Unconditionally
What is your deepest regret?
Mine is not being able to tell the woman I love how much I love her. Nakakapagsisi. Nakakapanghinayang. Hanggang sa huling hininga niya, hindi ko nasabi kung gaano ko siya kamahal. Bakit kamo? Dahil sa tang-inang hiya na 'yan.
I grew ashamed of her and I hated myself for that.
I was never the type to tell someone how I feel towards them. Kumbaga, ako iyong nagmamahal ng tahimik. Ang masaklap nito, kahit sa mga huling oras niya sa mundo ay hindi ko man lang iyon nasabi sa kanya.
Sa kabila nang lahat ng nagawa niya para sa akin, hindi ko man lang iyon nasuklian ng isang simpleng 'Mahal kita'. Puro sarili ko lang ang iniisip ko. Hanggang sa huli, naging makasarili ako. Hindi ko maikukumpara ang sarili ko sa kanya dahil malayong-malayo kami. Milya-milya.
Siya iyong tao na inuuna ang iba kaysa sa sarili niya.
Ilang buwan din siyang nagtiis na hindi magkape dahil sa akin. Natuto siyang kumain ng gulay para lamang masiguradong magiging malusog ako balang-araw. Ni minsan ay hindi siya nagreklamo. Ang sabi niya, ako raw ay isa sa pinakamagagandang biyaya na natanggap niya. Isang ngiti ko pa lang daw, nawala na ang lahat ng sakit na naramdaman niya noon.
Parang milagro raw.
Ilang taon din siyang nagtiis na hindi makabili ng bagong damit o bag dahil mas importante ang mga pangangailangan ko. Mas importante ang gatas at diaper. Mapagtitiisan naman niya ang mga damit na ilang taon na rin niyang ginagamit-gamit.
Halos araw-araw siyang puyat noon dahil sa pag-aalaga sa akin. Wala kasi akong pakialam kung pagod siya o inaantok. Basta ako, kapag gusto kong umiyak, iiyak ako. I was so selfish back then, but she forgave me because I didn't know.
Bata pa kasi ako.
Nagsikap siya sa pagtatrabaho para may maipangpaaral siya sa akin. Sa isang magandang school pa niya ako pinapasok, para raw siguradong matututo ako. Nagsikap din ako dahil gusto kong maging proud siya sa akin. Tuwang-tuwa na siya kapag uuwi akong may baong kwento. Mas lalo siyang sumasaya tuwing ipagyayabang ko sa kanya ang mga matatas na markang nakukuha ko sa quizzes at homeworks.
Minsan pa nga, bibigyan niya ako ng chocolates bilang premyo.
Hindi ko alam kung ano ang nangyari. Hindi ko alam kung bakit bigla akong naubusan ng gana na kausapin siya. Noong tumuntong ako ng high school, lumawak na ang mundo ko. Hindi na school-bahay lang. Nagkaroon ako ng maraming kaibigan. Bukod sa pag-aaral ay naging abala na rin ako sa kanila.
Tuwing kinukumusta niya ako ay wala na akong masabi. Sa eskwelahan pa lamang kasi ay naubos ko na ang kwento sa mga kaibigan ko. Pag-uwi ko naman sa bahay, kausap ko pa rin sila sa telepono o sa social network.
Unti-unti akong naging malayo sa kanya dahil pakiramdam ko ay hindi na kami magkakaintindihan. Ano nga ba naman ang alam niya sa mga crush-crush na 'yan? Ano nga ba naman ang alam niya sa latest trends? Nasa bahay lamang naman siya madalas.
Tuwing hapunan ay pinipilit niya akong mag-open up. Magkwento raw ako tungkol sa maghapon ko. Pero imbes na maengganyo ay naiinis pa ako sa kanya. Pakiramdam ko kasi, pinanghihimasukan nya ang buhay ko.
Ilang beses ko na rin siyang nasagot, dahil may gusto siyang ayaw ko naman. Nakakokonsensya nga e. Kasi kapag pinagtaasan ko siya ng boses, bigla na lamang siyang mananahimik. Ako naman, matutuwa dahil sa wakas, natahimik na rin ang nagger. Makapag-iisip ulit ako.
Pero isang araw, nahuli ko siyang umiiyak sa kwarto niya.
Hindi ko siya nagawang tanungin kung bakit dahil pakiramdam ko ay ako naman ang manghihimasok kung sakali. Umalis na lamang ako ng bahay. Nagliwaliw kasama ang mga kaibigan ko. But at the back of my head, nandoon pa rin ang imahe niya, nakaupo sa gilid ng kama at umiiyak.
Nang makabalik ako ng bahay ay maayos na ulit siya, walang bahid ng luha sa mga mata. Nginitian niya ako at ako naman ay ngumiti ng pabalik. Pagkatapos noon, ayos na ulit kaming dalawa. Hindi na namin pinag-usapan iyong nangyari. Hindi ko na rin itinanong kung bakit siya umiyak.
Ibinaon na lamang namin sa limot ang lahat.
Nang makapag-college ako, laking tuwa ko dahil malayo ako sa bahay. Ako ang boss ng sarili kong buhay. Pinili ko ang kursong gusto kong kunin at kahit mahal ay sinuportahan niya ako. Marami rin siyang magbigay ng allowance noon kaya tuwang-tuwa ako. Ang bilin nya lamang sa akin ay umuwi ako tuwing weekends. Dalhin ko raw ang labahin ko pauwi at siya na ang bahalang maglaba.
Ginawa ko naman iyon noong una. Wala pa kasi akong gaanong kakilala sa university na pinapasukan ko. Uuwi ako sa amin tuwing weekend, dala ang mga labahin ko. Pagdating ng Linggo ay tuyo na ang mga iyon.
Babalik ako sa boarding house dala ang malilinis kong damit at ilang tupperware na may lamang mga ulam.
Hanggang sa natuto akong bumarkada.
Naging madalang na madalang na ang pag-uwi ko. From weekly to twice a month, hanggang sa naging buwanan na lamang. Tumatawag sya halos araw-araw para kumustahin ako pero nagsawa akong kausapin siya kaya hindi ko iyon sinasagot.
Tumatawag na lamang ako kapag wala na akong pera. Kapag mangungumusta siya, mapipilitan akong sumagot ng 'Ayos lang', tapos ay tatapusin ko na kaagad ang tawag.
Hindi ko alam na nalungkot pala siya dahil sa matipid kong sagot. Hindi ko alam na nag-aalala pala siya dahil madalas kong hindi sagutin ang tawag niya. Hindi ko alam na gusto pala niya akong magkwento, kagaya ng dati. Hindi ko alam na gusto pala niyang maging malapit kaming muli sa isa't isa, kagaya ng dati.
Nang makahanap ako ng trabaho, sinabi ko sa sarili kong babawi ako sa kanya. Ibibigay ko sa kanya ang una kong kita. Pero hindi iyon nangyari. Mahal kasi ang renta sa apartment sa Maynila. Gastos ko pa sa pagkain at pamasahe. Sa suweldo kong kulang-kulang 15K, tatlong libo na lang ang naibigay ko sa kanya. Pero masayang-masaya siya noon. Ang sabi pa nga niya, ayos lamang daw na hindi ko sila padalhan. Naiintindihan naman daw niya.
Sinabi kong babawi ako sa susunod, pero maraming gastusin. Bumili muna ako ng bagong cellphone at laptop. Nang lumaki ang sahod ko, nag-ipon naman ako para makabili ng kotse. Binibigyan ko naman siya ng pera. Kahit magkano naman ang ibigay ko, ayos lang sa kanya.
Ang gusto lamang niya ay huwag ko siyang kalimutan.
Napansin kong unti-unti nang humihina ang pandinig niya at lumalabo na rin ang kanyang mga mata. Nahihiya man, napilitan siyang humingi ng perang pambili ng gamot. Ang sabi ko sa kanya, kung may kailangan siya ay magsabi lamang siya. Ano ba naman iyong ilang libo kung sa gamot naman gagastusin, hindi ba?
Pero siya kasi iyong tipo ng tao na kahit napakarami na nang naibigay sa iba, hiyang-hiya pa ring humingi kahit kakarampot. Masaya na siya sa second-hand. Masaya na siya sa mga napagsawaang damit o bag. Masaya na siya sa lotion o pabango na kakalahati na lamang ang laman.
Ang gusto lamang niya ay huwag ko siyang kalimutan.
Pero hindi naging madali ang pakikipag-usap ko sa kanya. Minsan ay aakalain mong nag-aaway kami dahil sa lakas ng boses ko. Hindi na niya kasi ako marinig. Ilang beses na rin akong nainis. Kapag kauusapin niya ako, nagpapasak na agad ako ng earphones, pero wala pa rin siyang tigil sa pagdada. Kahit alam niyang hindi ako nakikinig, nagkikwento pa rin siya nang paulit-ulit.
Minsan ay naawa na ako sa kanya. Salita siya nang salita pero walang nakikinig. Nakaharap siya sa akin pagkikwento, pero ako ay nakaharap sa TV, malakas pa ang volume para hindi ko siya marinig.
Ang sabi niya sa akin isang gabi, "Anak, mag-usap naman tayo." Hawak pa niya ang kamay ko noon, parang nagmamakaawa. Ang sabi ko sa kanya, "Ma, bukas na lang. Busy ako."
Nag-i-scroll down yata ako sa Facebook noon. Hindi ko na maalala. Basta ang alam ko, hindi ganoon kaimportante ang ginagawa ko para hindi siya mapagbigyan.
Ngumiti lamang siya at sinabing, "Sige, bukas na lang." Tapos ay pumasok na siya sa kwarto niya para matulog.
The sad thing was... she didn't wake up the next day.
Nagtaka ako noon dahil tanghali na. Ini-expect ko na pagkagising ko ay handa na ang almusal dahil tapos na ang misa at nakabalik na siya galing sa simbahan. Paalis kasi ako ng hapon kaya tanghali pa lamang ay abala na siya sa pagluluto at pag-aayos ng gamit ko.
Pero tahimik ang buong bahay noon. At nang bisitahin ko siya sa kwarto, nakahiga pa rin siya. Akala ko noon ay tulog lang siya.
Napakaaliwalas ng mukha niya noon. Para bang wala na ang bigat ng mundo. Payapa.
Niyugyog ko ang balikat niya. "Nay, gising na," sabi ko.
Usually, isang yugyog ko lang sa kanya, gising na sya. Pero hindi siya nagmulat ng mata. Natakot ako kaya pinulsuhan ko siya. Parang bumagsak ang buong mundo ko nang maramdaman kong wala na siyang pulso.
Nang mga oras na 'yon, litong-lito ako. Paano na lamang ako? Ano na ang gagawin ko sa buhay ko ngayong wala na sya? Saka ako natigilan. Hanggang sa huli pala, sarili ko pa rin ang iniisip ko.
Paulit-ulit kong sinabi sa kanyang mahal ko sya, pero wala na. Huli na ang lahat. Ni minsan ay hindi niya narinig ang mga salitang iyon. Siguro ay iyon lamang ang gustong-gusto niyang hingin mula sa akin, pero hindi siya nagsabi dahil gusto niyang ibigay ko iyon ng kusa, kagaya ng pagmamahal na ilang taon niyang ibinigay ng kusa.
My deepest regret? It's not telling my mother how much I love her. She deserved to know.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro