Chào các bạn! Vì nhiều lý do từ nay Truyen2U chính thức đổi tên là Truyen247.Pro. Mong các bạn tiếp tục ủng hộ truy cập tên miền mới này nhé! Mãi yêu... ♥

Chapter 9

PANAY ang sulyap ni Vilma sa orasan. March seventeen sa araw na iyon, ang araw kung kailan magtatanan sina Pio at Blessilda. Mahigit dalawang linggo na siyang nagdedebate sa sarili niya kung ano ang tama niyang gawin. May mga pagkakataong naiisip niyang pabayaan na lamang ang mga ito at mayroon ding mga pagkakataong ibig niyang makialam.

Hindi niya sinabi sa kahit na sino ang nalalaman niya. At heto na nga, hindi niya alam kung ano ang gagawin niya. Kahapon pa niya naisip na sabihin kay Aling Marissa ang lahat ng kanyang nalalaman ngunit malaki ang hinala niyang hindi ito makikialam sa kung ano ang gustong gawin ng anak nito. Ilang ulit na niyang narinig dito ang pamumuri nito sa anak, na responsable raw si Pio, mabait, malayo ang mararating, at may tiwala ito sa lalaki.

Alas-sais na ng gabi at hindi pa rin niya alam kung ano ang gagawin niya at kanina pa siya natetensiyon. Ilang ulit na siyang napuna ni Mama Vangie na para raw siyang engot sa araw na iyon, sa tuwing tatawagin siya nito ay hindi siya nakkatugon agad. Kahit ang pagkain ng mga kapatid niya ay hindi niya agad naasikaso. Pero paano siya makakakilos sa kaalamang nasa isip niya?

Alas-siete ng gabi ay nakabuo siya ng desisyon. Bahala na. Kailangang mapigilan ang pangyayaring iyon. Para rin iyon sa kapakanan ng lahat. Ano ang mangyayari kung ganito kaaga ay mag-aasawa si Pio? Ito na rin mismo ang nagsabi na mayroon itong nakuhang scholarship sa UP. Iiwan nito iyon para kay Blessilda? Parang hindi niya matanggap.

At kung sakali man na maging maayos ang lahat, inaasahan ba nitong matatanggap ito ng pamilya ni Blessilda? Baka buong buhay nito ay lait-laitin lang ito ng mga iyon. Anu't anuman, hindi dapat matuloy ang plano ng dalawa. Hindi pa alam ng mga ito ngayon na masama ang gagawin ng mga ito pero siguro ay mauunawaan din ng mga ito iyon.

"Mama, pupunta lang po ako sa simbahan," paalam niya kay Mama Vangie na agad pumayag. Umalis na siya. Ngunit hindi siya sa simbahan nagpahatid sa tricycle kundi sa bahay nina Blessilda. Hindi niya inaasahan ang mga magulang nito ngunit naroon ang dalawa.

"Ano'ng kailangan mo?" tanong agad ng ina nito, nakataas ang mga kilay.

"Magandang gabi po. Itatanong ko lang po kung alam ninyo kung nasaan si Blessilda."

"Nagsimba siya."

"Pero alam ba ninyong magtatanan siya ngayong gabi?"

Sukat sa sinabi niya ay agad siyang pinapasok nito. Nasa sala ang ama ni Blessilda. Agad ibinalita rito ng ina ni Blessilda ang sinabi niya at agad siyang tinanong ng lalaki.

"Paano mo nalaman 'yan? Sigurado ka ba?"

"Opo. Noon pong J.S. namin, narinig ko sila ni Pio na nag-uusap. Ngayong gabi daw po sila magtatanan, doon sila magkikita sa likod ng simbahan, alas-otso."

Nagmura ang ama ng babae at agad na lumabas. Isinama siya ng dalawa sa simbahan. Mag-a-alas-otso na at eksakto ang pagdating nila sa likod ng simbahan. Naroon na sina Pio at Blessilda. Agad na nilapitan ng ama ng babae si Pio.

"Ilang ulit na kitang sinabihan, punyeta ka!" singhal nito sabay suntok sa lalaki. Agad siyang lumapit sa mga ito, ikinalang ang sarili sa pagitan ng dalawa.

"Hindi ko sinabi sa inyo ang tungkol dito para saktan ninyo si Pio!" angil niya. Halos manginig siya sa galit.

"Wala akong pakialam sa 'yo!" singhal sa kanya ng lalaki. Nilapitan nito ang anak at halos kaladkarin palayo. "I am through with you, young woman! I will send you abroad this time!"

Hindi siya pinansin ni Pio. Bahagya siya nitong hinawi at naglakad patungo sa pamilya. "Nagmamahalan po kami ni Blessilda, Sir."

"Bakit, may ipapakain ka na ba sa anak ko? Ano ang pinagmamayabang mo? Ang suweldo mo sa perya? Ang suweldo ng nanay mo sa paglalabada? Ang lakas ng loob mo. Kilala ko ang mga tulad mo. You're only after our money, you trash!"

"Hindi po totoo 'yan, Sir!"

"Wala akong pakialam kung ano ang totoo sa isip mo, boy. Hindi mo kayang ibigay ang luho ng anak ko. Dahil kapag sumama siya sa 'yo, wala siyang mamanahin sa amin ni isang kusing. Ayaw ko nang makita ang pagmumukha mo, naiintindihan mo? Hindi ka na kailanman magpapakita kay Blessilda!"

"Sir, nakikiusap po ako sa inyo. Hindi na po kami magtatanan, pero sana payagan ninyo kaming magkita. Mahal ko po si Blessilda. At mahal din niya ako," patuloy na pakiusap ni Pio kahit hindi na ito pinapansin ng ama ni Blessilda na bitbit pa rin ang anak palayo.

Nakasunod siya sa mga ito, ibig awatin si Pio lalo na at nagdurugo ang gilid ng labi nito. Ngunit ang bawat pagdantay ng kamay niya sa braso nito ay iwinawaksi nito. Isinakay na ng ama ni Blessilda ang babae sa kotse, saka sumakay na rin ito. Habang umaandar palayo ang sasakyan ay patuloy ang pakiusap ni Pio rito hanggang sa tuluyan nang makalayo ang sasakyan.

Nakasapo sa ulo ang lalaki. Nilapitan niya ito.

"P-Pio—"

"Wala kang pakialam sa amin! Bakit nakialam ka?! Sino ka ba?!"

Bagaman nasaktan siya sa sinabi nito ay nauunawaan niyang galit lang ito. "Nagdurugo ang labi mo, Pio. Ang mabuti pa, umuwi na muna tayo sa perya—"

"Hinding-hindi na ako babalik doon! Alam mo ba kung ano ang ginawa mo, ha? Alam mo ba?"

"Nagmamalasakit lang ako sa 'yo—"

"Malasakit? Malasakit? Ito? Para sa 'yo, pagmamasalakit ito? Ilalayo na nila si Blessilda, dadalhin sa lugar kung saan hindi ko na siya puweeng sundan! Ito ba ang malasakit na sinasabi mo?!"

"Galit ka lang ngayon pero maiintindihan mo rin. Ang bata-bata pa natin. Hindi pa tamang magtanan ka—"

"Ano'ng alam mo? Ikaw ang bata, ikaw ang walang alam sa mundo. Ang alam mo lang maglaro, wala kang alam sa totoong buhay. Lumaki kang naibibigay sa 'yo ang lahat ng gusto mo. At pakiramdam mo may karapatan kang makialam sa buhay ng may buhay. Wala kang alam. Musmos ka pa. Sana lumaki kang mas maayos ang pananaw sa buhay. Sana maturuan ka kung paano magparaya sa ibang tao. Sana ilagay mo sa isip mo na hindi lahat ng gusto mo, kaya mong makuha. Umuwi ka na."

"Pio—"

"Umuwi ka na!" singhal nito saka tumalikod. Sinundan niya ito ngunit sumakay na ito sa jeep. Bigla siyang napahagulgol sa kanyang palad. Umiyak lang siya nang umiyak hanggang sa manakit na ang lalamunan niya. Nag-tricycle na siya pauwi sa perya. Tuluy-tuloy siya sa kanilang bahay at doon ay nagkulong sa kanyang maliit na silid.

Kinabukasan ay naghintay siya sa pagbalik ni Pio ngunit hindi na ito bumalik sa perya. Makalipas ang dalawang araw ay nagtungo si Aling Marissa sa kanilang bahay at sinabing hindi na raw nakapagpaalam ang anak nitong tumuloy na sa Maynila. Ni hindi na pala dadalo ng graduation ang lalaki at luluwas na rin ng Maynila si Aling Marissa.

Nang papaalis na ito ay hinabol niya ito. "Aling Marissa? Puwede ko po ba kayong makausap?"

"Naku, Vilma, nagmamadali ako. Paluwas pa akong Maynila."

"Si P-Pio po?"

"Nauna na roon sa akin."

"P-pakisabi na lang po sa kanya na sorry."

Tumango ang matanda matapos siyang pagmasdan. Sa tingin pa lang nito sa kanya ay nahulaan na niyang alam nito ang lahat ng pangyayari. Inabot nito ang kanyang kamay at pinisil.

"Tama ang ginawa mo. Sana sa akin ka nagsabi pero tama ang ginawa mo. Mauunawaan niya rin pagdating ng panahon."

Ngunit walang ginhawa siyang nadama sa pahayag nito. Galit sa kanya si Pio, hindi na niya kailangan ng manghuhula para malaman iyon. Tumalikod na ang matanda at nanatili lang siya sa kinatatayuan niya, hindi maipaliwanag kung bakit tila naging solido ang hangin at kay hirap ipasok sa kanyang mga baga. Namimigat ang dibdib niya at parang naluluha siya sa katotohanang hindi na niya kailanman makikita si Pio. At marahil galit na galit na galit ito sa kanya.

Bạn đang đọc truyện trên: Truyen247.Pro