanan at kaliwa hanggang sa pagtawid ng isang truck ay tinawid na rin niya ang kalsada. Agad namang sumunod si Raine at pati na rin ako.
Pagtungtong sa kabilang ibayo ay nagsimula na naman ang pagtakbo namin.
"Bakit naman kasi walang nagbabantay roon?" tanong niya habang iniiwasan namin ang mga taong rumarampa pa sa daan.
"Baka naman nagpahinga muna," pabirong sagot ko na lamang, pilit na hinahabol ito. "Ikaw kaya ang tumayo roon nang matagal."
Paglampas namin sa isang grupo ng mga kabataang kakagaling pa lang sa shopping ay bigla na lamang siyang nawala sa paningin ko. Ang alam ko ay diretso lang ang papunta sa bahay namin subalit wala namang Raine na makikita sa daan.
Iniwan na naman ba ako ng babaeng iyon?
Napahinto ako sa gilid ng isang tindahan habang hinahabol ang paghinga. Maaabutan na naman sana ako ng mga kabataang iyon nang pagtingin ko sa kanan kong bahagi ay naroon ang kasama kong dala-dala pa rin ang kaniyang bag.
"Raine, ano ba?" reklamo ko kahit alam kong hindi naman niya ito naririnig. Sa muli ay sinubukan ko itong habulin.
Medyo kinakapos na ako ng hininga nang sa wakas ay napahinto na rin iyon. Tinapik ko ang kaniyang kanang balikat at saka huminto upang hulihin ang aking hininga.
"Raine, tama... na," wika ko habang hinihingal. Paglipad ng tingin ko sa aming unahan ay naroon ang ospital na pinuntahan namin kahapon.
"Anong ginagawa... Anong ginagawa natin dito?" tanong ko pa.
"Gusto ko lang bisitahin si Mrs. Hernandez," sagot ni Raine. Kinuha nito mula sa kaniyang bag ang isang pulang kuwarderno na nang tingnan kong mabuti ay ang journal na pinaghirapan naming kunin kahapon.
Naglakad muli kami palampas sa dinaraan ng mga ambulansiya at iba pang sasakyang pumaparada roon. Pag-akyat sa hagdan papunta sa pasukan ay binati kami ng isang guwardiya.
"Good afternoon, ma'am. Good afternoon, sir," bati nito sa amin kasabay ng pagbukas niya ng pinto para sa amin.
Dumiretso kami sa loob kung saan naroon ang isang nagbabantay na babae. "Good afternoon, ma'am, sir, how can I help you?" tanong nito.
"Nandiyan pa po ba si Mrs. Cassandra Hernandez?" wika ni Raine rito.
"Naroon pa rin po sa kuwarto niya kahapon. Sa–"
"Sige po. Salamat." Hindi pa nga natatapos ang sagot ng bantay nang umalis kaagad ang kasamahan ko.
"Salamat po," sagot ko rin bago sundan si Raine bago pa man ako muling iwan nito sa ere.
Umakyat kami sa pangalawang palapag hanggang sa narating muli namin ang mga silid na may divider na matigas na mga salamin.
Pagdating namin doon ay isang nurse lamang ang nakaupo sa tabi ng bibisitahin namin. Nakaupo na rin si Mrs. Cassandra at malugod na nag-uusap ang dalawa na may kasamang tawanan.
Hindi pa sana kami papasok nang magtama ang mga mata namin ng pasiyente. "Raine!" bulalas nito.
"O sige po. Nandito na po pala ang bantay ninyo," wika ng nars dito. Tumayo ito mula sa isang kulay berdeng monoblock at saka naglakad palapit sa amin.
"Salamat po sa pagbantay sa kaniya," mahinang sambit ni Raine na sinagot naman ng isang ngiti ng nars.
"Kung may kailangan kayo, nandoon lang ako sa silid namin, a," ani nito at saka na bumalik sa kuwartong katabi lang ng kinatatayuan namin.
Dumiretso na kami kay Ma'am Cassandra at saka ako umupo sa monoblock matapos maupo sa katabi ng pasiyente ang kasama ko.
"Ma'am," wika ni Raine habang iniaabot ang kuwarderno ng kapatid nito. "Ayos na po si Ma'am Angelica."
Kinuha ng babae ang iniabot sa kaniya at saka inilapag lamang ito sa lamesang katabi ng kaniyang kama.
Napapikit na lamang si Raine nang dahil sa hindi ko malamang dahilan hanggang sa binalot siya ng isang matamis na yakap ni Ma'am Cassandra kahit na may suwero pa ito sa kamay.
"Ma'am?" tanong ni Raine.
"Sorry," sagot nito habang dahan-dahang inalis ang kaniyang ibinigay na yakap. "Salamat. Nasaan na siya ngayon?"
"Pinoprotektahan na po ng pulisya," sagot ni Raine kasabay ng isang pagngiting ramdam kong may mas malalim pang kahulugan. "At alam niyo po ba na napakulong na po yung taong nagsimula ng sunog?"
Dalawa nga ang taong naroon subalit isa lamang ang mayroong malinaw na itsura sa mga iginuhit ng kapatid nito.
"Yung isa naman po na kasabwat, sinabi sa akin ng mga pulis na matagal na pong patay," dagdag pa niya.
Patay? Naku, buti naman!
Nasuklian ang mga salitang iyon ng isang malaking ngiti galing sa babae. "Yung... Yung anak ko?"
Isang kakaibang pakiramdam ang tila ba gumapang papasok sa aking buong katawan mula paa hanggang ulo. Patay na ang anak niya. Delikado kapag nalaman nito ang nangyari.
"Mrs. Hernandez..." Bago pa man makasagot si Raine ay bigla na lamang napasanday sa balikat niya si Ma'am Cassandra na para bang kakaiba na ang pakiramdam.
"Mrs. Hernandez?" pagtawag dito ni Raine.
Tatayo na sana ako nang dumating ang isang nars na may dala-dalang mga gamit. "Good afternoon po. Kukuha lang po ako ng impormasyon sa blood pressure ni Ma'am."
Tumayo ako mula sa aking inupuan at saka tinulungan ang dalawa na iayos ang higa ni Ma'am Cassandra. Kinuha ng nars ang kaniyang mga gamit at nilagyan ng oximeter ang daliri nito.
"Naku!" bigla na lamang nitong bulalas. Kinuha niya ang sphygmomanometer at saka tiningnan ito.
"60 over 40," wika ng nars.
Hindi ito maganda! Napakababa ng dugo niya!
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro