Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Una't Huli

UNA'T HULI
isinulat ni Endee (loveisnotrude)

ALAM KONG SA una lang talaga masaya—sa umpisa lang. At mas lalong alam kong sa bandang huli, ako lang din ang mahihirapan, masasaktan, at . . . magsisisi kung bakit ba hinayaan ko pang umabot sa ganito ang lahat.

Alam ko naman na ang mangyayari sa amin.

"Ano'ng nangyari sa atin?"

Pero hindi ko alam na kahit alam ko yung sagot sa tanong na 'yon, mahihirapan pa rin akong sagutin mismo.

Bigla ko tuloy naalala yung mga una't huli naming dalawa.

Unang beses na nagkita.

"Ang pogi mo."

"Alam ko."

Hindi ko inaasahan yung sagot niya kaya natawa na lang ako na siyang ikinatawa niya rin naman.

Matapos ang ilang buwan na sa online lang kami nag-uusap dahil sa work-at-home setup namin sa trabaho, nakapagkita na rin kami sa wakas. At hindi ko inaasahan na kung gaano siya kakulit online ay gano'n din pala talaga sa personal.

"At ang kapal din ng mukha mo."

"Oks lang. At least pogi pa rin . . . lalo na sa paningin mo."

Huling beses na nagkita.

"'Wag mo nga akong ngitian ng ganyan, pangit nito!"

At ang loko, mas lalo lang akong nginitian.

'Di ko na napigilan ang sarili at binato na siya ng unan na yakap-yakap ko.

"Sa TV ka nga mag-focus at 'wag sa akin!"

Muntik ko na siyang batuhin ulit dahil tinawanan niya lang ako. "Ang kulit mo kasing umiyak, e. Parang bilang lang yung mga luha na pumapatak."

Unang beses na naging open sa isa't isa.

"Ano'ng sabi ng parents mo?"

"Hindi sila gano'n ka-supportive," sagot ko. "Pero wala naman na kasi silang magagawa. Matagal ko na ring
pinag-iisipan na mag-move out, e."

"Natatakot lang 'yon sila."

"Saan naman, aber?"

"Syempre alam nilang di ka marunong sa gawaing bahay."

"Ay, wow! Nagsalita yung hindi alam na kailangan paghiwalayin ang puti sa dekolor kapag lalabhan na at isasalang sa washing machine."

Huling beses na naging open sa isa't isa.

"Alam mong may gusto ako sa iyo?"

"Oo nga."

"Paano?"

Nagkibit-balikat siya. "Wala. Basta alam ko lang."

"Gano'n ba ako ka-obvious?"

"Hindi nga," sagot niya nang natatawa. "Sabihin na nating I'm too good at reading-between-the-lines kind of thing kaya alam kong may gusto ka sa akin."

Hindi ko na alam ang sasabihin kaya hinayaan ko na lang na kainin ng katahimikan ang paligid.

Hanggang sa ma-realize kong ito na rin ata ang right time para sabihin mismo ang nararamdaman ko sa kaniya.

"Ang totoo niyan kasi," panimula ko. "I really like you a lot, more than I've liked anyone for a long time and honestly, it kinda scares me."

Isang sentence pa lang nasasabi ko pero grabe na yung kaba sa dibdib ko.

"Kasi sa totoo lang, I thought it was just a happy crush and I told myself na mawawala rin naman 'to anytime soon kaya hinayaan ko lang."

He's listening. Humugot ako ng isa pang malalim na buntonghininga bago nagpatuloy. "Pero gano'n pala feeling, 'no? Getting crazier and crazier. It looks like I'm running into a maze even if you know it has no end. I don't want to ruin our friendship just because of these stupid feelings.

"Pero deep inside, I really wanted to confess and tell you how much I like you. But I'm afraid of the fact na I don't even stand a chance. So, maybe it's best to give myself a space for realization to move on and to focus on how other things make me happy."

Unang beses na nag-away at nagkatampuhan.

"Paano kung napahamak ka? Nakailang paalala na ako sa iyo, 'di ba?"

"E, hindi nga naman ako napahamak. Look, I'm still alive, hello. Kaya bakit ba ang init ng ulo mo, ha?"

"So, hihintayin mong mapahamak ka pa talaga?"

Mas lalo ko lang siyang inirapan dahil sa sinabi niyang 'yon. "Ang OA mo na."

"I'm just worried!"

"Para sa isang friend, ang OA mo na mag-worry." Diniinan ko pa yung pagkakasabi sa "friend" para ipa-realize sa kaniyahg di na ako natutuwa sa kung paano siya mag-alala sa akin.

"Hindi na ba ako puwedeng mag-alala as a friend? Wala na ba akong katapatan?"

"Hindi talaga kasi lalo lang lalalim yung nararamdaman ko sa iyo," ang gusto ko sanang sabihin pero dahil gusto ko nang matapos 'to, nag-give up na lang ako at sinabing, "Fine. Sorry na. Hindi na mauulit, okay? Magtitira na ako ng pang-uwi kapag mag-iinom para hindi kung sino-sino yung naghahatid sa akin."

Huling beses na nag-away at nagkatampuhan.

"Akala ko ba wala na kayo?"

"Wala na nga."

"Pero nakipagkita ka pa rin?"

"May binalik lang siya sa akin."

Alam kong wala naman akong karapatan pero di ko pa rin mapigilang hindi mainis sa kaniya. Tama nga yung hinala ko kanina nung sinabi niyang may lakad siya. Ang hindi ko lang maintindihan, they've already broke up few months ago ta's ngayon lang may ibabalik yung ex niya? And he agreed din na makipagkita after niyang sabihin sa akin na he was already done with her?

"Nakikipagbalikan ba siya sa iyo?"

"Puwede bang itigil na natin ang topic about her?"

"So, she did. Don't tell me nakipagbalikan ka?"

"Of course not."

"Pero may balak ka?" Nung hindi siya agad nakasagot, doon na ako tuluyang nawala sa mood. "You're really considering it."

"I'm not—"

"Alam mo, kausapin mo na lang ako kapag naka-move on ka na talaga."

At hindi ko alam na ayon na rin pala talaga ang huling beses na magkakausap kami. Kasi ngayon, ako na lang yung may kakayahang kausapin siya.

Muli akong humugot nang isang malalim na buntonghininga bago tuluyang umupo sa inilatag kong sapin sa lapag.

"Alam ko na kung ano yung nangyari sa ating dalawa," panimula ko. "Hindi na kasi dapat natin hinaluan ng romantic feelings yung platonic relationship natin, e," natatawa kong dugtong.

Natatawa ako pero ang bigat pa rin sa pakiramdam na sa gan'tong paraan ko na lang siya makakausap mula ngayon.

"Sabi nila, nasa huli lang ang pagsisisi. Pero bakit parang nasa unahan rin? Kasi una pa lang nagsisisi na kaya ako. I'm talking about how I feel towards you, ha," pagkaklaro ko bago nagpatuloy, "Kasi sa totoo lang, nung naramdaman kong I'm catching feelings na, dapat inihinto ko na agad, e. Hindi ko na dapat in-allow yung sarili na mas mahulog pa sa iyo. Kung gano'n siguro yung nangyari, hindi ganito ang kahihinatnan natin, 'no? Hindi ka sana magkakaganito.

"I'm sorry . . . at miss na kita," bulong ko sa hangin.

Nang namatay ang kandilang sinindihan ko kanina dahil nga sa hangin na sumalubong, inisip ko na lang na that was his way of saying back how he missed me, too.

"See you in another life," huli kong sabi bago muling inayos ang bulaklak na dala ko para sa kaniya. "Promise, hindi ito yung una't huling beses na makikita mo ako dito. Sa tuwing sobrang mami-miss kita, I will visit here. Well, that's the least thing I could do after I told you not to see me again the last time we saw each other."

Alam ko na kung makakapagsalita siya, sasabihin niya sa akin na huwag kong sisisihin ang sarili sa nangyari sa kaniya. Pero paano ko naman kasi hindi sisisihin ang sarili na kaya siya naaksidente ay dahil hinabol niya ako nung gabing 'yon para makapag-usap pa kami nang maayos?

Kung hindi lang sana nangyari 'yon, e 'di sana hindi niya puntod ang kausap ko ngayon.

WAKAS

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro