Kabanata 16
Parang hinahalukay ang tiyan ko sa sobrang kaba. Dama ko ang namumuong pawis sa aking noo na sinabayan pa ng panlalamig ng mga palad ko.
Binasa ko ang aking pang-ibabang labi at pasimpleng sinulyapan si Rhys na prente at kalmadong nakikinig sa nagre-report sa unahan.
Si Rhys kasi ang gumawa ng report namin. Sinend lang niya sa akin sa messenger kagabi para mapag-aralan ko, ngunit sa kasamaang palad ay nasa ikalimang slides pa lang ako ng PowerPoint ay nakatulugan ko na.
Pagkalipas ng labing-limang minuto ay natapos na sina Shae. Napanguso ako sa inggit dahil kahit ginisa sila ng napakaraming tanong ng professor namin ay nasagot nila iyon nang maayos at wala man lang mababakas na kaba sa mukha.
Oh well, perks of being matalino.
“Be ready. Tayo na ang next,” malamig na wika sa akin ni Rhys.
Muli kong binasa ang aking pang-ibabang labi bago kinakabahang tumango. Mas lalo pang dumoble ang kalabog ng aking dibdib. Tulala ako habang sine-set-up ni Rhys ang projector sa unahan.
“Ayusin mo. Dapat masagot mo ang lahat ng tanong, huwag kang magkakalat...” mariing bulong ni Rhys, hindi ko alam kung paalala ba iyon o pagbabanta.
I took a deep sigh before flashing a smile to our professor. Rhys explained his part and I explained mine. Medyo nanginginig pa nga ang boses ko ngunit dinaan ko na lang iyon sa simpleng tikhim nang pandilatan ako ng ka-partner ko.
And as I expected, binato rin kami ng maraming tanong. May ilang nasasagot ko pero mas marami yata ang hindi. Good thing, mabilis na nasasalo ni Rhys ang tanong at matiwasay niya iyong nasasagot.
So far so good ang kinalabasan ng report... pwera lang yata rito sa babaeng katabi ko at kanina pa ngumangawa sa panggigigil.
“Ang ayaw ko talaga eh 'yong tinitira ako patalikod...” malakas na aniya at dinig ko ang impit na pagtawa ng mga ka-blockmates namin.
“Kung may galit ka sa 'kin, huwag mong sabihin sa iba, i-direkta mo kaagad sa akin. Paano tayo magsasampalan niyan?” patutsada pa nito.
Pinaparinggan nito iyong ka-partner niya na mabait lang kapag kaharap siya pero grabe siya kung siraan kapag nakatalikod. Wala na ngang ambag sa mga activities, malakas ang loob para magreklamo.
Maging si Shaeynna na tahimik na nakaupo sa isang sulok ay natatawa at napapailing na lang din sa kaibigan naming naghihimutok sa galit.
Sumulyap ako sa wristwatch ko at nang mapagtantong bakante pala kami ng dalawang oras ay naisipan kong lumabas muna ng campus para bumili ng damit na susuotion namin bukas nina Nanay sa birthday party ng Mommy ni Reyster.
Simpleng handaan lang iyon. Nothing extravagant, ika nga. Tanging malalapit na pamilya at kaibigan lang ang imbitado katulad nang nakasanayan.
May kaya man ang pamilya nila, hindi sila nababahiran ng kahit anong karangyaan o kayabangan sa katawan. Maging sa pananamit. Sa paraan ng pagkilos. Lahat ay napaka-natural.
Marami namang clothing boutique na nagkalat sa labas ng campus. Kasama ko si Trisha dahil magaling siyang pumili. Pinaghandaan ko talaga ang bagay na ito. Pinag-ipunan ko nang matagal mula sa baon na binibigay ni Nanay.
“Sino bang dadalo ro'n?” tanong ni Trisha habang pumipili ng damit para sa kaniyang sarili.
Tapos na kasi ako. Siya na lang ang hinihintay ko at didiretso na kami roon sa counter.
“Ako, si Nanay, si Albert, at Marie. Bakit?”
Ngumuso siya at pinagtaasan ako ng kilay. “Eh bakit lima 'yang binili mong damit? Apat na pambabae at isang panlalaki...”
Umawang ang labi ko, hindi makasagot. Pabalik-balik ang tingin ko sa kaniya at sa mga damit na nakasampay sa braso ko.
Nang wala siyang makuhang ni-isang sagot mula sa akin ay dahan-dahan siyang tumango. Batid kong hindi ko man sabihin ay naiintindihan na niya ang nais kong iparating.
“Wala pa bang balita kay Eunice? Hindi pa rin siya umuuwi?” bakas ang pag-aalala sa tono ng boses nito.
Naglalakad kami sa ilalim ng tirik na tirik na araw at kasalukuyang pabalik na sa building. Mula rito ay tanaw namin ang kaibigang si Terrence na naglalaro ng soccer sa field. Hindi na namin siya tinawag pa.
I took a deep sigh. “Hindi, eh. Sinubukan naman namin siyang hanapin kaso mahirap hanapin ang taong ayaw magpakita,” matabang kong tugon.
Bumalatay ang lungkot at pait sa aking sistema.
Totoo naman, 'di ba?
Pero kahit na gano'n, kahit na madalas kaming magtalo na parang aso't pusa, kahit na madalas kaming magpalitan ng maaanghang na salita ay hindi ko pa rin maitatangging nag-aalala ako sa kaniya.
Araw-araw. Minu-minuto. Walang oras na hindi siya sumagi sa isipan ko... pero kagaya nga ng sinabi ko, mahirap hanapin ang taong ayaw magpakita. Kaya ang hinihiling ko na lang ay sana'y nasa ligtas siyang kalagayan. Kumakain sana siya nang maayos at inalagaan nang kung sinumang poncio pilatong kasama niya ngayon.
“Bakit hindi kayo pumunta sa pulis para mag-report? Matutulungan kayo no'n sa paghahanap...” wika pa ni Trisha na agad ko ring tinanggihan.
Matagal ko nang naisip ang bagay na iyon. Kung tutuusin ay kaya namin siyang bawiin at ibalik sa bahay namin kaso hindi lang namin ginawa.
Napag-usapan namin ni Nanay ns hahayaan namin si Eunice sa kung anumang maging desisyon niya sa buhay. Hindi sa dahil wala kaming pakialam. Hindi dahil sa kinukunsinti. Gusto namin siyang matuto.
Hahayaan namin siyang kumawala. Hahayaan namin siyang mag-desisyon sa para buhay niya. Kung anumang consequence ng mga ginawa at ginagawa niyang desisyon ngayon, dapat matuto siyang harapin iyon bukas.
Ang sabi ni Nanay, may pagkakataon daw kasi na hindi mo madadaan sa simpleng pangaral lang ang mga bata. Hindi mo madadaan sa simpleng pagbabawal.
May mga pagkakataon na kailangan mo silang bitawan. May mga pagkakataon na kailangan mo rin silang pakawalan... at hayaan silang tumayo at matuto gamit ang sarili nilang mga paa.
Pero sa kabila nang lahat, naghihintay pa rin ako na isang araw ay kakatok siyang muli sa pinto na kahit kailan man ay hindi namin sinarado.
Maghihintay pa rin ako.
Kinabukasan ay maagang natapos ang aming klase dahil hindi sumipot ang professor namin sa panghuling subject.
Mula sa malayo ay natatanaw ko na ang pamilyar na Ford Raptor na nakaparada sa harap ng bahay namin. Sumulyap ako sa wristwatch. Alas kwatro pa lang ng hapon at ang usapan namin ni Reyster ay 6 o'clock niyan kami susunduin.
Ayaw ko pa sanang pumayag dahil alam kong abala rin siya sa pagtulong kay Tita pero nagpumilit siya kaya wala na 'kong nagawa.
Dalawang linggo kaming hindi nagkita kaya gano'n na lang ang pananabik ko. Malalaking hakbang ang ginawa ko para makarating agad sa bahay. Ramdam ko ang pabilis na pabilis na pintig ng aking dibdib. Sa kaba. Sa excitement. Dala ng labis na pagka-miss sa kaniya.
Gusto ko siyang yakapin nang mahigpit. Gusto ko siyang paulanan ng halik... ngunit unti-unting bumagal ang hakbang ko hindi pa man tuluyang nakakapasok sa loob ng bahay.
Ang malawak na ngisi sa aking labi ay unti-unting naglaho. Ang pananabik ay napalitan ng hindi maipaliwag na sakit at ang mga mata kong kumikinang sa saya kanina ay napalitan ng nagbabadyang luha.
Mula rito sa may pinto ay dinig na dinig ko ang malalakas na tawanan mula sa maliit naming salas.
Mukha akong tanga na nakatayo rito ngunit wala ni isang nakakapansin sa pagdating ko.
Ang mga mata nila'y nakatutok sa telebisyon at libang na libang sa pinapanood.
Ang mga paper bag na may tatak na mamahaling pangalan ay nakakalat sa sahig. Hindi na kailangang itanong pa kung saan galing iyon dahil alam ko namang pasalubong na naman iyon ni Reyster.
“Ang sarap naman nitong fried chicken na dala mo, Kuya Esteng!” ani Albert na nakaupo sa tabi ni Reyster habang kumakain ng fried chicken.
Reyster smiled sweetly. “Talaga? Nagustuhan mo?”
“Hmmm! Super!”
Tanging halakhak ang sinagot ni Reyster at ginulo ang buhok ng kapatid ko.
“At saka po itong dress na bigay niyo, ang ganda ganda!” sabat pa ng bunso kong kapatid na si Marie, bakas ang galak sa tono ng pananalita.
“Talaga? Nagustuhan mo rin?” Nagbaba ng tingin sa kaniya si Esteng. Nagniningning ang mga mata dahil sa mga natatanggap na papuri.
“Opo! Ang sarap sarap mo pong maging Kuya!” Humagikhik si Marie.
“Oo nga po. Ang swerte namin sa 'yo, Kuya! Sana ikaw na lang ang kapatid namin...” ani Albert sa maliit na tinig.
Parang sinuntok ang dibdib ko sa narinig. Nakakabingi. Nakakamanhid. Tila tumigil ang pag-ikot ng mundo ko. Hindi malinaw kung dahil ba iyon sa salitang sinabi ng kapatid ko o noong wala man lang naging masamang reaksyon si Nanay. Ni pagtaas ng kilay, pagkunot ng noo, o panlalaki ng mga mata na madalas niyang ginagawa kapag sinasaway kami ay hindi niya ginawa... bagkus ay tipid pang ngumiti kay Reyster.
“Ano ba kayo? Kuya n'yo naman talaga ako pero alam n'yo bang mas maswerte kayo dahil may Ate kayo. Love na love kayo no'n tapos ang sipag sipag pa!” nakangiting sabi ni Reyster.
“Mas maswerte tayo dahil mayroon tayong Eloisa...” he added.
Kinagat ko ang aking labi upang pigilan ang pagpatak ng nagbabadyang luha. Tangina. Kung sa ibang pagkakataon ay baka kinilig na ako, pero dahil sa mga nakita at narinig ay ni hindi man lang nabawasan ang bigat ng nararamdaman ko.
Akmang tatalikod na ako paalis nang hindi sinasadyang mag-angat ng tingin si Reyster sa may pintuan, sa gawi ko. Umawang ang kaniyang labi at bumakas ang pagkabigla.
“M-Mahal!” Natataranta siyang tumayo mula sa inuupuang sofa, tumakbo ito papalit sa akin.
Sinalubong niya ako ng mahigpit na yakap. Marahas ang pagtaas-baba ng kaniyang dibdib. Dama ko ang mabilis na tibok ng kaniyang puso.
Samantalang ako'y nanatiling nakatayo at hindi gumagalaw. Tiningnan ko si Nanay at mga kapatid ko na hindi man lang pumitlag mula kinauupuan. Tanging tango lang ang natanggap ko kay Nanay.
Pilit kong kinakalma ang sarili. Pilit na inuurong ang mga luhang nagbabadya sa pagpatak.
“Na-miss kita...” mahinang saad niya ngunit sapat na para marinig ko.
Nang mas lalo pa niyang higpitan ang pagkakayakap sa akin ay wala na akong nagawa kundi ang suklian iyon.
“Na-miss din kita... sobra.” sagot ko pabalik.
Magpapanggap akong walang narinig. Magpapanggap akong hindi nasasaktan. Kahit na sa loob-loob ko'y unti-unti nang dinudurog puso ko sa sakit. Kahit na nararamdam ko ang dahan-dahang pagkalat sa katawan ko ng inggit.
Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro