Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

3. The Ink's Hidden Path

"Remember one thing... the word justice isn't a word you can involve in any occasion... it's something we must secretly in our heart."

-Miwako Sato

-----

Chapter 3:
The Ink's Hidden Path

· · ────── ·𖥸· ────── · ·
ZANE

Nanatili ako sa coffee shop ng ilang oras hanggang sa maging 20 porsyento na lang ang battery ng selpon ko. Muli akong nahatak sa kung ano-anong nakita ko sa social media.

Ubos na ang kape at chocolate crinkles na ibinigay sa akin ni Tita.

Paglingon ko sa salaming pader ng shop, nakita ko ang tuluyan nang paglubog ng araw sa mga matataas na gusali ng Maynila. Sa paligid, wala nang ibang customer sa loob, tanging mga upuan na lamang na nakaayos sa aking harapan.

Handa na sana akong tumayo at humiga sa kuwarto nang bigla akong napahinto. Ang mga salitang nakasulat sa papel ang kumuha muli ng atensiyon ko.

"Sige na nga!" Kinuha ko ang maliit na piraso ng papel na iyon at saka ito inalagay sa case ng aking selpon.

"Sa sunod na kita babasahin," wika ko sa librong isinara kong muli. Kinuha ko ito at ibinalik sa puwesto kung saan ko ito unang nakita. Kinuha ko na rin ang platito at tasang ginamit ko at saka inilagay ito sa counter.

Wala si Tita roon at maaaring nasa kusina, naghuhugas. "Tita, salamat po!" sabi ko. O baka pumasok siya sa apartment gamit ang pintuan na mas malapit doon.

"O, sige," sagot niya mula sa hindi kalayuan. "Balik ka na sa kuwarto mo. May manok sa ref na pinabili ng kapatid mo kanina."

"Manok po? Refrigerator?" tanong ko.

Para saan ang manok na iyon, kahit na bukas pa naman babalik si Ate sa inuupahan niyang unit dito?

At saka, hindi ba’t napakamahal ng bayarin sa refrigerator? Kailangan pa bang may ganoon kami sa inuupahang lugar namin?

"Ang sabi niya, lutuin mo raw ng kahit anong gusto mo," sagot pa ni Tita. "Pwede mo raw iyon pagkasyahin hanggang Lunes para ibaon mo. At saka, huwag kang mag-alala sa bayarin mo sa refrigerator dahil may nagbabayad na doon."

Pumasok sa isip ko ang nakasulat sa maliit na papel.

"Sino ba ang misteryosong babaeng iyon? Paano niya nalamang may kinalaman sa manok ang gusto kong ulam ngayon?" bulong ko sa sarili.

࿐ ࿔*:・゚

Matapos ang lahat, pumunta na rin ako sa wakas sa ikalawang palapag ng gusali, kung saan naroon ang bago kong bahay.

6:45 p.m. Pagtingin ko sa aking dala-dalang selpon ay may notipikasyon na isang mensahe rito.

"Dapat talaga bukas na lang ako nagpunta rito," wika ko bago pa man umalis sa pasilyong kinatatayuan.

Mama.

"Ano kaya ang sinabi niya?"

Pinindot ko ang notipikasyon at saka ko na nakita ang maiksing text ng aking inang nasa bahay.

Matulog ng maaga, anak. Huwag puro selpon.

Unang araw kong mawawalay sa kanila. Malungkot sa pakiramdam subalit nang mabasa ko ang mga katagang iyon, pati na ang ginawa ni Ate para sa akin, ay para bang nabunutan ako ng tinik sa puso.

Ibabalik ko na sana ang selpon ko sa aking bulsa nang makuhang muli ang aking atensiyon ng maliit na piraso ng papel na iyon. "Ano ba naman? Sa tingin niya ba ay bibigyan ko siya ng pagkain ko?"

Hindi ko naman siya kilala at saka pera naman ni Mama ang ginamit para mabili ang manok na iyon.

"Bahala siya—"

Ibabalik ko na sana ang dala kong telepono nang maamoy ko ang isang pamilyar na amoy na nagmumula sa isang unit doon.

"Sino ang nagluluto ng adobo?" Nabalot ng mabigat na pakiramdam ang aking puso na nagtulak sa akin papasok sa aking apartment.

"Sakto!" Sa aking harapan ay naroon ang babaeng nakita ko kanina. Nakahawak din siya sa doorknob na para bang bubuksan din sana ang pinto.

Napahawak na lamang ako sa dibdib at nanlaki ang mga mata kasabay ng pakiramdam na para bang bigla na lamang huminto ng isang pagtibok ang aking puso.

"Hay, nagulat ako sa iyo!"

"Tara, kumain na tayo," wika pa niya. Dumiretso lamang siya pabalik sa kusina may dala-dalang isang mangkok.

Paglampas niya sa akin ay naiwan ang amoy ng naamoy ko kaninang niluluto. Dumiretso siya sa isang kahoy na upuan at inilatag ang dala-dala sa center table. May nakahandang kanin sa isa pang mangkok, at mga pinggan, kutsara, at tinidor na nakalatag.

Umupo lamang siya roon at kinuha ang kaniyang selpon.

Babalik na sana ako sa kuwarto nang hindi ako tinigilan ng naguguluhan kong utak. Marami akong gustong itanong sa kaniya at hindi ko alam kung makakatulog pa ba ako kung hindi ko iyon malalaman.

"Uh..."

"Ano pang hinihintay mo? Tara na, kumain na tayo." Hindi pa nga ako nakapagsasalita nang marinig kong muli ang kaniyang malamig na boses.

"Kumain? Tayo?" tanong ng naguguluhan kong sarili.

"You heard me right. Tara na bago pa ito lumamig," sagot niya. Ibinaba niya ang kaniyang selpon at saka humarap sa akin.

Nang dahil sa ramdam ko na rin ang gutom ng aking kalamnan ay nahila rin ako papunta sa upuan sa kaniyang harapan.

Nagsimula na siyang maghain ng sariling pagkain at saka napasubo na. Sumunod ako sa kaniya kahit naiilang man.

Nabalot ng katahimikan ang palapag. Hindi siya tumingin sa akin, sa halip ay para bang may hinihintay siyang notipikasyon sa kaniyang selpon. Pasilip-silip siya rito ng ilang beses.

"Kaya naman pala may naaamoy akong masarap." Paglingon ko ay naroon si Tita. May dala-dala siyang isang plato at saka nakatali na ang kaniyang buhok.

"Kain po tayo, Tita," paanyaya ng babae.

May panahon na nakikita kong mabait siyang tao subalit hindi nawawala ang pangamba na baka mali ang hinala ko. Magaling naman akong tumukoy ng ugali ng tao subalit hindi ko ba alam kung bakit hindi ko siya mabasa.

"Nagluto ka na pala. Ito may dala akong piraso ng cake na natira sa niluto ko para sa coffee shop," wika rito ni Tita. "Alam mo, Zane, magaling magluto iyang si Raine."

Huminto siya sa harapan namin at saka inilapag ang dala-dalang mocha cake.

"Salamat po, Tita. Niluto ko po yung manok sa ref." Nang marinig ko ang kaniyang kasagutan ay muling nanlaki ang aking mga mata at bumaba ang aking kaligayahan.

"Mawalang-galang na, Ate, pero niluto mo ba ang manok na pinabili ni Ate kay Tita?" Napatigil ako sa pagkain at naharap sa kaniya ang nag-aalab kong mga mata.

Gipit kami sa pera, at isa iyon sa mga dahilan kung bakit ako nakihati sa bayarin sa apartment na pinapatakbo ng Tita ko.

Hindi maaaring manakawan na lang ako bigla. Kung ganoon lang naman ang mararanasan ko sa bahay na iyon, mas mabuti pang maghanap na lang ako ng ibang matutuluyan kahit na hindi alam nina Mama at Papa.

"Sa iyo ba iyon?" tanong niyang nagpapakainosente ang mukha.

"That was supposed to be mine! Alam mo bang masama ang kumuha ng hindi sa iyo? Mababayaran mo ba iyon?" pagpapatuloy ko. Sa inis ay napakuyom na ako ng kamao.

Sa mga sandaling iyon ay natapos na rin siya sa pagkain at nilapag ang kaniyang pinggan sa mesa. "I suppose the chicken I asked Mrs. Nuñez to buy wasn’t mine after all."

Nagpabili rin siya ng manok? T-Tama ba ang narinig ko?

"Noong nag-grocery ako kanina, nagpasabay na rin siya dahil hindi siya mahilig lumabas ng bahay," pabulong na sagot ni Tita sa akin.

Binaba nito ang kaniyang dalang maliit na bag at saka napaupo muna sa mahabang sofa na nasa sala. Doon ay inilatag niya ang ilang mga papeles.

"Dito na muna ako mag-aayos nito, kung ayos lang sa inyo," wika niya.

"Ayos lang po," sagot ng babae na para bang walang nangyari.

Nanahimik na lamang ako at hindi alam kung ano ang sasabihin. Hindi ko maigalaw sa hiya ang aking katawan kahit na gustong-gusto ko nang umalis sa mga oras na iyon at magwala sa kuwarto.

"Pasensiya na kung ganoon ang naisip mo," wika pa ng babae na nalapag sa akin ang kaniyang kayumangging mga mata. "Kanina ay sinabihan kitang magluto ng paborito mong adobo pero nang dahil sa alam kong baka matagalan ka pa sa baba ay ako na lang ang gumawa. Magandang nagpabili ako ng mga makakain kay Tita kanina para may kahati ako kung gusto mo man."

Napapula na lamang ang aking mga pisngi dahil sa pag-ooveract ko kanina. "Ako dapat ang magsabi ng sorry," pabulong kong wika.

"Apology accepted! Ngayon ay kumain ka na. Walang ibang kakain niyan kaya kung gusto mo ay sa iyo na lang," sagot niya, kaagad na binigyan ako ng isang ngiti. "Pero kapag hindi mo naman naubos, ibigay na lang natin kay Tita."

"Ubusin niyo na iyan, nag-order na lang ako ngayon kasi may bisitang darating sa bahay," wika ni Tita na abala sa sinusulat.

Kinuha ko na lamang muli ang aking kinakain at saka ipinagpatuloy ang pag-ubos dito.

Sa muli ay nabalot ng katahimikan ang silid.

Habang kumakain ng kalahati ng cake ni Tita, kinuhang muli ng babae ang kanyang selpon. Sa oras na iyon, nakita ko sa ekspresyon niyang parang may nagpagulo sa kanya.

"Lorraine de Verra, tama ba?" Pagbanggit ko ng pangalang iyon ay napatigil siya sa ginagawa.

Kinuha ko ang aking selpon at saka ipinakita sa kaniya ang screenshot ng isang post na kung saan ay naka-tag siya.

Isang ngiti ang muling nagkurba sa kanyang mga labi. "Magaling," sagot niya. "Anything else?"

"Nakita kong isa ka palang manunulat ng mga nobela sa isang social media app," sambit ko rito. "Napansin ko lang na isang beses lang nabanggit ang buong pangalan mo sa mga post ng mga libro mo. Karamihan doon nakasulat ang L.A.V."

"Kung naaalala mo pa kanina ay sinabi ko na sa iyong nagsusulat ako. Sayang nga lang kasi iba ang mga gusto mong basahin," dagdag niya.

"Nakita ko pa na marami pang posts na naka-tag ka." Nagbago ang ekspresyon sa aking mukha nang sambitin ko ang mga salitang iyon. Marami pa nga akong nakita at ang iba sa mga iyon ay para bang hindi kapani-paniwala. "Nakita ko rin ang website na ginagamit mo para mag-blog. Nakita ko ring nabanggit mo na ang pangalan ko roon. Pero baka naman kapangalan ko lang naman."

"Ano pa ang nalaman mo tungkol sa akin?" tanong niya na napatingin ulit sa kaniyang selpon.

"Ang dami mo palang talento. Isa sa mga nakita ko na tumatak sa 'king isip ay ang litrato mo na kasama ng isang batang pulis," wika ko sa kaniya. "Mahiyain ka sa litratong iyon pero nakapagtataka lang kung bakit ganoon ang caption ng post. Sabi doon 'Young Girl's Detective Skills Crack Murder Case'."

"Totoo ba o photoshop lang iyon ng mga fans ng marami mong talento?" dagdag ko pa.

Tumayo siya at saka napatingin muli sa selpon. "Paano kapag sinabi ko sa iyong totoo iyon?"

"Naku, may nangyari naman palang suicide! Apat na ang nakikita na lang na binabaril ang sarili nila," pagdiin na lamang ni Tita habang nakatingin sa kaniyang selpon.

Isang notipikasyon ang aking narinig mula sa selpon ng tinawag ni Tita na Raine. "Isang sulat?" wika niya habang nakatingin rito.

Isang sasakyan ang para bang huminto sa tapat ng gusali. Narinig ko ang maingay na tunog ng preno bago ito huminto ng tuluyan.

"Tita, may pupuntahan po ulit ako. Baka magabihan na naman," dagdag pa niya sabay lakad papunta sa pintuan.

"Hindi ba napapadalas na iyan? Ako ang malalagot kapag may nangyaring masama sa iyo, e," payo ni Tita.

"Bakit? Saan ka pupunta? Gabi na, a," sita ko. Kababae niyang tao pero aalis pa rin siya mag-isa.

"Alam mo, mas maganda kung sasamahan kita para malaman ko kung maayos ang lagay mo." Itinigil ni Tita ang ginagawa at saka iniayos ang lahat pabalik sa kaniyang kulay pulang handbag.

"Tita, hindi na po kailangan," wika niya.

Babae rin si Tita at saka medyo hindi na maayos ang katawan niya. Kung saan man pupunta ang babaeng nasa harapan ko ay baka madamay lang si Tita dahil sa kaniya.

Ako lamang ang lalaki sa silid na iyon at alam kong kung may mangyari nga naman talagang masama sa Raine na iyon ay mapapahamak si Tita.

Kung madadamay si Tita, madadamay din ako. Baka mawalan ako ng matitirhan o kaya'y makulong pa.

"Ako na lang ang sasama," wika ko sa kanila.

Napatigil sa paglalakad ang babae at saka napaharap sa akin. "Sigurado ka ba?"

"Huwag kang mag-alala, Tita. Ako na ang bahala sa alaga mong iyan," sagot ko na hindi alam kung ano ba ang aking ginagawa.

"Kung ganoon ay tara na. Hindi ako ang pumilit sa inyo kaya sumunod ka na lang sa mga sasabihin ko mamaya," wika niya sabay bukas ng pinto. "Magsisimula na ang laro!"

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro