Sa Pagitan Ng Pagkapit At Pagbitiw
Sa Pagitan Ng Pagkapit At Pagbitiw
( SWP collaboration with SUGAinCupOfTae )
Sa kumapit:
Baka maiyak ako, maiyak ako 'pag inumpisahan ang tulang ito.
Baka naman, baka naman hanggang umpisa lang ang masabi ‘ko,
ngunit paano ‘ko mapipigil kung itong aking damdamin ang paulit-ulit na umuulit-ulit kung gaano kapait ang mga alaala at awit?
Awit na sa umpisa'y ubod ng tamis ngunit humantong sa hinagpis, bakit?
Bakit ako na lang ang kumapit sa pag-ibig na akala kong sa atin,
na wala na pala dahil ako na lang ang naniwala na ako lang at wala nang iba!
Kay sakit, sobrang sakit nang dinulot mong sugat, na kahit kailan 'di malulunasan ninuman.
Sapagkat kahit paulit-ulit mong wasakin, apakan at durugin ang puso kong sugatan ay ikaw at ikaw pa rin ang gustong balikan.
Patawad, dahil 'di ka kayang bitawan kahit na isandaang beses magpaalam.
Pagkat ikaw na kahit isa nang kasinungalingan ang bubuo pa rin sa'king pangarap.
kaya sana pagbigyan na lang.
Kahit ako na lang ang kumakapit, dito ka lang.
Hanggang sa matanggap na hanggang dito na lang, hanggang dito na lang.
Sa bumitaw:
Na hanggang dito na lang ako, ang tayo.
Na kahit sobra pa rin kitang mahal kailangan mo nang bumitiw dahil alam kong hindi na ako ang tamang tao na para sa'yo.
Sa dami ng mga mali kong nagawa't walang katapusan mong pang-unawa, ayoko nang umabuso pa.
Hindi tamang masaktan ka nang ganito, masaktan kita ng ganito.
Dahil alam ko, alam ko na sa bawat ngiti mo sa'kin sa t'wing inaamin kong nagkasala ako sa'yo'y ilang gabi rin ang iniluluha mo dahil dito.
Mahal, ramdam ko.
Ramdam ko na sa likod nang pagtupad mo sa mga pangako mo sa'ki'y mga tanong na bakit hindi ko pa rin magawang maging tapat sayo.
Mahal, alam ko.
Alam ko na sa bawat yakap mong mahihigpit at halik na may lambing ay kinukubli mo ang takot na baka, na baka iyon na ang huli nating pagsasama.
Kaya mahal, tama na.
Ayoko nang makita kang tumatawa ng malakas ngunit kulang na sa sigla.
Mahal, tama na.
Ayoko nang ikulong ka sa mga awitin natin noon na puno ng tamis at ngayo'y puno na ng pait.
Mahal, tama na.
Pagkat nadirinig ko sa t'wing tinatawag mo 'kong 'mahal' ang kaba na baka nadapa na naman ako sa iba!
Kaya mahal, tama na!
Dahil gustuhin ko mang sabihin sayo na lumaban pa tayo mahal, hindi ko na magawa pa.
Hindi dahil sa pagod na 'ko, ngunit dahil mahal din kita, sobrang mahal pa rin kita na mas gugustuhin ko nang mapunta ka na lamang sa iba kaysa, kaysa kasama nga kita ngunit labis naman ang iyong pagdurusa.
Sobrang mahal kita mahal, pero gago ako at di ko magawang ibigay sayo iyon ng buo.
Sobrang mahal kita mahal, pero tanga ako at nagawa ko pang humanap ng iba.
Kaya mahal ko, tama na.
Ayoko nang patuloy kang bigyan ng sugat na walang kalunasan,
ayoko nang umiyak ka nang umiyak na parating ako ang dahilan.
Tama na mahal, tama na.
Luluwagan ko na ang kapit sa iyong mga kamay kaysa higpitan pa ito hanggang sa mabalian ka, mabalian ka ng mga pangarap na magkasama nating binuo ngunit magkahiwalay na nating tutuparin.
Ayoko na mahal, ayoko na.
Hindi para sa'yo ang pagmamahal na paulit-ulit kang winawasak at hindi na mabuo.
Huwag na nating dagdagan pa ang isang-daan kong pagpapaalam at sa dulo nito'y sabay na tayong bumitiw.
Mahal kita mahal, pero h'wag ka nang kumapit pa.
Kaya mahal pakiusap, bitiw na.
Ang kumapit at ang bumitiw:
At sa pagitan ng pagkapit at pagbitiw,
'pagkapit na kahit masakit ay titiisin dahil mahal kita,
(Bakit mahal mo pa ako?)
Pagbitiw, dahil 'di na kaya pang makita akong nasasaktan
(makita kitang nasasaktan)
Kaya mahal,
ito na nga siguro ang hangganan.
Hangganan ng kwento nating mauuwi na sa paalam.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro