Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Isinulat Kita

Isinulat Kita

Isinulat kita hindi upang ipagmalaki,
kundi upang hindi na lumuhang muli.

Kagaya noon na parati akong nakahabol sa'yo,
inaasam na maunawaan mo ang nararamdaman ko.

Ikaw na naging sandigan ko noon,
sa mga panahong mundo ko'y gumuguho.

Ikaw na naging inspirasyon ko sa lahat,
ang siyang ikaw rin na sumira saki't nagwasak.

Kaya't isinulat kita upang mabawasan ang hapdi,
mula sa bawat pagtulak mo sa'kin ng matindi.
Hindi mo alam,
ni hindi mo alam kung ilang taon kong inintindi!
Kung bakit hindi mo ko magawang mahalin rin ng maigi?

Kaya't isinulat kita.
Isinulat kita upang maiba ko ang istorya nating dalawa,
na baka kapag itinatak ko sa papel ang iyong mukha.

Bakasakaling maiba ko ang takbo ng ating tadhana.
Kaya't isinulat kita!

Isinulat at ikinalat ko ang pagkatao mo sa bawat kong karakter,
maging sa mga linyang nakatha mula sa mga salitang sa'yo'y minsang nagmula.

Sa mga eksenang hinulma mula sa alaala ng ating pagsasama,
maging sa masasakit na parte sa'yo ko halos naibase.

Ngunit ilang libong beses man kitang isulat, isinulat, isinusulat,
makaubos man ako ng ilang papel at panulat.
Ganito pa rin ang wakas,
Ako'y naiiwang luhaan.
Ikaw pa rin ang umalis nang walang pakialam,
at bumalik na parang wala lang.

Dahil kahit isinulat kita,
walang magbabago.
Walang ikaw at ako,
kailanma'y walang naging tayo.

At sa huli, lalabas pa rin ang tunay na dahilan.
Isinulat kita,
dahil hanggang ngayon, mahal pa rin kita.

-KhioNnyx

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro