Kabanata 4: Dimitria
Matapos ang kanilang pagtatayo ng tent, dumeretso sila sa isang maliit na bahay upang maghapunan. Katabi ito ng medyo malaking bahay. Pagkain ang mga nakalagay roon at nagsisilbi na rin ito bilang kusina. Medyo malaki ang espasyo nito ngunit mas malaki ang katabi nitong modernong bahay.
Ipinahanda na ito ni Colin matapos n'yang magpaalam sa mga magulang n'ya. Swerte s'ya dahil pinapayagan s'ya ng mga magulang n'ya sa ganitong mga bagay. Sa bagay e, nag-iisa lang naman kasi s'yang anak ng mag-asawa kung kaya't bigay ang lahat ng layaw.
Pagpasok nila sa kusina, nakahanda na ang mga pagkain. Kanya-kanyang kuha na lang sila.
Bago kumuha si Thalassa ng pagkain n'ya ay inilibot n'ya muna ang paningin n'ya sa loob. May isang mahabang dining table at mga upuan, tantsa n'ya ay kasyang-kasya silang lahat dito. Yari rin sa kahoy ang lahat maliban sa katabing bahay nito, maganda kasi ang pagkakagawa no'n at mukhang hindi binasta-basta. Napapaisip na lang ang babae kung anong laman ng silid na 'yon.
"Thal, hindi ka pa kukuha ng pagkain mo?" Pukaw-atensyon sa ni Aaron sa kan'ya na hindi n'ya namalayang nasa tabi n'ya na pala.
Kanina pa rin nagsimulang magsikuha ang iba at nakaupo na sa lamesa habang kumakain.
"Ah oo, kukuha na ako," sagot n'ya bago kumilos. Naramdaman n'ya naman ang pagsunod ng lalaki sa likuran n'ya pero hindi n'ya na pinansin 'yon.
Mabait ang lalaki ngunit minsan, ang hirap nitong basahin. Parang may nais s'yang iparating ngunit hindi n'ya masabi-sabi kaya sa mga kilos na lang n'ya ipinapakita.
Aminado rin naman si Thalassa na matagal n'ya nang gusto ang lalaki magpahanggang ngayon. Ilang beses nang tinangka ni Thalassa na umamin sa kan'ya pero sa tingin n'ya'y, mukhang kaibigan lang ang tingin nito sa kan'ya dahil likas din sa lalaki ang palakaibigan. Sa takot na ma-reject ay nanatiling tago ang nararamdaman ng babae at tanging ang kakambal lang nito na si Roma ang nakakaalam ng tungkol do'n, ito lang ang pinagkakatiwalaan ni Thalassa, wala ng iba. Kaya paminsan-minsa'y, tinutukso ito ng nakababatang kapatid nang palihim sa lalaki kapag makikita n'yang magkalapit silang dalawa.
Iwinaksi n'ya sa kan'yang isipan ang bagay na iyon at kumuha na lamang ng kan'yang pagkain bago sila sinaluhan. Tumabi ito sa pagitan nina Anaya at Roma saka nagsimulang kumain.
"'Yong katabi nitong bahay, maaaring nagtataka kayo kung ano ang nasa loob no'n," panimulang salita ni Colin na nakapukaw ng atens'yon nilang lahat.
"Personal music room ko 'yon," mahinahon ngunit halata sa boses n'yang nagmamayabang s'ya.
Namangha naman ang iba habang ay iba'y blanko lang ang pagmumukha kasama na s'ya ro'n.
"Wow, ang astig mo talaga pre! Bakit hindi ka sumali sa banda nina Thalassa?" pag-uusisa ni Navy.
"Ayoko lang, may sarili akong musika kaya pinagawa ko ang music room na 'yon. Isa pa, mahilig lang talaga ako sa instruments kaya nagsilbing mga collection ko na rin ang mga 'yon."
"So, p'wede pala nating gamitin ang mga 'yon sa jamming natin?" Nakuha naman ng atens'yon nila si Yuri na katatapos lang kumain.
"Oo naman!"
"Ayos, ang astig dito tol! P'wede na ngang dito na ako tumira e, kahit hindi na ako umuwi sa amin!" tatawa-tawang sabi ni Saige.
"Ugok! Nang lapain ka ng mababangis na hayop dito!" pagsali ni Steven sa kanila.
"Gago, walang mabangis na hayop dito kahit ang likuran e, gubat. Sinisigurado ko 'yon sa inyo," pagdepensa naman ni Colin.
"Tama na 'yan. Mas mabuti pang magpahinga na muna tayong lahat para naman makapag-recharge kayo sa activity natin bukas," pag-awat ni Ma'am Carmen sa kanila.
"Iris, Fiore, at Priscilla, kayong tatlo ang in charge sa paghuhugas," wika naman ni Ma'am Jayla.
"What?! Itong mukhang 'to, maghuhugas ng mga hugasan? No way!" maarteng wika ni Fiore habang nakairap ang mga mata. Palibahasa'y kikay kaya gano'n kung umasta.
"Hindi naman mananatiling kayo ang maghuhugas araw-araw. May mga ia-a-assign din kami para r'yan. Kaya sige na, magsikilos na kayo," utos pa ni ma'am.
Tumalima naman ang dalawa habang pipila-pilantik lamang na sumunod si Fiore. May pagkamaarte ito pero hindi kagaya nina Sienna na sukdulan ng kaartehan sa katawan. Nakakasundo naman nila ito kahit papa'no maliban na lang kay Reed na walang ibang ginawa kundi bwisitin s'ya. Nagmumukha silang aso't pusa dahil kailanma'y hindi nila ito nakitang magkasundo kahit sa anumang mga bagay. Magkaaway talaga ang turingan nila sa isa't-isa kaya't minsan ay nakakantyawan sila ng buong klase.
Matapos madala ang lahat ng hugasan sa lababo, nagkanya-kanya na ulit sila. May mga lumabas na para mag-viewing at ang iba naman ay dumeretso sa kanilang tent, ang iba naman, tumungo sa rest house.
Bumalik na rin naman si Thalassa sa tent nila para mag-ayos ng mga gamit. Mag-a-alas-siete na ng gabi at maya-maya lang ay magpapahinga na rin sila.
Sa kan'yang pag-aayos ay bigla na lamang may bumulong sa kan'ya.
"Dimitria." Bigla s'yang kinilabutan at napalinga sa kan'yang paligid nang marinig ang pangalan na iyon.
"I-Ivy?" nauutal na bigkas n'ya nang hinarap n'ya ito.
Tahimik na naupo ang babae sa harapan n'ya habang may hawak na namang libro bago muling tumingin sa kan'ya nang seryoso.
Mahaba ang itim na itim nitong buhok habang natatakpan naman ng iilang bangs ang kan'yang mga mata. S'ya ang pinakabata sa kanilang klase pero maaga rin ang pag-matured ng kan'yang pag-iisip. Marami s'yang alam tungkol sa iba't-ibang lenggwahe kaya lang minsan ay napaka-weirdo nitong umakto.
"Death anniversary na n'ya bukas, hindi ba?"
"Ano bang sinasabi mo? T-tumigil ka sa mga sinasabi mo, Ivy. Bakit mo pa ba inuungkat ang tungkol sa taong isang taon ng patay?"
"Pare-pareho tayong may kasalanan, Thalassa. Hindi natin matatakasan ang kasalanang iyon. Oo nga't sarado na ang kaso ngunit sigurado rin ba tayong hindi na tayo patatahimikin ng mga konsensya natin?"
"Ivy, tumahimik ka!" Nag-hysterical na salita ni Thalassa habang ito ay parang hindi man lang nagkaroon ng kaunting takot sa kan'yang katawan.
"Guys, halikayo rito! Mag-aawitan daw tayo!" Napukaw ang atens'yon nila sa sumisigaw na si Gianna habang nakatayo sa gilid ng bonfire na ginawa nila. Halos kalahati ng klase ay naroroon na habang papunta pa lang ang iba.
Agad namang tumayo si Ivy na parang walang nangyari at naglakad patungo roon samantalang si Thalassa ay hindi pa rin maisalpak sa utak n'ya ang mga sinabi nito.
Natulala s'ya sa buhanginan habang nanlalaki pa rin ang mga mata.
"Hindi 'yon mangyayari... Hindi 'yon mangyayari... Hindi 'yon mangyayari," paulit-ulit na bigkas n'ya.
"Thalassa." Nagulat ito nang may biglang dumamping palad sa balikat n'ya kaya't napaatras ito. Dahan-dahan n'yang hinarap ang taong 'yon at nakita n'ya ang nagtatakang si Isla.
"Thalassa, ayos ka lang ba?" tanong nito bago ito pumantay at lumapit sa kan'ya.
Sinubukan n'yang ikalma ang kan'yang sarili at lumunok ng ilang beses bago sinagot ang babaeng nasa harapan n'ya, "O-oo naman, Isla. Ayos lang ako." Nginitian n'ya pa ito upang hindi na ito mag-usisa pa.
"Gusto lang sana kitang tanungin kung makikisama ka ba sa kanila?" Tinuro nito ang mga kaklase nilang nasa buhanginan na nakapalibot sa bonfire habang nagkakantahan.
"Oo, papunta na nga ako ro'n e." Tumawa pa s'ya nang bahagya kasabay nito ang kan'yang pagtayo.
"Tara na." Inalalayan pa s'ya nito sa beywang bago nagtungo sa kumpol ng mga kaklase nila.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro